Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 4/8 p. 24-27
  • Mga Imbakan ng Binhi—Isang Pakikipagpunyagi sa Panahon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Imbakan ng Binhi—Isang Pakikipagpunyagi sa Panahon
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ba ang Isang Imbakan ng Binhi?
  • Pag-abot sa mga Tunguhin
  • Pag-iimbak sa mga Binhi
  • Sino ang mga Nakikinabang Dito?
  • Paano Magtatagumpay ang Proyektong Ito?
  • Pagkasarisari—Mahalaga sa Buhay
    Gumising!—2001
  • Kew Gardens—Sentrong Tagapaglipat ng Tanim Para sa Daigdig
    Gumising!—1989
  • Sinisira ba ng Tao ang Kaniya Mismong Pinagkukunan ng Pagkain?
    Gumising!—2001
  • Naglalaho Na ang Pagkakasari-Sari ng Halaman—Bakit?
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 4/8 p. 24-27

Mga Imbakan ng Binhi​—Isang Pakikipagpunyagi sa Panahon

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRITANYA

NAKADEPENDE ang ating buhay sa mga halaman. Pinagmumulan ang mga ito ng pagkain at damit. Naglalaan ang mga ito ng panggatong, mga materyales sa paggawa ng mga bagay-bagay, at mga gamot na nakapagliligtas ng buhay. Nakadepende rin sa mga ito ang mga hayop, ibon, at insekto. Ngunit, ayon sa ilang mananaliksik, sangkapat ng mga halaman sa daigdig ang nanganganib na malipol sa susunod na 50 taon. Ang nangunguna sa pakikipagpunyagi sa panahon ay ang Millennium Seed Bank Project.

Ibinunyi bilang ang “Arka ni Noe para sa mga halaman” at “isang garantiya ng proteksiyon para sa planeta,” iingatan ng $120 milyon na gusali sa timugang bahagi ng Inglatera ang daan-daang milyong binhi na tinipon mula sa ilan sa pinakananganganib na malipol na uri sa daigdig.

Ano ba ang Isang Imbakan ng Binhi?

Nakapagdeposito ka na ba ng mahahalaga mong pag-aari sa isang bangko upang ito’y maingatan hanggang sa panahong muling kailanganin mo ang mga ito? Gayundin ang ginagawa ng isang imbakan ng binhi (seed bank) para sa mga halaman. Ito ay isang madali at murang paraan upang maingatan ang anumang halaman na may binhi, mula sa pinakamaliit na halaman hanggang sa pinakamataas na punungkahoy. Kapag ito’y naimbak na, hindi na masyadong aalagaan ang mga binhi. Karamihan sa mga ito ay hindi kumukuha ng malaking espasyo. Ang isang maliit na bote ay nakapaglalaman ng isang milyong binhi ng orkid! Para sa maraming iba pang uri, maraming binhi ang nagkakasiya sa isang ordinaryong pamburong garapon kung paanong nagkakasiya ang gayundin karaming tao sa isang lunsod. Pagkatapos ng pantanging paggamot, ang mga potensiyal na bagong halaman na ito ay maaaring ligtas na mapreserba sa loob ng maraming dekada o maging sa loob ng maraming siglo, higit na mas matagal kaysa sa buhay nila sa iláng.

Hindi na bago ang mga imbakan ng binhi, bagaman noong nakaraan ay pangunahin nang ginamit ang mga ito para sa komersiyal na mga pananim. Noong 1974, sinimulang pag-aralan ng mga siyentipiko sa Royal Botanic Gardens, sa Kew, sa London, kung paano iingatan ang mga binhi ng halamang-ligáw sa kanilang sangay sa Wakehurst Place sa lalawigan ng Sussex. Yamang nakapag-imbak ng 4,000 iba’t ibang uri mula sa buong daigdig, natanto nila na kailangan nila ang mas malaking proyekto upang mahadlangan ang malawakang paglaho ng mga halaman at ng mga tirahan nito sa buong daigdig. Kaya noong 1998, nagsimulang magtayo ang Kew ng isang mas malaking imbakan ng binhi sa lupain ng Wakehurst Place.

