Mga Sanggol na Kulang-sa-Buwan—Pagharap sa Hamon
SI Kelly ay walong taóng gulang na ngayon, at ang kalakip na larawan ay nagpapakita na siya ay isang maligaya, malusog na bata. Tunay, ito ay pambihira kung isasaalang-alang mo na siya ay isinilang na maaga ng 14 na linggo at tumitimbang lamang ng 794 gramo! Bago ang kalagitnaang 1960’s, bihira, kung mayroon man, na sanggol na isinilang nang napakaaga at napakaliit na nabuhay.
Subalit sa anong mga paraan naiiba ang isang sanggol na kulang-sa-buwan sa isang sanggol na husto-sa-buwan? Ang kaliitan ang kapuna-punang kaibhan. Gayundin, ang pinong balat ng sanggol ay maaaring magtinging kulay rosas at manipis; maaaring nakikita pa nga ang maliliit na ugat. At depende sa kung gaano kaaga lumabas ang sanggol na ito, maaaring mayroon itong pinong mga balahibo sa mukha o sa katawan nito. Hindi magtatagal at ito ay maglalaho.
Isa pa, ang ulo ng sanggol ay maaaring magtinging malaki at alangan sa kaniyang katawan, ngunit hindi ito dapat na ikabahala. Habang ang sanggol ay lumalapit sa petsa ng husto-sa-buwan na pagsilang nito, ito ay magkakaroon ng higit na taba at magmumukhang sanggol na husto-sa-buwan.
Kung tungkol naman sa anumang pantanging mga pangangailangan ng maliliit na sanggol, ang mga ito ay maaaring iilan o marami. Ang bawat kaso ay naiiba. Subalit nagkaroon na ng mahalagang mga pagsulong. Ang modernong teknolohiya pati na ang tapat sa tungkulin na mga kawani ng ospital at saganang magiliw at maibiging pangangalaga mula sa mga magulang ay nagbunga ng kapansin-pansing dami ng nabubuhay na sanggol na kulang-sa-buwan.
Kung Ano ang Magagawa ng mga Magulang
Mga magulang, malaki ang magagawa ninyo lalo na para sa inyong bagong silang na anak na kulang-sa-buwan. Hinihimok na panganlan agad ang bata pagkasilang, yamang pinaglalapit nito ang mga magulang at sanggol sa isang kaugnayan na aktuwal na nakatutulong sa pagsulong ng “napaaga ang dating.” Pagkatapos na maging matatag ang kalagayan ng sanggol, ang pinakamahalagang pagkabahala ay itatag ang pisikal na paghawak sa sanggol.
Ang pagkarinyo, magiliw na paghaplos, at marahang pagmasahe sa balat ng sanggol ay maaaring naaangkop, lalo na kung hindi pa maaaring kargahin ang sanggol. At ano pa ang higit na nagbibigay ng katiyakan sa sanggol kaysa ang marinig ang mga tinig ni nanay at ni tatay na nagpapahayag ng mahinang paghuni, ng malambing na mga paghele, o ng ibinubulong na mga salita ng pagmamahal? Sa kabilang dako, kung ang sanggol ay lubhang kulang-sa-buwan, may dahilan upang mag-ingat. “Sila’y madaling magapi, at sila’y nanlulumo,” sabi ni Dr. Peter A. Gorski, na gumugol ng dalawang taon sa pagtatala ng gawi ng mga kulang-sa-buwan. “May nasaksihan akong mga sanggol na labis na nahirapan sa pakikipagtitigan anupa’t sila ay nanlata. Kung ano sa wari’y nakabubuti sa atin ay maaaring hindi siyang laging pinakamabuti.”
