Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 9/22 p. 4-8
  • Pagkasarisari—Mahalaga sa Buhay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagkasarisari—Mahalaga sa Buhay
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Green Revolution
  • Ang Gene Revolution
  • Mga Bangko ng Binhi​—Seguro Laban sa Pagkalipol?
  • Mga Problema sa Bangko
  • Mga Imbakan ng Binhi—Isang Pakikipagpunyagi sa Panahon
    Gumising!—2002
  • Mga Pagkaing Binago ang Henetikong Kayarian—Ligtas ba Ito Para sa Iyo?
    Gumising!—2000
  • Ang Genetikong Pagbabago—Dakilang Pangako na May Lumalaking Pagkabahala
    Gumising!—1989
  • Naglalaho Na ang Pagkakasari-Sari ng Halaman—Bakit?
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 9/22 p. 4-8

Pagkasarisari​—Mahalaga sa Buhay

NOONG dekada ng 1840, lumampas sa walong milyon ang populasyon ng Ireland, anupat ito’y naging ang pinakamataong bansa sa Europa. Patatas ang pangunahing pagkain nito, at isang uri ng patatas na tinatawag na mga lumper ang malawakang itinanim.

Noong 1845, itinanim ng mga magsasaka ang kanilang mga lumper na gaya ng dati, subalit humampas ang salot at nalipol ang halos lahat ng pananim. “Naligtasan ng karamihan sa Ireland ang mahirap na taóng iyon,” ang sulat ni Paul Raeburn sa kaniyang aklat na The Last Harvest​—The Genetic Gamble That Threatens to Destroy American Agriculture. “Dumating ang pagkawasak nang sumunod na taon. Walang nagawa ang mga magsasaka kundi ang magtanim muli ng patatas ding iyon. Wala silang ibang uri ng patatas. Humampas muli ang salot, napakatindi sa pagkakataong ito. Hindi mailarawan ang pagdurusa.” Tinataya ng mga istoryador na umabot sa 1 milyon katao ang namatay sa gutom, at 1.5 milyon naman ang nandayuhan, karamihan ay sa Estados Unidos. Dumanas naman ng matinding karukhaan yaong mga naiwan.

Sa Andes ng Timog Amerika, nagtanim ng maraming iba’t ibang uri ng patatas ang mga magsasaka, at iilan lamang ang naapektuhan ng salot. Kaya, walang epidemya. Maliwanag, nagbibigay ng proteksiyon ang pagkasarisari ng uri at pagkasarisari sa loob mismo ng isang uri. Salungat sa mahalagang estratehiyang pangkaligtasan na ito ang pagtatanim ng isa lamang at pare-parehong pananim at naglalantad sa mga halaman sa sakit o mga peste, na maaaring sumira sa buong ani ng rehiyon. Iyan ang dahilan kung bakit maraming magsasaka ang lubhang dumedepende sa madalas na paggamit ng mga pestisidyo, pamatay ng damo, at pamatay ng mga halamang-singaw, kahit na ang mga kemikal na iyon ay kadalasang mapanganib sa kapaligiran.

Kaya bakit pinapalitan ng mga magsasaka ang kanilang maraming katutubong uri ng iisa’t pare-parehong pananim? Karaniwan ay bilang tugon sa mga panggigipit sa kabuhayan. Ang pagtatanim ng pare-parehong pananim ay nangangako ng mabilis na pag-aani, pagiging maganda ng produkto, hindi nasisira, at maraming ani. Nagsimula noong mga dekada ng 1960 ang kasagsagan ng kausuhang ito na tinawag na green revolution.

