Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 1/8 p. 15-18
  • Kew Gardens—Sentrong Tagapaglipat ng Tanim Para sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kew Gardens—Sentrong Tagapaglipat ng Tanim Para sa Daigdig
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Halamanan para sa Siyensiya at sa Kasiyahan
  • Bantog na mga Tagumpay
  • Ang Terapeutikong Klima ng Inglatera
  • Banta ng Pagkalipol
  • Mga Imbakan ng Binhi—Isang Pakikipagpunyagi sa Panahon
    Gumising!—2002
  • Ang Ating Pagkagusto sa Halamanan
    Gumising!—1997
  • Isang Sulyap sa Ilang Bantog na Halamanan
    Gumising!—1997
  • Wakas ng Pagkasira
    Gumising!—1999
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 1/8 p. 15-18

Kew Gardens​—Sentrong Tagapaglipat ng Tanim Para sa Daigdig

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Britaniya

SINUSUPIL ang kaniyang likas na takot sa matataas na dako, nasumpungan ng hortikulturistang si Simon Goodenough, mula sa London, Inglatera, ang kaniyang sarili sa liblib na isla ng St. Helena sa Timog Atlantiko, namumutlang bumababa sa lubid sa isang dalisdis. Sa wakas, narating niya ang kaniyang tunguhin at maingat na inalis ang isang pambihirang uri ng punong daisy sa gilid ng dalisdis. Pagkatapos sinimulan ng halos malipol na palumpon na ito ang 11,000 kilometrong paglalakbay patungo sa Inglatera para sa masinsinang pangangalaga.

Ang halaman ay tumugon nang mahusay sa pangangalagang tinanggap nito sa Inglatera anupa’t ito’y nagsimulang dumami. Ito’y ibinalik sa St. Helena, at pagkalipas ng dalawang taon ang isang pambihirang halaman ay naging isang libo, tumutulong upang sugpuin ang problema ng isla tungkol sa pagguho.

Ito ay isa lamang sa maraming tagumpay sa paglilipat ng tanim na natamo ng Royal Botanic Gardens sa Kew, sa London, Inglatera. Subalit, maitatanong mo, bakit kailangang ipadala ang halamang ito nang napakalayo? Ano ba ang natatangi tungkol sa mga halamanan sa Kew?

Mga Halamanan para sa Siyensiya at sa Kasiyahan

Mahigit na isang milyong mga bisita ang dumadalaw sa Kew taun-taon upang masiyahan sa pagdalaw sa 117 ektarya ng napakaayos na mga halamanan. Anuman ang panahon, ang himpapawid ay punô ng nakarirepreskong halimuyak ng maraming uri ng pananim. Ang nabubuhay na koleksiyon nito ng mahigit na 40,000 iba’t ibang uri ng halaman ay nagpangyari na ang Kew Gardens ay malasin ng ilan na ang pinakamagaling na botanikal na hardin sa daigdig. Subalit higit pa sa basta kagandahan ang nasa Kew Gardens.

Alam mo ba na ang isa sa pangunahing papel ng botanikal na mga hardin ay para sa edukasyon ng madla? Aba, ang Kew ay inilarawan na “isang pamantasan na ang mga aklat-aralin ay mga bulaklak”! Paano nagsimula ang botanikal na luklukang ito ng karunungan?

Mula noong kalagitnaan ng ika-18 siglo, nang linangin ni Augusta, ang biyudang Prinsesa ng Wales, ang mga hardin sa kaniyang lupa sa tabi ng ilog Thames at Richmond, ang Kew ay naging isang sentro ng interes sa hortikultura. Subalit pangunahin nang dahil kay Sir Joseph Banks (1743-1820) na ang Kew Gardens ay naging bantog. Inorganisa niya ang malawakang proyekto na pagtitipon ng tanim, at mula sa London ang mga botaniko ay naglakbay sa daigdig sa paghanap ng mga halaman na kanilang dadalhin pabalik upang uriin. Ang resulta? Ang Kew ang may isa sa pinakamalaking koleksiyon ng tuyo at inipit na pananim sa daigdig, ang mga salansan nito ay naglalaman ng mga detalye ng halos 6,500,000 mga halaman.

