Mga Sociniano—Bakit Nila Tinanggihan ang Trinidad?
“Ang Ama ay Diyos, ang Anak ay Diyos, at ang Espiritu Santo ay Diyos, gayunman ay walang tatlong Diyos kundi isang Diyos.” Ganiyan ang pagpapakahulugan ng Kredo ni Athanasio sa Trinidad. Itinuro ito ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan sa nakalipas na 16 na dantaon, hanggang sa ngayon ito ay tinatawag na “ang pangunahing doktrina ng relihiyong Kristiyano.” Subalit gayon nga ba? Sa nakalipas na mga taon kaunting matatapang na lalaki at babae ang nangahas na tumutol na iba ang itinuturo ng Bibliya—kadalasan sa kapahamakan ng kanilang buhay.
SI Michael Servetus ay isa rito. Siya ay tumatakas sapagkat nanganganib ang kaniyang buhay. Madaling-araw noon ng tagsibol ng 1553, ang iginagalang ng doktor ay tumakas sa piitan na suot ang kaniyang bata at gorang pantulog at lumikas sa lalawigang Pranses. Ang paglilitis sa kaniya ng mga awtoridad na Katoliko sa Vienna ay masama ang resulta. Kilala nila kung sino siya. Ang kanilang dakilang kaaway, ang Protestanteng lider sa Geneva, si John Calvin, ay tumulong upang ipagkanulo si Servetus sa kanilang mga kamay.
Bagaman ang mga Protestante at ang mga Katoliko ay napopoot sa isa’t isa noong maagang mga taon ng Repormasyon, sila’y nagkaisa sa higit pang pagkapoot sa taong ito. Ang kaniyang kasalanan? Erehiya. Si Michael Servetus ay sumulat ng mga aklat na nagpapatunay na ang turo ng mga simbahan tungkol sa Trinidad ay hindi maka-Kasulatan. Sabi niya: “Ang Trinidad ng papa, ang bautismo ng mga sanggol, at ang iba pang mga sakramento ng mga Papa, ay mga doktrina ng mga demonyo.”
Saan siya maaaring magtungo? Maaaring nalalaman ni Servetus na siya ay may maliit na grupo ng mga tagasunod sa gawing Hilaga ng Italya. Laging nagtatago, nagtungo siya roon. Gayunman, habang siya ay nagdaraan sa Geneva siya ay nakilala sa kabila ng kaniyang pagbabalatkayo. Siya ay isinuplong ni Calvin sa mga awtoridad at itinaguyod ang pagpatay sa kaniya. Noong Oktubre 27, 1553, siya ay sinunog nang buháy sa isang tulos na kasama ang isa sa kaniyang mga aklat na nakatali sa kaniyang hita. Siya’y namatay na ipinananalangin ang kaniyang mga kaaway at tumangging bawiin ang kaniyang ipinahayag. Ang ibang nanonood, na humanga, ay bumaling laban sa Trinidad!
Si Laelius Socinus, isa sa mga Italyano na naimpluwensiyahan ng mga sulat ni Servetus, ay naantig ng brutal na pagpatay na ito anupa’t kaniya mismong sinuring maingat ang doktrina ng Trinidad. Siya man ay naghinuha na ito ay walang saligan sa Bibliya. Ibinahagi niya ang kaniyang mga paniwala sa kaniyang batang pamangkin na si Faustus. Iniwan pa nga niya kay Faustus ang lahat niyang mga papeles at mga sulat. Lubhang naantig, si Faustus ay unti-unting nagpasiya na iwan ang kaniyang maginhawang pamumuhay bilang isang kortesano at sa halip ay ibinahagi niya ang mga katotohanan na natutuhan niya buhat sa Bibliya.
Pinaghahanap ng Inkisisyong Katoliko, si Socinus ay naglakbay pahilaga. Sa Poland, nasumpungan niya ang isang maliit na grupo ng mga Anabaptist na tinatawag ang kanilang sarili na “Ang mga kapatid . . . na tumanggi sa Trinidad.” Kay Socinus, ang relihiyong ito ay maliwanag na siyang pinakamalapit sa katotohanan ng Bibliya. Kaya siya ay nanirahan sa Kraków at sinimulan niyang sumulat bilang pagtatanggol sa kanilang kapakanan.
