Sinaunang Ehipto—Ang Unang Dakilang Kapangyarihan ng Daigdig
EHIPTO—sinaunang lupain ng mga Faraon at ng Nilo—ang isa sa may pangunahing kabihasnan ng daigdig. Ang kaniyang sining ay adorno ng malalaking museo. Ang kaniyang kasaysayan ay inilalahad sa mga aklat-aralin sa mga paaralan. Ang kaniyang pagkalalaking mga monumento ay hinahangaan ng mga turista. Isa pa, maraming mga pangyayari sa Bibliya ang naganap o dili kaya’y napasangkot sa bansang ito. Ang Ehipto at ang mga mamamayan nito ay tinutukoy nang mahigit na 700 beses sa Bibliya.
Gayunman, ano nga bang talaga ang alam mo tungkol sa sinaunang Ehipto? Ang pagkatuto nang higit pa tungkol dito ay tutulong sa iyo na maunawaan ang maraming mga bagay na binanggit sa Bibliya.
Sa Ehipto, ang mga arkeologo ay nakasumpong ng maraming bagay na nagpapatunay sa rekord ng Bibliya. Halimbawa, isaalang-alang ang ulat tungkol kay Jose. Ang mga pangalan, titulo, ang puwesto ni Jose bilang isang tagapangasiwa sa bahay, ang puwesto na ibinigay sa kaniya bilang pangalawang tagapamahala sa lupain at bilang tagapamanihala ng pagkain, ang mga kaugalian sa Ehipto sa paglilibing, at maging ang kaugalian ng mga panadero na nagsusunong ng mga basket ng tinapay sa kanilang ulo—lahat ng ito ay nasumpungan na naaayon sa mga kaugalian sa Ehipto noong panahong iyon.—Genesis, kabanata 39–47; Gen 50:1-3.
Ang Lupain at ang mga Tao Roon
Ang Ehipto ay sa Nilo umaasa. Ang mayamang libis ng ilog na iyan, na sa katamtaman ay mayroon lamang 19 na kilometro ang luwang buhat sa Aswân hanggang Cairo, na nakaunat pahilaga tulad ng isang makitid na lasong luntian sa kalaparan ng tigang na disyerto ng Aprika. Noong nakalipas, dahil sa taun-taong mga baha rito na may tangay na banlik na nagsisilbing abono sa lupa ang Ehipto ay naging tagaluwas ng pagkain at isang dakong likasan kung panahon ng taggutom. (Genesis 12:10) Mga papirong tambo, na matatagpuan sa mga pampang nito, ang ginagawa na kauna-unahang papel.
Ang malapad na wawa, na kung saan ang tubig ng Nilo ay kumakalat bago umagos sa bughaw na Mediteraneo, ay tinatawag na Ibabang Ehipto. Dito, sa malas, naroroon “ang lupain ng Goshen,” na kung saan nanirahan ang mga Israelita sa panahon ng kanilang pansamantalang matagal na paninirahan sa Ehipto.—Genesis 47:27.
Ang Relihiyon ng mga Ehipsiyo
Ang sinaunang mga Ehipsiyo ay naniniwala na ang kanilang Faraon ay isang diyos. Ang bagay na ito ay lalong nagpapatingkad sa mapaghamak na katanungan ni Faraon kay Moises: “Sino ba si Jehova, upang sundin ko ang kaniyang tinig?” (Exodo 5:2) Ang mga Ehipsiyo ay marami ring mga ibang diyos. Ang mga pangalan ng humigit-kumulang 740 ng mga ito ay natuklasan sa isang talaan na nakuha sa libingan ni Thutmose III. Ang mga Ehipsiyo ay sumasamba sa tatluhang mga diyos, o trinidad, at isa sa pinakapopular sa mga ito ay ang trinidad ni Osiris, Isis, at Horus.
