Kung Ano ang Sinasabi ng mga Katoliko Tungkol sa Hindi Pagkakamali
PAANO minamalas ng maraming Katoliko mismo ang doktrina tungkol sa hindi pagkakamali ng papa? Pansinin ang sumusunod na mga komento na sinabi sa kabalitaan ng Gumising! sa Italya:
Si A. M., isang abugadong Katoliko mula sa Bergamo, ay nagsabi: “Kung ang isang tao ay naniniwala sa Katolisismo, kung gayon dapat siyang maniwala sa mga doktrina nito. Na ang problema tungkol sa hindi pagkakamali ng papa ay hindi maipaliwanag sa makatuwirang paraan ay maliwanag—ito’y isang bagay ng pananampalataya. Ang isa ay alin sa naniniwala o hindi naniniwala.”
Si P. S., isang Katoliko mula sa Palermo, ay nagsasabi: “Sa palagay ko ang mahalaga ay, hindi kung baga itinataguyod o hindi ng Bibliya ang doktrina, kundi kung ang gawain nito sa loob ng iglesya ay mapatutunayan, at ang espisipikong kahalagahan nito ngayon. Tayo’y nabubuhay sa isang magulong daigdig, isang tunay na Babilonya ng mga ideya. Ang mga tao ay wala nang mga katiyakan, at nariyan ang malaking pangangailangang ito para sa isang ganap at tiyak na pinagmumulan na maaari nilang pakitunguhan.”
Ang ibang Katoliko ay mapintasin. Wari bang ang kanilang pag-aalinlangan ay salig sa makasaysayang pamarisan ng pagka-papa. “Bagaman ako ay isang Katoliko, mahirap para sa akin na maniwala sa doktrinang ito [ng hindi pagkakamali ng papa],” sabi ni L. J., isang peryudista sa Roma. “Ipinakikita ng kasaysayan ng mga papa ang mismong kabaligtaran.”
Si A. P., isang doktor sa Roma, ay nagsasabi: “Hindi ako naniniwala rito. Tao rin siya na gaya ng lahat ng iba pa at nagkakamali. Halimbawa, mali siya kapag siya’y nakikisangkot sa pulitika. Tanging Diyos lamang ang hindi nagkakamali.”
Binaha-bahagi ng doktrinang ito ang mga tao. Noong 1982, sa lungsod ng Roma, ang tahanan ng Vaticano, 57 porsiyento ng mga Katoliko ang may palagay na ang hindi pagkakamali ng papa ang isa sa kahina-hinalang doktrina. Sa Portugal, 54.6 porsiyento lamang ng mga Katoliko ang naniniwala rito, at sa Espanya, 37 porsiyento lamang.
Maaari kaya na ang doktrinang ito, sa halip na tumulong sa pagkakaisa ng Iglesya Katolika, ay sa katunayan siyang pinagmulan ng mga pagkakabaha-bahagi at pagtatalo? Ipinakikita ng makasaysayang katibayan na ito ang pinagmulan ng mga pagtatalo mula sa simula nito, kahit na nang panahon na ipahayag ito ng konseho noong ika-19 na siglo.
Mga Hidwaan at Bulyawan
Hindi maikakaila na nagkaroon ng ilang mainit na mga pagtatalo sa pagitan ng mga obispo at ng mga kardinal noong panahon ng Konseho Vaticano ng 1870. Binanggit ng La Civiltà Cattolica ng taóng iyon ang tungkol sa “maapoy na pagtatalo,” binabanggit na hindi inaasahan kahit ng mga Jesuita na “ang gayong salungatan ay babangon sa harap ng gayong sagradong katotohanan.”
Isinulat ng mananalaysay na Aleman na si Ferdinand Gregorovius na may “masilakbong mga sesyon” sa konseho. Ang isa na ginanap noong Marso 22, 1870, ay lalong magulo. Si Obispo Josip Juraj Strossmajer, isa sa maraming obispo na naroroon sa konseho na laban sa doktrina ng hindi pagkakamali, ay pinatahimik ng mga sigaw ng mga obispo na sang-ayon dito. Inilalahad ng mga rekord ng konseho na samantalang si Strossmajer ay nagsasalita, ang mga obispong ito ay “malakas” na nagprotesta at ‘sumigaw’: “Palabasin siya!” at, “Maupo ka! Maupo ka!”
