Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 6/8 p. 20-22
  • Pagpipinta sa Pamamagitan ng mga Salita

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagpipinta sa Pamamagitan ng mga Salita
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ba ang Tula?
  • Isang Midyum Para sa Bawat Damdamin
  • Nakatutulong sa Memorya ang Tula
  • Nais Mo Bang Sumulat ng Tula?
  • Ang 2013 Nirebisang Edisyon ng New World Translation
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—2002
  • Pagsasabi Nito sa 17 Pantig
    Gumising!—1989
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1989
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 6/8 p. 20-22

Pagpipinta sa Pamamagitan ng mga Salita

ANG mga makata ay pinagsamang dalubsining at manunulat ng awitin. Ang kanilang mga panulat ay napakikilos kapuwa ng kanilang puso’t isipan. Dahil dito, ang mga tulang mahusay ang pagkakasulat ay maaaring magpasigla sa iyong damdamin. Maaari ka rin nitong papag-isipin, patawanin, o paluhain. Sinasabi ng aklat na The Need for Words: “Ang isang tula ay kadalasan nang binubuo lamang ng mga salitang isinaayos upang magkaroon ng matindi at biglaang epekto. Isa iyan sa mga dahilan kung bakit ang tanyag na mga tula . . . ay talagang di-malilimutan.”

Bihirang makagawa ng magandang tula ang isang mababaw na kaisipan. Ang tula ay matagal nang kaugnay ng mga bagay na pinakamahalaga sa buhay​—mga ugnayan, pag-ibig, espirituwalidad, kalikasan, at ang kahulugan ng buhay. Kaya nga hindi kataka-taka na ang tula ang isa sa pinakamatatandang anyo ng sining. Nang ihambing ang tula sa prosa (karaniwang paraan ng pagsulat), isang bantog na makata ang nagsabi na kung kapuwa nito ilalarawan ang iisang bagay at parehong mahusay ang pagkakasulat, “babasahin nang isang daang beses ang tula samantalang ang prosa ay minsan lamang babasahin.”

Gayunman, marahil ay napansin mo na maraming iba’t ibang anyo ang tula. Maaaring may tugma ang mga taludtod nito, o maaaring wala. Kung minsan ay halos parang prosa na rin ito. Kaya ano ba talaga ang tula?

Ano ba ang Tula?

Binibigyang-katuturan ng The Macquarie Dictionary ang pagkatha ng tula bilang “ang sining ng may-ritmong pagsasaayos ng mga salita, na isinulat o binibigkas, upang pumukaw ng kaluguran sa pamamagitan ng magaganda, malilikhain, o matatayog na kaisipan” at bilang “akda sa panitikan na may sukat; berso.” Pansinin ang dalawang pangunahing aspekto ng tula​—ang ritmo at sukat. Ang ritmo ay bahagi ng daigdig na nakapalibot sa atin. Nakikita natin ito sa pagtaas at pagkati ng karagatan, sa mga kapanahunan, at maging sa pintig ng ating puso. Sa tula, ang ritmo ay ang daloy ng tunog na nalilikha ng mga salita; napapansin natin na ang isang bagay ay paulit-ulit habang tayo’y nagbabasa. Ang sukat ay ang pagkakaayos ng ritmo, at ito’y maaaring magkakaiba sa bawat tula. Ang isa pang popular na pamamaraang ginagamit sa tula ay ang tugma. Ang magkakatugmang mga elemento ay karaniwan nang ang huling mga salita ng isang taludtod. Siyempre pa, ang pagkakaayos ng mga tugma ay maaaring magkakaiba. Kung minsan, ang katugma ay kaagad na mapapansin sa kasunod na taludtod, o maaaring sa dakong huli pa.

Palibhasa’y hindi nakasalig sa tugma, ang haiku ng Hapon ay kilala sa kaayaayang kaisipan at kahanga-hangang kaigsian nito. Nasisiksik ang mga kaisipan nito sa tatlong taludtod lamang na binubuo ng 17 pantig​—5 sa una at ikatlong taludtod at 7 sa ikalawa.a Ang kagandahan at ang kasimplehan nito ang siyang dahilan kung bakit ang haiku ay isang kasiya-siyang panimula sa pagsulat ng tula para sa marami, maging sa mga nag-aaral sa kindergarten.

