Ang Kamatis—“Gulay” na May Iba’t Ibang Gamit
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRITANYA
“PAANO na lang kung walang kamatis!” ang bulalas ng isang maybahay na Italyana. Ganito rin ang nadarama ng maraming iba pang tagapagluto sa buong daigdig. Oo, ang kamatis ay isang sangkap sa mga resipi ng maraming kultura. Mas itinatanim ito ng mga hardinero sa kanilang bahay kaysa sa ibang pagkain. Subalit ito ba’y isang prutas o gulay?
Ayon sa botanika, ang kamatis ay isang prutas sapagkat isa itong beri na may mga buto. Subalit iniisip ng karamihan na isa itong gulay, yamang ito ay karaniwang kinakaing kasama ng pangunahing putahe. May kawili-wiling kasaysayan ang masarap na pagkaing ito.
Makulay na Kasaysayan
Sa Mexico, ang mga Aztec ay nagtanim ng kamatis para kainin. Noong pasimula ng ika-16 na siglo, dinala ito sa Espanya ng nagbalik na mga Kastilang konkistador at tinawag itong tomate mula sa salitang Nahuatl na tomatl. Di-nagtagal, tinatamasa na ng mga pamayanang Kastila sa Italya, Hilagang Aprika, at sa Gitnang Silangan ang bago at masarap na pagkaing ito.
Nang huling bahagi ng siglong iyon, nakarating na sa hilagang Europa ang kamatis. Noong una, inakala na ito ay nakalalason at itinatanim lamang bilang isang pampalamuting palumpong sa hardin. Bagaman kabilang ito sa pamilya ng nakalalasong halaman na may pulang bunga, masangsang na mga dahon at nakalalasong mga tangkay, ang bunga nito ay hindi naman talaga nakapipinsala.
Malamang na dilaw ang unang mga kamatis na dumating sa Europa, yamang tinawag ito ng mga Italyano na pomodoro (ginintuang mansanas). Tinawag ito ng mga Ingles na tomate at nang maglaon ay tomato, subalit nauso rin ang terminong “mansanas ng pag-ibig.” Mula sa Europa, dinalang muli ng mga kolonista ang kamatis pabalik sa Atlantiko patungo sa Hilagang Amerika, kung saan nang maglaon, noong ika-19 na siglo, ito’y naging isang mahalagang pagkain.
Kamangha-manghang Pagkakasari-sari at Popularidad
Magtanong ka kung ano ang kulay ng kamatis, at malamang na ang sagot ay “pula.” Ngunit alam mo bang may mga uri ng kamatis na dilaw, kulay-kahel, rosas, murado, kulay-kape, puti, o berde, at ang ilan ay guhit-guhit pa nga? Hindi lahat ay bilog. Ang ilan ay lapad o biluhaba o hugis-peras. Ang mga ito ay maaaring kasinliit ng gisantes o kasinlaki ng kamao ng tao.
Ang popular na pagkaing ito ay itinatanim mula sa dulong hilaga ng Iceland hanggang sa pinakatimog na dako na gaya ng New Zealand. Ang Estados Unidos at mga bansa sa gawing timog ng Europa ang pangunahing mga nagtatanim nito. Itinatanim ito sa mga greenhouse sa mas malalamig na klima, at sa tigang na mga rehiyon naman, ang pananim ay ginagamitan ng pamamaraang hydroponic—yaon ay, isang timpladong nutriyente na walang lupa.
Ang kamatis pa rin ang paborito ng mahihilig magtanim. Madali itong itanim, at ang ilang halaman ay nagbubunga ng sapat na kamatis upang pakanin ang isang maliit na pamilya. Kung limitado ang iyong espasyo, humanap ng mga uring puwedeng tumubo kahit na sa mga patyo at sa mga kahong panghalaman na inilalagay sa bintana.
