Kung Bakit ang Teolohiya sa Pagpapalaya ay Hindi Para sa Akin
“Oh, dukhang tao, duminadong tao,
Bakit wala kang ginagawa?
Ang daigdig ng tao ay kailangang baguhin!
Bangon, wakasan mo ang iyong paghihirap!”
IYAN ang nakaakit sa akin sa kilusan ng teolohiya sa pagpapalaya—ang pangako ng isang pagbabago, gaya ng ipinakikita sa koro sa itaas ng isang awit na inaawit namin. Subalit ang akin bang pag-asa sa isang pandaigdig na pagbabago ay totoo?
Maagang Pagpapalaki Bilang Katoliko
Ipinanganak sa mga magulang na Katoliko, ako ay pinalaki “sa loob ng simbahan.” Ako’y sumali sa samahan ng mga sakristan upang tulungan ang pari sa panahon ng Misa. Sa edad na 17, ako’y napiling maging presidente ng samahan, at ito ang nagpalapit sa akin sa mga pari. Nakatutuwang marinig kung ano ang kanilang pinag-uusapan at mabasa kung ano ang binabasa nila. Lalo nang kaakit-akit sa akin ang mga aklat tungkol sa teolohiya sa pagpapalaya na bumabanggit tungkol sa pagpapalaya sa wakas sa tao mula sa paghihirap.
Mientras mas marami akong nababasa at naririnig, lalo akong naging kumbinsido tungkol sa pangangailangan ng mga tao na matutuhan ang mga bagay na ito at magkaroon ng kabatiran tungkol sa kanilang mga karapatan. Kaya natuwa ako nang ang tinatawag na base community ay itatag sa aming parokya. Ang mga base community ay mga grupo kung saan ang “pastoral na pangangalaga” sa mga dukha ay sinasamahan ng edukasyon at mga panawagan para sa pagkilos sa pulitika. Sa Brazil lamang, mayroong mga 70,000 base community.
Ang layunin ng mga komunidad na ito ay upang organisahin ang may kabatirang mga Katoliko sa mga sentro ng instruksiyon at para sa mga rally. Ako ang nagpaplano at nag-iimprenta ng mga poster at mga baner ng protesta at dinadala ko ang mga membro ng aming pangkat sa pantanging mga Misa sa iba pang mga komunidad at sa mga martsa ng protesta.
Pagtrabaho sa mga Base Community
Ang ilang mga tao sa aming sentro sa Belém ay nakatira sa isang mababa, lubog sa tubig na lugar kung saan sila ay gumagamit ng mga tulay na kahoy upang marating ang kanilang mga tahanan. Binabalak ng lunsod na ilipat ang mga tirahan at ang mga tao sa ibang lugar, babayaran ang kanilang gastos. Ako’y inutusang pahinain ang loob ng mga tao na tanggapin ang alok ng lunsod at ipaalaala sa kanila na sinabi ng aming pari na kung sila ay maninindigang matatag, susuko ang lunsod at aayusin ang kanilang propyedad. Bunga nito, ang ilan ay ayaw lumipat. Subalit anong lungkot na makita ang mga bombero na pinaaalis sila sa kanilang mga tahanan sa pamamagitan ng pagbubomba ng tubig! Dahil sa inaakala kong binigo ko ang mga tao sa aming sentro, ako’y lumipat sa ibang komunidad.
Halos kasabay nito ay nagkaroon ng labanan dahil sa lupa, at 13 iskuwater at 2 paring Pranses ang inaresto. Kapuwa ang mga iskuwater at ang mga pari ay dinala sa Belém upang hintayin ang paglilitis. Ang pag-aresto sa kanila ay waring hindi makatarungan sa amin. Kaya napagkasunduan na ang lahat ng base community sa Belém ay sasama sa mapayapang mga pagprotesta sa harapan ng himpilan ng pulisya. Isang gabi pati ang kapatid kong babae at ang aking lola ay nakisama sa iba pa. Ang aming protesta ay nanatili ng 24 na oras sa isang araw, hali-halili, at nagwakas lamang nang ang mga bilanggo ay dalhin sa Brasília para sa paglilitis.
Isang magdamag na demonstrasyon ang binalak noong bisperas ng paglilitis. Gayunman, ito ay kailangang ikansela nang dumating ang hukbo. Ang demonstrasyon ay saka inilipat sa ibang lugar, malapit sa maliit na Simbahan ng Santisima Trinidad. Nang dumating ang mga sundalong may dalang mga bomba ng tear-gas, kami’y nagsiksikan sa loob ng simbahan.
Mayroong halos 2,000 nagsiksikan sa loob at 1,200 mga sundalo sa labas. Sa gitna ng kaguluhan, ako’y nag-isip: ‘Ito ba ang bayan ng Diyos? Sila nga, sapagkat hindi ba sinabi ni Jesus: “Kung ako’y kanilang pinag-usig, kayo man ay kanilang pag-uusigin din”?’—Juan 15:20.
Kinagabihan kaming lahat ay nagugutom na, palibhasa’y hindi kami kumain maghapon. Dumating ang isang obispo at tinawag ang aming pansin, na nagsasabi: ‘Mga kapatid, makabubuting lisanin natin ang simbahan, yamang walang tubig o kuryente, at Diyos lamang ang nakakaalam kung ano gagawin nila sa atin sa gabi.’
Pagkatapos isang kilalang abugado ang nagsalita: ‘Mga kasama, tayo ay nabubuhay sa isang demokrasya, at wala silang gagawing anuman sa atin, kaya dapat tayong manatili rito.’
Pagkatapos ng maraming pagtatalo, ipinasiya ng mga lider ng pangkat na dapat kaming umalis. Hinayaan kami ng pulisya na yumaong payapa.