Batay sa nakaugalian, ang tula ay kilala sa pagsisiksik ng maraming kaisipan sa iilang salita. Sinasabi ng The World Book Encyclopedia na ang matulaing mga salita ay “nagpapahiwatig ng higit pa sa sinasabi nito. Pinupukaw nito ang iyong imahinasyon . . . Ang mga salita ng isang tula ay siksik na siksik, at ang kahulugan ng isang salita lamang ay maaaring pumukaw ng kaisipan, anupat hinahayaang magliwanag ang buong tula sa iyong imahinasyon.” Siyempre pa, baka kailangang basahin mo ang ilang tula nang maraming beses bago “magliwanag” ang mga ito sa iyong isipan, anupat nauunawaan mo ang kahulugan ng mga ito.

Upang malikha ang hinahangad na epekto, pinipili ng mga makata ang kanilang mga salita kung paanong pinipili ng alahero ang kaniyang mga bato. Si Haring Solomon ng Israel, isang kompositor ng mga kawikaan at mga awit, ay “nagmuni-muni at lubusang nagsaliksik” upang makasumpong ng “nakalulugod na mga salita” at “wastong mga salita ng katotohanan.”​—Eclesiastes 12:9, 10; 1 Hari 4:32.

Sumulat si Solomon at ang kaniyang amang si David gamit ang tradisyonal na wikang Hebreo noong kapanahunan nila. Ang tulang Hebreo, na madalas na inaawit sa saliw ng musika, ay hindi nakasalig sa tugma. Sa halip, kilala ito sa ritmo ng kaisipan, o mga ideya​—isang anyong pampanitikan na tinatawag na pag-aagapay (parallelism). Maaaring magkakasingkahulugan ang isinasaad ng mga taludtod, o maaaring magharap ang mga ito ng nagkakasalungatang kaisipan. (Awit 37:6, 9) Kadalasan nang pinalalawak ng ikalawang taludtod ang kaisipan ng unang taludtod sa pamamagitan ng pagdaragdag ng isang bagong ideya. Pansinin kung paano ito isinagawa sa Awit 119:1:

Maligaya ang mga walang pagkukulang sa kanilang lakad,

Ang mga lumalakad sa kautusan ni Jehova.

Pansinin kung paano isinisiwalat ng ikalawang taludtod kung ano ang kahulugan ng pagiging walang pagkukulang, samakatuwid nga, ang paglakad sa kautusan ni Jehova. Dahil ginagamit ng wikang Hebreo sa Bibliya ang pag-aagapay, o ritmo ng diwa, sa halip na ang tugma, mas madali itong isalin sa ibang wika.b

Isang Midyum Para sa Bawat Damdamin

Tulad ng awit, ang tula ay isang mainam na midyum sa pagtatawid ng lahat ng uri ng damdamin. Pansinin ang paghahalo ng ganap na kaluguran at kasiyahan sa pagtatamo ng gantimpala sa paghihintay na mababanaag sa mga salita ni Adan nang dalhin ni Jehova si Eva sa kaniya sa hardin ng Eden:

Ito sa wakas ay buto ng aking mga buto

At laman ng aking laman.

Ito ay tatawaging Babae,

Sapagkat kinuha ito mula sa lalaki.

​—Genesis 2:23.

Ang talagang kahanga-hanga sa tekstong ito ay kung gaano karami ang sinasabi nito sa literal na paraan at kung gaano kasidhi ang damdaming naitatawid nito sa iilang taludtod lamang​—katipiran na lalo pang makikita sa orihinal na wika. Gayundin, ang matulaing mga aklat ng Job, Mga Awit, Mga Kawikaan, at Mga Panaghoy ay nagpapabanaag ng kahanga-hangang pagkasarisari ng mga damdamin, bukod pa sa pagtuturo ng mahahalagang espirituwal na katotohanan. Sa katunayan, sa orihinal na Hebreo, ang kauna-unahang awit ay nagpapasimula sa salitang “maligaya” o “pinagpala.” Paano mo ilalarawan ang damdamin ng manunulat ng sumusunod na pananalita sa Awit 63:1? Pansinin ang makulay na paglalarawan, isang kapuna-punang katangian ng tula sa wikang Hebreo.

O Diyos, ikaw ang aking Diyos, lagi kitang hinahanap.

Ang aking kaluluwa ay nauuhaw sa iyo.

Dahil sa iyo ay nanlulupaypay sa pananabik ang aking laman

Sa isang lupaing tuyo at lupaypay, na walang tubig.

