Goliath—Isang Higante na May Kultura?
SINO ang hindi nakarinig sa makasaysayang ulat ng pakikisagupa ng batang si David sa higanteng Filisteo na si Goliath? (1 Samuel 17:23-51) Sang-ayon sa kronolohiya ng Bibliya, ang labanang ito ay naganap noong mga 1100 B.C.E. Subalit ano ba ang masasabi tungkol sa kultura ng Filisteo noong panahong iyon?
Sa nakalipas na pitong taon, ang mga paghukay sa pinaniniwalaang sinaunang Ekron, isang pangunahing Filisteong lungsod noong panahon ni David, ay nagsisiwalat na ang mga Filisteo ay dalubhasang mga tagapagtayo na may adelantadong ideya ng pagpaplano ng lungsod. Noong nakaraang tag-araw, halimbawa, isang 210 metro kuwadradong gusali ay nahukay. Ito ang pinakamalaking gusali na nakilala mula sa panahon ng kabantugan ng mga Filisteo (mula noong ika-12 hanggang ika-10 siglo B.C.E.). Ang paghukay sa 20 ektaryang dako ay nagsisiwalat ng isang paraan na paggawa sa lungsod na baitang-baitang pababa upang gamitin ang natural na daloy ng tubig. Ang arkeologong si Seymour Gitin ay namangha: “Ito ay lubhang masalimuot na paraan ng pagtatayo.”
Ang mga paghuhukay ay nakakuha rin ng maraming pagkagagandang mga banga na napalalamutian ng mga ibon, isda, at heometrikong mga disenyo. Natuklasan din ang apat-sungay na relihiyosong mga dambana, imbakang banga marahil para sa langis ng olibo, at metal na mga gamit. Lahat ng mga bagay na ito ay nagpapakita sa kasanayan at adelantadong kultura ng sinaunang mga Filisteo. Sabi ni Gitin: “Ipinakilala ng mga Filisteo . . . ang isang bagong kultura sa bahaging ito ng daigdig. Sa wakas siya ay naging isang malakas na kapangyarihan sa pangangalakal at isang malakas na industriyal na bansa.”
[Larawan sa pahina 31]
Ang ganitong uri ng banga ng mga Filisteo ay nasumpungan kamakailan sa dako ng sinaunang Ekron