Binugbog na mga Asawa—Pagmamasid sa Likod ng Nakapinid na Pinto
ANG panggugulpí sa asawa ay nakagugulat na nagiging pangkaraniwang pangyayari. Ang magasing Psychology Today ay nag-uulat na “isa sa 10 mga babae ay malubhang sasalakayin (susuntukin, sisipain, kakagatin o masahol pa) ng kaniyang asawa sa panahon ng kaniyang pag-aasawa.” Pagkalipas ng isang taon ipinakita ng magasing Family Relations na lalo pang lumaki ang problema, binabanggit na “isa sa dalawang babae sa Estados Unidos ang daranas ng karahasang pampamilya.” Sa Canada, sang-ayon sa isang report noong 1987, isa sa bawat sampung babae ang mabubugbog. Sa iba pang mga bansa ang mga tantiya ay halos pareho.
Isang district attorney sa New York ay nagsasabi pa ng karagdagang patotoo sa lumalagong problema ng binugbog na mga asawa. “Ang karahasan laban sa mga babae ay umiiral sa epidemikong katumbasan sa lipunang Amerikano. Tinataya ng FBI na isang asawa ay ginugulpí sa bawat 18 segundo, at na kasindami ng 6 na milyong mga babae ang binubugbog taun-taon.” Natiyak na “ang panggugulpí-sa-asawa ay lumilikha ng mas maraming pinsala sa mga babae na kailangan maospital kaysa lahat ng kaso ng panghahalay, pananalakay at mga aksidente sa kotse na pinagsama-sama.” Mga 4,000 babae ang namamatay taun-taon.
Kung ang pagmamalupit sa asawa ay isang pinakaiingatang lihim ng pamilya, baka hindi kailanman paghinalaan niyaong pinakamalapit sa nambubugbog na asawang lalaki, gaya ng kaniyang matalik na mga kaibigan, mga kasama sa trabaho, o mga membro ng pamilya sa labas ng bahay, na siya ay isang manggugulpí ng asawa. Maaaring mahusay siyang kumilos sa kaniyang trabaho at sa lipunan, kadalasang iginagalang ng kaniyang mga kasama bilang isang uliran. Maraming mga mambubugbog ang lumalayo sa away sa isang bar, sa kalye, o sa dako ng trabaho. Marami ang bukas-palad sa isa na nangangailangan.
Gayunman, sa kanilang kabiyak ang pinakamaliit na bagay ay maaaring magpagalit sa kanila—pagkaing hindi naihanda sa oras, ang maling klase ng pagkain, ang istilo ng damit ng babae na hindi niya gusto, nais ng babae na panoorin ang isang bagay sa telebisyon at iba naman ang nais niyang mapanood. Isinisiwalat ng isang pag-aaral Britano tungkol sa binugbog na mga asawa na sa 77 porsiyento niyaong sinalakay, ang mga panggugulpí ay hindi sinimulan ng mga pagtatalo. Ipinakikita ng mga report na sa maraming kaso ang pambubugbog ay nagsimula sa isang bagay na “walang halaga gaya ng pagbasag ng asawa sa pula ng itlog o ang pagtatali ng babae ng kaniyang buhok.”
Isang asawang lalaki na ginugulpi ang kaniyang asawa ay umamin na siya ay “nagalit sapagkat ang asawa niya ay nagkabuhul-buhol sa mga sapin ng kama.” Sa “galit” niya ay sinipa niya ang babae anupa’t ito’y nahulog sa kama at saka malakas na iniuntog niya ang ulo nito sa sahig na naging sanhi ng pagkaalog ng utak. Sabi ng isang pinagmalupitang asawa na dumanas ng mga taon ng panggugulpí: “Ang isang insidente ay maaaring udyok ng pagkalimot [ko] na ilagay ang isang partikular na bagay sa hapag kainan.”
Tinataya ng isang asawang babae ng tatlo at kalahating taon na siya ay binugbog nang halos 60 beses sa panahon ng kaniyang pag-aasawa. “Hindi niya naiibigan ang mga kaibigan ko,” sabi niya. “Unti-unting hindi na ako nakipagkita sa kanila.” Sa wakas itinigil niya ang pakikipagkita sa kaniyang pamilya sapagkat hindi sila naiibigan ng lalaki. “Kung tatawagan ko sila, sapat na dahilan na iyan sa isa pang pambubugbog,” sabi niya. Ganito naman ang sabi ng isa pang pinagmamalupitang asawa: “Sa wakas tinatanong ko siya kung ano ang dapat na maging pagkilos ko—kung ano ang uulamin sa hapunan, kung paano aayusin ang muwebles.”
Ipinakikita ng mga pag-aaral na ang pambubugbog sa asawa ay mas malamang na mangyari sa gabi, o sa dulo ng sanlinggo. Dahil dito, mas malamang na makaengkuwentro ng mga kawani sa ospital ang isang babaing grabeng binugbog kaysa kaniyang manggagamot. Ang mga pinsala na maaaring ipagamot ng binugbog na asawa ay kadalasang kinabibilangan ng nagdurugong sugat, lalo na sa ulo at sa mukha. Karaniwan din ang mga pinsalang panloob—pagkaalog ng utak, butas-butas na eardrum, at mga pinsala sa tiyan lalo na kung ang asawa ay nagdadalang-tao. Karaniwan na, makikita ang mga marka ng pagsakal sa leeg. Sa maraming kaso, kailangang ayusin ang nabaling buto—sa panga, kamay, paa, tadyang, at balagat. Ang ibang mga biktima ay baka ipinadadala sa mga sentrong gumagamot ng pasò para gamutin dahil sa nabanlian ng likido o asido.
Ganito ang sabi ng isang manunulat tungkol sa nambubugbog na mga lalaki: “Ang mga lalaking ito ay tunay na kilabot. Kinukulong nila ang mga babae sa kanilang silid, binabali ang kanilang buto, nilulumpo nila sila. Sinusugatan nila sila sa pamamagitan ng kutsilyo, sinusubok ang mga droga sa kanila, sinusuntok sila sa mukha, sa sikmura, sa suso. Tinututukan nila sila ng baril sa ulo—at pinapatay nila ang mga ito.” May mga report tungkol sa mga asawang ikinakadena sa kanilang kama, inaalisan ng kawad ang kotse upang hindi ito makatakbo, mga banta na pagpatay sa babae at sa kaniyang mga anak kung susubukin niyang tumakas. Ang malungkot na mga pangyayari ay walang katapusan.
Karagdagan pa sa pisikal na pananakit, na maaaring mangyaring madalas, ay ang mga banta at pagpaparatang, ang pagmumura, ang panlulumo, ang mga bangungot, at ang di pagkatulog.
Anong klaseng lalaki ang mananakit sa kaniyang kabiyak—isang babae na maaaring madalas niyang sinasabing minamahal niya at na hindi siya maaaring mabuhay na wala ito? Isaalang-alang ang kaniyang katangian sa susunod na artikulo.