Ang Pananagumpay ng “Mansanas ng Pag-ibig”
Mula sa manunulat ng Gumising! sa Espanya
NOON, maraming siglo na ang nakalipas, ang “mansanas ng pag-ibig” ay isang ligáw na halaman na tumutubo sa rehiyon ng Andes sa Timog Amerika. Ang mga bunga nito ay talaga namang malasa, ngunit lumilitaw na hindi ito itinatanim ng mga katutubong Indian. Sa paanuman ay nakarating ang pambihirang halamang ito sa Mexico, kung saan pinangalanan ito ng mga Aztec na xitomatl. Ang terminong xitomatl ay tumutukoy sa ilang magkakahawig at kadalasa’y makakatas na prutas. Di-nagtagal, ang sarsang kamatis, o salsa, ay naging kinaugaliang bahagi ng lutuin ng mga Aztec, at unti-unti nang nagsimulang makilala ang kamatis sa iba’t ibang bansa.
Nasumpungan din ng mga mananakop na Kastila na lubhang malasa ang sarsang kamatis. Noong 1590, isang Jesuitang pari na gumugol ng kalakhang bahagi ng kaniyang buhay sa Mexico ang nagsabi na ang mga kamatis ay lubhang nakapagpapalusog, mabuting kainin, at sagana sa katas na nagpapalinamnam sa sarsa. Mula sa Mexico, nagpadala ang mga Kastila ng mga binhi ng kamatis sa Espanya at sa kanilang mga kolonya sa Caribbean at sa Pilipinas. Subalit sa kabila ng magandang pasimulang ito, inabot ng mahigit na tatlong siglo bago isinangkap ang kamatis sa mga lutuin sa daigdig.
Pagdaig sa Di-kaayaayang Reputasyon
Ang maling akala sa pagluluto—tulad ng iba pa—ay maaaring mahirap daigin. Sa kabila ng reputasyon ng kamatis sa Mexico, di-nagtagal ay nagkaroon ito ng masamang pangalan sa Europa. Nagsimula ang problema nang uriin ng mga botanikong Europeo ang kamatis bilang miyembro ng pamilyang Solanaceae—ang mismong pamilya ng nakalalasong belladonna, o nakamamatay na nightshade. Bukod dito, ang mga dahon nito ay naglalabas ng masangsang na amoy, at nakalalason ang mga ito. Lalo pang nakaragdag sa problema ang pag-aangkin ng ilang espesyalista sa halamang-gamot na ang kamatis ay nakapupukaw ng seksuwal na pagnanasa. Naniniwala ang ilan na ito ang dahilan kung kaya tinawag ito ng mga Pranses na pomme d’amour, o ang “mansanas ng pag-ibig.”
Ang di-kaayaayang mga aspekto ng reputasyon ng kamatis ay lumaganap din sa Hilagang Amerika. Kahit noong dekada ng 1820, isang hardinerong Amerikano mula sa Massachusetts ang nagpahayag: “[Ang mga kamatis] ay waring lubhang kasuklam-suklam anupat sa palagay ko ay kailangang gutom na gutom muna ako bago ako mahikayat na tikman ang mga iyon.” Hindi lamang siya ang nagdududa sa kamatis. Tinawag ito ng isang taga-Pennsylvania na “maasim na basura,” at isang kontemporaryong maghahalamáng Britano ang naglarawan sa halamang kamatis bilang “mabahong ginintuang mansanas.”
Mabuti na lamang, mas praktikal ang mga Italyano na nagpangalan ng pomodoro (ginintuang mansanas) sa kamatis noong ika-16 na siglo.a Noong unang bahagi ng ika-17 siglo, ang mga kamatis ay naging popular na pagkain sa Italya, kung saan ang maaraw na klima roon ay angkop sa pagtatanim ng mga ito. Subalit sa loob ng halos dalawang siglo, hindi pa rin kumbinsido ang mga hardinero sa gawing hilaga ng Europa, at nagtatanim sila ng mga kamatis bilang palamuti o halamang-gamot lamang.
Mula sa Maling Akala Tungo sa Pagiging Popular
Gayunman, nang simulang tikman ng mga tao ang mga kamatis, nawala ang dating mga pag-aalinlangan, at umunlad ang pagtatanim ng kamatis. Pagsapit ng dekada ng 1870, ipinagbibili na sa New York ang mga sariwang kamatis na galing sa California, bunga na rin ng bagong riles ng tren na tumatawid ng kontinente. Ilang dekada bago nito, ang unang tindahan ng pizza ay binuksan sa Naples, Italya, at kasabay nito ay dumami ang pangangailangan sa kamatis. At sa ika-20 siglo, ang lumalaking pangangailangan sa sopas, katas, sarsa, at ketsap na kamatis—bukod pa sa popular na pizza—ay nagpangyari na maging pinakapopular na prutas sa lupa ang dating labis-na-siniraang kamatis. (Tingnan ang kalakip na kahon.) Bukod sa nagustuhan ito ng mga nangangalakal ng tanim, ang kamatis ay naging paborito rin ng mga hardinero—mula sa mga disyerto ng Gitnang Silangan hanggang sa mahanging North Sea.
Mula sa Sinai Hanggang sa Pasilidad sa Pagkuha ng Langis
Ang isang pasilidad sa pagkuha ng langis na nakapuwesto sa gitna ng North Sea ay waring hindi angkop na lugar para maging taniman ng mga prutas at gulay, ngunit ang kamatis ay hindi maselan na halaman. Basta may sapat na tubig at isang pasadyang bag na plastik na naglalaman ng lahat ng kinakailangang sustansiya, ang mga binhi nito ay maaaring tumubo kahit walang lupa. Ito ang dahilan kung bakit ang kamatis ay nagustuhan ng mga tagakuha ng langis, na nagnanais na makakita ng luntiang halamanan sa gitna ng walang-buhay na mga tubo at makinarya ng kanilang pasilidad sa pagkuha ng langis at magkaroon ng sariling tanim na prutas na pampalasa sa kanilang pagkain.
