Nambubugbog na mga Asawa—Isang Malapitang Pagmamasid
NAGKAKAISA ang mga eksperto na ang mga mambubugbog ng asawa ay karaniwang may iisang katangian. Mga doktor, abugado, opisyal ng pulisya, opisyal ng hukuman, at mga social worker—na ang trabaho ay nagdadala sa kanila sa araw-araw na pakikitungo sa karahasan sa pamilya—ay sang-ayon dito. Sabi ng isang opisyal sa hukuman: “Ang narcissismo—iyan ang pangunahing katangian. Ang pagkakahawig sa pagitan ng mambubugbog at ng bata ay lubhang kataka-taka. Mga kuwento tungkol sa mga sumpong ay sinasabi sa amin ng lahat ng babae na pinakikitunguhan ko. Ang mambubugbog ay maaari lamang makaugnay sa daigdig sa mga kondisyon ng kung paano nito pangangalagaan ang kaniyang pangangailangan.” Binabansagan ng opisyal na ito ang mambubugbog na “sociopathic,” ibig sabihin siya ay walang kaya na isaalang-alang ang mga kahihinatnan ng kaniyang mga kilos.
“Kapansin-pansin,” sabi ng isang manunulat, “ang mga nagmamalupit na lalaki ay karaniwang nagdurusa dahil sa mababang pagtingin-sa-sarili, ang katangian ding iyon na sinisikap nilang iulok sa kanilang mga biktima.” “Ang Pagkamapag-angkin at paninibugho, gayundin ang di-kasapatan sa sekso at mababang pagpapahalaga-sa-sarili, ang karaniwang mga katangian ng mga lalaking nambubugbog ng mga babae,” sabi ng isang report sa pahayagan. Sumasang-ayon sa katangiang ito ng nagmamalupit sa asawa, isang kilalang saykayatris ang nagsabi pa: “Ang pambubugbog ay isang paraan na ginagamit ng lalaking walang kaya upang patunayan ang kaniyang pagkalalaki.”
Maliwanag na ginagamit ng nagmamalupit na lalaki ang karahasan bilang isang kasangkapan upang panatilihin ang pagkontrol at ipakita ang kaniyang kapangyarihan sa kaniyang kabiyak. Ganito ang sabi ng isang nagmamalupit sa asawa: “Kung ihihinto namin ang panggugulpí, mawawalan kami ng kontrol. At iyan ay hindi sukat akalain, hindi matitiis.”
Kadalasan, walang kadahi-dahilan, ang nambubugbog na asawa ay hindi makatuwirang mapang-angkin at naninibugho. Maaaring gunigunihin ng lalaki ang romantikong kaugnayan sa pagitan ng kaniyang asawa at ng kartero, ng nagrarasyon ng gatas, ng isang matalik na kaibigan ng pamilya, o ng sinuman na kausap niya. Bagaman maaaring tinatrato niya nang masama ang kaniyang asawa, sinasaktan ito, ang lalaki ay takot na takot na hiwalayan o na mawala ang asawa sa buhay niya. Kung ang pinagmamalupitang asawa ay nagbabantang layasan siya, baka pagbantaan niya na patayin ang babae at ang kaniyang sarili.
Ang paninibugho ay kadalasang lumilitaw kapag ang asawa ay nagdadalang-tao. Maaaring ipalagay ng lalaki na siya ay nanganganib dahil sa posibilidad na ang pagmamahal ng kaniyang asawa ay malalayo na sa kaniya, na ang sanggol ngayon ang magiging sentro ng atensiyon. Iniuulat ng maraming babae na ang unang tanda ng pagmamalupit ng lalaki ay nang sila’y marahas na suntukin sa tiyan ng kanilang asawa noong kanilang unang pagbubuntis. “Ang narcissismo na dinaranas niya ay naglalagay sa kaniya sa isang posisyon kung saan maaaring aktuwal na sikapin niyang patayin ang ipinagbubuntis na sanggol,” sabi ng isang opisyal sa hukuman.
Isang Siklo ng Karahasan
Isa pang katangian ng mambubugbog ng asawa ay ang naranasang siklo ng karahasan, gaya ng pinatunayan ng maraming binugbog na asawa. Sa unang tagpo, ang lalaki ay maaari lamang magmura, ginagamit ang masasakit na salita. Maaaring pagbantaan niyang kunin sa babae ang mga bata, sinasabi sa kaniya na hindi na niya muling makikita sila. Palibhasa’y inaakala ng babae na siya’y nanganganib, maaaring aminin ng babae na ang lahat ay kasalanan niya, tinatanggap ang pananagutan sa malupit na pag-uugali ng lalaki. Ang babae ngayon ay hawak na niya sa kaniyang mga kamay. Siya ay nagkakaroon ng kapangyarihan. Subalit kailangang magkaroon siya ng higit pang pangingibabaw. Ang unang yugtong ito ay maaaring dumating anumang panahon pagkatapos ng kasal—kung minsan sa loob ng ilang linggo.
Ang ikalawang yugto ay maaaring dumating na may matinding silakbo ng karahasan—pagsipa, pagsuntok, pagkagat, pagsabunot, paghagis sa kaniya sa sahig, pakikipagtalik sa kaniya sa marahas na paraan. Sa kauna-unahang pagkakataon, baka matanto ng babae na wala siyang kasalanan. Ikinakatuwiran niya na marahil ang sanhi ay isang panlabas na pinagmumulan—kaigtingan sa dako ng trabaho o hindi makasundo ang mga kasama sa trabaho.
