Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g88 8/22 p. 6-8
  • Ang mga Tao ay Humahanap ng Lunas

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang mga Tao ay Humahanap ng Lunas
  • Gumising!—1988
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Inaasahang Disarmamento
  • Ang Suliranin ng Pagtiyak sa Katotohanan
  • Ang Bantang Nuklear—Hindi Pa Tapos
    Gumising!—1999
  • Digmaang Nuklear—Sinu-sino ang mga Nagbabanta?
    Gumising!—2004
  • Ang Bantang Nuklear
    Gumising!—1988
  • Digmaang Nuklear—Isang Banta Pa Rin ba Ito?
    Gumising!—2004
Iba Pa
Gumising!—1988
g88 8/22 p. 6-8

Ang mga Tao ay Humahanap ng Lunas

“ANG doktrina ng MAD [Mutual Assured Destruction] ay masama. May isang bagay na nakapangingilabot, at masahol pa, sa pagbabatay ng ating katiwasayan sa ating kakayahang patayin ang mga babae at mga batang Ruso. At lalo pa ngang masisisi​—kung posible iyan​—na kusang paramihin ang pagkalantad ng ating mismong lahi sa nuklear na pagkawasak upang matupad lamang ang mga kahilingan ng isang mahirap unawain, makasaysayan, hindi pa napatunayan at hindi makatuwirang teoriya.” Ang mga salitang ito, na binigkas ni Senador William Armstrong ng E.U., ay nagpapabanaag ng kaasiwaan na nadarama ng maraming Amerikano tungkol sa depensa na batay sa kakayahang gumanti.

Bilang isang mapagpipilian, noong Marso 1983, iminungkahi ni Presidente Reagan ng E.U. ang SDI (Strategic Defense Initiative), mas kilala bilang Star Wars. Sabi niya: “Tinatawagan ko ang pamayanan ng siyensiya na nagbigay sa atin ng mga sandatang nuklear na ibaling ang kanilang dakilang mga talino sa kabutihan ng sangkatauhan at sa kapayapaan ng daigdig: na bigyan tayo ng paraan na gawing walang kaya ay lipás na ang mga sandatang nuklear na ito.”

Naiisip ni Reagan ang pagkakaroon ng magagaling na sandata, adelantado sa teknolohiya​—mga X-ray lasers, electromagnetic rail-guns, kinetic-kill vehicles, neutral-particle-beam weapons​—na magtatanggol sa Amerika at sa mga alyado nito sa pamamagitan ng pagwasak sa mga missiles ng kalaban bago pa nito marating ang kanilang mga target.

Gayunman, ang SDI ay mainit at malawakang pinagtalunan sa simula pa. Sinasabi ng mga katalo na imposible sa teknolohikal na paraan na lumikha ng isang hindi tumutulong “payong” laban sa isang determinadong pagsalakay​—at ang isang tumutulong “payong” ay walang silbi laban sa mga sandatang nuklear. Binubuod ang iba pang mga pagtutol, isang kongresista sa E.U. ay mapang-uyam na nagsabi na “maliban sa bagay na ang sistemang SDI ay maaaring iwasan sa pamamagitan ng paglipad nang mababa, daigin, dayain, hindi maaaring patakbuhin ng mga tao kundi ng mga computer lamang, ang sistema ay sisira sa maraming kasunduan sa pagsupil sa mga armas at maaaring pagmulan ng isang digmaang nuklear, . . . ito ay hindi isang masamang sistema.”

Masidhing tinututulan din ng Unyong Sobyet ang SDI. Sinasabi nila na nais lamang ng Amerika na gumawa ng isang kalasag upang magamit ang sandata. Ang mga opisyal ng E.U. naman, ay nagpaparatang sa mga Sobyet ng lihim na paggawa ng kanilang sariling estratihikong sistema sa depensa.

Sa paanuman, ang SDI ay magiging totoong magastos na gawain at gamitin. Ang mga tantiya ay mula 126 bilyon hanggang 1.3 trilyong

U.S. dolyar. Kung ihahambing, ang buong U.S. Interstate Highway System ng E.U. ay nagkakahalaga ng $123 bilyon! Gayumpaman, bilyun-bilyong mga dolyar ang naibahagi na ng Kongreso ng E.U. sa pananaliksik na SDI.