Ano ang Pinaniniwalaan Nila?
Higit sa lahat nais ng mga Sociniano, gaya ng tawag sa kanila noong dakong huli, na ibalik ang dalisay na Kristiyanismo na itinuturo sa Bibliya. Inaakala nila na inalis lamang ng Repormasyong Protestante ang ilan sa kabulukan at mga ritwal buhat sa Iglesya Katolika samantalang pinananatili ang bulok na ubod nito, ang mga turong hindi makakasulatan.
Katulad ng mga relihiyon sa paligid nila, sila ay maraming pagkakamali. Gayunman, sa lahat ng mga relihiyon ng Repormasyon, ang sapang ito ng Socinianismo ay nanindigan sa panig ng Bibliya higit kaysa karamihan. Narito ang ilang mga halimbawa. Bakit hindi ihambing ang mga ito sa siniping mga talatang ito sa iyong Bibliya?
Gaya ng mga Anabaptist, itinuturo nila na ang bautismo ng sanggol ay hindi makakasulatan; sa Bibliya, mga adulto lamang ang binabautismuhan. Ang mga Sociniano ay matibay ring naniniwala sa maka-Kasulatang utos na ibigin ang kapuwa at talikuran ang mga sandata ng digmaan. Samantalang ang mga Katoliko at ang mga Protestante ay buong pananabik na tinitigmak ng dugo ang lahat ng dako sa Europa, ang mga Sociniano ay tumatangging makipagdigma sa anumang kadahilanan. Marami sa kanila ang namatay dahil sa maka-Kasulatang paninindigang ito. Higit pa riyan, ayaw nilang manghawakan ng tungkulin sa tanggapang bayan, yamang maaaring isangkot sila nito sa sala ng pakikidigma.
Ang espiritu ng nasyonalismo na palasak noong mga panahong iyon ay hindi nakaimpluwensiya sa kanila. Sila’y naniniwala na ang tunay na mga Kristiyano ay mga dayuhan sa alinmang bansa sa daigdig na ito. (Juan 17:16; 18:36) Kilala sa kanilang mataas na mga pamantayang moral, kanilang inieskomulgado, o itinitiwalag, ang sinuman sa gitna nila na ayaw mamuhay o tanggapin ang Socinianong mga paliwanag sa Salita ng Diyos.—2 Juan 10; 1 Corinto 5:11.
Ang mga Sociniano ay hindi nag-aatubiling gamitin ang personal na pangalan ng Diyos, na Jehova. Pinahahalagahan nila lalo na ang mga salita ng Juan 17:3, na nagsasabi na ang pagkuha ng kaalaman tungkol sa kaniya at sa kaniyang Anak ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan. Naunawaan nila ang buhay na walang-hanggan bilang ang pinakadakilang pag-asa ng lahat ng tunay na mga Kristiyano. Ang doktrina ng kawalang-kamatayan ng kaluluwa ay tahasan nilang tinatanggihan. Sa halip, itinuro nila ang gaya ng itinuturo ng Bibliya, na ang kaluluwa ay namamatay, taglay ang pag-asa ng buhay salig sa isang pagkabuhay-muli sa hinaharap.—Ezekiel 18:4; Juan 5:28, 29.
Itinakwil din nila ang turo ng impiernong apoy bilang hindi makakasulatan. Maliwanag na naunawaan ni Socinus ang kabalighuan ng pagsasabing pahihirapan ng Diyos ang isang tao sa apoy nang walang-hanggan upang parusahan siya sa kaniyang mga kasalanan na nagawa nila sa loob ng 70 o 80 taon! Itinuro pa nga ng ilang sinaunang mga lider na Sociniano ang tungkol sa Milenyong Paghahari ni Kristo sa lupa.—Eclesiastes 9:5; Apocalipsis 20:4.
Bakit Nila Tinanggihan ang Trinidad?