Ang Green Revolution

Sa pamamagitan ng malawakang mga kampanya ng pamahalaan at korporasyon, nahikayat ang mga magsasaka sa mga lupaing madaling dumanas ng taggutom na palitan ang kanilang sari-saring pananim ng pare-pareho at maraming-aning mga butil, lalo na ang palay at trigo. Pinapurihan ang “milagrosa” na mga butil na ito bilang solusyon sa gutom ng daigdig. Subalit mahal ito​—tatlong ulit ang halaga ng mga binhi kaysa sa normal na presyo. Lubha ring umaasa sa mga kemikal, pati na sa mga abono, ang mga ani, hindi pa kasali ang magastos na mga kagamitang gaya ng mga traktora. Gayunman, nagsimula ang green revolution sa pamamagitan ng tulong na salapi mula sa pamahalaan. “Bagaman nailigtas nito ang milyun-milyon mula sa gutom,” ang sabi ni Raeburn, “pinagbabantaan [nito] ngayon ang seguridad ng pagkain sa daigdig.”

Sa katunayan, maaaring nakapaglaan ng panandaliang mga pakinabang ang green revolution kapalit ng pangmatagalang mga panganib. Di-nagtagal at naging pangkaraniwan na ang pare-parehong pananim sa buong mga kontinente​—habang dumarami ang panirang-damo dahil sa malaganap na paggamit ng mga abono, at sinisira naman ng mga pestisidyo ang kapaki-pakinabang na mga insekto gayundin ang mga peste. Sa mga palayan, pinatay ng nakalalasong mga kemikal ang mga isda, hipon, alimasag, palaka, at mga nakakaing halamang-gamot at mga halamang ligaw​—na ang karamihan ay mahahalagang panustos na pagkain. Humantong din sa mga kaso ng pagkalason ng mga magsasaka ang pagkalantad sa kemikal.

Isang guro sa Departamento ng Biyolohiya sa Open University sa United Kingdom, si Dr. Mae-Wan Ho, ay sumulat: “Hindi na matututulan sa ngayon na ang pagtatanim ng iisang uri ng pananim na sinimulan mula noong ‘Green Revolution’ ay lubhang nakaapekto sa pagkasarisari ng buhay at sa seguridad ng pagkain sa buong daigdig.” Ayon sa UN Food and Agriculture Organization, wala na ngayon ang 75 porsiyento ng henetikong pagkasarisari na nasa itinatanim na mga halaman isang siglo na ang nakalipas, pangunahin nang dahil sa mga gawain ng industriyal na pagsasaka.

Nagbabala ang isang babasahin na inilathala ng Worldwatch Institute na “pagkalaki-laking panganib sa ekolohiya ang nakukuha natin dahil sa paggamit ng pare-parehong henetikong kayarian (genetic uniformity).” Paano nakokontrol ang mga panganib na ito? Kailangan ang mga siyentipiko sa agrikultura at mabisang mga kemikal gayundin ang mamumuhunan para sa mga magsasaka. Gayunman, walang mga garantiya. Ang pare-parehong henetikong kayarian ang sanhi ng isang mapangwasak na salot ng mais sa Estados Unidos at ng pagkalugi ng kalahating milyong akre ng palay sa Indonesia. Subalit, nitong nakalipas na mga taon, nagsimula ang isang lubos na bagong pamamaraan sa pagsasaka, isa na nagsasangkot ng pagmamanipula sa buhay sa mas panimulang antas​—sa gene.

Ang Gene Revolution

Ang pag-aaral hinggil sa henetiko ang pinagmulan ng isang malakas na bagong industriya na tinatawag na biotechnology. Gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan nito, pinagsasama nito ang biyolohiya at makabagong teknolohiya sa pamamagitan ng pamamaraang gaya ng inhinyeriyang henetiko. Ang ilan sa bagong mga kompanyang biotech, gaya ng tawag sa mga ito, ay nagpapakadalubhasa sa agrikultura at masikap na gumagawa upang mapatente ang mga binhi na nagbibigay ng mataas na ani, na lumalaban sa sakit, tagtuyot, at yelo, at na nagbabawas ng pangangailangan para sa mapanganib na mga kemikal. Kung matatamo ang mga tunguhing iyan, ito’y magiging lubhang kapaki-pakinabang. Subalit ang ilan ay nabahala hinggil sa mga pananim na ginawa sa henetikong paraan (genetically engineered).

