Ang mga Kabataan ay Nagtatanong. . .
Bakit Kailangang Gawin Ko ang Lahat ng Gawaing-Bahay?
“Ayusin ang aking kuwarto? Bakit? Hindi ako maaaring abalahin. Sa paano man, gugulo rin ito pagkalipas ng ilang araw.”—Stéphanie, 15 anyos.
“Kapag ang gawaing-bahay na ibinibigay sa akin ng nanay ko ay kumukuha ng maghapon, inaakala kong ako’y labis na nagtatrabaho. Pagkatapos ako’y humihinto at nag-iisip. Si Inay ay walang-tigil na nagtatrabaho sa buong araw at sa araw-araw. Natatalos ko na ito ay hindi madali para sa kaniya.”—Steven, 15 anyos.
ANG mga damdamin ng mga tin-edyer tungkol sa paggawa ng mga gawaing-bahay ay iba-iba mula sa kusang pakikipagtulungan tungo sa basta pag-aatubili. Maaaring makadama ka pa nga ng galit kapag ikaw ay hinihiling na gamitin ang iyong malayang panahon para sa isang bagay na “nakababagot” na gaya ng paglilinis at paglalaba. Gayumpaman, kung baga iyong minamalas ang mga gawaing-bahay bilang isang kasiya-siyang libangan o isang nakaiinis na panghihimasok, ang mga ito ay mahalaga sa maayos na pagtakbo ng isang sambahayan. Kapag ang mga membro ng pamilya ay hindi kusang nakikipagtulungan sa gayong mga bagay, nagkakaroon ng mga problema at mga kaigtingan.
Kung Bakit Mahalaga ang Iyong Tulong
Baka mahirapan kang maniwala na ang isang bagay na nakayayamot na gaya ng paglalabas ng basura ay maaaring mangahulugan ng gayon na lamang. Gayunman, kahit na ang rutinang mga gawaing-bahay ay mahalaga, sapagkat ginagawa nitong kaaya-aya ang tahanan at tumutulong itong panatilihing nasa mabuting kalagayan ang mahalagang mga bagay. Sa kaniyang aklat na Moi, ta mère (Ako, ang Iyong Ina) idiniin ng Pranses na may-akda na si Christiane Collange ang puntong ito taglay ang diwa ng pagpapatawa: “Nakapapagod na iligpit ang mga bagay at pangalagaan ang mga ito. Subalit kung pababayaan mo ito, ito ay gumaganti sa pagiging marumi, nasisira, o nawawala.”
Ang iyong maibiging pakikipagtulungan ay makababawas din sa paghihirap ng inyong mga magulang, na kadalasa’y nagtatrabaho nang buong-panahon o part-time. Sa pagtulong sa bahay, maaari mo pa ngang maunawaang higit ang iyong mga magulang. Paano? Ang disiseis-anyos na si Dominic, na nakatira malapit sa Paris, ay nagsasabi: “Kapag tumutulong ka sa iyong mga magulang saka mo nauunawaan kung bakit sila ay pagod. Kapag ikaw ay nagtrabaho ng ilang oras, mailalagay mo ang iyong sarili sa kanilang kalagayan at matatalos mo na sila nga ay talagang pagod.” Alamin mo rin, na pinahahalagahan ng mga magulang ang iyong pagtangkilik!
Paglinang ng Tibay ng Pagkatao
Ang mga gawaing-bahay ay maaari ring malasin bilang isang leksiyon sa buhay, isang pang-araw-araw na ehersisyo ng masigasig na pagkadisidido. Tunay, ang mga pakinabang ay hindi karaka-raka sa tuwina. Subalit tandaan, ang iyong mga pagsisikap na magpasan ng mga pananagutan ay magdadala ng mga gantimpala sa dakong huli ng buhay. Gaya ng binabanggit ng Bibliya: “Mabuti nga sa isa na magpasan ng pamatok sa kaniyang kabataan.”—Panaghoy 3:27, The New Jerusalem Bible.
Oo, kailangan mong linangin ang tibay ng pagkatao, isang personalidad na kayang tanggihan ang mga panggigipit ng adultong buhay. Kaya dapat kang magsimulang maaga sa pamamagitan ng paglinang ng mabubuting ugali sa pagtatrabaho na magpapangyari sa iyong tumayo sa iyong sariling paa—kahit na ito ay mangahulugan ng pagbawas ng panahon na ginugugol sa pagpapahingalay.