Marami sa pinakatanyag na mga diyos ng Ehipto ay inilalarawan na taglay ang mga katawang-tao at mga ulo ng hayop. Si Horus ay inilalarawan ng mga Ehipsiyo na may ulo ng isang lawin at si Thoth ay may ulo ng isang ibis o isang bakulaw. Ang mga pusa, asong-gubat, buwaya, baboon, at sarisaring mga ibon ay itinuturing na sagrado dahilan sa kanilang kaugnayan sa ilang mga diyos. Ang torong Apis, na itinuturing na ang diyos na si Osiris na nagkatawang-laman, ay iniingatan sa isang templo sa Memphis, at noo’y binigyan ng isang magarang libing at inimbalsamo pa mandin upang maitinggal nang matagal nang siya’y mamatay. Ang tanyag na mga scarab ng mga Ehipsiyo, na ikinukuwintas na tulad ng mga anting-anting na nakapagliligtas, ay mga representasyon ng isang uri ng uwang na nangingitlog sa dumi—na inaakalang isang larawan ng maylikha-diyos.
Bagama’t matagal na nanirahan sa Ehipto at nakisalamuha sa mga tao sa lupaing iyan, ang mga Israelita ay mayroon lamang iisang Diyos, si Jehova, at sa kaniya lamang sila kailangang maglingkod. Sila’y binigyan ng babala na huwag gagawa ng anumang relihiyosong larawan, maging iyon man ay larawan ng Diyos o ng isang ibon, hayop, isda, o ano pa man. Ang pagsamba nila sa isang gintong guya hindi nagtagal pagkalabas nila sa Ehipto ay marahil resulta ng impluwensiya ng mga Ehipsiyo.—Exodo 32:1-28; Deuteronomio 4:15-20.
Paniniwala sa Pagkawalang-Kamatayan
Ang mga Ehipsiyo ay mahigpit na naniniwala sa pagkawalang-kamatayan. Sa gayon, ang mga tagapamahalang Ehipsiyo ay naghanda ng magagarang nitso, na may mga nakalagay roon na pangangailangan sa buhay at mga luho, sa pag-asa nilang magkakamit sila ng walang-hanggang kaligayahan sa kabilang buhay. Ang mga piramide ang pinakalitaw na halimbawa ng ganitong kaugalian.
Ang gintong mga alahas, pananamit, muwebles, alak, pagkain, mga palayok, mga kahon na garing, at pati maliliit na panggiling ng pintura para sa mata ay pawang maingat na inilagay sa mga libingang Ehipsiyo. May paniwala na ang mga bagay-bagay na ito ay magagamit sa kabilang buhay. Noong sinaunang mga panahon, ang mga alipin ay pinapatay at inililibing na kasama ng kanilang mga panginoon, upang maglingkod sa kanila pagkamatay. Isang kalipunan ng mga orasyon na kilala sa tawag na “Aklat ng mga Patay” ang natuklasan sa loob ng libu-libong mga kabaong ng mga Ehipsiyo. Inaasahan na ang mga orasyong ito ay tutulong sa isang taong namatay upang mapagtagumpayan ang iba’t ibang panganib na mapapaharap sa kaniya sa kabilang buhay.
Anong laking kaibahan ang paniwala ng mga Israelita! Batid nila, gaya ng sinasabi ng Bibliya, na “tungkol sa mga patay, sila’y walang nalalamang anuman.” At pagka ang isang tao’y namatay, “sa araw ring iyon ay pumapanaw ang kaniyang pag-iisip.”a Ang kanilang pag-asa na mabuhay sa hinaharap ay nasa pagkabuhay-muli.—Eclesiastes 9:5, 10; Awit 146:4; Job 14:13-15.
Sino ang Nabuhay Kailan?