“Sa kalikasan, ang henetikong pagkasarisari ay ginagawa sa loob ng tiyak na mga hangganan,” ang sabi ng aklat na Genetic Engineering, Food, and Our Environment. “Ang isang rosas ay maaaring gawing ibang uri ng rosas, subalit ang rosas ay hindi kailanman magiging isang patatas. . . . Sa kabilang dako, ang inhinyeriyang henetiko ay karaniwang nagsasangkot ng pagkuha ng mga gene mula sa isang uri at pagpapasok nito sa isa pa sa pagtatangkang ilipat ang isang kanais-nais na paggawi o katangian. Halimbawa, maaari itong mangahulugan ng pagpili ng isang gene mula sa isang isda sa artiko (gaya ng flounder) na gagawa ng isang kemikal na may katangian na lumalaban sa yelo, at ilalagay ito sa patatas o sa strawberry upang gawin itong lumalaban sa yelo. Maaari na ngayong mabago ang mga halaman sa pamamagitan ng mga gene na kinuha mula sa mga baktirya, virus, insekto, hayop o maging sa mga tao.”a Kaya sa diwa, ipinahihintulot ng biotechnology sa mga tao na sirain ang henetikong mga pader na naghihiwalay sa iba’t ibang uri.

Tulad ng green revolution, nakaragdag sa problema ng pare-parehong henetikong kayarian ang tinatawag ng ilan na gene revolution​—sinasabi ng ilan na lumalala pa ang problema dahil sa maaaring gamitin ng mga dalubhasa sa henetiko ang mga pamamaraang gaya ng cloning at tissue culture, mga proseso na gumagawa ng magkamukhang-magkamukhang mga kopya, o mga clone. Samakatuwid, nananatili ang mga pagkabahala tungkol sa pagkawala ng pagkasarisari ng buhay. Subalit, ang mga halamang binago sa henetikong paraan ay nagbabangon ng bagong mga usapin, gaya sa mga maaaring maging epekto nito sa atin at sa kapaligiran. “Hindi natin alam kung saan tayo aakayin ng isang bagong panahon ng biotechnology sa agrikultura taglay ang matatayog na pag-asa, kakaunting pagpipigil, at halos walang anumang ideya sa potensiyal na mga kahihinatnan nito,” ang sabi ng manunulat sa siyensiya na si Jeremy Rifkin.b

Sa kabilang dako naman, ang kapangyarihang manipulahin ang buhay sa henetikong antas ay isang potensiyal na pagkakakitaan, kaya may labanan ngayon sa pagpapatente ng bagong mga binhi at iba pang binagong mga organismo. Samantala, nagpapatuloy ang walang hadlang na pagkalipol ng mga halaman. Gaya ng nabanggit kanina, upang maiwasan ang kasakunaan, nagtayo ng mga bangko ng binhi ang ilang pamahalaan at pribadong mga institusyon. Magagawa kaya ng mga bangkong ito na magkaroon ng maraming pagkasarisari ng binhi na itatanim at aanihin ang mga henerasyon sa hinaharap?

Mga Bangko ng Binhi​—Seguro Laban sa Pagkalipol?

Ang Royal Botanic Gardens sa Kew, Inglatera, ay nagsimula ng tinatawag nitong “isa sa pinakamalaking internasyonal na mga proyekto sa pangangalaga na kailanma’y isinagawa”​—ang Millennium Seed Bank Project. Ang pangunahing mga layunin ng proyekto ay (1) magtipon at pangalagaan ang 10 porsiyento​—mahigit na 24,000 uri​—ng pananim sa daigdig na nagbubunga ng binhi sa taóng 2010 at (2) bago iyan, magtipon at mangalaga ng mga binhi ng mga pananim na katutubo sa buong United Kingdom na nagbubunga ng binhi. Nagtatag din ang iba pang mga bansa ng mga bangko ng binhi, o mga bangko ng gene, gaya ng tawag dito kung minsan.