Sabi ni Stéphanie: “Dati-rati’y ayaw kong gawin ang mga gawaing-bahay. Sinasabi ko sa aking sarili: ‘Kung ayaw mong gawin, huwag mong gawin.’ Subalit nagbago na ang aking pangmalas. Natalos ko ngayon na ang pagtulong sa bahay ay magtuturo sa akin na maging responsableng tao, at makabubuti sa akin sa dakong huli.”
Kung ikaw ay lalaki, huwag kang mabalisa kung utusan ka ng iyong mga magulang na gawin ang mga gawaing-bahay na karaniwang ginagawa ng mga babae, o kung ikaw ay babae, ipagawa sa iyo ang gawaing karaniwang ginagawa ng mga lalaki. Maaaring inaakala ng iyong mga magulang na matalinong gawing malawak ang iyong pagsasanay. Sa dakong huli, kung ikaw ay nagsasarili bilang isang adulto, maaaring ikagalak mo na ikaw ay naging dalubhasa sa sarisaring mga kasanayan sa tahanan. Isa pa, hindi naman nakasisirang-puri para sa isang lalaki na matutong magtahi ng butones o para sa isang babae na matutong magpukpok ng pako sa dingding! Kawili-wili, ipinakikita ng ulat ng Bibliya sa Juan 21:9-12 na si Jesu-Kristo ay nagluto ng isang pagkain para sa kaniyang mga alagad, isang atas na karaniwang ginagawa ng mga babae noong sinaunang panahon.—Ihambing ang Kawikaan 31:15.
Pagkakaunawaan
“Gaano man ang pagsisikap ko, ang aking mga magulang ay hindi kailanman nasisiyahan,” reklamo ng ilang bigong tin-edyer. Gayunman, ang problema ay baka ang mga magulang at mga anak ay basta hindi nagkakaunawaan. Sa kaniyang aklat na L’autorité des parents dans la famille (Kapangyarihan ng Magulang!), ganito ang komento ni John Rosemond may kaugnayan sa paksa: “Ano ang ibig sabihin ng ‘paglilinis’ ng kuwarto? Inaakala ng mga magulang na nalalaman ng kanilang mga anak, subalit ang ideya ng bata tungkol sa ‘linis’ ay hindi katulad ng ideya ng mga magulang . . . Kung ang ilang atas ay dapat gawin araw-araw, ang isang listahan ng kung ano ang kasali sa dapat gawin araw-araw ay malaki ang magagawa upang maiwasan ang maraming walang saysay na mga pagtatalo. Ang malinaw na tuntunin ay laging madaling sundin.”
Ang tulong na hinihiling ng iyong mga magulang ay karaniwang mahahati sa dalawang kategorya: (1) mga gawaing-bahay para sa pamilya sa pangkalahatan, halimbawa, pag-aayos o pagliligpit ng mesa, paghuhugas ng pinagkanan, paglilinis ng bahay, pagluluto, pamimili, pagtatapon ng basura, paghahalaman; (2) personal na mga gawaing-bahay, gaya ng pag-aayos ng iyong higaan, pag-aayos ng iyong silid, pagliligpit ng iyong mga damit, at paglilinis ng iyong sapatos. Kung hindi ka nakasisiguro kung ano ang inaasahan sa iyo ng iyong mga magulang kapag hiniling nilang gawin mo ang alinman sa nabanggit, humingi ka ng espisipikong mga tagubilin, ng isang listahan pa nga kung kinakailangan. Tandaan na kadalasang mas maraming panahon ang ginugugol sa pakikipagtalo tungkol sa mga gawaing-bahay kaysa aktuwal na paggawa nito! Gaya ng pagkakasabi rito ng dalawang kabataang Pranses, sina Côme at Dominic: “Mientras kakaunting trabaho ang ginagawa namin, lalong kaunti ang gusto naming gawin, at mas maraming kuskos-balungos tungkol sa paggawa nito.” Kaya mientras mas mabilis ang paggawa mo sa iyong gawaing-bahay, mas maligaya ang lahat.