Gayunman, gaya ni Servetus bago nila, ang mga Sociniano ay lalong kilala dahil sa pagtanggi sa turo ng mga relihiyon tungkol sa Trinidad. Bakit nila tinanggihan ito? Mayroon silang dalawang dahilan. Una at higit sa lahat, nakita nila na ito ay hindi makakasulatan.
Hanggang sa panahong ito tinatanggap ng mga iskolar na ang Bibliya ay hindi bumabanggit ng anumang pagtukoy sa Trinidad, na ito ay bunga ng ‘mapanlikhang teolohiya,’ isang pagsisikap na pagsamahin ang ikaapat na siglong “Kristiyanismo” at ang pilosopyang Griego. Ano ang dako ng gayong turo sa isang kilusan na ipanumbalik ang dalisay na Kristiyanismo? Wala.
Gaya ng sabi ng isang mananalaysay tungkol kay Servetus: “Sa dako ng isang doktrina na ang mismong mga termino—Trinidad, hypostasis, persona, sustansiya, diwa—ay hindi kinuha sa Bibliya kundi inimbento ng mga pilosopo, at na ang Kristo ay wala kundi isang mahirap unawaing pilosopya, nais niyang ang mga tao’y maglagak ng kanilang pananampalataya sa isang buháy na Diyos, sa isang dibinong Kristo na naging isang makasaysayang katotohanan, at sa isang Espiritu Santo na walang-hanggang kumikilos sa mga puso ng mga tao.” Naniniwala siya na ang tatlo ay isa lamang sa diwa ng Juan 17:21 at ipinalagay niya na ang banal na espiritu ay ang aktibong puwersa ng Diyos, hindi isang persona.
Isa pa, nasumpungan ng mga Sociniano na ang tinatawag na maka-Kasulatang suporta sa doktrina ay napakahina. Ang paboritong kasulatan ng mga Trinitaryo, ang 1 Juan 5:7, ay alam nang isang binagong teksto, isang bago at hindi kinasihang idinagdag sa Bibliya. Ang isa pa, ang Juan 1:1, ay mayroon lamang diwa kung uunawain ang pagtawag kay Kristo na “divino,” o “isang diyos,” sa halip na gawin siyang kapareho ng Diyos na makapangyarihan-sa-lahat.
Gayunman, ang pinakamatinding hampas sa Trinidad ay ang paglalarawan mismo ng Bibliya sa Diyos, kay Jesus, at sa banal na espiritu na gumagawa sa pagiging membro ng bawat isa sa kanila sa anumang Trinidad na lubhang imposible. Bakit gayon? Bueno, una sa lahat, ipinakikita ng Bibliya na ang banal na espiritu ay hindi isang persona kundi, bagkus, ang aktibong puwersa ng Diyos. (Lucas 1:41; Gawa 10:38) Ikalawa, si Kristo ay hindi maaaring “maging kapantay at walang-hanggan din” na gaya ng Ama, yamang inilalarawan siya ng Bibliya bilang mas mababa sa kaniyang Ama at na siya ay nilikha Niya. (Juan 14:28; Colosas 1:15) Sa wakas, paano ngang si Jehova, na malimit na inilalarawan bilang ang isang Diyos, ay aktuwal na magiging bahagi ng isang tatluhang diyos?—Deuteronomio 6:4; Isaias 44:6.
Sa gayon, pinabulaanan ng mga Sociniano ang Trinidad mula sa Bibliya. Subalit tinanggihan din nila ito dahil sa katuwiran. Sang-ayon sa mananalaysay ng Repormasyon: “Naniniwala si Socinus na . . . bagaman [ang Bibliya] ay maaaring naglalaman ng mga bagay na nakahihigit sa katuwiran . . . , hindi ito naglalaman ng anumang salungat sa katuwiran.” Ang Trinidad, taglay ang nagkakasalungatang mga ideya nito ng isang diyos na kasabay nito’y tatlong persona, ay maliwanag na nahuhulog sa huling banggit na kategorya. Gaya ng pagkakalarawan ng isang mananalaysay sa mga damdamin ni Servetus tungkol sa doktrina: “Ito’y nakalito sa kaniya, at hindi nito napasigla ang kaniyang puso o nagbigay man ito ng inspirasyon sa kaniyang kalooban.”