Pag-abot sa mga Tunguhin

Ang unang tunguhin, kahit noon pa mang bago matapos ang proyekto, ay ang imbakin ang mga binhi ng lahat ng punungkahoy, kambron, damo, palumpong, at mga bulaklak na ligáw sa Britanya pagsapit ng taóng 2000. Sa 1,440 katutubong uri, 317 ang nanganganib na malipol. Ang Kew ay mayroon nang 579 na uri sa imbakan nito, at ginalugad ng isang pangkat ng mahigit na 250 propesyonal at baguhang botaniko ang lupain upang hanapin ang natitira. Umakyat sa mga bundok, bumaba sa mga bangin, at sumuong sa napakalamig na mga katubigan ang mga tagapagtaguyod ng proyekto upang hanapin ang mga halamang mahirap masumpungan. Naisakatuparan ang tunguhin sa itinakdang panahon maliban sa iilang bihirang ispesimen.

Mula noong taóng 2000, ang pangunahing tunguhin ay ang kolektahin at imbakin ang 1 sa 10, o mahigit na 24,000 uri, ng mga halaman ng daigdig na may binhi pagsapit ng 2010, partikular na yaong mula sa mga tuyong lupain. Ang ikalimang bahagi ng populasyon ng tao sa daigdig ay naninirahan sa maiinit at tuyong mga rehiyong ito at dumedepende sa mga halaman upang mabuhay, subalit taun-taon ay nagiging mga disyerto ang malalawak na lugar sa mga rehiyong ito. Ang mga ekspedisyon ng pangongolekta ng binhi ay nagsimula sa ilang bansa sa pasimula ng 1997, at pagsapit ng Pebrero 2001, ang mga tagahanap ng binhi para sa Kew ay nakapangolekta na ng 300 milyong binhi mula sa 122 bansa, anupat halos 19,000 uri pa ang kailangang imbakin.

Pag-iimbak sa mga Binhi

Matagal nang nangongolekta ang mga hardinero at mga magsasaka ng mga binhi at iniimbak ang mga ito. Gayunman, ang mga binhi na iniingatan sa Millennium Seed Bank ay mabubuhay nang mas matagal pa kaysa sa likas na buhay ng mga binhi. Ang pinakasusi rito ay ang paraan ng pagpapatuyo at pagpapayelo rito.

Pagkatapos makolekta ang sapat na dami ng binhi at maihiwalay ang mga ito mula sa nakabalot na materyal nito, inilalagay ang mga ito sa mga supot na gawa sa papel o tela o maging sa mga bote ng soft drink upang matuyo ang mga binhi bago ito ipadala sa Britanya. Kasabay nito, inihahanda ng mga nangongolekta ang tuyo at napreserbang mga ispesimen ng aktuwal na mga halaman upang pormal itong makilala sa Kew, at ang eksaktong lugar kung saan natagpuan ang mga ito ay nakaulat sa pamamagitan ng mga satelayt na panggalugad.

Pagdating sa Wakehurst Place, dumaraan ang mga binhi sa dalawang mahahalagang yugto ng pagpapatuyo na pinaghihiwalay ng isang yugto ng paglilinis. Ang paggugol ng panahon sa dalawang silid na may magkasunod na mas mababang relatibong halumigmig at kapuwa mas tuyo pa kaysa sa karamihan sa mga disyerto ang nagpapababa sa taglay na halumigmig ng mga binhi mula sa di-kukulangin na 50 porsiyento hanggang sa mga 5 porsiyento. Tinitiyak nito na hindi mapipinsala ang mga binhi kapag nagyelo ang mga ito, at pinababagal nito ang mga biyolohikal na proseso ng mga binhi hanggang sa isang kalagayan na waring tumigil ang paggulang nito kung saan maaaring manatili ito sa gayong yugto sa loob ng napakatagal na panahon. Bago imbakin ang mga binhi, ang ilan ay pinararaan sa X-ray upang makita kung ang mga ito’y malulusog o napinsala ng mga insekto. Ang isa pang sampol ay sinusuri upang makita kung ang mga ito’y tutubo. Sa katunayan, tuwing sampung taon, ang mga sampol ay isasauli sa normal na kalagayan nito at titingnan kung ang mga ito’y maaari pang tumubo. Kung wala pang 75 porsiyento ang tumubo, dapat na mangulekta ng bagong mga binhi.

