Ang Kinabukasan ng Relihiyon sa Liwanag ng Kahapon Nito
Bahagi 3—1942-1513 B.C.E.—Ehipto—Larangang Digmaan ng mga Diyos
“Ang relihiyon ang nasa ilalim at nasa ibabaw ng lahat ng bagay sa Ehipto.”—Will Durant, ika-20 siglong autor at mananalaysay.
ANG orihinal na mga maninirahan ng Ehipto ay mga inapo ng anak ni Noe na si Ham, malamang sa pamamagitan ng anak ni Ham na si Mizraim, tiyo ni Nimrod. (Genesis 10:6-8) Pagkatapos ng kalituhan ng mga wika sa Babel, ang bigong mga tagapagtayo ng tore ay nangalat upang gumawa ng isang bagong panimula, dinadala ang kanilang Babilonikong relihiyon. Ang ilan sa mga bigong tagapagtayo ay nanirahan sa lugar na nakilala bilang Ehipto.
Sa The Story of Civilization, binanggit ni Will Durant ang tungkol sa “pinagmulan ng ilang espisipikong elemento ng kultura ng Ehipto mula sa Sumeria at Babilonya.” Kaya, ang relihiyon ng Babilonya ay lubhang nakaimpluwensiya sa Ehipto, at ang relihiyon ay naging isang nangingibabaw na salik sa buhay ng mga Ehipsiyo. Ang The New Encyclopædia Britannica ay nagsasabi: “Ang kultural at sosyal na buhay ay babad na babad sa relihiyosong mga ideya anupa’t imposibleng maunawaan ang kulturang Ehipsiyo nang hindi inuunawa ang relihiyong Ehipsiyo, at gayundin naman ang kabaligtaran nito.”
Pabagu-bago at Nagkakasalungatan
Ang relihiyon ng Ehipto ay politeistiko, ipinakikilala ng mahigit na 500 mga diyos, at maaaring doble pa niyan. “Sa buong Ehipto karaniwang ang samahan ng mga diyos ng isang bayan o lungsod ay tatlo ang bilang,” sabi ng Ehiptologong si E. A. Wallis Budge. Nang maglaon, nagkaroon ng isang pangunahing tatluhang diyos, ang sagradong pamilya na binubuo ni Osiris, ang ama; si Isis, ang ina; at si Horus, ang anak.
Dahil sa politeismo maraming diyos ang nag-aangking ‘ang tanging diyos.’ At maliwanag na hindi problema sa mga pari at mga teologo na maniwala sa isang diyos at kasabay nito ay ituring siya na umiiral sa maramihang anyo. Ang autor na si B. Mertz ay nagsasabi na ito “ay isa pang halimbawa ng pabagu-bagong paniwala na siyang katangian ng relihiyon ng Ehipto.”
Ang mga hayop ay kadalasang ginagamit upang kumatawan sa mga katangian ng mga diyos o ng mga diyos mismo. Ngunit sinasabi ng Pranses na autor na si Fernand Hazan na ang mga hayop na ito ay higit pa kaysa mga sagisag, ito ay itinuturing na karapat-dapat sa pagpipitagan “sapagkat ang mga ito ang tampulan ng mabuti o nakapipinsalang kapangyarihan ng diyos.” Sa gayon, hindi kataka-taka na ang isang mamamayang Romano ay sinasabing pinapatay nang walang paglilitis dahil sa pagpatay ng isang pusa at na ang momiyang bangkay ng mga aso, pusa, buwaya, falcon, at mga baka ay nasumpungan sa mga libingan ng Ehipsiyo.
Ang ritwalismo, mahiwagang mga kulto, at mga gawaing pagmamahiko ay lubhang nakaimpluwensiya sa relihiyon ng Ehipto. Gayundin ang paggamit ng relihiyosong mga imahen at mga sagisag, gaya ng sagisag ng buhay, ang crux ansata. Ang mga ito ay binigyan ng kabantugan, sabi ng The New Encyclopædia Britannica, na “ang indibiduwal na pananampalataya (yaon ay, personal na kabanalan) ay hindi mahalaga.” Sabi pa nito na sa gitna ng mga imahen, “yaong imahen ni Isis na kalung ang batang si Horus, marahil ang tipikal na halimbawa ng Madonna at Sanggol, ang kapansin-pansin.”