Gayumpaman, ang mga Sociniano ay nahulog sa ilang maliwanag na maling mga doktrina. Itinakwil ni Socinus at ng kaniyang mga tagasunod ang simulain ng pantubos ni Kristo. Gayunman, maliwanag na itinuturo ng Bibliya na binayaran ni Kristo, sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan, ang halaga upang tubusin ang sangkatauhan mula sa makasalanang kalagayan. (Roma 5:12; 1 Timoteo 2:5, 6) Mayroon pang ibang mga kamalian. Halimbawa, si Socinus ay laban sa turo tungkol sa pag-iral ni Kristo bago siya naging tao, isa pang maliwanag na turo ng Bibliya.—Juan 8:58.
Isang Maikli at Kalunus-lunos na Kasaysayan
Ang Minor Reformed Church (gaya ng opisyal na tawag sa mga Sociniano) ay lumago sa Poland sa loob halos na isang daan taon. Ang kanilang pinakamataas na bilang ay umabot ng hanggang 300 mga kongregasyon. Nagtatag sila ng isang kolonya sa Raków, hilagang-silangan ng Kraków, nagtayo sila ng isang palimbagan, at nagtatag sila ng isang pamantasan na umakit sa iginagalang ng mga guro at mga estudyante buhat sa malayong lugar. Mula sa kanilang mga palimbagan ay lumabas ang mga 500 iba’t ibang pampleta, aklat, at mga pulyeto sa mga 20 wika. Lihim na ipinamahagi ng mga misyonero at naglalakbay na mga estudyante ang mga ito sa buong Europa. Sinasabing ang mga literaturang laban sa mga Sociniano na kinasihan ng mga akdang ito sa sumunod na dalawang siglo ay makapupunô ng isang aklatan!
Gayunman, palibhasa sila’y kinapopootan ng mga Katoliko at ng mga Protestante, hindi nagtagal ang kapayapaan ng mga Sociniano. Si Socinus mismo ay sinalakay, binugbog, dinumog, at halos lunurin dahil sa kaniyang mga paniwala. Kahit na bago ang kaniyang kamatayan noong 1604, ang mga Jesuita, na disididong itatag-muli ang kataas-taasang kapangyarihan ng Iglesya Katolika sa Poland, ay unti-unting isinalingit ang kanilang paraan sa posisyon ng impluwensiya sa hari.
Dumami ang pag-uusig sa mga Sociniano. Noong 1611 isang mayamang Sociniano ay inalisan ng lahat niyang pag-aari at hinatulang putulan ng dila, pugutan ng ulo, putulan ng isang kamay at isang paa, at saka sunugin. Mangyari pa, maaari siyang mabuhay nang payapa kung magbabago lamang siya ng relihiyon. Ayaw niyang tuminag. Hinarap niya ang kaniyang kamatayan nang buong tatag sa dakong pamilihan ng Warsaw.
Noong 1658 natamo sa wakas ng mga Jesuita ang kanilang tunguhin. Sa kanilang pagsusulsol, ang hari ay nag-utos na ang lahat ng membro ng Minor Reformed Church ay dapat umalis sa Poland sa loob ng tatlong taon o kaya’y harapin ang kamatayan. Pinili ng daan-daan na sila’y mapatapon. Sumiklab ang malupit na mga pag-uusig. Ilang maliit na mga kongregasyon ng mga ipinatapon ang nakaligtas sa loob ng ilang panahon sa Transylvania, Prussia, at sa Netherlands, subalit ang nabubukod na mga grupong ito ay unti-unti ring naglaho.