Mga Mungkahi at Impormasyong Pangkalusugan
Sinisira ng malamig na temperatura ang lasa ng kamatis, kaya huwag itong iimbak sa repridyeretor. Upang mahinog kaagad, maaari mong ilagay ito sa pasamano na nasisinagan ng araw o iimbak ito sa isang mangkok sa normal na temperatura na kasama ng isang hinog na kamatis o saging o ilagay ito sa loob ng isang supot na papel at isara nang ilang araw.
Mabuti para sa iyong kalusugan ang kamatis. Naglalaman ito ng mga bitamina A, C, at E, gayundin ng potasyum, kalsyum, at mineral na asin. Natuklasan ng mga mananaliksik na ang mga ito ay saganang pinagmumulan din ng lycopene, isang mabisang antioxidant, na sinasabing nakababawas sa panganib ng ilang karamdaman, gaya ng kanser at sakit sa puso. Ang kamatis ay 93 hanggang 95 porsiyentong tubig, at matutuwa ang mga ayaw tumaba dahil sa napakababang kalori nito.
Masarap at Maraming Gamit
Kapag bumibili ka ng kamatis, anong uri ang pipiliin mo? Ang pamilyar at tradisyonal na uring pulang kamatis ay angkop para sa mga ensalada, sopas, at sarsa. Ang maliliit na pula, kulay-kahel, o dilaw na kamatis, na napakatamis dahil sagana ito sa asukal, ay masarap kainin nang hilaw. Kung gagawa ka ng pizza o putaheng may pasta, marahil mas magandang piliin ang hugis-itlog at biluhabang kamatis na siksik ang laman. Ang malalaking kamatis na makapal ang laman ay tamang-tama para lagyan ng palaman o ihurno. Mahusay na pampalasa ang berdeng kamatis na kung minsan ay may naiibang guhit. Tunay nga, ang mga kamatis ay nakadaragdag ng kakaibang lasa at kulay sa maraming masasarap na putaheng may gulay, itlog, pasta, karne, at isda. Kung wala kang magagamit na sariwang kamatis, tiyak na marami kang makikitang produkto ng de-latang mga kamatis sa inyong lokal na tindahan.
Ang bawat tagapagluto ay may kani-kaniyang resipi ng kamatis, ngunit narito ang ilang mungkahi na maaari mong subukin.
1. Para maghanda ng isang makulay at madaling-gawin na pampaganang pagkain, pagpatung-patungin ang mga hiwa ng kamatis, kesong mozzarella, at abokado. Lagyan ng kaunting sarsa ng pinagsamang langis ng olibo at dinikdik na pamintang buo, at palamutian ng mga dahon ng basil.
2. Gumawa ng ensaladang Griego sa pamamagitan ng paghahalo ng hiniwang piraso ng kamatis, pipino, at kesong feta na may itim na olibo at hiniwang sibuyas-tagalog. Timplahan ng asin at paminta, at ihain na may sarsa ng pinagsamang langis ng olibo at katas ng limon.
3. Gumawa ng sarsang Mexicano mula sa pinagsama-samang tinadtad na kamatis, sibuyas, maanghang na siling berde, at kulantro, na may kaunting katas ng dayap.
4. Gumawa ng simple subalit masarap na sarsang kamatis para sa pasta sa pamamagitan ng paglalagay ng isang lata ng tinadtad na kamatis, kaunting asukal (o ketsup), kaunting langis ng olibo, isang butil ng bawang na tinadtad, ilang yerba na gaya ng basil, dahon ng laurel, o oregano, at panimplang asin at paminta sa isang kawali. Pakuluin at pagkatapos ay hinaan ang apoy sa loob ng mga 20 minuto hanggang sa lumapot ang sarsa. Ibuhos ito sa iyong pasta na luto at nasala na.
Ang kamatis na may iba’t ibang gamit ay isa lamang halimbawa ng kahanga-hangang pagkakasari-sari ng pagkaing nilalang para magamit natin.