Ang mga Ehipsiyo ay naniniwala sa kabilang-buhay. Ginagawa nilang momiya ang kanilang mga patay at iniingatan ang bangkay ng patay na mga faraon sa napakagandang mga piramide. Gaya ng pagkakasabi rito ng isang autor, sa sinaunang mga libingan ay nakakuha “ng kahabag-habag subalit mahalagang mga luho na gaya ng mga paleta ng kosmetik, mga abaloryo, at mga palayok na dati’y naglalaman ng pagkain at inumin.”
Sampung Dagok sa Nalalapit na Pagkawasak
Noong 1728 B.C.E., may nangyari na nagkaroon ng kakila-kilabot na resulta sa Ehipto at sa relihiyon nito. Halos dalawang siglo pagkatapos dalawin ng taong nagngangalang Abraham ang Ehipto, ang kaniyang mga inapo ay lumipat doon upang maiwasan ang pinsala ng isang grabeng taggutom. (Genesis 12:10; 46:6, 7) Kilala bilang mga Israelita, sila’y nanatili roon ng 215 mga taon. Ito ang nagpangyari para sa isang labanan ng mga diyos, ang karamihan ng mga diyos ng Ehipsiyo sa isang panig at ang nag-iisang Diyos ng mga Israelita, si Jehova, sa kabilang panig. Nang ang mga Israelita’y humingi ng pahintulot na umalis sa Ehipto upang sambahin Siya, ang mga bagay ay mabilis na umabot sa sukdulan.
Tinanggihan ng pinuno ng Ehipto, ang faraon,a isang titulo na buhat sa salitang Ehipsiyo para sa “malaking bahay,” ang kanilang kahilingan. Saka ipinahayag ni Jehova ang kaniyang layunin na ipakita ang kaniyang kapangyarihan sa makahimalang paraan alang-alang sa kaniyang bayan. (Exodo 7:1-6; 9:13-16) Sa pagpapadala ng sunud-sunod na sampung dagok sa Ehipto, hinamon niya ang mga diyos nito sa isang harapang komprontasyon.—Exodo 12:12.
Ang unang dagok ay gumawa sa Ilog Nilo, ang mahalagang ilog ng Ehipto, na maging dugo, pinapatay ang mga isda nito at ang mga Ehipsiyo’y napilitang maghukay para sa maiinom na tubig. (Exodo 7:19-24) Anong laking kahihiyan para kay Hapi, ang diyos ng Nilo!
Ang palaka ay isang sagisag ng pagkapalaanakin, at ang aklat na The Gods of the Egyptians ay nagsasabi sa atin na “ang Palakang-diyos at ang Palakang-diyosa ay pinaniniwalaang gumaganap ng napakahalagang papel sa paglalang ng daigdig.” Kaya ang salot ng mga palaka, bukod pa sa paghiya sa mga diyos ng pagkapalaanakin na gaya nina Osiris, Ptah, at Sebek, ay hinamak pa nga ang mga diyos ng paglalang ng mga Ehipsiyo.—Exodo 8:1-6.
Hindi natularan ng mga saserdoteng Ehipsiyo na nagsasagawa-ng-mahiko ang ikatlong dagok na gaya ng pagtulad nila sa naunang dalawang dagok. (Exodo 8:16-18) Naiwala ni Thoth, ang panginoon ng mahiko, ang kaniyang madyik. At hindi nahadlangan ni Geb, ang diyos ng lupa, “ang alabok ng lupa” mula sa pagiging pesteng mga niknik.