Ang mga Ehiptologo ay may nakilalang 31 mga “dinastiya” ng mga haring Ehipsiyo at mayroon silang binabanggit na Matandang Kaharian (Dinastiya 3-6), Gitnang Kaharian (Dinastiya 11, 12) at Bagong Kaharian (Dinastiya 18-20). Subalit ang ganitong paraan ng pagbibigay ng pangalan ay malayo sa tama. Nakakasangkot dito ang kuwestiyunable at putul-putol na kasulatan at maaari pa ring kasali rito ang kung ilang mga hari na sabay-sabay na naghari sa iba’t ibang lugar, imbis na naghaharing hali-halili.b
Nang simulan ni Moises ang pagsulat sa unang mga aklat ng Bibliya, sinunod niya marahil ang sariling kaugalian ng mga Ehipsiyo na pagtawag ng “Faraon” sa kanilang hari, at hindi paggamit ng isang personal na pangalan. Kaya naman, hindi natin alam ang pangalan ng mga Faraon na nakilala ni Abraham at ni Jose o kung aling Faraon ang naghahari noong lumabas sa Ehipto ang Israel. Datapuwat, ang titulong “Faraon” ay nang bandang huli’y kinabitan na ng sariling pangalan ng hari, kaya naman ang mga pangyayari sa Bibliya ay naiugnay na sa talaan ng mga haring Ehipsiyo. Narito ang ilan sa mga Faraon na pupukaw lalung-lalo na ng interes ng isang estudyante ng Bibliya:
Si Akhenaton (ng umano’y ika-18 Dinastiya) ay isang masigasig na mananamba sa simbolo ng araw na si Aton. Noong 1887 isang kalipunan ng humigit-kumulang 377 mga tabletang putik ang natagpuan sa Tel el-Amarna, humigit-kumulang 320 kilometro sa gawing timog ng Cairo. Ang kawili-wiling mga tabletang ito ay diplomatikong mga sulat na tinanggap ni Akhenaton at ng kaniyang amang si Amenhotep III. Kasali rito ang mga liham na nanggaling sa mga naghahari sa Jerusalem, Megido, Hazor, Shechem, Lachish, Hebron, Gaza, at iba pang mga siyudad-estado sa Palestina. Marahil isinulat noong malapit nang papasok ang Israel sa Canaan, kaya naman isinisiwalat ng mga liham na ito ang tungkol sa pagbabaka-baka at mga intriga. Ipinakikita rin naman ng mga ito na ang bawat bayan ay may kaniyang sariling hari, gaya ng ipinakikita ng aklat ni Josue sa Bibliya.
Si Tutankhamen, isang manugang ni Akhenaton, ang tanyag na si “Haring Tut” na ang mararangyang gintong kagamitan sa libingan ay natuklasan ng mga arkeologo at nakadispley na ngayon sa iba’t ibang museo. Ang mga kagamitang ito ay isang litaw na katibayan ng kayamanan ng mga Faraon. Ang ganitong kayamanan ang sa una pa’y tinanggihan na ni Moises nang siya’y “tumangging patawag na anak ng anak na babae ni Faraon, at ang pinili niya’y apihin siya kasama ng bayan ng Diyos imbis na pansamantalang maligayahan sa kasalanan.”—Hebreo 11:24, 25.
Si Merneptah ang nasa “ika-19 na Dinastiya.” Sa isang bantayog ng tagumpay na natagpuan sa isang templo sa Thebes, isinulat ng Faraon na ito na “ang Israel ay nasalanta, ang kaniyang binhi ay hindi.” Ito ang tanging tuwirang pagbanggit sa Israel bilang isang bansa na natuklasan magpahanggang sa ngayon sa sinaunang mga kasaysayan ng Ehipto. Bagaman malinaw na ito’y isang pangangalandakan lamang, ito’y waring nagpapakita na noo’y naganap na ang pagsakop ng mga Israelita sa Canaan. Samakatuwid, ang pagsakop na ito noong 1473 B.C.E. ay tiyak na naganap sa pagitan ng panahon na tanggapin ni Akhenaton ang mga liham sa Tel el-Amarna at ng mga kaarawan ni Merneptah.