Mababanaag sa aklat ng Mga Panaghoy ang iba namang saloobin. Doon ay nananaghoy si Jeremias dahil sa trahedyang sinapit ng Jerusalem sa kamay ng mga taga-Babilonya noong 607 B.C.E. Ipinahayag niya ang nilalaman ng kaniyang puso sa limang lirikong panambitan na nagbubulalas ng kalungkutan ng propeta at gayundin ng kaniyang kabatiran na ang katarungan ng Diyos ay nailapat.

Nakatutulong sa Memorya ang Tula

Dahilan sa mga katangian nito, madalas na ang tula ay angkop na angkop na isaulo. Ang pinakamatatandang umiiral na mga tula ng mga Griego, ang Iliad at ang Odyssey, ay binibigkas mula sa memorya sa mga Griegong kapistahan​—isang pambihirang gawa, yamang napakahahaba ng mga akdang ito! Maliwanag na maraming awit sa Bibliya ang isinaulo rin. Pansinin kung paanong ang paglalarawan, pagiging simple, at di-matututulang lohika ay naitawid ng sumusunod na mga taludtod ng Awit 115:4-8 na nagpapakita ng kamangmangan ng pagsamba sa mga idolo:

Ang kanilang mga idolo ay pilak at ginto,

Ang gawa ng mga kamay ng makalupang tao.

May bibig sila, ngunit hindi sila makapagsalita;

May mga mata sila, ngunit hindi sila makakita;

May mga tainga sila, ngunit hindi sila makarinig.

May ilong sila, ngunit hindi sila makaamoy.

May mga kamay sila, ngunit hindi sila makahipo.

May mga paa sila, ngunit hindi sila makalakad;

Hindi makabigkas ng tinig ang kanilang lalamunan.

Yaong mga gumagawa sa kanila ay magiging tulad nila,

Ang lahat ng nagtitiwala sa kanila.

Walang alinlangan na hindi mahihirapan ang karamihan sa mga tao na matandaan ang isang maliwanag at mabisang tekstong tulad niyan.

Nais Mo Bang Sumulat ng Tula?

Mula sa mga tugmang pambata hanggang sa mga awitin sa mga patalastas, bahagi na ng ating buhay ang mga tula. Kaya maraming tao ang pamilyar kahit man lamang sa panimulang mga konsepto ng tula. Ngunit kung nais mo mismong sumulat ng tula, baka nanaisin mong magbasa muna ng iba’t ibang uri ng tula. Tutulungan ka nitong maunawaan ang iba’t ibang simulain ng pagsulat ng tula, bukod pa sa mapalalawak ang iyong bokabularyo. Siyempre pa, kailangan mong maging mapamili upang hindi ka mahantad sa anumang bagay na di-kapaki-pakinabang o nakapagpaparumi ng isip. (Filipos 4:8, 9) Sabihin pa, ang pinakamahusay na paraan upang matutong sumulat ng tula ay ang maupo kang taglay ang lapis at papel at magsulat.

Sa kalaunan, maaari ka pa ngang makapagsulat ng tula para sa kasiyahan ng iyong pamilya at mga kaibigan. Bakit hindi ipahayag sa isang tula ang iyong mga kaisipan kapag may padadalhan ka ng get-well o thank-you card? Hindi naman kailangang maging mahaba at napakaganda ng iyong tula. Basta sumulat ka lamang ng ilang taludtod na nagpapahayag ng nilalaman ng iyong puso. Ang hamon ay hindi lamang magdudulot sa iyo ng tuwa at kasiyahan kundi walang-alinlangan ng kaluguran din sa tatanggap nito kapag nakita niya ang pagsisikap mo na isulat ang iyong mga kaisipan sa isang malikhain at taos-pusong paraan.

Hindi mo kailangang maging isang dalubhasa sa mga salita upang masiyahan sa pagsulat ng tula, kung paanong hindi mo kailangang maging isang napakagaling na kusinero upang masiyahan sa paghahanda ng pagkain. Pagsama-samahin mo ang magkakasindami na hangarin, imahinasyon, sikap, tiyaga kasama na ang pagkamakatang likas sa iyo, at baka magulat ka at masiyahan sa mga larawang maipipinta ng mga salitang nanggaling sa iyo.

[Mga talababa]

a Para sa isang pagtalakay hinggil sa haiku, pakisuyong tingnan ang Gumising! ng Enero 8, 1989.

b Ang Gumising! ay isinasalin sa 83 wika. Dahil dito, pinili namin ang mga tula sa Bibliya bilang mga halimbawa sa artikulong ito, sa halip na mga halimbawang hindi nagmula sa Bibliya.

[Larawan sa pahina 21]

Binubuo ng mga tula ang malaking bahagi ng Hebreong Kasulatan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share