Ang pagdalaw sa sanggol nang madalas hangga’t maaari ay tiyak na tutulong upang patibayin ang iyong kaugnayan sa kaniya. Kung, dahil sa mga kalagayan, hindi mo pisikal na madalaw ang iyong munting sanggol, mga tape rekording ng mga miyembro ng pamilya na nag-uusap at iba pang mga tunog sa bahay ay maaaring ipadala sa ospital upang mapakinggan ng iyong sanggol. Ang isang damit ng ina, na bagaman nalabhan at naplantsa ay mayroon pa ring amoy ng ina, ay maaaring ilagay sa loob ng incubator, o isolette. Ang ilan ay naglagay ng larawan ni nanay, tatay, o ng mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae mga 25 centimetro ang layo sa sanggol.
Kunin halimbawa ang kalagayan ni Elise, na, noong 1971, ay isinilang na sampung linggong mas maaga kaysa inaasahan. Siya ay tumitimbang ng 1,500 gramo. Ang kaniyang mga magulang ay pinahintulutang dalawin siya na dalawang beses lamang sa isang linggo. Ang kaniyang ina, si Betty, ay nagsasabi: “Hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na maging malapit kay Elise na gaya ng pagiging malapit ko sa aking panganay na sanggol at sa tatlong mga anak kasunod niya.” Gayunman, sabi ni Betty: “Sa lumipas na mga taon kami ay naging malapit sa isa’t isa, at si Elise ay naging isa sa pinakamatulungin at kawili-wiling bata.”
Ang ina ay makapaglalaan ng tamang-tamang pagkain para sa sanggol na kulang-sa-buwan, ang kaniyang gatas. Nasumpungan ng taga-Canadang mga siyentipiko sa Toronto na ang gatas ng ina ng mga kulang-sa-buwan ay kakaiba ang timpla kaysa gatas ng mga ina ng mga sanggol na husto-sa-buwan, at mas mabuti ito sa mga kulang-sa-buwan. Sang-ayon sa The Journal of the American Medical Association, “ang sanggol na kulang-sa-buwan [ay] mas mabuting nagagamit ang proteina at iba pang mga nutriyente sa gatas ng ina para sa paglaki.”
Kung Ano ang Magagawa ng Iba
Ikaw ba isang kaibigan o isang kamag-anak ng mga magulang ng kulang-sa-buwan? Kung gayon, marami kang magagawang tulong. May mga grosering dapat bilhin, pagkaing lulutuin, gawaing-bahay na dapat gawin, mga damit na dapat labhan, at marahil may iba pang mga bata na dapat alagaan. Ang pagtangkilik mo sa pang-araw-araw na mga bagay na ito ay maaaring maging kapaki-pakinabang sa mga magulang na dapat na magbiyahe nang madalas at malayo upang dalawin ang kanilang sanggol sa isang neonatal intensive care unit.
Si Christy, ang ina ng isang sanggol na isinilang na maaga ng limang linggo, ay nagsabi na ang kaniyang Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae ang nagtustos ng lahat ng nabanggit. “Sila ang pinagmumulan ng aming kagalakan at lakas noong unang mga ilang linggo,” sabi niya.
Ang pagtangkilik ay maaari ring ibigay sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga card at regalo. Maaaring kabilang sa mga regalo ang anumang bagay na bibilhin mo para sa isang sanggol na husto-sa-buwan. Mangyari pa, ang laki ng sanggol ay dapat na isaalang-alang. May mabibiling mga lampin na disposable o tela na para sa mga kulang-sa-buwan, gayundin ng mga padron at damit na para sa kulang-sa-buwan.
Mahalaga rin ang emosyonal na pagtangkilik. Maging positibo at optimistiko. Ang nanay ni Kelly, si Mary, ay nagsabi: “Kailangan ko ang mga taong nakapagpapalakas at nagsasabi ng mga bagay na nakapagpapatibay-loob. Naiinis ako kapag may nagsasabi, ‘Huwag kang masyadong maging malapit.’ Ako’y nabubuhay sa pag-asa.” Isang maka-Kasulatang kaisipan na nagpalakas sa kaniya ay masusumpungan sa Isaias 41:13: “Sapagkat ako, si Jehova mong Diyos, ay hahawak ng iyong kanang kamay, ang Isa na magsasabi sa iyo, ‘Huwag kang matakot. Akin ngang tutulungan ka.’”