Pangangailangang Lutasin ang mga Katanungan
Habang ang trabaho ko sa sentro ay nagpapatuloy, nagpasiya akong turuan ang mga bata sa aming pangkat, na ginagamit ang aklat na Pakikinig sa Dakilang Guro na ibinigay sa akin ng lola ko noong 1974. Ang aklat ay bumabanggit tungkol sa mabuting asal, sa pagsunod sa mga autoridad, at sa hindi paggamit ng mga imahen. Subalit paano ko mapagkakasundo ang mga turong ito na salig-Bibliya sa kung ano ang ginagawa namin?
Ito ay humantong sa pag-alis ko sa komunidad. Marami akong katanungan sa aking isipan na nangangailangan ng kasagutan. Halimbawa: Kung yaong mga nagtataguyod ng teolohiya sa pagpapalaya ang tunay na bayan ng Diyos, bakit hindi nila sinusunod ang matataas na pamantayang moral ni Jesus? Isa pa, ginamit ng Diyos si Moises upang palayain ang pinahihirapang mga Israelita mula sa Ehipto, kaya bakit ang ilang pulitiko pagkatapos matamo ang mga puwesto ng autoridad ay nakakalimot sa naghihirap na mga tao na dapat nilang palayain?
Pagkalipas ng anim na buwan isang babae ang kumatok sa aking pinto at nagsimulang magsalita tungkol sa Kaharian ng Diyos. Siya ay isang misyonera ng mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos ng maikling pag-uusap, iniabot niya sa akin ang aklat na Ang Iyong Kabataan—Pagkakamit ng Pinakamainam Dito. Di-nagtagal isang pag-aaral sa Bibliya ang sinimulan sa akin, at ako’y inanyayahang dumalo sa isang pulong sa Kingdom Hall. Pagkatapos ako’y umuwi ng bahay na nag-iisip tungkol sa kaibhan sa pagitan ng pulong na iyon at yaong dinadaluhan ko sa sentro. Sa loob ng Kingdom Hall ay walang naninigarilyo, walang umiinom, o malalaswang biro.
Nang panahong ito ako ay dumadalo ng isang seminar ng Iglesya Katolika tungkol sa “Pananampalataya at Pulitika.” Doon, ang pananampalataya at pulitika ay ipinaliliwanag na dalawang panig ng iisang barya. Sinasabing, ang isang Kristiyanong may pananampalataya ay dapat makibahagi sa pulitika at huwag lamang basta tanggapin ang mga direktiba ng pamahalaan. Subalit tinamaan ako ng komento ng isang kasamahan. “Pagkatapos ay dumating si apostol Pablo at inalis ang lahat ng bagay,” sabi niya.
“Ano ang ibig mong sabihin, Demetrius?” ang tanong ko.
“Hindi mo mauunawaan,” ang tugon niya. “Kalimutan mo ito.”
Subalit nais kong maunawaan at hindi lamang kalimutan ito, kaya ipinasiya kong dibdibin ang aking pag-aaral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at alamin ang tungkol dito.
Ang Teolohiya sa Pagpapalaya at ang Bibliya
Sa isang pulong sa Kingdom Hall, binanggit ng tagapagsalita ang tungkol sa Roma 13:1, 2, na nagsasabing ang ‘bawat kaluluwa ay dapat na pasakop sa nakatataas na mga kapangyarihan, at na ang umiiral na mga kapangyarihan ay nasa kani-kanilang puwesto sa kapahintulutan ng Diyos. Kaya, ang sinuman na sumasalansang sa kapangyarihan ay lumalaban sa kaayusan ng Diyos.’
Naisip ko: ‘Iyan ang sinasabi ni Demetrius! Sa mga salitang iyon, inaalis ni apostol Pablo ang lahat ng itinataguyod ng teolohiya sa pagpapalaya. Mali para sa mga Kristiyano na salansangin ang mga autoridad ng pamahalaan.’
Natutuhan ko rin na ang Bibliya ay nag-aalok ng tunay na lunas upang palayain ang sangkatauhan buhat sa paghihirap—ang pamahalaan ng Kaharian ng Diyos sa mga kamay ng kaniyang Hari, si Kristo Jesus. Yamang ang mga Saksi ni Jehova lamang ang nangangaral ng pamahalaang ito ng Kaharian, nagpasiya akong sumama sa kanila sa kanilang gawaing pangangaral. Hindi nagtagal ako ay nabautismuhan at naging isang payunir, gaya ng tawag sa buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova, at sapol noong Agosto 1985, ako’y naglilingkod bilang isang espesyal payunir. Nang maglaon ako’y nag-asawa ng isang payunir, at ngayon kami ay magkasamang naglilingkod sa buong-panahong ministeryo.
Ako’y labis na nagpapasalamat sa Diyos na Jehova sa pagkaalam ko ng ‘katotohanan na nagpapalaya sa isa’ at sa pribilehiyo na tulungan ang iba pa na maging malaya buhat sa huwad na mga ideolohiya. (Juan 8:32) Kabilang sa mga natulungan ko ay ang aking dalawang kasamahan na nagtrabahong kasama ko sa sentrong Katoliko, gayundin ang aking kapatid na babae at ang aking lola. Katulad ko, nauunawaan din nila ngayon kung bakit ang teolohiya sa pagpapalaya ay hindi siyang tunay na lunas sa mga problema ng mahihirap.—Gaya ng isinaysay ni Átila Monteiro Carneiro.
[Larawan sa pahina 9]
Ako’y hindi naging matagumpay upang pagbutihin ang mga kalagayan ng mga dukha sa Belém
[Larawan sa pahina 10]
Dinadala naming mag-asawa ang mensahe ng tunay na kalayaan sa mga dukha