Ang Pangmalas ng Bibliya
Dapat Mo Bang Katakutan ang Masamang Mata?
ISANG babae sa isang nayon sa Amazon ang marahang inilalagay ang kaniyang sanggol sa duyan. Pagkatapos, pagkaraang maingat na itali ang isang pulang pisi sa munting pulsuhan nito, itinatali rin niya ang isa pang pisi sa gitna nito. Pagkatapos ng ritwal, siya ay humahakbang paatras at nagbubuntong-hininga: “Ngayon, ang sanggol ay naiingatan laban sa masamang mata.”
Ang takot sa masamang mata ay hindi limitado sa mga tribo sa Timog Amerika. Ang mga abugado sa Italya at ang mga magsasaka sa India, gayundin ang mga negosyante sa Hilagang Amerika, ay nanginginig din sa masamang mata.
Ano ba ang masamang mata? Ito ang paniwala na ang ilang tao ay nagtataglay ng kapangyarihang saktan o patayin ka pa nga sa pamamagitan lamang ng pagtingin sa iyo. Maaari nilang gamitin ang masamang sulyap na ito kapag sila ay naiinggit sa iyong kasaganaan. Isa pa, inaakalang maraming mabuting-intensiyong mga tao ay may masamang mata at na ang kaniyang titig ay hindi sinasadyang maaaring makapinsala sa iba.
Natatakot ka rin ba rito? At kung gayon, ang takot bang ito ay nakatutulong sa iyo o nakapipinsala sa iyo?
Katotohanan o Kathang-Isip?
Inilalarawan ng karamihan ng akdang reperensiya tungkol sa paksang ito ang takot sa masamang mata na isang pamahiin. Yamang ang pamahiin ay binibigyan-kahulugan bilang isang paniwalang “hindi salig sa katuwiran ni sa katotohanan,” ang ilang tao ay naniniwala na ang takot sa masamang mata ay wala kundi isang produkto lamang ng mahinang isipan.
Sabihin pa, maraming kuwento tungkol sa masamang mata ay kathang-isip. Halimbawa, ang matakot na ang mga taong duling, o may katarata, o may puyo ay malamang na nagtataglay ng masamang mata ay isang guniguni. O ang maniwalang ang nakamamatay na sulyap ay gumagana kailanma’t ang iyong sanggol ay magkasakit, kung ang iyong baka ay namamatay, o kung ang iyong mga inahing manok ay ayaw mangitlog ay ipinalalagay na dahilan dito.
Gayumpaman, kung paanong ang isang buong niyog ay natatago sa ilalim ng makapal na bunot ng niyog, mayroon ding ilang matibay na katotohanan na natatago sa ilalim ng makapal na suson ng mga kuwento tungkol sa masamang mata. Kaya ating suriin ang kathang-isip at tuklasin natin ang ilang katotohanan.
Ang Pinagmulan ng Masamang Mata
Ang Encyclopædia of Religion and Ethics ay nagsasabi na kinatatakutan ng sinaunang mga Babiloniko ang impluwensiya ng masamang mata. Sino ang promotor ng pagkatakot na iyon? Ang Babilonikong mga manggagaway o mangkukulam. Sila ay kilala sa pagdadala ng katakut-takot na pahirap sa paggayuma sa pamamagitan ng isang sulyap ng kanilang mata. Gayunman, hindi ginawa ng mga manggagaway na ito ang mga ito sa kanilang sariling pagkukusa. Sino ang nagbigay sa kanila ng kapangyarihan? Ang espiritung mga nilikhang tinatawag na mga demonyo. Ganito ang paliwanag ng aklat na The Religion of Babylonia and Assyria: “Ang mga mangkukulam ay maaaring humingi ng tulong sa mga demonyo kung kanilang nanaisin at dalhin ang mga taong iyon na kanilang pinili sa kapangyarihan ng mga demonyo.”
Binabanggit din ng Bibliya ang mga anghel na ginawang demonyo ang kanilang sarili ay siyang pinagmumulan ng “mahiwagang kapangyarihan.” (1 Samuel 15:23; 1 Timoteo 4:1; Judas 6) Karagdagan pa, pinatutunayan ng Salita ng Diyos na ibinabahagi ng mga demonyo ang kanilang masamang kapangyarihan sa mga espiritista at sa mga taong kontrolado ng mga demonyo. (Gawa 16:16-18; Apocalipsis 22:15) Bunga nito, ‘nagagayuma’ ng mga taong iyon ang iba, kung minsan sa pamamagitan ng kanilang mga mata. (Deuteronomio 18:10-12) Kaya, ang masamang mata ay tunay na nasasalig sa ilang katotohanan.