Ang pag-alam kung paano tumutugon ang mga binhi sa matagalang pag-iimbak at pag-unawa kung paano patutubuin ang mga ito sa kalaunan ay mahahalagang pitak sa pagsasaliksik. Sa wakas, ang mga binhi ay inilalagay sa mga boteng hindi mapapasok ng hangin at dinadala ang mga ito sa ilalim ng lupa sa isa sa dalawang freezer na kasinlaki ng isang silid na nasa isang malaking kongkretong kaha. Doon ay masinop na nakasalansan sa mga istante ang mga binhi, anupat sinisimulan ang kanilang mahabang pagtulog sa temperatura na -20 digri Celsius.

Matagumpay ba ang proseso? Matagumpay nga. Noong nakalipas na ilang taon, nang sinubok ang 3,000 binhi ng iba’t ibang halaman na inimbak sa loob ng isang dekada, 94 na porsiyento sa mga ito ang tumubo.

May problema sa ilang uri. Namamatay ang mga binhi ng mga ito kapag napakakaunti ang taglay na halumigmig ng mga ito. Ang mga halimbawa nito ay ang mga binhi ng ilang punong oak (Quercus), kakaw (Theobroma cacao), at goma (Hevea brasiliensis). Pero ang pagpapayelo sa mga ito kapag ang mga ito’y may halumigmig ay nakamamatay sa mga binhi yamang ang tubig ay umaalsa at pinapuputok ang mga pader ng selula ng binhi kapag nagyelo ito. Nagsasaliksik ang mga siyentipiko ng mga pamamaraan upang mapagtagumpayan ang balakid na ito. Ang isang posibleng solusyon ay kunin ang pinakabilig ng binhi, mabilis na tuyuin ito, at imbakin ito sa nitrohenong likido at sa napakababang temperatura.

Sino ang mga Nakikinabang Dito?

Kagaya ng isang bangko sa pananalapi, nagbabayad ang Millennium Seed Bank. Ginagamit ang mga sampol ng binhi para sa pagsasaliksik. Ang sangkapat ng mga gamot ay kinukuha sa mga halaman, ngunit hindi pa napag-aaralan ang 80 porsiyento ng mga halaman sa daigdig. Anong mga bagong gamot ang naghihintay na matuklasan? Nakapaglalaan ang isang uri ng vetch (Vicia faba) sa Mediteraneo ng isang protinang nagpapasigla sa pamumuo ng dugo at tumutulong ito sa pagtuklas sa di-pangkaraniwang mga sakit sa dugo ng tao. Marahil ay matutuklasan din ang bagong mga pagkain, panggatong, o hibla.

Ang mga siyentipiko mula sa ibang mga bansa ay nanunuluyan sa Bank habang pinag-aaralan ang mga pamamaraan hinggil sa pag-iimbak at pagpapatubo ng mga binhi upang makapagtayo sila ng mga imbakan ng binhi sa kani-kanilang bansa. Ang bawat bansang naglalaan ng mga binhi ay nakapagtatabi ng marami-rami nito, at magkakaroon ang mga ito ng patas na bahagi sa anumang kapakinabangan at kita mula sa pagsasaliksik.

Yamang ginagamit ang mga sampol ng binhi upang mapanauli ang mga napinsalang lupain at mapalago ang mga uring nanganganib malipol, ang pag-asa ay na ang mga pamamaraang ito ng pangangalaga ay makatutulong na mabago ang situwasyon ng mga halamang mabilis na naglalaho sa daigdig at ng maraming anyo ng buhay na dumedepende sa mga ito.

Paano Magtatagumpay ang Proyektong Ito?

