Pagsasabi Nito sa 17 Pantig
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Hapón
Lagas na talulot
Nagbabalik sa sanga:
Ah! paruparo!
Anong pagkagandang larawan na nabihag sa ilang salita lamang! Sa katunayan, sa Haponés, ito ay 17 pantig lamang. Oo, mga dalubhasa sa paggawa ng maliliit na bagay, pinupuri ng mga Haponés ang kanilang bansa at bayan sa kung ano ang nakilala bilang haiku, isang tatlong-taludtod, walang tugma na anyo ng tula.
Sa orihinal, ang haiku ay bahagi ng isang 31-pantig, limang-taludtod na anyo ng tula na tinatawag na waka o tanka. Noong Edad Medya, ang naghahangad na mga makata ay mahilig gumamit ng waka sa isang uri ng larong pampanitikan: ang isa ay nagbibigay ng unang tatlong taludtod at sasagutin naman ito ng isa ng dalawa pang taludtod. Nang maglaon, ang panimulang tatlong-taludtod na anyo ay naging popular sa ganang sarili, at sa gayo’y nagsimula ang haiku.
Paggawa ng Isang “Haiku”
Ang haiku ay isang leksiyon sa kaiklian. Ang una at huling mga taludtod ay limang pantig ang haba at ang gitnang taludtod ay pitong pantig. Sa tradisyunal na paraan, ang bawat haiku ay naglalaman ng pangalan ng isang panahon o isang salita na nagpapahiwatig sa panahon ng taon. Ang “niyebe” ay nagpapagunita sa isa ng taglamig, ang “palaka” o “bulaklak” ay nagpapahiwatig ng tagsibol, samantalang ang salitang “init” ay maaaring maghatid sa mambabasa sa kalagitnaan mismo ng tag-init. Oo, maaaring baguhin ng ekspertong “haikuista” ang kalagayan sa pamamagitan lamang ng isa o dalawang pantig.
Tuyong barley
Sa harap ng pinto
Nakabiting tabing-kawayan.
Nailalarawan mo ba sa diwa ang isang lumang bahay sa bukid? Ang mga butil ng barley ay iniiwan sa labas upang matuyo. Sa pinto ay nakabitin ang tabing na kawayan, kupas na kupas na dahil sa araw ng nagdaang mga ani.
Tinatawag ng ilan na ‘ang tulain ng damdamin,’ ang isang mahusay ang pagkakasulat na haiku ay maaaring magpangyari sa mambabasa na madama ang tagpo.
Susô, munting tao
Marahan, dahan-dahan
Akyat sa Bundok Fuji.
Isip-isipin lamang ang tanawing iyon. May taas na mahigit 3,700 metro sa ibabaw ng antas ng tubig, ang Bundok Fuji ay biglang tumataas, at ang paanan ng bundok sa paligid ay bale wala kung ihahambing. Upang marating ang tuktok nito ay isang kahanga-hangang gawa, at ang mahinang tao ay kailangang umakyat na parang susô, dahan-dahan. Halos nadarama mo ang pananakit ng mga paa!
Ang mga manunula ng haiku, gaya ni Issa Kobayashi noong maagang ika-19 na siglo, ay nakakita ng katatawanan sa araw-araw na buhay, kahit na tila sa pangit na panig. Ito ay mababanaag sa kaniyang haiku:
Ang pagbibihis
Bago nga,
’Yon pa ring kuto sa kalalakad.
Ang mga halimbawang ito ng haiku ay pawang nagdadala ng tradisyunal na pagtukoy sa kalikasan at panahon. Pinasisidhi nito ang damdamin ng mambabasa sa mga bulaklak at mga hayop, sa mga pagbabago ng panahon, sa magandang tanawin, at sa marami pang ibang detalye tungkol sa lupain at sa mga tao nito. Hindi inilalarawan ang kaniya mismong mga damdamin, pinupukaw ng makata ang damdamin ng mambabasa sa pamamagitan ng kaniyang bihasang pagpili ng ilang salita. Anong gandang paggamit sa kaloob na wika!
Pagtuturo ng “Haiku”
Ang pagiging payak ng haiku ay gumagawa ritong isang handang panimula sa sinuman sa mga tula. Inaakala ng ilang mga guro na ang haiku ay isang kapaki-pakinabang na unang hakbang sa creative writing. At, ang magandang pagtrato sa kalikasan at sa mga panahon ay nagpapangyari sa estudyante na maging higit na mapagmasid sa daigdig sa paligid niya. At ang gayong malapitang pagmamasid sa kagandahan ng paglalang ay maaaring mag-udyok sa isa na lalong pahalagahan ang Maylikha.