Sa kaunting pag-aalaga, maaari ring mapatubo ang mga kamatis sa disyerto. Ang mga Jabaliyyah Bedouin, na nagsipangalat sa kabundukan ng Sinai, sa Ehipto, ay gumawa ng hagdan-hagdang mga halamanan na tinutubigan ng mga bukal, balon, at ng paminsan-minsang pag-ulan. Ang kanilang maingat na pinatutubigang mga halamanan ay nagbubunga ng saganang ani ng malalaking kamatis, na kanilang pinatutuyo sa araw upang tumagal ang mga ito hanggang sa taglamig.
Gayunman, ang pagiging popular ng kamatis sa halos lahat ng bahagi ng daigdig ay hindi lamang nakasalalay sa kakayahan nitong bumagay sa iba’t ibang lupa at klima. Karamihan sa mga halamang kamatis ay nagsasagawa ng polinisasyon sa ganang sarili nito, kaya madaling magkaroon ng iba’t ibang uri na angkop sa magkakaibang panlasa. Mayroon na ngayong mga 4,000 uri na mapagpipilian ang mga hardinero. Ang maliit at makatas na cherry tomato ay nakadaragdag ng kulay at linamnam sa mga salad, samantalang ang sweet plum tomato naman ay kadalasang ginagawang de-lata. At ang malaking beefsteak tomato, isang pangunahing pagkain ng mga Kastila, ay angkop kapuwa sa mga salad at sa pagluluto.
Subalit sabihin pa, ang lasa ng kamatis ang talagang sanhi ng tagumpay nito—isang katakam-takam na lasa na nagpapalamuti sa pizza, nagpapaganda sa salad, nagpapasarap sa sarsa, o nagpapalinamnam sa katas. Bagaman hindi ito napatunayang isang “mansanas ng pag-ibig,” naiibigan naman ngayon ng buong daigdig ang mga kamatis.
[Talababa]
a Ipinalalagay na ibinigay ang ganitong pangalan sa kamatis dahil kulay dilaw ang unang mga uri na itinanim ng mga Italyano.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 26]
Gazpacho—Isang Nakarerepreskong Sopas na Gawa sa Kamatis
Nais mo bang tikman ang isang nakarerepreskong malamig na sopas na tamang-tama sa maalinsangang mga araw ng tag-init? Sa rehiyon ng Andalusia sa Espanya, ang gazpacho ay halos araw-araw na inihahain kasama ng pangunahing pagkain. Madali itong ihanda, nangangailangan ng simpleng mga sangkap, at magbibigay sa iyong pamilya ng isang nakapagpapalusog na pampagana sa pagkain. Narito ang isang karaniwang resipeng Kastila para sa lima katao.
Mga Sangkap
600 gramo ng hinog na kamatis
350 gramo ng pipino
250 gramo ng pulang siling-bilog
2 hiwa ng tuyong tinapay (60 gramo)
30 mililitro ng suka
30 mililitro ng langis ng olibo
asin
1 bukong bawang
kaunting komino
Paghahanda Alisin ang mga buto ng mga sili, talupan ang mga pipino, at balatan ang mga kamatis. Pagkatapos ay hiwain ang mga ito nang maliliit. Ilagay ang mga ito sa isang mangkok na may isang litro ng tubig (sapat ang dami para mailubog ang mga gulay), lakip na ang tinapay, bawang, pampalasa, suka, at langis. Bayaan ang sopas sa buong magdamag, at kinabukasan ay durugin ang halo sa pamamagitan ng hand blender at salain ito. Kung kinakailangan, dagdagan ng pampalasa ayon sa nais mo. Ilagay ang gazpacho sa repridyeretor hanggang sa handa na itong ihain. Ang gazpacho ay maaaring ihain nang may pino at pakuwadradong hiwa ng kamatis, pipino, at siling-bilog.
[Kahon sa pahina 27]
Ang mga Katotohanan at mga Estadistika Tungkol sa Kamatis
Ang kamatis ang naging pinakapopular na prutas sa daigdig. Halos 100 milyong tonelada ang inaani taun-taon, higit na mas marami kaysa sa iba pang pangunahing prutas na inaani sa daigdig (mga mansanas, saging, ubas, at dalandan).
Bagaman ang kamatis ay tinatawag na gulay kung minsan, ito ay isang prutas ayon sa botanika, sapagkat ang nakakaing bahagi ng halaman ay naglalaman ng mga buto (ang gulay ay karaniwan nang binubuo ng nakakaing mga tangkay, dahon, at ugat ng isang halaman).
Ayon sa The Guinness Book of Records, ang pinakamalaking kamatis na naiulat ay may bigat na 3.5 kilo at ito ay itinanim sa Oklahoma, E.U.A.
Ang paghitit ng tabako sa tabi ng mga halaman o bago hawakan ang mga ito ay maaaring makapinsala sa mga halaman. May virus ang tabako na madaling makahawa sa halamang kamatis.
Bukod sa pagtataglay ng bitamina A at C, ang mga kamatis ay mayaman sa lycopene, isang antioxidant. Sinasabi ng ilang pananaliksik na ang pagkaing mayaman sa kamatis ay makatutulong upang mabawasan ang panganib na magkakanser.