Sinabi ng biyologong si John Tuxill na hindi kukulangin sa 90 porsiyento ng milyun-milyong binhi na nakaimbak sa mga bangko ng binhi ay mahahalagang pagkain at panindang mga halaman, gaya ng trigo, palay, mais, sorghum, patatas, sibuyas, bawang, tubó, bulak, mga soybean, at iba pang balatong, upang banggitin lamang ang ilan. Subalit ang mga binhi ay buháy na mga organismo na nananatili lamang buháy habang tumatagal ang kanilang panloob na mga reserba ng enerhiya. Kaya, gaano ang pagkamaaasahan ng mga bangko ng binhi?

Mga Problema sa Bangko

Ang mga bangko ng binhi ay nangangailangan ng salapi upang patakbuhin​—sa kabuuan ay mga $300 milyon sa isang taon, ayon kay Tuxill. Subalit, maging ang halagang ito ay maaaring hindi pa sapat, sabi niya, sapagkat “13 porsiyento lamang ng mga binhing nasa bangko ang nasa mahuhusay na pasilidad na may kakayahang mag-imbak sa loob ng mahabang panahon.” Dahil sa hindi nagtatagal ang mga binhing hindi mahusay ang pagkakaimbak, dapat na itanim ito nang maaga upang ang mga binhi ng susunod na henerasyon ay maaaring anihin; kung hindi, ang mga bangko ng binhi ay magiging mga morge ng binhi. Mangyari pa, ang gayong gawain ay nangangailangan ng higit na manggagawa at salapi, na nakadaragdag lamang sa problema sa mga pasilidad na kapos na kapos na nga sa mga pondo.

Ipinaliliwanag ng aklat na Seeds of Change​—The Living Treasure na ang National Seed Storage Laboratory, sa Colorado, E.U.A., ay “dumaranas ng maraming problema, kasali na ang pagkawala ng kuryente, sirang mga kagamitan sa pagpapalamig, at kakulangan ng mga kawani anupat naiiwan ang marami at magulong mga salansan ng mga binhi na hindi pa nauuri.” Apektado rin ng mga kaguluhan sa pulitika, paghina ng ekonomiya, at likas na mga kasakunaan ang mga bangko ng binhi.

Lumilikha rin ng iba pang problema ang pangmatagalang pag-iimbak. Sa kanilang likas na kapaligiran, ang mga halaman ay may limitado subalit mahalagang kakayahang bumagay, at ito ang nagpapangyari sa kanila na maligtasan ang sakit at iba pang suliranin. Subalit sa protektadong kapaligiran ng isang bangko ng binhi, maaaring maiwala nila ang ilan sa katangiang iyon pagkaraan ng ilang henerasyon. Ngunit ang mga binhi ng maraming halaman na mainam ang pagkakaimbak ay maaaring tumagal ng mga dantaon bago ang mga ito’y kailangang itanim na muli. Sa kabila ng gayong mga limitasyon at kawalang-katiyakan, ang pag-iral mismo ng mga bangko ng binhi ay nagpapakita ng lumalaking pagkabahala tungkol sa hinaharap ng pananim na pagkain ng sangkatauhan.

Sabihin pa, ang pinakamabuting paraan upang mabawasan ang pagkalipol ay protektahan ang katutubong mga tirahang-dako at pasiglahin muli ang pagtatanim ng sari-saring pananim. Ngunit upang magawa iyon, sabi ni Tuxill, kailangang “gumawa tayo ng isang bagong pagkakatimbang sa pagitan ng mga pangangailangan ng tao at niyaong sa likas na daigdig.” Subalit, makatotohanan bang isipin na ang mga tao ay ‘gagawa ng isang bagong pagkakatimbang’ sa likas na daigdig habang kanilang itinataguyod taglay ang halos taimtim na sigasig ang pagsulong ng industriya at ekonomiya? Gaya ng nakita na natin, maging ang agrikultura ay isinasama sa modernong teknolohiya at inuudyukan ng komersiyal na pakinabang ng malalaking negosyo. Dapat na may ibang kasagutan.

