Ang Papa ba ay Hindi Maaaring Magkamali?
‘ANG dogma kung saan nakasalalay ang tagumpay ng Katolisismo sa Rasyonalismo.’ Ganiyan pinuri, noong 1870, ng Jesuitang babasahing La Civiltà Cattolica ang solemneng pagpapahayag ng dogmang hindi pagkakamali ng papa sa Unang Konsehong Vaticano.
Sa Katolikong teolohikal na wika, ang “dogma” ay tumutukoy sa mga doktrina na may “lubos na halaga at hindi mapag-aalinlanganan.” Ang eksaktong kahulugan ng hindi pagkakamali ng papa, gaya ng sinang-ayunan ng konseho ng 1870, ay nagsasabi:
“Ito ay isang doktrinang isiniwalat ng Diyos na ang papang Romano, kapag siya’y nagsasalita ex cathedra, yaon ay, kapag siya’y kumikilos sa tungkulin na pastol at guro ng lahat ng Kristiyano, binibigyan-kahulugan niya, sa bisa ng kaniyang kataas-taasang apostolikong autoridad, ang isang doktrinang may kinalaman sa pananampalataya o moral na dapat sundin ng pansansinukob na iglesya, ay nagtataglay sa pamamagitan ng banal na tulong na ipinangako sa kaniya sa katauhan ng pinagpalang si Pedro, ng hindi pagkakamali na niloob ng banal na Tagapagtubos na taglayin ng kaniyang iglesya sa pagbibigay-kahulugan sa doktrinang may kinalaman sa pananampalataya o moral; na ang gayong mga pagpapakahulugan ng papang Romano ay samakatuwid hindi mababago sa ganang sarili, hindi dahil sa pahintulot ng simbahan.”
Isang Laging-Panalong Kalagayan
Ang pormulang ito, na para sa marami ay mahirap unawain, ay malabo rin, sang-ayon sa teologong Aleman, ang yumaong August Bernhard Hasler. Binanggit niya ang tungkol sa “kalabuan” at “di-katiyakan” ng katagang ex cathedra, sinasabi na “halos hindi masabi ng isa kung aling pasiya ang ituturing na hindi maaaring magkamali.” Sang-ayon sa isa pang teologo, si Heinrich Fries, ang pormula ay “hindi maliwanag,” at inamin naman ni Joseph Ratzinger na iyon ang pinagmulan ng “masalimuot na pagtatalu-talo.”
Pinanindigan ni Hasler na “ang kalabuan ng mga ideya” ay nagpapangyari kapuwa sa malawak na pagkakapit ng doktrina upang mapalakas ang kapangyarihan ng papa at sa mas limitadong interpretasyon upang kapag nakaharap ang maling mga turo noong una, sa tuwina’y maitataguyod ng isa ang pag-aangkin na ang mga ito ay hindi bahagi ng tinatawag na hindi maaaring magkamaling “autoridad ng simbahan.” Sa ibang salita, ito ay isang “laging panalong” kalagayan.
Sa gayon, ang “hindi pagkakamali” ay nangangahulugan na ang papa, bagaman nagkakamali na gaya ng lahat ng tao, ay hindi nagkakamali kapag binibigyang-kahulugan ang mga bagay may kaugnayan sa pananampalataya at moral ex cathedra, kumikilos sa tungkulin na pastol ng Iglesya Katolika Romana.
Gayumpaman, ano ang palagay ng mga Katoliko mismo tungkol sa doktrinang ito?
[Larawan sa pahina 4]
Iginiit ni Papa Pius IX ang doktrina ng hindi pagkakamali noong 1870
[Credit Line]
Culver Pictures