Ipinakita ng iba pang mga mananalaysay na ginipit ng papa at ng Curia Romano ang mga miyembro ng konseho upang sang-ayunan ang doktrina. Tungkol dito, binabanggit ng Katolikong mananalaysay na si Roger Aubert ang tungkol sa “maingay na pakikipagtalo” ni Pius IX kay Kardinal Guidi ng Bologna, na ang talumpati sa konseho ay hindi naibigan ng papa. Sa silakbo ng galit, iniulat na sinabi ni Pius IX sa kardinal, na tinukoy ang tradisyon sa kaniyang diskurso: “Ako ang tradisyon!”
Nais ng papa na sang-ayunan ang doktrina anuman ang mangyari: “Determinado ako na magpatuloy,” sabi niya, “anupa’t inaakala ko na kung nais ng Konseho ng katahimikan, pawawalang-saysay ko ito, at gagawa ako ng pagpapakahulugan sa ganang sarili ko.” Ang La Civiltà Cattolica ay nagsasabi: “Ang mga maneobra ng karamihan sa konseho at gayundin ni Papa Pius IX, at ang mga limitasyon at mga kahirapan na inilalapat sa minoridad, ay hindi na maaaring bawasan o mapagpaumanhing bigyang-matuwid.”
Binubuod ng isang aklat sa kasaysayan ang mga pangyayari, na ang sabi: “Tinatakot ng mga nuncio [embahador] ng papa ang mga obispo na sang-ayunan ang isang batas tungkol sa hindi pagkakamali ng papa.” Gayunman, ang gayong “mga maneobra” ay hindi nagtagumpay sa pagpapahinahon sa tubig ng di-pagsang-ayon—lalo lamang silang ginulo nito. Pagkatapos ng konseho, bahagi ng disidenteng klero ay humiwalay sa Iglesya Katolika. Ang kilusan ng “Dating mga Katoliko” ay naitatag mula sa pagkakahiwalay, at aktibo pa rin ito sa Austria, Alemanya, at Switzerland.
Makabagong mga Nag-aalinlangan
Ang mga pagtatalo sa doktrinang ito ay talagang hindi nanahimik. Noong 1970, sa pagsapit ng ika-100 anibersaryo ng pagsang-ayon nito, sila’y nag-alab nang may kapusukan.
Sa pagtatapos ng 1960’s, isinulat ng obispong Olandes na si Francis Simons ang aklat na Infallibility and the Evidence, kung saan maliwanag na ipinahayag niya ang kaniyang mga pag-aalinlangan sa hindi pagkakamali ng Iglesya Katolika at ng papa. Sinabi ni Simons na dahilan sa doktrina, “sa halip na maging isang puwersang nagtataguyod ng pagsulong at mabuting mga pagbabago, ang Simbahan ay naging isang institusyon na kinatatakutan kung ano ang bago at abalang-abala sa pag-iingat sa sarili nitong posisyon.”
Hindi nagtagal dumating ang napapanahong pag-atake ni Hans Küng, ang kilalang teologong Suiso, na, dahil sa kaniyang aklat na Infallible? An Enquiry at iba pang mga akda, ay umani ng mabagsik na mga reaksiyon buhat sa herarkiyang Katoliko. At, sa pagtatapos ng 1970’s, si August Hasler ay sumulat: “Higit at higit na nagliliwanag na walang saligan ang doktrina ng hindi pagkakamali ng papa, sa Bibliya man o sa kasaysayan ng simbahan noong unang milenyo.”
Iba-iba ang naging reaksiyon ng mga teologong tapat sa doktrina ng simbahan. Binanggit ng La Civiltà Cattolica, ang “mabigat na mga suliranin, di-pagpaparaya, at kaguluhan” na dala ng “muling pagpapatibay sa doktrina ng Petrine-Romanong kahigtan na ipinag-utos ng Vatican II.” Idiniin ni Karl Rahner na “ang mga doktrina ay mananatili sa kanilang makasaysayang tagpo at permanenteng bukás sa hinaharap na interpretasyon.”
Kung ang kahulugan ng mga doktrina ay pasasa-ilalim ng bagong mga interpretasyon, paano nga ito maaaring maging hindi nagkakamali? Paano nito maibibigay ang mga katiyakan na hinahanap ng mga tao? Gayunman, mas mahalagang malaman kung baga ang unang mga Kristiyano ay sumunod sa isang hindi maaaring magkamaling papa.
[Blurb sa pahina 6]
“Mali siya kapag siya’y nakikisangkot sa pulitika.”—Isang doktor sa Roma
[Picture Credit Line sa pahina 7]
Miami Herald Publishing Co.