Walang sinuman ang makapag-aalinlangan sa malubhang situwasyon na napapaharap sa sangkatauhan. Si Roger Smith, pinuno ng kagawaran ng pangangalaga sa mga binhi ng Kew, ay nagbigay ng tatlong dahilan ng proyekto: “Ang una ay tuwirang paggamit. Marami na ba tayong alam hinggil sa bawat halaman anupat kapag nawala ang isa, alam na natin kung ano ang nawala may kaugnayan sa potensiyal nito bilang pagkain o gamot? Ang ikalawa ay ang kawing ng buhay. Gunigunihin na bumubuo ng isang lambat ang lahat ng uri ng buhay sa daigdig, anupat ang bawat uri ay isang buhol sa lambat. Gaano karaming buhol ang maaari mong putulin bago tuluyan nang masira ang lambat? Ang pinakamabigat na dahilan ay ang pananagutan bilang katiwala. Anong karapatan ng kasalukuyang salinlahi na alisan ng mapagpipilian ang mga henerasyon sa hinaharap sa pamamagitan ng hindi pagpapasa ng mga uri na minana nito?”

Nakasisiphayo ang mga hamon sa hinaharap. Sinabi ng tagapag-ugnay ng proyekto na si Steve Alton: “Maaari mong makuha ang lahat ng binhi sa daigdig, ngunit kung walang tirahan para sa mga halamang iyon, walang saysay ang pag-iimbak sa mga ito.” Posible kaya na maligtas ang naglalahong mga uring ito at matiyak ang responsableng pangangalaga sa ating planeta?

Ang nakaaaliw na sagot ay oo. Nangangako ang Maylalang: “Darating ang binhi ng kapayapaan; ang punong ubas ay magbibigay ng bunga nito, at ang lupa ay magbibigay ng ani nito, at ang mga langit ay magbibigay ng kanilang hamog; at ipamamana ko sa mga nalalabi sa bayang ito ang lahat ng mga bagay na ito.”​—Zacarias 8:12.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 25]

ISA SA MARAMING IMBAKAN NG BINHI

Ang Kew Gardens ay isa lamang sa 1,300 imbakan ng binhi sa buong daigdig na abalang nagpepreserba ng mga binhi sa napakalalamig na freezer. Inilarawan ni Steve A. Eberhart, pinuno ng National Seed Storage Laboratory sa Colorado, ang pasilidad na iyon na waring isang “Fort Knox ng mga halaman.”

[Mga larawan]

Millennium Seed Bank Project

[Kahon sa pahina 26]

PAGKUHA MULA SA KALIPUNAN NG MGA GENE

Ang isang mahalagang papel ng mga imbakan ng binhi ay ang mangulekta ng iba’t ibang uri ng pananim at ng mga kamag-anak nito. Ang koleksiyon namang ito ay naglalaan ng isang kalipunan ng mga gene na siyang magagamit kapag nilalabanan ang mga paglitaw ng bagong mga sakit o peste sa tanim na iyon. Sa pamamagitan ng pagpili kung aling halaman ang pararamihin, mapasusulong ng mga siyentipiko ang ani, sustansiya, at panlaban ng mga pananim sa sakit at insekto. Ang kalipunang ito ng mga gene ay nagiging lalong mahalaga.

Sa buong daigdig, mahigit na 90 porsiyento ng mga kahilingan para sa kalori ng sangkatauhan ay sinasapatan ngayon ng 103 uri lamang ng halaman, at higit sa kalahati ng pinagkukunan ng lakas ng mga tao sa daigdig ay nagmumula lamang sa tatlong pangunahing pananim​—bigas, trigo, at mais. Bakit ito isang suliranin?

Kapag ang isang laganap na tanim ay magkakatulad sa henetikong paraan, patuloy itong nagiging mahina sa iisang sakit o peste. Ang pinakakilalang halimbawa ng panganib ng henetikong pagkakatulad ay naganap noong dekada ng 1840 sa Ireland. Noong panahong iyon, ang tanim na patatas ay nalipol ng potato blight (Phytophthora infestans). Ang halamang-singaw na ito ang nagpasimula sa tinatawag kung minsan na Malaking Taggutom at naging sanhi ng kamatayan ng 750,000 katao.