Simula sa ikaapat na dagok, nagkaroon ng hangganan sa pagitan ng Goshen, ang kinaroroonan ng pamayanang Israelita sa Mababang Ehipto, at sa iba pang bahagi ng bansa. Samantalang ang Goshen ay hindi ginagalaw ng salot ng mga langaw, ang ibang bahagi ng Ehipto ay napahamak. (Exodo 8:20-24) Maliwanag na hindi na masupil ni Buto, isang tagapag-alagang diyosa, at ng diyos na si Horus ang mga nangyayari sa bahaging iyon ng lupain kung saan sila ang may pananagutan—ang Mababang Ehipto.
Si Hathor ang diyosa na may ulong-baka. Si Nut, ang diyosa ng langit, ay inilalarawan din bilang isang baka. Anong laking kahihiyan para sa dalawang ito nang ang salot na nagpangyari na ang “lahat ng uri ng hayop . . . ay mamatay” sa ikalimang dagok!—Exodo 9:6.
Sinasabing nalalaman ni Thoth ang “lahat ng mahikong pormula na kinakailangan upang pagalingin ang mga maysakit.” At si Amon-Ra, sabi ng ika-70 taludtod ng isang tula na isinulat sa kaniyang karangalan, ay isang manggagamot “na pinaglalaho ang kasamaan at pinapawi ang mga karamdaman.” Subalit hindi nahadlangan ng kapuwa huwad na mga tagapagpagaling na ito ang “mga pigsa sa tao at sa hayop,” pati na sa “mga saserdote na nagsasagawa-ng-mahiko,” sa ikaanim na dagok.—Exodo 9:10, 11.
Ang mga diyos na sina Shu, Reshpu, at Tefnut ay tumutulong upang pamahalaan ang lagay ng panahon. Subalit tulad ng mga nagsasabi ng magiging taya ng panahon sa ngayon ay hindi nila nahadlangan ang kidlat at pag-ulan ng yelo na tumama sa mga tao, hayop, at pananim noong ikapitong dagok na “bumali sa lahat ng uri ng punungkahoy sa parang.” (Exodo 9:25) Ang hindi nasira ng pag-ulan ng yelo ay kinain ng mga balang sa ikawalong dagok. (Exodo 10:12-15) Anong laking pagkatalo para kay Min, ang diyos ng pag-aani, na, may hawak na kidlat at kulog sa kaniyang kanang kamay, ay dapat sanang nasawata ang kulog at kidlat! Ito kapuwa ay dumulas sa kaniyang kamay noong panahon ng dalawang salot na ito.
“Nagsalimuotan ang dilim sa lahat ng lupain ng Ehipto ng tatlong araw,” ang ikasiyam na dagok. (Exodo 10:21, 22) Si Ra, ang diyos ng araw; si Sekhmet, ang diyosa na may dala ng bilog ng araw; at si Thoth, ang diyos ng buwan, ay literal na nawalan ng kani-kanilang liwanag.
At anong lakas na hiyawan nang ang panganay ng mga Ehipsiyo ay biglang mamatay, “walang bahay na di may isang patay,” pati na ang “malaking bahay” ni Faraon! (Exodo 12:29, 30) Yamang si Faraon ay ipinalalagay na anak ng diyos ng araw na si Ra, ang di-inaasahang pagkamatay ng kaniyang panganay na anak ay katumbas ng kamatayan ng isang diyos. Anong nakasisindak na pagkatalo para kay Bes, ang tagapangalaga sa maharlikang sambahayan, at kay Buto, ang tagapagtanggol ng hari!