Subalit ano naman ang maaaring gawin kung inaakala mong ang iyong mga magulang ay humihiling ng imposible sa iyo at halos wala namang hinihiling sa iyong mga kapatid na lalaki o babae? Ikaw ay nakadarama ng matinding kawalan ng katarungan at ikaw ay nababalisa. Kaya bakit hindi ka pumili ng isang angkop na panahon upang makipag-usap nang puso-sa-puso sa iyong mga magulang? Baka matuklasan mo na ang iyong mga kapatid na lalaki at babae ay mayroong kaunting panahon kaysa iyo, dahil sa mas maraming araling-bahay at mas mahabang mga oras ng eskuwela, o baka ikaw ang pinakamalusog at pinakamalakas sa gitna ng mga anak. Iyan ba ay isang bagay na dapat ikalungkot?
Kumusta naman kung inaakala mong ang mga gawaing-bahay ay kumukuha ng napakarami sa iyong panahon? Kung gayon bilangin mo ang oras na ginugugol mo sa panunood ng telebisyon, pakikinig sa paborito mong musika, o pagbabasa! Baka kailangan mong ayusing muli ang paraan ng paggugol mo ng iyong panahon.
“Nagsimula itong lahat,” sabi ni Steven, “nang utusan ako ng aking mga magulang na ayusin ang aking silid at hugasan ang mga pinagkanan.” Nasumpungan ito ni Steven na nakapapagod. Subalit natutuhan niya na taglay ang wastong pagsasaayos ng kaniyang panahon, madali niyang natatapos ang kaniyang gawaing-bahay.
Pinalulugdan ang Diyos ng Iyong Gawa
Sa pamamagitan ng pagtulong sa bahay, iginagalang mo ang iyong mga magulang gaya ng mga anak at mga tin-edyer na Israelita noong panahon ng Bibliya. Ang anak na babae ni Laban na si Raquel, halimbawa, ay nagbantay sa kawan ng kaniyang ama. Gayundin naman, ang mga anak ni Reuel, o Jethro, ay may pananagutan na umigib ng tubig para sa kawan—isang nakapapagod, mahirap na gawain. (Genesis 29:9; Exodo 2:16) Ang mga lalaki rin ay tumanggap ng praktikal na pagsasanay, tiyak na natutuhan ni Jesus ang gawain ng karpintero mula sa kaniyang ama-amahan, si Jose.—Mateo 13:55; Marcos 6:3.
Gaya noong sinaunang panahon, mga pagpapala ang maaaring ibunga buhat sa may kagalakang pagsuporta sa iyong mga magulang. Isaalang-alang ang ulat ng Bibliya tungkol kay Rebeca. Nang ang alipin ni Abraham ay humingi ng maiinom, si Rebeca ay kaagad na tumugon. Hindi lamang niya binigyan ang alipin ng tubig na maiinom kundi kusa rin siyang nag-alok na mag-igib ng tubig para sa mga kamelyo ng lalaki. Iniulat ng Bibliya na siya ay “tumakbong muli at muli sa balon upang umigib, at iniigib ang lahat niyang kamelyo.” (Genesis 24:15-21) Ang caravan ay binubuo ng sampung kamelyo. Kung isaalang-alang ng isa na ang isang kamelyo ay makaiinom ng mula labinsiyam hanggang dalawampu’t-anim na litro ng tubig isang araw, maliwanag na si Rebeca ay umigib ng dose-dosenang litro ng tubig upang mapainom ng tubig ang lahat ng kamelyo. Gayunman, ang kaniyang pagkukusang magtrabaho ay nagdulot sa kaniya ng mga pagpapala. Siya ang napiling maging asawa ni Isaac at nakibahagi siya sa pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos na ilabas ng Binhi na magpapala sa sangkatauhan!—Genesis 22:18.
Alamin mo na kapag nakikibahagi ka sa mga gawaing-bahay, ang Diyos ay nalulugod din sa iyong mga pagsisikap upang ‘igalang ang iyong mga magulang.’—Efeso 6:1, 2.
[Larawan sa pahina 20]
Kadalasan na, mas maraming panahon ang ginugugol sa pagtatalo tungkol sa mga gawaing-bahay kaysa paggawa nito!