Sinisira ba ng Tao ang Kaniya Mismong Pinagkukunan ng Pagkain?
“Ang tunay na problema natin sa ngayon [ay] hindi ang mga pagkakautang at mga sobra-sobrang gastusin o pangglobong kompetisyon kundi ang pangangailangang makasumpong ng paraan upang mamuhay nang makabuluhan at kasiya-siyang buhay nang hindi sinisira ang “biosphere” ng planeta, na sumusuporta sa lahat ng buhay. Hindi pa kailanman nakaharap ng sangkatauhan ang gayong banta: ang pagguho ng mismong mga elemento na nagpapanatili sa ating buháy.”—Dalubhasa sa henetiko na si David Suzuki.
ANG isang mansanas ay isang bagay na madaling ipagwalang-bahala. Kung sagana ang mansanas sa iyong tinitirhan, maaari kang mag-akala na madali itong makuha at, higit pa riyan, makapipili ka mula sa iba’t ibang uri. Ngunit alam mo ba na maaaring mas kakaunting uri na lamang ang mapagpipilian sa ngayon kaysa noong nakalipas na 100 taon?
Sa pagitan ng mga taóng 1804 at 1905, may 7,098 uri ng mansanas na itinatanim sa Estados Unidos. Sa ngayon, ang 6,121 nito—86 na porsiyento—ay hindi na umiiral. Gayundin ang nangyari sa mga peras. Halos 88 porsiyento ng 2,683 uri nito na dating itinatanim ang hindi na ngayon umiiral. At kung tungkol naman sa mga gulay, mas nakababahala pa ang bilang. May nawawala, at ito ang tinatawag na pagkasarisari ng buhay—hindi lamang ang saganang pagkasarisari ng mga uri ng nabubuhay na bagay kundi ang saganang pagkasarisari rin sa loob mismo ng isang uri. Nabawasan nang 97 porsiyento ang pagkasarisari sa loob mismo ng iba’t ibang uri ng mga gulay na itinatanim sa Estados Unidos sa loob ng wala pang 80 taon! Subalit mahalaga nga ba ang pagkasarisari?
Sinasabi ng maraming siyentipiko na mahalaga ito. Bagaman pinagtatalunan pa ang papel na ginagampanan ng pagkasarisari ng buhay, maraming eksperto sa kapaligiran ang nagsasabi na mahalaga ito sa buhay sa lupa. Sinasabi nilang kung paanong mahalaga ito sa mga halamang ating itinatanim na makakain, mahalaga rin ito sa mga halamang ligaw sa mga kagubatan, mga gubat, at mga damuhan ng daigdig. Mahalaga rin ang pagkasarisari ng buhay sa loob mismo ng isang uri. Halimbawa, ang maraming uri ng palay ay nagpapangyari na mas malamang na malabanan ng ilang uri ang karaniwang mga salot. Kaya, binanggit kamakailan ng isang ulat na inilathala ng Worldwatch Institute na maaaring ipakita sa sangkatauhan na isang bagay higit sa lahat kung gaano kapanganib na bawasan ang pagkasarisari ng buhay sa lupa—ang epekto sa ating pinagkukunan ng pagkain.
Makaaapekto sa mga pananim na pagkain ang pagkalipol ng mga halaman sa di-kukulanging dalawang paraan: una, sa pamamagitan ng paglipol sa ligaw na mga kauri ng itinatanim na pananim, na isang potensiyal na pagmumulan ng mga gene para sa pagpaparami sa hinaharap, at ikalawa, sa pamamagitan ng pagbabawas sa bilang ng mga uri sa loob mismo ng mga uring itinatanim. Halimbawa, sa pasimula ng ika-20 siglo, malamang na mahigit sa 100,000 katutubong uri ng palay ang itinatanim sa Asia, na may di-kukulanging 30,000 uri sa India pa lamang. Sa ngayon ay binubuo na lamang ng sampung uri ang 75 porsiyentong pananim ng India. Ang 2,000 uri ng palay sa Sri Lanka ay pawang napalitan na lamang ng 5. Ang Mexico, na pinagmulan ng pagtatanim ng mais para sa sariling gamit nito, ay nagtatanim ng 20 porsiyento na lamang ng iba’t ibang uri ng mais na nasumpungan doon noong dekada ng 1930.
Subalit higit pa sa basta pagkain ang nakataya. Mga 25 porsiyento ng mga gamot na komersiyal na ginagawa ay galing sa mga halaman, at patuloy na nakasusumpong ng bagong mga halamang-gamot. Gayunman, patuloy na patungo sa pagkalipol ang mga halaman. Sa katunayan, maaari kayang pinuputol natin ang mismong sanga na sumusuporta sa atin?
Ayon sa World Conservation Union, sa 18,000 uri ng mga halaman at mga hayop na nasuri, mahigit na 11,000 ang nanganganib na malipol. Sa mga lugar na gaya ng Indonesia, Malaysia, at Latin Amerika, kung saan malalaking bahagi ng kagubatan ang hinawan para gawing taniman, mahuhulaan na lamang ng mga mananaliksik kung gaano karaming uri ang maaaring malipol—o lipol na. Gayunpaman, sinasabi ng ilan na ang pagkalipol ay nagpapatuloy sa “kapaha-pahamak na bilis,” ang ulat ng The UNESCO Courier.
Sabihin pa, ang lupa ay naglalaan pa rin ng pambihirang dami ng pagkain. Subalit hanggang kailan mapakakain ng lumalaking populasyon ng tao ang sarili nito kung umuunti ang pagkasarisari ng buhay sa planeta? Tumugon ang iba’t ibang bansa sa gayong mga pagkabahala sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga bangko ng binhi (seed bank) bilang seguro laban sa pagkawala ng mahahalagang halaman. Nagsagawa ang ilang botanikal na mga hardin ng misyon na mag-iingat sa mga uri ng halaman. Naglaan ang siyensiya ng mahuhusay na bagong mga kagamitan sa pamamagitan ng inhinyeriya henetiko (genetic engineering). Ngunit talaga bang malulutas ng mga bangko ng binhi at ng siyensiya ang problema? Susuriin ng susunod na artikulo ang tanong na ito.