Pagmamasid sa Daigdig
Ang Pagpapaliban-liban at ang Kalusugan
“Ang pagpapaliban-liban ay maaaring makasama sa iyong kalusugan,” sabi ng isang pag-aaral na iniulat ng pahayagang Vancouver Sun. Gaya ng inihayag sa isang komperensiya kamakailan ng American Psychological Society na ginanap sa Toronto, Canada, isang pagsusuri sa 200 mag-aaral sa Canada ang “nagsisiwalat na inilalagay niyaong mga nagpapaliban-liban ang kanilang mga sarili sa labis na kagipitan sa pamamagitan ng hindi agad pagkilos anupat sila ay dumaranas ng mas maraming sakit na nauugnay sa kaigtingan kaysa sa iba. . . . Habang papalapit ang petsa ng pagsusulit, ang antas ng kaigtingan niyaong mga nagpapaliban-liban ay tumataas. Ang kanilang walang-iniintinding saloobin ay napapalitan ng mas malimit na mga pananakit ng ulo, pananakit ng likod, sipon, mga suliranin sa pagtulog at mga alerdyi. Dumaranas sila ng higit na suliranin sa palahingahan, mga impeksiyon at migraine.”
Isang Isdang Umaakyat sa Malalaking Bato!
Isang pangkat ng mga ichthyologist sa Brazil, mga siyentipikong nag-aaral tungkol sa isda, ang nakapansin sa isang uri ng darter sa Timog Amerika na paulit-ulit na nagsasagawa ng waring imposibleng kahanga-hangang gawain ng pag-akyat sa isang basa, madulas, limang-palapag ang taas na matarik na dalisdis sa ilalim ng isang talon, ulat ng magasing Natural History. “Napansin ng mga mananaliksik ang mga kakayahan sa pag-akyat sa talon ng isda na apat na sentimetro ang haba sa mabilis na mga agos ng tubig-tabang ng Espírito Santo sa silanganing bahagi ng Brazil.” Ginagamit ang kanilang dalawang malalaking pares ng palikpik, ang mga darter ay nangungunyapit sa pinakapaanan ng talon at dahan-dahang iniuusad ang kanilang mga sarili sa harap ng bato na 15 metro ang taas, “na may matatag at patagilid na mga kilos,” na nagpapahinga sa pana-panahon. “Iniisip ng mga siyentipiko na ang paggawing ito ay nakatutulong upang mapanatili ang dami ng mga ito sa mga nakabukod at matataas na lupa,” sabi ng ulat. Gayunman, hindi lamang mga darter ang isda na may kasanayan sa pag-akyat sa batuhan; ang iba pang mga uri ay kinabibilangan ng mga goby ng tropiko at mga loach ng Asia.
Mga Kamatis na may Panlaban sa Alat
“Nabago ng mga mananaliksik ang henetikong kayarian ng kauna-unahang kamatis sa daigdig na maaaring tumubo sa maalat na tubig—isang pagsulong na makatutulong sa paglutas sa isa sa pinakamalalaking suliranin sa agrikultura,” sabi ng washingtonpost.com. Ang kamatis na may panlaban sa alat ay nilakipan ng isang gene mula sa isang halaman na kauri ng repolyo. Ang inilakip na gene ay nagpapangyari sa halamang kamatis na “itabi ang alat sa mga butas na taguan na nagpapaging posible na mabuhay ang halaman sa lupa na karaniwan nang hindi angkop sa karamihan ng mga pananim.” Ayon sa ulat, “ang kamatis na binago ang henetikong kayarian ay maaaring tumubo sa lupa na pinaaagusan ng tubig na mga 50 beses ang alat kaysa sa karaniwan.” Inaasahan na ang gayong mga pananim na may panlaban sa alat ay mabubuhay sa mga lupa na hindi palagiang nadidiligan ng tubig-ulan. Idinagdag ng ulat na ang “isa pang posibleng gamit ng mga kamatis na binago ang henetikong kayarian (o iba pang mga tanim na ginawang makalalaban sa alat) ay ang baguhin ang kemikal na katangian ng lupang babad sa alat sa pamamagitan ng pagsipsip sa mga alat.”