Si Shishak (Sheshonk I, “ika-22 Dinastiya”) ang unang Faraon na binanggit ang pangalan sa Bibliya. Sa tulong ng isang malaking hukbo ng mga karo at mga mangangabayo, kaniyang nilusob ang Juda, pinagbantaan ang Jerusalem, at “kinuha ang mga kayamanan ng bahay ni Jehova at ang mga kayamanan ng bahay ng hari. Lahat ay kinuha niya.” (2 Cronica 12:9) Ang pangyayaring ito ay pinatutunayan ng isang alsadong disenyo sa gawing timog na pader ng templo ni Amon sa Karnak (sinaunang Thebes). Doo’y makikita ang 156 na mga presong nakaposas, bawat isa’y kumakatawan sa isang nabihag na lunsod o bayan, kasali na ang Megido, Shunem, at Gabaon. Kabilang sa mga lugar na nabihag, itinala pa mandin ni Shishak ang “Bukid ni Abram”—ang kauna-unahang pagbanggit kay Abraham sa mga rekord ng Ehipto.
Bumangon ang Iba Pang mga Kapangyarihan ng Daigdig
Sa wakas, ang Ehipto ay hinalinhan ng Asiria bilang dominanteng kapangyarihan ng daigdig. Subalit siya’y nanatiling isang malakas na puwersang pulitikal. Si Oseas, ang huling hari ng sampung-tribong hilagang kaharian ng Israel ay nakipagsabwatan kay Haring So ng Ehipto sa isang nabigong pagtatangka na makaalis sa pamatok ng Asiria. (2 Hari 17:3, 4) Makalipas ang mga taon, noong paghahari ni Haring Ezekias ng Juda, si Haring Tirhakah ng Etiopia (marahil ang Etiopeng hari ng Ehipto, si Faraon Taharqa) ay lumusob sa Canaan at pansamantalang naibaling sa iba ang pag-atake ng haring Asiryo na si Sennacherib. (2 Hari 19:8-10) Ang sariling ulat ni Sennacherib ng kaniyang kasaysayan, na natagpuan sa Asiria, ang sa malas ay tumutukoy rito nang sabihin: “Ako mismo ang nakabihag nang buháy . . . sa mga nagpapaandar ng karo ng hari ng Etiope.”—Oriental Institute Prism of Sennacherib, University of Chicago.
Ang propeta ni Jehova na si Isaias ang humula na ang Ehipto’y ibibigay sa “kamay ng isang malupit na panginoon” at na isang “malakas” na hari ang magpupuno sa mga Ehipsiyo. (Isaias 19:4) Ang katotohanan ng hulang ito ay pinatunayan ng isang dokumentong Asiryo na kung saan ang anak ni Sennacherib na si Esar-haddon ay nangalandakan tungkol sa kaniyang pananakop sa Ehipto na nagsasabi: “Ang hari nito, si Tirhakah, ay sinugatan ko ng limang ulit sa pamamagitan ng mga pana at pinagharian ko ang kaniyang buong bansa.”
Si Faraon Necho ay sumulong nang pahilaga noong humigit-kumulang 629 B.C.E. upang mahadlangan ang mga hukbo ng sumisikat na ikatlong kapangyarihan ng daigdig, ang Babilonya. Sinasabi ng Bibliya na may kamangmangang sinubok ni Josias ng Jerusalem na ang mga hukbong Ehipsiyo ay pigilin sa Megido at siya’y nagapi at napatay.c (2 Cronica 35:20-24) Humigit-kumulang apat na taon pagkaraan, noong 625 B.C.E., si Faraon Necho naman ang natalo ng mga Babiloniko sa Carchemis. Kapuwa ang Bibliya at ang Babilonikong mga Kronika ay tumutukoy sa pangyayaring ito, anupa’t ang mga Babiloniko ay naging panginoon sa kanlurang Asia.