Ang Pamanang Sociniano
Gayunman, ang mga sulat ni Socinus ay patuloy na nakaimpluwensiya. Ang Racovian Catechism, na batay sa mga sulat ni Socinus at inilathala mga ilang panahon pagkamatay niya, ay isinalin sa Ingles ni John Biddle noong 1652. Ipinasamsam at ipinasunog ng Batasan ang mga kopya nito at ipinakulong si Biddle. Bagaman siya ay sandaling panahon pinalaya, siya ay muling ibinilanggo at doon namatay.
Subalit ang mga pagtutol laban sa Trinidad ay hindi madaling mamamatay sa Inglatera, kung saan naunawaan ng maraming may pinag-aralan at makatuwirang mga tao ang kanilang maka-Kasulatang katotohanan. Pinasinungalingan ni Sir Isaac Newton, isa sa pinakadakilang siyentipiko sa buong kasaysayan, ang Trinidad sa kaniyang mga akda at kung minsan ay tinatawag na isang Sociniano. Si Joseph Priestley, kilalang kimiko at siyang nakatuklas sa oksiheno, ay tinawag ding isang Sociniano. Itinakwil din ni John Milton, isang dakilang makata, ang Trinidad. Sa katunayan, nasumpungan ng pilosopong Pranses na si Voltaire na katawa-tawa na sina Luther, Calvin, at Zwingli, na ang mga akda ay ipinalagay ni Voltaire na “hindi mabasa,” ay nagtagumpay sa kalakhang bahagi ng Europa, samantalang “ang pinakadakilang mga pilosopo at pinakamagaling na mga manunulat ng kanilang panahon,” gaya ni Newton at ng iba pang mga Sociniano, ay nanaig lamang sa maliit at umuunting kawan.
Idiniin ng mga lalaking iyon, gaya ni Socinus bago sila, ang kahalagahan ng katuwiran sa relihiyon. Ito ay nararapat na maging ganito. Ang Bibliya mismo ay nagpapayo sa atin na maglingkod sa Diyos ‘taglay ang ating kakayahang mangatuwiran.’ (Roma 12:1) Datapuwat sa kilusang Unitarian na lumago sa Inglatera mula sa mga Sociniano, ang pangangatuwiran ng tao ay nauuna sa Bibliya. Noong kalagitnaang-1800’s, ang mga Unitarian sa Inglatera at Amerika “ay nagsimulang itakwil ang kasulatan bilang pangunahing pinagmumulan ng relihiyosong katotohanan,” sang-ayon sa isang kasaysayan ng kanilang kilusan.
Gayunman, ang sinaunang mga Sociniano ay nag-iwan ng isang halimbawa na kapupulutan ng aral ng maraming modernong relihiyon. Halimbawa, pinuri ng isang ministrong Presbyteriano ang kanilang paninindigan sa digmaan kung ihahambing sa “kawalang-kaya [ng makabagong mga relihiyon] sa harap ng Digmaang Pandaigdig.” Siya ay nagpahayag ng pag-asa na sa malapit na hinaharap ang lahat ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay maninindigan laban sa pakikidigma. Subalit isinulat niya ang mga salitang iyon noong 1932. Sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II mga ilang taon lamang pagkaraan, na itinaguyod minsan pa ng mga relihiyon ang pagbububo ng dugo. Sa ngayon, sinisira ng digmaan ang kalakhang bahagi ng globo. Pinangyayari ng relihiyon ang higit na digmaan sa halip na hadlangan ito.
Kumusta naman ang iyong relihiyon? Ang iyo bang relihiyon, gaya ng napakarami sa ngayon, ay nawalan ng paggalang nito sa Bibliya? Itinuturo ba nito sa halip ang mga ideya ng tao? Ano ang paninindigan nito sa mga doktrina na gaya ng kawalang-kamatayan ng kaluluwa, impiernong apoy, o ng Trinidad? Inihambing mo na ba ang mga turong ito sa kung ano ang sinasabi ng Bibliya? Ginawa ito ng mga Sociniano. Hinihimok ka namin na gawin din ang gayon.
[Larawan sa pahina 21]
Si Michael Servetus—ang kaniyang mga aklat ay nagpatunay na ang doktrina ng Trinidad ay mali
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng U.S. National Library of Medicine