Naglalaho Na ang Pagkakasari-Sari ng Halaman—Bakit?
SA Tsina, halos 10,000 uri ng trigo ang sinasaka noong 1949. Gayunman, pagsapit ng mga taon ng 1970, 1,000 na lamang ang nagagamit. Sa Estados Unidos, sa 7,098 uri ng mansanas na iniulat na ginamit sa pagitan ng 1804 at 1904, mga 86 na porsiyento na ang nawawala. Karagdagan pa, ayon sa Report on the State of the World’s Plant Genetic Resources for Food and Agriculture, “95 porsiyento ng repolyo, 91 porsiyento ng tumutubong mais, 94 porsiyento ng gisantes, at 81 porsiyento ng iba’t ibang kamatis ang malamang na wala na.” Ganito rin ang estadistikang iniuulat sa mga bansa sa buong daigdig. Bakit kaya biglang-biglang bumaba? Sinasabi ng ilan na ang pinakapangunahing dahilan ay ang paglaganap ng modernong pangkomersiyong agrikultura at ang kasunod nitong pagkawala ng maliliit na pampamilyang bukirin, na nagbunga ng pagkawala ng tradisyonal at napakaraming iba’t ibang uri ng mga tanim.
Ang pagkawala ng pagkakasari-sari ng halaman ay maaaring maging dahilan ng unti-unting pagbagsak nito. Halimbawa, tingnan ang nangyari sa Ireland nang magkaroon ng labis na kakulangan sa patatas noong 1845-49, anupat mga 750,000 katao ang namatay sa gutom nang sirain ng sakit sa halaman ang karamihan sa mga tanim na patatas. Biyolohikal ba ang naging dahilan ng trahedyang ito? “Henetikong pagkakapare-pareho,” sabi ng isang ulat ng United Nations.
Mahigit sa 1,000 gene bank ang itinayo sa buong daigdig noong mga taon ng 1970 at 1980 upang matipon at maingatan ang mga henetikong yaman ng halaman. Ngunit ang ilan sa mga gene bank na ito ay mabilis na humihina, at ilan sa mga ito ay nagsara na. Ayon sa ulat, mga 30 bansa na lamang ang may mga pasilidad na nagagamit sa pangmatagalang pag-iimbak at pangangalaga sa mga binhi ng halaman.
Nangangako ang Bibliya na sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Kristo, si Jehova “ay tiyak na gagawa para sa lahat ng bayan . . . ng bangkete ng mga pagkaing nilangisang mainam, ng bangkete ng mga alak na laon, ng matatabang bagay na puno ng utak.” (Isaias 25:6) Anong laki ng pasasalamat natin na sasapatan ng Diyos na Jehova, “ang Isa na nagbibigay ng pagkain sa lahat ng laman” at ang Maylalang ng henetikong pagkakasari-sari, ang bawat pangangailangan ng tao sa pagkain!—Awit 136:25; Genesis 1:29.