Mga Batang Gustong Magpatiwakal
Ang mga tawag sa telepono ng mga batang gustong magpatiwakal sa mga helpline ng institusyon sa kawanggawa na ChildLine sa Britanya ay nadoble mula 346 noong 1990/91 tungo sa 701 noong 1998/99, ulat ng The Guardian ng London. “Ang matinding kawalan ng pag-asa” ay “sanhi ng pananakot ng ibang mga mag-aaral, seksuwal at pisikal na pang-aabuso, pangungulila at kaigtingan sa pagkuha ng mga pagsusulit.” Sang-ayon sa institusyon sa kawanggawa, “mapanganib na ituring ang karaniwang palagay na kumukuha lamang ng atensiyon ang mga nagtatangkang magpatiwakal. Mali ang paniniwala na hindi gagawin ng mga bumabanggit tungkol sa pagpapatiwakal ang bagay na iyon. Sinabi ng marami sa mga batang gustong magpatiwakal na tumawag sa ChildLine na ang kanilang kalungkutan ay pinalala pa ng waring kawalang-malasakit ng mga magulang o ng mga tagapag-alaga.” Pagkatapos ng unang tangkang pagpapatiwakal, “natutuwa ang mga pamilya na ang kanilang anak ay nakaligtas . . . anupat ipinalalagay nila na ang suliranin ay lumipas na. Pagkatapos, nakalulungkot, nauulit itong muli,” kalimitan ay sa loob ng mga ilang buwan pagkatapos ng unang pagtatangka. Bagaman nakahihigit ang bilang ng mga batang babae na gustong magpatiwakal nang 4 sa 1 sa mga batang lalaki, mas malamang na matuloy ang pagpapatiwakal ng mga batang lalaki. Karamihan sa tumatawag na mga batang gustong magpatiwakal ay nasa edad na 13 hanggang 18, ngunit ang pinakabata ay 6 na taon lamang.
Pain sa Lamok
Isang kompanya sa Singapore ang gumagawa ng isang kasangkapan na pupuksa sa mga lamok nang hindi gumagamit ng mga pamatay-insekto. Ito ay isang itim na kahong plastik na 38 sentimetro ang taas na “naglalabas ng init at carbon dioxide gaya ng ginagawa ng katawan ng tao,” ulat ng The Economist ng London. Dahil sa nakikita ng mga lamok ang kanilang mga biktima sa pamamagitan ng paghahanap sa init ng katawan at carbon dioxide mula sa hininga, ang kasangkapan ay “nakalilinlang sa mga lamok sa paniniwala na mayroon nang makakain ang mga ito.” Ang kahon ay pinaiinit ng kuryente, at ito’y naglalabas ng carbon dioxide mula sa isang maliit na cartridge. Ang nagkikislapang mga ilaw ay umaakit sa insekto na pumasok sa isang butas sa kahon. Pagkatapos ay hihipan ito ng isang bentilador pababa sa isang tipunan ng tubig, kung saan ito malulunod. Ang kasangkapan ay maaaring makahuli ng 1,200 lamok sa isang gabi at maaaring iakma upang hulihin ang lamok na Anopheles na lumalabas kung gabi, na nagdadala ng malarya, o ang lamok na Aedes na lumalabas naman kung araw, na nagdadala ng yellow fever at dengue. Ang isa pang bentaha ay na hindi nito napapatay ang mga insektong hindi nakapipinsala gaya ng mga paruparo.
Hinimok ang mga Lalaki na Kumain ng Isda
Ang mga lalaking malalakas kumain ng mga isdang maraming taba, gaya ng salmon, tamban, at mackerel, ay dalawa hanggang tatlong beses na malamang na makaiwas sa pagkakaroon ng kanser sa prostate kaysa sa mga lalaking madalang kumain ng isda, sabi ng mga mananaliksik mula sa Karolinska Institute sa Stockholm. Isinaalang-alang din ng 30-taóng pag-aaral sa 6,272 lalaki ang mga mapanganib na sanhi gaya ng paninigarilyo. Ipinalalagay ng mga mananaliksik na ang “tinatawag na mga omega-3 fatty acid [na masusumpungan lalo na sa mga malalangis na isda] ay waring pumipigil sa pagtubo ng kanser sa prostate.” Ang gayunding mga fatty acid “ay nakababawas din sa panganib ng atake sa puso,” sabi ng ulat. Kaya nga, ipinapayo ng mga dalubhasa na ang mga tao ay kumain ng isda “minsan o dalawang beses sa isang linggo.”