Bantog na mga Tagumpay

Ang mga sugo ng Kew ay tumulong upang ilipat ang mga halaman mula sa isang dako ng globo tungo sa ibang dako. Si David Nelson, isang hardinero sa Kew, ay naglayag mula sa Inglatera noong 1787 sakay ng tanyag na bapor na Bounty, sa ilalim ng pangangasiwa ni Kapitan Bligh. Ang kaniyang misyon? Mangolekta ng mayaman sa karbohidratong rimas mula sa Tahiti sa Timog Pasipiko at itanim ito bilang isang pinagmumulan ng pagkain sa Caribbean. Ang sinamang-palad na paglalakbay-dagat ay nauwi sa paghihimagsik, na si Nelson, itinapon na kasama ng kapitan, sa wakas ay narating nila ang isla ng Timor sa Indonesia, kung saan siya ay namatay. Gayunman, ang iba pang kinatawan ng Kew ay sumunod at ang rimas sa wakas ay nakarating sa patutunguhan nito sa isla ng St. Vincent.

Ang botanikang pangkabuhayan, o ang paghahanap ng kapaki-pakinabang ng mga halaman, ay naging espesyalidad ng Kew. Ang Gardens ay nakatulong sa produksiyon ng isang sustansiya na ipinalalagay ng iba na bumago sa kasaysayan ng daigdig: ang kinina, isang matapang na gamot laban sa malaria na hinango sa balat ng kahoy ng isang punong cinchona sa Peru.

Isang Clements Markham ang nagkaroon ng ambisyong tulungang masugpo ang malaria na sumasalot sa subkontinente ng India. Noong 1859 siya ay umalis kasama ng mga hardinero sa Kew upang manggalugad sa Peru, Ecuador, at Bolivia, upang mangolekto ng mga binhi o buto at mga halaman ng lahat ng kilalang uri ng laging luntiang cinchona. Sa kabila ng masamang panahon at hirap ng palipat-lipat ng barko, ang ilang mga punla ay nakarating sa pangangalaga ng mga greenhouse sa Kew. Dito, sa ilalim ng magiliw na pangangalaga ng mga dalubhasa, ito ay dumami at pagkatapos ay ipinadala sa India. Hindi nagtagal ang mga dosis ng kinina ay regular na nakukuha sa mga nayon sa India.

Inilalarawan ng isang displey na kaso sa Museo sa Kew ang matagumpay na kuwento ng isa pang paglilipat ng tanim. Doon ay makikita mo ang mga detalye ng koleksiyon ng mga binhi ng puno ng goma (Hevea brasiliensis). Si Joseph Hooker, dating direktor ng Kew, ang bumalangkas ng isang proyekto upang ilipat ang mga binhing ito mula sa Timog Amerika tungo sa Kew. Sa kabila ng mga suliranin sa transportasyon, 70,000 mga binhi ang dumating sa wakas sa Liverpool, Inglatera, kung saan ang mga ito ay nagpatuloy sa kanilang paglalakbay sa pamamagitan ng pantanging tren patungo sa Kew. Bagaman 2,397 lamang nito ang matagumpay na tumubo, sa loob ng dalawang buwan 1,919 ang inilulan patungong Ceylon (ngayon ay Sri Lanka) at Malaya. Mula rito lumago ang ngayo’y malawak na mga taniman ng goma sa mga lupaing iyon.

Kabilang sa iba pang nagawa ng Kew noong ika-19 na siglo ay ang pagpili ng mga punungkahoy upang tumubo sa Isla ng Ascension, na dati-rati’y halos walang kapunu-puno. Ang Gardens ay nagpadala ng mga cactus sa Canary Islands para gamitin sa pag-aalaga ng insektong cochineal, na kapag pinulbos ay ginagamit na pangulay sa mga kosmetiko at sa ilang inumin. Maraming iba pang kapaki-pakinabang na mga halaman ay inilulan patungong Australia, New Zealand, Timog Aprika, at sa Estados Unidos.

Subalit kumusta naman ang Kew ngayon? Nakikinabang pa rin ba tayo sa kadalubhasaan ng mga hardinero nito?

Ang Terapeutikong Klima ng Inglatera

Tinitiyak ng direktor ng Gardens na ang kanilang tungkulin ay nagagawa may kaugnayan sa “pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa mga halamang pangkabuhayan na angkop paramihin sa iba’t ibang rehiyon ng daigdig, lalo na sa tigang na mga tropiko.” Siya’y naniniwala na ang pag-ubos sa mga reserbang gatong na fossil na gaya ng karbón at langis ay sapilitang magpapangyari sa tao na gamitin ang mga halaman bilang pangunahing pinagmumulan ng gatong at mga panghalo sa medisina. Tinatamasa na ng ilang lugar ang mas mahusay na kapaligiran dahil sa pagpaparami ng mga halamang pinag-aralan sa Kew dahil sa kakayahan nitong maglaan ng mabuting pantakip sa lupa para sa lupain.