Kaya kung ikaw ay nakatira sa isang pamayanan kung saan ang mga gayuma ng mga doktor kulam ay bahagi ng pang-araw-araw na buhay, hindi kataka-taka na ang iyong pagkatakot sa masamang mata ay nananatili pa rin. Gayunman, gaano man katakut-takot ang mga gayumang iyon, hindi ka dapat matakot sa kinatatakutan ng iyong kapuwa. Bakit hindi? Una sa lahat, ang pagkatakot sa masamang mata ay maaaring madaling umakay sa iyo sa paglilingkod sa mga demonyo—isang bagay na ipinagbabawal ng Bibliya. (Tingnan ang 1 Corinto 10:20, 21.) Ikalawa, makakakuha ka ng isang anyo ng proteksiyon na hahadlang sa mga epekto ng masamang mata at aalisin ang lahat ng sanhi ng takot. Anong proteksiyon? Pagsusuot ng anting-anting?
Proteksiyon na Gumagana
Upang sagutin iyan, isaalang-alang ang halimbawang ito: Ano ang gagawin mo kung ikaw ay natatakot na isang pagkalaki-laking punungkahoy ay babagsak at wawasakin ang inyong bahay? Patitibayin mo ba ang bubong, inaasahang makakaya nito ang pagsalpok ng bumabagsak na punungkahoy? O iyo bang hihingin ang tulong ng isang magtotroso o isang seruhano ng mga puno na may rekord ng ligtas na pagpapabagsak ng mga punungkahoy? Ang pagpapabagsak sa puno ay nag-aalis sa pinagmumulan ng panganib at sa gayo’y inaalis ang iyong takot.
Gayundin naman, ano ang mag-aalis ng iyong takot kung isang espiritista ang nagbabantang gamitin ang kaniyang masamang mata laban sa iyo? Patitibayin mo ba ang iyong sarili sa pagtatali ng mga anting-anting sa iyong leeg? O iyo bang hihingin ang tulong ng isang tao na may rekord na nagpapawalang-bisa sa mga demonyo? Maliwanag, ang huling banggit ang matalinong landas, sapagkat inaalis ng taong iyon ang pinagmumulan ng panganib at sa gayo’y inaalis ang iyong takot.
Subalit gaya ng salmista, maitatanong mo: “Saan baga manggagaling ang aking saklolo?” Kinasihan ng Diyos, siya ay sumasagot: “Ang saklolo sa akin ay nanggagaling kay Jehova, ang Maygawa ng langit at ng lupa.” Kabilang ba sa pagsaklolo ng Maylikha ang proteksiyon laban sa masamang mata? Oo, sapagkat tinitiyak sa atin ng salmista: “Iingatan ka ni Jehova sa lahat ng kasamaan.” (Awit 121) Upang patibayin ang iyong pagtitiwala sa kakayahan ni Jehova na magbigay ng proteksiyon, isaalang-alang ang kaniyang kapani-paniwalang rekord ng mga pakikitungo sa mga demonyo.
‘Ang mga Demonyo ay Nanginginig’—Bakit?
Noong panahon ni Noe, pinalayas ni Jehova ang masuwaying mga anghel mula sa kanilang sinasang-ayunang kalagayan sa pamamagitan ng pagpigil sa kanila ‘sa isang bilangguan’ ng espirituwal na kadiliman. (1 Pedro 3:19; Genesis 6:1-4) Pagkatapos, noong unang siglo, pinalayas ni Jesus, na kumikilos bilang kinatawan ng Diyos, ang makapangyarihang mga demonyo. (Mateo 8:31, 32; Marcos 1:39) At minsan pa, sa ika-20 siglong ito, ginamit ni Jesus ang kaniyang bigay-Diyos na kapangyarihan upang palayasin si Satanas at ang kaniyang mga demonyo sa langit. (Apocalipsis 12:7-9) Sa gayon, natutuhan ng mga demonyo sa mahirap na paraan na ang kanilang kapangyarihan ay bale wala kung ihahambing sa kapangyarihan ng Diyos. Gayunman, si Jehova ay magdaragdag pa ng isang pahina sa rekord na ito. Di na magtatagal, si Satanas at ang pinalayas na mga rebeldeng ito ay ihahagis sa kalaliman sa loob ng sanlibong taon.—Apocalipsis 20:1-3.
Paano sila naaapektuhan ng kaalamang ito? Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang mga demonyo man ay naniniwala at nanginginig.” (Santiago 2:19) Kung gayon, paano ka naaapektuhan nito? Katatakutan mo pa rin ba ang ‘nagsisipanginig’ na mga demonyong iyon at ang kanilang mga kampon na mga tao? O ikaw ba ay “matatakot lamang kay Jehova” sa pamamagitan ng lubusang pagtitiwala sa kaniyang di-nakikitang proteksiyon laban sa masamang mata?—1 Samuel 12:24.
Tunay, kung ikaw ay pinakikilos ng iyong pananampalataya na alisin ang iyong mga anting-anting at patibayin ang iyong kaugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong pamayanan, hindi magtatagal ikaw ay makikisama sa kanila sa pagsasabi ng mga salita ng sinaunang mga anak ni Kore. Kanilang ipinahayag: “Ang Diyos ang aming kanlungan at lakas, handang saklolo sa kabagabagan. Kaya hindi tayo matatakot.”—Awit 46:1, 2; ihambing ang Roma 8:31.