Napahiya at hinamak—hindi lamang minsan kundi sampung beses—nag-iinit para maghiganti, si Faraon at ang kaniyang mga hukbo ay mapusok na sumugod upang tugisin ang umaalis na mga Israelita. (Exodo 12:37, 41, 51; 14:8) Sa karangalan ng hindi gaanong kilalang Faraon Ni-maat-Re, isang sinaunang tula ang minsa’y nagyabang: “Lumaban ka alang-alang sa kaniyang pangalan . . . Walang libingan para sa isang rebelde laban sa kaniyang kamahalan, at ang kaniyang bangkay ay ihahagis sa tubig.” Subalit kung tungkol kay Faraon na dumanas ng pagkalipol buhat sa Diyos, ang kaniya mismong bangkay ay bumagsak sa tubig. “Si Faraon, ang inkarnasyon ng diyos na si Horus dito sa lupa, tagapagmana sa pagkahari ni Atum, anak ng diyos ng araw na si Re [Ra],” gaya ng tawag sa kaniya ng reperensiyang akda, ay namatay sa Dagat na Pula sa kamay ng Diyos ng mga Israelita na laban sa kamahalan nito siya ay naghimagsik.—Exodo 14:19-28; Awit 136:15.
Talaga bang Nangyari Ito?
Kapuna-puna, ang The New Encyclopædia Britannica, bagaman nagsasabi na ang ulat ng Exodo ay naglalaman ng “makaalamat na mga elemento,” ay umaamin na “ang kasalukuyang-panahong mga iskolar ay waring naniniwala na sa likuran ng mga alamat na ito ay may matibay na katotohanan.” Sa pagsasalita tungkol sa suliranin ng pagbibigay ng petsa sa mga dinastiyang Ehipsiyo mula sa talaan ng mga hari, sinasabi rin ng Britannica: “Ang kahinaan ng mga talaang ito bilang makasaysayang mga rekord ay na kabilang lamang dito ang pangalan ng mga haring karapat-dapat papurihan; maraming mababang-loob at ilang di-popular na mga pinuno ay ganap na kinaligtaan—inalis sa rekord.”
Sa harap ng gayong makasaysayang di-kawastuan at pagdudoktor ng mga katotohanan, kataka-taka ba na ang ganap na pagkatalong ito ng Ehipto at ng kaniyang huwad na mga diyos ay basta “inalis”? Nagiging maliwanag ito kung aalalahanin natin na gayon nga ang ginawa ng mga nagtala ng kasaysayan sa ilalim ng pagtuturo ng mga saserdote, na maliwanag, na ang pangunahing interes ay panatilihin ang kanilang posisyon at ipagtanggol ang kaluwalhatian ng kanilang mga diyos.
Dahil sa sinaunang mga pangyayaring iyon, ang hinaharap ay walang iniaalok na mabuti para sa sinuman na ipinagtatanggol ang modernong-panahong kamukha ng relihiyon ng Ehipto. Tanging yaon lamang nagsasagawa ng tunay na relihiyon—ang mga Israelita at ang ilan sa mga kasama nilang Ehipsiyo—ang nakaligtas sa digmaan ng mga diyos. Dakilang mga bagay ang ngayo’y nakahanda para sa kanila, itong “Ibinukod na Bansa, Walang Katulad.” Basahin ang tungkol dito sa bahagi 4 ng seryeng ito.
[Talababa]
a Imposibleng makilala nang tiyakan ang faraon na nagpuno noong panahong ito. Sinasabi ng mga Ehiptologo na ito ay maaaring, kabilang sa iba, si Thutmose III, si Amenhotep II, o si Ramses II.
[Kahon sa pahina 22]
Paano Mo Sasagutin?
Noong panahong sila’y nasa Ehipto, ang mga Israelita ba lamang ang nagsasagawa ng tunay na relihiyon?
Hindi, sapagkat “isang taong sakdal at matuwid, na natatakot sa Diyos at humihiwalay sa kasamaan,” ay nakatira sa kalapit na Uz, ngayo’y Arabia. Ang kaniyang pangalan ay Job. Siya’y dumanas ng matinding mga pagsubok ng integridad, marahil noong panahon sa pagitan ng kamatayan ni Jose noong 1657 B.C.E. at ng paghirang kay Moises bilang tapat na lingkod ni Jehova.—Job 1:8.
[Larawan sa pahina 23]
Ang mga faraon ay itinuturing na inkarnasyon ng mga diyos
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng Superintendence ng Museo Egizio
[Larawan sa pahina 24]
Ang ibang piramide ay maluhong libingan ng mga faraon