Upang labanan ang mga pinsala ng impeksiyon sa halaman, isang sistema ng “panggitnang pagkukuwarantenas” ay kapaki-pakinabang. Anumang may sakit na halaman na dumarating sa Kew ay nangangailangan ng panahon para gamutin bago maglakbay patungo sa bago nitong destinasyon. Dito napatutunayang terapeutiko ang klima ng Inglatera. Halimbawa, ang kontroladong pagkalantad sa kainamang klima ng Kew ay pumapatay sa impeksiyon na kung minsan ay nakakasira sa kakaw na galing sa Kanlurang India. Ang gayong paggamot ay nagpapangyari sa ngayo’y malulusog na halaman na ipagpatuloy ang kanilang paglalakbay upang pagandahin ang ani sa Kanlurang Aprika.

Banta ng Pagkalipol

Patuloy rin ang pakikipagbaka upang panatilihin ang mga halaman. “Sa 300,000 uri ng halaman na nabubuhay sa limang kontinente, hindi kukulangin sa 20,000 ang nanganganib na malipol,” sabi ni Peter Raven, direktor ng botanikal na hardin sa St. Louis, Missouri,E.U.A. Ganito pa ang sabi ng magasing Pranses na Science et Vie, (Siyensiya at Buhay): “Ang bilang na ito ay maaaring dumami tungo sa 40,000 bago ang kalagitnaan ng susunod na dantaon. Iyan ay isa sa pito!” Nakakaharap ang gayong kritikal na kalagayan, ano ba ang ginagawa upang ihinto ang hilig na ito tungo sa pagkalipol?

Ang International Union for the Conservation of Nature ay nag-iingat ng isang yunit na sumusubaybay sa Kew. Dito maingat na pinag-aaralan ng mga siyentipiko ang mga binhi ng nanganganib na halaman at minamasdan ang pinakamagandang mga kalagayan para sa pagpaparami nito. Taglay ang impormasyong ito, tinatasa nila kung paano gagayahin ang kapaligiran ng halaman. Saka sinisimulan ng mga hardinero ang paraan ng “pagpapalaki,” o pagpaparami, sa nanganganib na mga uri.

Ang isa pang proteksiyon ay ang planong tiyakin na ang lahat ng nanganganib na uri ay itanim sa mahigit na isang botanikal na hardin. Paano ito isinasagawa? Sa pamamagitan ng pagpapalitan ng mga binhi sa pagitan ng mga botanikal na hardin, na humantong sa pagtatatag ng mga bangko ng binhi. Ang pagpapanatili ng mga bangkong ito ay nakikita bilang isang puhunan sa hinaharap.

Marahil magtataka ka kung bakit ang gayong pangangalaga ay gumagarantiya sa malaking mga pagsisikap na isinasagawa ng botanikal na mga hardin. Ang The Natural World, na pinatnugutan ni Malcolm Coe, ay nagbibigay ng isang mariing dahilan: “Ang pinsala sa katatagan at pakikibagay sa mga sistema ng ekolohiya ay pipinsala sa wakas sa kapakanan ng tao.”

Tunay, kapansin-pansin ang mga tagumpay na natamo ng Kew Gardens, gaya ng paglilipat ng palumpon na ngayo’y tumutulong upang labanan ang mga problema ng pagguho sa St. Helena. Subalit ang mga tagumpay bang ito ay mauulit sa iba pang lugar? Sa anong lawak magagawa ng paglilipat ng tanim ang tigang na mga rehiyon na maging matabang lupa? Panahon lamang ang makapagsasabi. Subalit pansamantala, pinasasalamatan natin ang gawain ng masigasig na mga botaniko at mga hortikulturista sa Kew Gardens. At marahil isang araw, baka ikaw ay magkaroon ng pagkakataon na dumalaw at makita mismo itong “sentro na tagapaglipat ng tanim para sa daigdig.”

[Larawan sa pahina 15]

Ang pagkalalaking pad ng liryo sa isang konserbatoryo sa Kew Gardens

[Mga larawan sa pahina 16]

Malaharing Pelargonia grenada, isa sa mga 250 uri ng geranium

Ang mga bulaklak ng Hibiscus (gumamela) ay may puti, rosas, pula, dilaw, at kulay dalandan

[Larawan sa pahina 17]

May mga isang daang uri at libu-libong iba’t ibang rose sa buong daigdig

[Larawan sa pahina 18]

Ang pagoda ay isang bantog na tanawin sa Kew Gardens

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share