[Kahon sa pahina 27]

SINASALAKAY ANG PAGKASARI-SARI

Binabalaan ni Dr. Peter H. Raven ang mga delegado sa XVI International Botanical Congress, na idinaos sa Estados Unidos: “Kasindami ng 100,000 sa tinatayang kabuuang 300,000 uri ang maaaring hindi na umiral o patungo na sa pagkalipol sa kalagitnaan ng [ika-21] siglo.” Isang ulat mula sa Food and Agriculture Organization ng United Nations (FAO) ang nagsabi na ang kawalan ng pagkasari-sari sa ating mga pananim na pagkain “ay malaki-laki” na. Ang pangunahing banta sa pagkasari-sari ng halaman ay nanggagaling sa di-inaasahang pinagmulan.

Sinabi ng ulat ng FAO: “Ang pangunahing sanhi ngayon ng kawalan ng henetikong pagkasari-sari ay ang paglaganap ng makabago at komersiyal na agrikultura. Ang malakihang di-sinasadyang epekto ng paggamit ng bagong uri ng mga pananim ang humalili sa​—at sanhi ng pagkawala ng​—tradisyonal at lubhang pagkasari-sari para sa pagsasaka.”

Sa Tsina, halos 10,000 uri ng trigo ang ginamit noong 1949. Sa ngayon ay wala pang 1,000 ang nananatiling nagagamit. Sa Estados Unidos, halos 6,000 uri ng puno ng mansanas ang nawala sa loob ng nakalipas na 100 taon, at 95 porsiyento ng mga uri ng repolyo gayundin ang 81 porsiyento ng mga uri ng kamatis ang lumilitaw na nawala.

Ang digmaan ay isa ring sanhi ng pagkalipol ng mga uri ng pananim kapag napipilitan ang mga magsasaka na iwanan ang kanilang lupain sa loob ng maraming taon at nauubos ang iba’t ibang uri ng pananim sa lugar na iyon. Sinabi ng UNESCO Courier: “Ang mga digmaan . . . ay nakaaapekto sa bawat bansa sa baybaying-lugar ng Kanlurang Aprika na nagtataglay ng sinaunang agrikultura ng bigas. Ang rehiyong ito ang pangunahing sentro para sa henetikong pagkasari-sari ng bigas sa Aprika (Oryza glaberrima), na . . . maaari na ngayong i-crossbreed sa bigas ng Asia, isa sa mga pangunahing pananim na pagkain sa daigdig. Isang malaking kawalan sa daigdig kung itong . . . pananim sa Aprika na di-gaanong napag-aralan ay malipol dahil sa digmaan sa rehiyon.”

Mas Ligtas Kaysa sa mga Imbakan ng Binhi

Si John Tuxill, isang mananaliksik para sa Worldwatch Institute, ay nagbabala: “Lubhang nagiging sanay tayo sa paglilipat-lipat ng mga gene, ngunit ang kalikasan lamang ang makalilikha sa mga ito. Kapag nawala ang isang halaman na may kakaibang henetikong katangian, wala nang paraan upang mabawi ito.” Kaya milyun-milyong dolyar ang ipinupuhunan upang mapanatiling ligtas ang mga binhi sa mga imbakan nito.

Higit na mas ligtas ang ipinangako ng Maylalang ng mga kamangha-manghang mga binhi na ito, na noon pa ma’y nagbigay ng katiyakang ito: “Sa lahat ng mga araw na ang lupa ay nananatili, ang paghahasik ng binhi at pag-aani . . . ay hindi maglilikat.”​—Genesis 8:22.

[Larawan sa pahina 24]

Pangongolekta ng binhi sa Burkina Faso

[Larawan sa pahina 25]

Pag-iimbak sa temperaturang mababa pa sa sero digri Celsius

[Larawan sa pahina 26]

Pinag-aaralan ng isang botaniko mula sa Kenya kung paano susuriin ang antas ng halumigmig sa mga binhi

[Picture Credit Line sa pahina 24]

Lahat ng larawan sa pahina 24-7: The Royal Botanic Gardens, Kew

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share