[Mga talababa]

a Nananatiling kontrobersiyal ang mga teoriya tungkol sa posibleng mga epekto ng mga pagkaing binago ang henetikong kayarian (genetically modified) sa kalusugan ng hayop at ng tao at sa kapaligiran. Ang henetikong pagsasama ng ganap na magkaibang mga organismo ay umakay sa ilan na magbangon ng etikal na mga katanungan.​—Tingnan ang Gumising!, Abril 22, 2000, pahina 25-7.

b Iniuulat ng magasing New Scientist na ang mga sugar beet sa Europa na “binago ang henetikong kayarian upang lumaban sa isang pamatay ng damo ay di-sinasadyang nagkaroon ng mga gene na lumalaban sa isa pang pamatay ng damo.” Ang naligaw na gene ay nakapasok sa mga beet nang ang mga ito’y di-sinasadyang naapektuhan ng polinasyon ng isa pang uri ng beet na binago upang lumaban sa iba pang pamatay ng damo. Ikinatatakot ng ilang siyentipiko na ang malawakang paggamit ng mga pananim na lumalaban sa pamatay ng damo ay maaaring humantong sa paglikha ng mga superpanirang-damo na hindi na tinatablan ng mga pamatay ng damo.

[Kahon/Larawan sa pahina 7]

Ang Magsasaka​—Isang ‘Nanganganib na Uri’?

“Sapol noong 1950, ang bilang ng mga taong nagtatrabaho sa agrikultura ay tuluy-tuloy na bumagsak sa lahat ng industriyal na mga bansa, sa ilang rehiyon ay mahigit na 80 porsiyento,” ang sabi ng babasahing World Watch. Halimbawa, mas kaunti ang mga magsasaka ngayon sa Estados Unidos kaysa sa mga bilanggo. Ano ang dahilan ng pag-alis na ito sa lupain?

Ang mga pangunahing dahilan ay ang mababang kita, pagtaas ng pagkakautang dahil sa pagsasaka sa mga lalawigan, paglago ng karukhaan, at pagdami ng ginagamit na mga makina. Noong 1910, ang mga magsasaka sa Estados Unidos ay tumatanggap ng mga 40 sentimos sa bawat dolyar na ginugugol sa pagkain ng mga mamimili, subalit noong 1997, ang bahagi ng mga magsasaka ay bumaba sa mga 7 sentimos. Ang isang nagtatanim ng trigo, sabi ng World Watch, “ay tumatanggap lamang ng 6 na sentimos ng isang dolyar na ginugugol sa isang pan Amerikano.” Nangangahulugan ito na ang mga parokyano ay nagbabayad ng halos gayunding halaga para sa pambalot na gaya ng ibinabayad nila sa magsasaka para sa kaniyang trigo. Sa papaunlad na mga bansa, mas masahol pa ang kalagayan ng mga magsasaka. Ang isang magsasaka sa Australia o sa Europa ay maaaring mangutang sa bangko upang makaraos sa isang mahirap na taon; ang isang magsasaka sa Kanlurang Aprika ay maaaring hindi na muling sumubok. Baka nga hindi na siya makaraos.

[Mga larawan sa pahina 7]

“Lubhang naapektuhan ng iisang uri ng pananim na pinasimulan mula noong ‘Green Revolution’ ang pagkasarisari ng buhay at ang seguridad ng pagkain sa buong daigdig.”​—Dr. Mae-Wan Ho

[Credit Lines]

Background: U.S. Department of Agriculture

Centro Internacional de Mejoramiento de Maíz y Trigo (CIMMYT)

[Mga larawan sa pahina 8]

Iniingatan ng Millennium Seed Bank, sa Inglatera, ang mahahalagang binhi ng halaman

[Credit Line]

© Trustees of Royal Botanic Gardens, Kew

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share