Inaasahang Disarmamento

Sabi ng Sobyet na Ministri sa Depensa: “Ang mga Sobyet ay kumbinsido na ang disarmamentong nuklear ang pinakamaaasahang garantiya na ang kapahamakang nuklear ay mahahadlangan.” Sa kabila ng matatayog na mga mithiin, ang paligsahan sa armas ay mabilis na nagpapatuloy.

Ang pangunahing hadlang sa disarmamento? Ang kakulangan ng pagtitiwala. Ang Soviet Military Power 1987, isang publikasyon ng Kagawaran ng Depensa ng E.U., ay nagpaparatang sa Unyong Sobyet ng ‘paghahangad ng pananakop sa daigdig.’ Ang Whence the Threat to Peace, inilathala ng Ministri ng Depensa ng U.S.S.R., ay bumabanggit naman tungkol sa “imperyal na ambisyon ng [E.U.] na ‘magpuno sa daigdig.’ ”

Kahit na nang magtipun-tipon para sa mga pag-uusap para sa pagsupil sa mga armas, ang magkabilang panig ay nagparatang sa isa’t isa ng pagkakaroon ng mapag-imbot na mga motibo. Kaya pinaratangan ng nabanggit na publikasyong Sobyet ang Estados Unidos ng “pagharang sa pagsulong tungo sa disarmamento sa lahat ng dako” sa pagsisikap na “magsagawa ng internasyonal na kapakanan mula sa malakas na katayuan.”

Sabi naman ng Estados Unidos na ang pagsupil sa mga armas ay isa lamang pakana ng Sobyet upang itago ang “umiiral na mga bentahang militar. . . . At, nakikita [ng Moscow] ang mga negosasyon sa pagsupil sa armas bilang isang paraan ng pagpapasulong sa mga layuning militar ng Sobyet at pahinain ang pagtangkilik ng publiko sa mga patakaran at mga programa ng Kanluraning depensa.​—Soviet Military Power 1987.

Ang kasunduan kamakailan na alisin ang nakapagitang mga range missile ay waring isang malaking pagsulong. Ito ang kauna-unahang kasunduan na aktuwal na magbabawas​—hindi basta takdaan​—ang mga sandatang nuklear. Gayumpaman, hindi kayang alisin ng gayong kasunduan, makasaysayan man ito, ang lahat ng mga sandatang nuklear.

Ang Suliranin ng Pagtiyak sa Katotohanan

Gayunman, ipagpalagay nang ang lahat ng mga kapangyarihang nuklear ay aktuwal na sumang-ayon sa ganap na disarmamento. Ano ang pipigil sa alinman o sa lahat ng bansa na magdaya​—hindi inaalis ang ipinagbabawal na mga sandata o lihim na ginagawa ito?

Si Kenneth Adelman, dating direktor ng U.S. Arms Control and Disarmament Agency, ay nagsabi: “Ang pag-aalis ng mga sandatang nuklear ay mangangailangan ng pinakamalawak at pinakamapanghimasok na sistema ng pag-iinspeksiyon sa isang dako na maaaring maisip ng sinuman. . . . At, iyan ay mangangahulugan ng walang katulad na hayagang panghihimasok ng dayuhan sa bahagi ng lahat ng bansa.” Mahirap isipin na ikakapit ng alinmang bansa ang gayong bukas-sa-lahat na patakaran.

Subalit ipagpalagay pa natin na sa paanuman napagtagumpayan ng mga bansa ang lahat ng hadlang na ito at nagbawas ng armas. Ang teknolohiya at kaalaman na kinakailangan upang gumawa ng bomba ay umiiral pa rin. Kung sumiklab ang isang karaniwang digmaan, nariyan lagi ang posibilidad na ito ay maaaring tumindi hanggang sa punto na kung saan ang mga sandatang nuklear ay maaaring likhaing-muli​—at gamitin.

Si Hans Bethe, isa sa mga physicist na tumulong sa paggawa ng unang bomba atomika, sa gayon ay nagsabi kamakailan: “Akala namin masusupil namin ang genie. Ayaw nitong bumalik sa loob ng bote, subalit may makatuwirang mga dahilan sa pag-aakala na masusupil namin ito. Batid ko ngayon na ito ay isang ilusyon.”

[Larawan sa pahina 7]

Sinasabi ng iba na ang pagtatanggol laban sa isang nuklear na pagsalakay ay nakahihigit kaysa pagganti pagkatapos ng isang pagsalakay

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share