Inililigtas ng Darak ng Bigas ang mga Puno
Ang darak ng bigas, isang panghaliling panggatong sa mga pagawaan ng ladrilyo sa hilagang bahagi ng Peru, ay tumutulong upang maiwasan ang pagputol sa mga nanganganib na punong algarroba (carob) bilang kahoy na panggatong, ulat ng pahayagang El Comercio sa Peru. Ang paggamit ng 21 tagagawa ng ladrilyo sa darak ng bigas, isang basurang pansakahan, ay nakatulong din upang mabawasan ang paglalabas ng carbon dioxide sa hangin. Karagdagan pa, sa pagpapalitada sa mga dingding ng hurno ng isang masa na binubuo ng buhangin, luwad, at pulot—na nagpapabuti sa insulasyon at sa gayo’y nakababawas sa paglabas ng init—ang mahusay na paggana ng mga hurno ay sumulong nang 15 porsiyento. Gumagawa rin ng mga pagsubok na isama ang mga abo ng darak ng bigas sa timplada ng ladrilyo, sa pag-asang patitibayin nito ang yari nang produkto. “Ang paggamit nito ay nakababawas din sa polusyon at sa mga suliranin sa pag-iimbak ng mga basura,” sabi ng El Comercio.
Mental na Kalusugan at ang mga Bata
“Ipinakikita ng mga estadistika na isa sa limang mga bata ang daranas ng problema sa mental na kalusugan pagsapit ng edad na 11,” sabi ng pahayagang The Gazette ng Montreal, Canada. “Ang mabuting mental na kalusugan ay nangangahulugan ng pagbabalanse ng sosyal, pisikal, espirituwal at emosyonal na mga aspekto ng buhay ng isa.” Sang-ayon kay Sandy Bray, isang tagapag-ugnay ng edukasyong panlipunan para sa Canadian Mental Health Association, dapat tayong mabahala sa mental na kalusugan gaya ng ating pagkabahala sa ating pisikal na kalusugan. Sabi ni Bray: “Kung patuloy nating ipagwawalang-bahala ang ating mental na kalusugan, maaari tayong makaranas ng panlulumo, pagkabalisa at labis-labis na kaigtingan.” Ang mga magulang ay hinihimok na maging palaisip sa pangangalaga sa mental na kalusugan ng kanilang mga anak, sa pamamagitan ng pag-uukol ng panahon na makasama ang kanilang pamilya at pagkain nang magkakasama. Ang iba pang mga mungkahi na makatutulong sa pagpapanatili ng mabuting mental na kalusugan ay ang pagkakaroon ng sapat na tulog, pagkain nang husto, pananatiling malusog, pagsasaayos ng panahon upang gawin ang mga bagay na ikinatutuwa mo, paggugol ng panahon kasama ng mga kaibigan, pagtatawanan, pagboboluntaryo, pagbibigay at pagtanggap ng mga papuri, matamang pakikinig sa iba, at hindi pagiging labis na mapanghatol sa sarili kapag nagkakamali ka.
Ang Malubhang Kabayaran ng Labis na Pangingisda
“Nawasak nang husto ng sangkatauhan ang karagatan sa lawak na hindi kailanman maguguniguni anupat libu-libong uri ang nalipol dahil sa labis na pangingisda, ang isiniwalat ng isang pag-aaral,” sabi ng The Times ng London. “Ang kahusayan ng tao sa maramihang panghuhuli ng hayop sa dagat at mga lukan (shellfish) ay sumira sa mga kawing ng pagkain at nagwasak sa ekosistema anupat lubusang nabago ang karagatan,” ayon sa isinagawang pananaliksik. Binabanggit ng ulat na noong maglayag si Kapitan John Smith sa mga katubigan ng Chesapeake Bay sa silangang bahagi ng baybayin ng Estados Unidos noong 1607, “malinaw na makikita sa tubig na siyam na metro ang lalim” ang isang kanyon na nahulog mula sa isang bapor. Ipinalalagay ng mga mananaliksik na ang dating malinaw na tubig na ito ay bunga ng “malawak na bahura ng mga talaba [na] sumasala ng tubig sa look bawat ikatlong araw, anupat kinokontrol ang dami ng mga mikrobyo at mga lumot.” Noong panahong iyon ay “napakarami ng mga grey whale, lampasot, manatee, river otter, pawikan, buwaya at giant sturgeon” sa mga lugar na iyon. Ngayon ito ay tinitirhan na lamang ng “kakaunting mga uri” na dating nabubuhay rito.