Isang guro ng kindergarten sa Osaka, Hapón, ay nagkaroon ng ilang kasiya-siyang karanasan sa pagtuturo ng haiku sa kaniyang batang mga mag-aaral. Mga batang tatlo hanggang limang taóng gulang ang natuto ng halos isang daang haiku sa isang taóng páaralan. Ang resulta ay na ang mga batang ito ay napansing naging “mas mapagpahalaga sa kalikasan at mabait sa mga hayop.” Isang maligayang resulta sa panahong ito ng magulong paglilibang na pinangingibabawan ng pantasiya!
Mapapansin dito na inaakala ng ilang propesyonal na upang manguna sa haiku, sila ay kailangang pumasok sa relihiyosong mga aspekto, gaya ng Budismong Zen at pagbubulay-bulay. Gayunman, ang panlahat na publiko sa Hapón ay natututo ng haiku bilang isang bahagi lamang ng literaturang Haponés, at ito ay magiging gayon sa kanila sa tuwina.
Ang “Haiku” ay Nagtungo sa Ibang Bansa
Bagaman ipinanganak, pinalaki, at nilinang sa Hapón, ang haiku ay nagtamo ng malawak na reputasyon bilang ang pinakamaikling tulaing anyo sa daigdig. Noong dakong huli ng 1950’s, isang lumalagong interes sa haiku ay nangyari sa Kanluran, lalo na sa Estados Unidos, kung saan may ilang mga publikasyong haiku sa wikang Ingles. Isang guro sa California, halimbawa, ang naliligayahan na mabilis na naunawaan ng kaniyang mga mag-aaral ang mahahalagang bagay tungkol sa haiku. Ito ang unang tula ng isang estudyante:
Mula sa bundok
Ang buwan
ay marahang nagtutungo sa mga bituin.
Hindi na masamang pagsisikap para sa isang bata!
Nagtutungo sa Third World, ang haiku ay isinusulat din sa Aprika. Ang mga taga-Senegal ay madamdaming mga makata. Narito ang isang halimbawa ng kanilang akda:
Mga alon sa ilog
May lungkot na ngiti
Sa ilalim ng nagliliyab na araw.
Anong sidhing ipinahahayag ng haiku na ito ang tindi ng araw sa Aprika. Doon, ang mga tao ay namumuhay na malapit sa kalikasan at may kabatirang nadarama nila ang kapangyarihan at ganda nito. Sila ay ekselenteng mga “haikuista.”
Mangyari pa, pagdating sa pagsasalin ng haiku mula sa Haponés tungo sa anumang iba pang wika, nagkakaproblema sa anyo. Samantalang sa Haponés ang anyong lima-pito-lima ay maayos at makinis, ang gayunding bilang ng kombinasyon ng mga pantig ay baka napakarami sa ibang wika. Kaya, iminumungkahi ng ilang mga guro na huwag intindihin ang pagbilang ng mga pantig o kahit na ang pagsulat pa nga sa dalawang taludtod lamang. Pinipili naman ng iba na panatilihin ang tatlong-taludtod na anyo, ginagawang mahaba nang kaunti ang nasa gitna. Narito ang nagtamo ng gantimpalang haiku na hindi Haponés, tamang-tama sa anyo at nilalaman:
Umagang kay lamig:
Mga mayang sama-sama
Na walang leeg.
Sinasabi nito sa atin na ito ay isang malamig na umaga sa taglamig. Ang mga maya ay nagsisiksikang sama-sama, marahil sa isang kawad ng telepono, ang leeg ng bawat isa’y nakasuksok sa mabalahibong balikat nito upang manatiling mainit. Ang buong larawan ay ibinabadya sa maikling pananalita!
Diyan nasasalalay ang lumalagong pang-akit ng haiku—ang hamon na ipahayag ang kagandahan ng kalikasan, binibihag ang maliliit na detalye ng isang tagpo at pinupukaw ang damdamin ng mambabasa sa pamamagitan ng tatlong taludtod at 17 pantig lamang. Masusumpungan mo ang lahat ng iyan sa haiku.
[Larawan sa pahina 12]
Lagas na talulot
Nagbabalik sa sanga:
Ah! paruparo!
[Larawan sa pahina 13]
Tuyong barley
Sa harap ng pinto
Nakabiting tabing-kawayan.
[Larawan sa pahina 14]
Susô, munting tao
Marahan, dahan-dahan
Akyat sa Bundok Fuji.