Kailangan ng mga Sanggol na Kulang-sa-Buwan ang Magiliw at Maibiging Pangangalaga
ALAS tres ng madaling-araw ng Linggo noon. Kung ano ang pinagmulan ng maaga sa panahong pagdaramdam sa panganganak, hindi ko alam. Subalit may palagay ako na baka napalabis ako ng pag-istima sa mga bisita. Anuman ang dahilan, ang aking munting anak na lalaki ay maaga ng isang buwan ng paglabas.
Ang pagdaramdam sa panganganak ay matagal at pasumpung-sumpong. Buong araw ng Linggo at buong gabi ng Linggo, ako’y nagdaramdam sa panganganak nang hindi naman nanganganak. Maraming beses na ang ulo ng bata ay makikita ng komadrona sa isang paghilab (namumukana, sabi nga) at pagkatapos ay mawawala. Noong ikaapat ng umaga ng Lunes, 25 oras mula nang magsimulang magdamdam, natitiyak ng komadrona mula sa pakikinig sa tibok ng puso ng sanggol na ang sanggol ay nahihirapan. Binigyan niya ako ng oksiheno at agad akong isinugod sa ospital. Pagkaraan ng tatlong oras, isinilang si Danny.
Nakikita ng asawa ko, si Bill, at ako na ang bata ay nahihirapang huminga, yamang ang kaniyang mga bagà ay hindi gumaganang mabuti. Ipinahawak nila siya sa amin ng mga ilang sandali, at nang panahong iyon, napansin namin ni Bill na ang kaniyang paghinga ay naging mas mahusay habang karga namin siya at kinakausap siya. Nang sabihin ng kawani ng ospital na kailangan na siyang ilagay sa incubator, wala ako sa kondisyon na tumutol pagkatapos ng matagal, nakalilitong pagdaramdam sa panganganak.
Noong ika-9:30 n.u. ang pedyatrisyan ay dumating upang tingnan ako. Sinabi niya na tiningnan niya ang sanggol at ito ay tila mabuti naman; ipadadala na lamang ng doktor ang sanggol upang mapasuso ko ang bata. Ngunit hindi dumating ang bata. Alas diyes, alas 11, alas 12, ngunit wala pa rin si Danny. Sa wakas, pagkalipas lamang ng tanghali, isang nars ang dumating mula sa nursery at nakagugulat na nagsabi: “Ang inyong sanggol ay nagri-retract at nagpi-flare, at siya’y kailangang ilipat sa isang isolette!” Pagkasabi niyaon at walang nang pali-paliwanag pa, siya ay umalis.
Maguguniguni mo kung ano ang nagawa niyaon sa aking mabuway na ngang kalagayan sa emosyon. Yamang hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng “nagri-retract at nagpi-flare,” tinawag ko ang komadrona at tinanong siya kung ito ba ay grabe. “Oo,” aniya, “napakagrabe. Iyan ang ikinababahala nila tungkol sa mga sanggol na kulang-sa-buwan.”
“Ano ang ibig mong sabihin?” tanong ko: “Mamatay kaya siya?”
“Posible ho,” sabi niya. Sinabi niya sa akin na dapat ko raw ipilit na makita ang bata.
Sinabi sa akin ng mga nars na hindi ko siya maaaring makita hanggang sa masuri siya ng doktor. Sa puntong iyon nagsisisigaw na ako at lumikha na ako ng gulo. “Anak ko siya at siya’y mamamatay na at hindi ko man lamang siya mahawakan!” Agad silang tumugon sa pamamagitan ng pagdala sa akin sa sanggol. Bagaman hindi ko siya makarga, may maliit na bukasan sa gilid ng isolette, o incubator, kung saan maipapasok ko ang aking kamay at
hinipo ko siya.
Kahabag-habag ang hitsura ni Danny. Ang mga kalamnan sa kaniyang tiyan ay tataas-bababa dahil sa paghinga sa maling paraan at ang kaniyang butas ng ilong ay lumalaki sapagkat hindi sapat ang nakukuha niyang oksiheno. (Kaya ang katagang retracting o pag-urong ng buto sa dibdib at flaring o paglaki ng butas ng ilong.) Ang kaniyang mga kamay at paa ay maitim dahil sa kakulangan ng oksiheno.
Ipinasok ko ang aking kamay sa isolette at sinimulan kong masahihin siya nang marahan mula ulo hanggang daliri ng paa at sinabi ko sa kaniya kung gaano ko siya kamahal. Sinabi ko sa kaniya ang lahat tungkol sa kaniyang daddy at sa kaniyang kapatid na lalaki, si Timmy, at sa kaniyang buong pamilya at kung paanong mahal na mahal naming lahat siya at nais namin siyang umuwi ng bahay. Taimtim naman siya sa pakikinig sa aking tinig, at ang masahe ay nakatulong upang pahinahunin siya. Hindi na kailangang kumbinsihin pa ako ng iba na ang pag-ibig ay gumagawa ng mga kababalaghan. Nakita ko mismo nang araw na iyon. Sa loob lamang ng kalahating oras, ang kaniyang paghinga ay ganap na naging normal, ang kaniyang mga kamay at paa ay marosas-rosas.
Ang nars na nasa tungkulin ay nagsabi: “Hindi ako makapaniwala! Tingnan mo siya! Mahusay na ang kaniyang paghinga, at tingnan mo ang kaniyang mga kamay at paa!” Inilabas niya ang bata at ibinigay sa akin nang hindi na hinihintay ang pahintulot ng doktor.
Tapos na ang krisis. Ligtas na si Danny. Iyan ay mahigit nang pitong taon ang nakalipas. Hanggang sa ngayon, gustung-gustong marinig ni Danny ang kuwento tungkol sa kaniyang karanasan, at gusto niyang sabihin ko ito sa iba.—Gaya ng inilahad ni Mary Jane Triggs.