Noong 525 B.C.E., ang Ehipto ay sumailalim ng kapangyarihan ng ikaapat na kapangyarihan sa daigdig, ang Medo-Persia. Halos dalawang siglo ang nakalipas, noong 332 B.C.E., si Alejandrong Dakila ay bumangon at ang Ehipto’y isinailalim ng ikalimang kapangyarihan ng daigdig, ang Gresya. Si Alejandro ang nagtatag ng siyudad ng Alexandria sa Ehipto sa lugar ng wawa ng Nilo, na kung saan, humigit-kumulang noong 280 B.C.E., sinimulan ang unang pagsasalin ng Bibliya mula sa Hebreo tungo sa Griego. Ang saling ito, na nakilala sa tawag na Septuagint, ang Bibliyang ginamit ng mga tagasunod ni Jesus sa daigdig na ang wikang ginagamit ay Griego.
Noong panahon ng Roma, na ikaanim na kapangyarihan ng daigdig, si Jesus ay dinala sa Ehipto bilang isang sanggol upang iligtas siya sa naninibughong si Herodes. (Mateo 2:13-15) May mga Ehipsiyo sa Jerusalem noong araw ng Pentecostes 33 C.E. upang makinig sa kahanga-hangang pangangaral ng mabuting balitang Kristiyano. At dito nanggaling ang mahusay magsalitang Kristiyano na si Apolos noong unang siglo.—Gawa 2:10; 18:24.
Oo, ang Ehipto at ang mga Ehipsiyo ay naging prominente sa kasaysayan ng Bibliya, at maraming mga natuklasan ng mga arkeologo ang nagpapatunay sa sinasabi ng Kasulatan tungkol sa sinaunang lupaing ito. Oo, ang Ehipto ay totoong naging prominente kung kaya’t sa ilang makahulang talata, ito ay sumasagisag sa buong sanlibutan na nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. (Ezekiel 31:2; Apocalipsis 11:8) Subalit ang sinaunang Ehipto, sa kabila ng kaniyang lakas bilang isang kapangyarihan ng daigdig, ay hindi kailanman nagtagumpay ng paghadlang sa katuparan ng mga layunin ni Jehova. At ito’y totoo rin naman tungkol sa ikalawang kapangyarihan ng daigdig sa kasaysayan ng Bibliya, ang Asiria, gaya ng makikita natin sa susunod na labas ng magasing Bantayan.
[Mga talababa]
a Sinasabi ng The Jewish Encyclopedia: “Ang paniwala na patuloy na nabubuhay ang kaluluwa pagkatunaw ng katawan ay . . . saanman hindi hayag na itinuturo ng Banal na Kasulatan.”
b Para sa kawili-wiling pagtalakay sa mga problemang may kaugnayan sa mga talaang ito, tingnan ang aklat na Aid to Bible Understanding, pahina 324-5, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
c Ito ay isa sa mga matinding labanan na naganap sa Megido, na humantong sa pagkagamit nito bilang isang simbolo ng matinding pangkatapusang pakikipagbaka ng Diyos laban sa mapaghimagsik na mga bansa ng mga tao sa Har–Magedon, o Armagedon.—Apocalipsis 16:16.
[Mapa sa pahina 23]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Dagat Mediteranyo
Carchemish
Eufrates
Megiddo
Jerusalem
Alexandria
GOSHEN
Memphis
Nilo
IBABANG EHIPTO
Thebes
[Credit Line]
Batay sa isang mapa na karapatang-ari ng Pictorial Archive (Near Eastern History) Est. and Survey of Israel
[Larawan sa pahina 24]
Ang diyos ng mga Ehipsiyo na inilarawang may katawan ng tao at ulo ng isang lawin
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng British Museum, London
[Mga larawan sa pahina 25]
Isang bahagi ng “Aklat ng mga Patay” na natagpuan sa loob ng kabaong ng isang Ehipsiyo
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng Superintendence ng Museo Egizio, Turin
Ataol ng isang Ehipsiyo at takip para sa inimbalsamong bangkay
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng Superintendence ng Museo Egizio, Turin
[Larawan sa pahina 26]
Si Haring Tutankhamen katabi ng nakaupong diyos na si Amon
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng Superintendence ng Museo Egizio, Turin