Kasunod ng silakbo ng karahasan, ang babae ay naaaliw ng mataos na pagsisisi ng kaniyang asawa. Ang lalaki ngayon ay nasa ikatlong yugto ng siklo. Pinauulanan niya ang babae ng mga regalo. Nagmamakaawa siya sa kapatawaran ng babae. Siya ay nangangako na hinding-hindi na ito mauulit.
Subalit ito ay nangyayari muli, at muli. Wala nang taos na pagsisisi. Ito ngayon ay isang paraan ng pamumuhay. Ang bantang papatayin ang babae ay laging naroroon kung ang babae ay nagbabantang umalis. Ang babae ngayon ay nasa ilalim ng kaniyang ganap na pagsakop. Alalahanin ang mga salita ng isang mambubugbog ng asawa na sinipi kanina: “Kung ihihinto namin ang pambubugbog, mawawalan kami ng kontrol. At iyan ay hindi sukat akalain.”
Isa Pang Pagkakatulad
Walang pagbabago, sisisihin ng mga nagmamalupit sa asawa ang kanilang mga kabiyak sa pagpukaw sa pambubugbog. Ganito ang ulat ng direktor sa programa ng isang paglilingkod para sa mga binugbog na babae: “Sinasabi ng nagmamalupit sa kaniyang kabiyak na babae, ‘Hindi mo ginagawa ito nang tama, kaya kita nagugulpí.’ O, ‘Atrasado na sa oras ang hapunan, kaya kita nagugulpí.’ Lagi na lamang kasalanan ng babae. At kapag ang ganiyang uri ng emosyonal na pagmamalupit ay magpapatuloy ng mga ilang taon, ang babae ay mapapaniwala rito.”
Isang babae ang sinabihan ng kaniyang asawa na siya ang pinagmumulan ng mga pagsalakay dahil sa mga pagkakamaling nagawa niya. “Habang tumitindi ang karahasan, tumitindi rin ang mga pagdadahilan. At ito ay lagi na lamang, ‘Tingnan mo kung ano ang ipinagawa mo sa akin. Bakit gusto mong gawin ko ang mga bagay na ito?’”
Ganito ang sabi ng isang nagbagong lalaki na dati’y nagmamalupit sa asawa, na ang ama ay isa ring mambubugbog ng asawa: “Hindi matanggap ng tatay ko na siya ay mali. Hindi siya kailanman humingi ng tawad o tumanggap ng anumang pananagutan sa kaniyang mga pagkilos. Lagi niyang sinisisi ang kaniyang biktima.” Ganito rin ang sabi ng anak, “Sinisisi ko ang aking asawa sa pagdadala sa kaniyang sarili ng pagmamalupit.” “Sa loob ng labinlimang taon,” sabi pa ng isa, “pinagmalupitan ko ang aking asawa sapagkat siya’y isa sa mga Saksi ni Jehova. Sinisi ko ang aking asawa sa lahat ng bagay. Hindi ko natanto na ang ginagawa ko ay napakasama hanggang nang mag-aral ako ng Bibliya. Ngayon ito ay isa na lamang masamang alaala sa aking buhay. Sinisikap kong limutin ito, subalit ito’y laging naroroon.”
Ang ulat tungkol sa ama at anak, kapuwa mga mambubugbog ng asawa, ay pangkaraniwan. Bagkus, ito nga ang panlahat ng katangian ng nambubugbog na mga asawang lalaki. Inamin ng anak na ang pambubugbog sa asawa ay mula pa noong nakalipas na 150 mga taon sa kaniyang pamilya, ipinapasa mula sa ama tungo sa anak, sa wari. Sang-ayon sa Pambansang Koalisyon Laban sa Karahasang Pampamilya, “sa mga anak na nakasaksi ng karahasang pampamilya, 60 porsiyento ng mga lalaki ang sa wakas ay nagiging mga mambubugbog at 50 porsiyento ng mga babae ay nagiging mga biktima.”
Sabi ng isang manunulat sa pahayagan: “Kahit na kung sila ay hindi nakaranas ng pambubugbog at hindi nagpapamalas ng panlabas na pinsala, ang mga batang ito ay may natututuhan na malamang ay hindi nila malilimutan: na isang tinatanggap na bagay na pangasiwaan ang mga problema at kaigtingan sa marahas na paraan.”
Yaong nagpapatakbo ng mga tirahan para sa mga babaing binugbog ay nagsasabi na ang mga batang lalaki na nakitang binugbog ng kanilang mga ama ang kanilang mga ina ay kadalasang bumabaling sa kanilang mga ina sa marahas na paraan o pinagbabantaang patayin ang kanilang mga kapatid na babae. “Hindi ito basta pagkamapaglaro ng mga bata,” sabi ng isa. “Ito’y sinasadya.” Palibhasa’y nakita nila ang kanilang mga magulang na ginagamit ang karahasan upang pakitunguhan ang galit, nakikita ito ng mga bata bilang ang kanilang tanging mapagpipilian.
Isang tulang pambata ay nagsasabi na ang mga batang babae ay yari sa “asukal at pampalasa, at lahat ng bagay na maganda.” Ang mga batang babae na ito ay lumalaki at nagiging ating mga ina at mga asawa, na sinasabi ng mga lalaki na hindi sila maaaring mabuhay nang wala ang mga ito. Tiyak, kung gayon, ang katarungan ay laban sa pagmamalupit sa asawa, subalit kaninong katarungan—sa tao o sa Diyos?