Ang mga pagdalaw ng matatandang Kristiyano buhat sa kongregasyon ni Mary ay totoong nakapagpapasigla. Kapuwa mga ina, sina Christy at Mary, ay nagsabi na napakalaki ng pagtangkilik na tinanggap nila mula sa kani-kanilang asawa at na lalo pa silang pinaglapit sa isa’t isa ng karanasan.
Pag-iingat—Ang Matalinong Hakbang
May katalinuhan sa paggugol ng higit na pagsisikap upang hadlangan ang pagsisilang nang maaga sa panahon kaysa basta pangangalaga sa mga kulang-sa-buwan pagkasilang. Sang-ayon sa isang pag-aaral na isinagawa sa Estados Unidos, sa bawat oras na ang isang pagdadalang-tao ay napatatagal sa pagitan ng 24 hanggang 28 linggo, $150 ang natitipid sa pangangalaga sa ospital. Kaya makabubuting isama ang impormasyon tungkol sa pagsisilang nang maaga sa panahon sa inyong “prenatal na aklatan” at magkaroon ng isang handang plano ng pagkilos sakaling mangyari ang pagsilang ng maaga sa panahon. Subalit mas mahalaga, dapat sikapin ng isang nagdadalang-taong ina na iwasan ang magsilang nang maaga sa panahon.
Una, hindi dapat manigarilyo ang isang babaing nagdadalang-tao. Maliwanag na sinisira ng paninigarilyo sa panahon ng pagdadalang-tao ang mga arterya ng ipinagbubuntis na sanggol, sang-ayon sa isang report sa Medical World News. Isang propesor sa Cornell University ay nagkomento: “Na ang mga daluyan ng dugo ng ipinagbubuntis na sanggol ay napipinsala, sa palagay ko, ay kasuwato ng nalalaman natin tungkol sa magaang na timbang sa pagsilang at ang mataas na insidente ng abnormal na mga pagtubo mula sa pagkabata at pagsilang na maaga sa panahon sa gitna ng mga sanggol ng mga babaing naninigarilyo.”
Ikalawa, kung ikaw ay nagdadalang-tao, iwasan ang masyadong mabigat na mga gawain, gaya ng pagbuhat ng mabigat. Ikatlo, iwasan ang mga kalagayan na maaaring pagmulan ng pisikal o emosyonal na trauma. Binabanggit ng Bibliya kung paanong ang isang pisikal na pinsala o mapangwasak na balita ay maaaring magpadali ng panganganak.—Exodo 21:22; 1 Samuel 4:19.
Kung ikaw ay lubhang nanganganib na magsilang ng isang kulang-sa-buwan, dapat kang sumangguni sa isang tao, gaya ng isang obstetrisyan, na may karanasan na sa pangangalaga sa mga babaing nagdadalang-tao. Kabilang sa mga babaing lubhang nanganganib yaong dati nang nagsilang ng isang sanggol na kulang-sa-buwan, yaong nagdadala ng higit sa isang anak, yaong ang edad ay lampas nang 40 anyos o mga tin-edyer, at yaong malakas uminom ng nakalalasing na inumin. Kabilang sa iba pang mga bagay na naglalagay sa isang babae sa kategorya ng lubhang nanganganib ay ang mataas na presyon ng dugo, diabetes, at mga abnormalidad ng inunan. Kailangang maingat na ipamonitor ng gayong mga babae ang kanilang pagdadalang-tao. Tiyaking sundin ang isang wastong pagkain sa panahon ng pagdadalang-tao upang matiyak ang hangga’t maaari’y pinakamabuting kalusugan para sa iyo at sa iyong sanggol.
Gayunman, kahit na gawin ng nagdadalang-taong ina ang lahat ng maaaring gawin upang tiyakin ang isang normal na panganganak, walang garantiya. Ang pagsisilang nang maaga sa panahon ay pangkaraniwan, at tila dumarami. Subalit kumusta naman ang tungkol sa kinabukasan? Mayroon bang anumang pag-asa upang ituwid ang depektong ito sa sistema ng pagpaparami ng tao?