Mga Gawa ng Kabaitan ang Nakabawas sa Hagupit ng Bagyong si Gilbert
NOONG madaling-araw ng Setyembre 14, 1988, ang bagyong si Gilbert ay humampas sa baybaying Caribbean ng Mexico. Humampas ito sa mga estado ng Quintana Roo at Yucatán. Noong ika-15 at ika-16, hinampas nito ang hilagang mga estado ng Tamaulipas at Nuevo León. Sa lahat ng dinaanan nito, si Gilbert ay lumikha ng malaking pagkawasak. Ang malakas na hangin at bugso ng ulan ang naging dahilan ng pagbaha. Sa timog-silangan, 50,000 pamilya ang nawalan ng tahanan. Sa hilaga, 30,000 ang nawalan ng tahanan. Mga 250 katao ang namatay habang ang bagyo ay tumatahak sa landas nito na 1,600 kilometro.
Agad-agad, ang tanggapang sangay ng mga Saksi ni Jehova ay kumilos. Noong Sabado, Setyembre 17, ang unang mga trak na may lulang pagkain, pananamit, at mga materyales na pambubong ay patungo na sa Yucatán Peninsula. Dalawang kinatawan buhat sa sangay ang nagtungo roon upang mag-inspeksiyon at magtatag ng lokal na mga komite na mamamahagi ng mga panustos na tulong. Dali-dali, higit pang mga trak na may lulang pagkain at mga materyal na pambubong ang ipinadala. Kumilos din ang mga autoridad ng gobyerno upang maglaan ng lubhang-kinakailangang tulong.
Gayunman, ang unang dumating sa eksena ay ang mga padala ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico City. Ito ay nagbigay ng malaking kaaliwan at kagalakan sa mga Saksi. Bukod sa mga materyales na pambubong na dala ng mga Saksi, wala nang makukuha pa sa dakong iyon, at walang makukuha sa mahigit na isang buwan. Nakatutuwang makita kung gaano kabilis naitayong-muli ang mga bahay ng mga kapatid. Ang dako ng pagsamba para sa mga Saksi ni Jehova sa Colony Yucatán ang kauna-unahang gusali na naibalik ang bubong. Sa Mérida ang gusali na ginagamit para sa pansirkitong mga asamblea at pandistritong mga kombensiyon ng mga Saksi ay napatag, at agad gumawa ng mga kaayusan para sa pagtatayo ng isang bagong dakong pagtitipunan.
Napakalaki ng pinsala sa mga estado ng Nuevo León at Tamaulipas. Ang mga Saksi roon ay tumanggap ng kagyat na tulong sa pamamagitan ng komite na itinatag sa Monterrey. Mahalagang mga gamit, gaya ng mga higaan, mesa, silya, kalan, at mga gamit sa pagluluto, ay inilaan. Sa Monterrey mismo, 32 mga pamilya ng mga Saksi ni Jehova ang nawalan ng lahat ng kanilang tinatangkilik, pati na ang kanilang mga tahanan. Sapagkat papalapit na ang napakalamig na temperatura ng taglamig, kailangang kumilos kaagad.
Dalawang Saksi, ang isa ay arkitekto, ang dumating mula sa Mexico City sakay ng eruplano. Sila’y nakipagkita sa mga matatanda at naglalakbay na mga kinatawan. Di-nagtagal, inilunsad ang kilusan ng pagtatayo upang maglaan ng bagong mga tahanan para sa 32 pamilya. Kabilang dito ang pagbili ng lupa at kagamitan upang gawin ang kinakailangang mga tahanan. Nang ang pagkain, pananamit, at mga higaan ay mabilis na ibinigay sa mga Saksi, hangang-hanga ang mga kapitbahay sa pag-ibig at pagkabukas-palad na ipinakita ng ibang mga Saksi sa kanilang mga kapatid na nangangailangan. Lalo pa silang hahanga kapag makita nila ang 32 pamilya na lumipat sa kanilang bagong dalawang-silid na tahanan!
Larawan ito ng pambuong-daigdig na kapatiran ng mga Saksi ni Jehova. Hindi lamang ang mga Saksi sa Mexico ang tumugon at nagpadala ng mga materyales, mga manggagawa, at salapi upang tulungan ang kanilang mga kapatid kundi gayundin naman ang mga Saksi sa iba pang panig ng daigdig. Karaka-raka pagkatapos na maipakita ng balita sa TV ang pagkawasak na likha ng bagyong si Gilbert, nagdatingan ang mga kontribusyon sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York. Narito ang ilang halimbawa:
“Pakisuyong gamitin ninyo ang kaunting kontribusyong ito upang tulungan ang ating mga kapatid na sinalanta ng bagyo. Nais ko sanang magpadala ng mas malaki, subalit ipinaaayos ko ang kotse ng aking misis itong linggong ito. Sisikapin kong magpadala pa sa susunod na sahod.”
“Iniaabuloy namin ito upang tulungan ang ating mga kapatid sa dako na sinalanta ng bagyo. Nais naming ipabatid sa kanila ang aming pag-ibig at pagkabahala. Gaya ng sabi ni Pedro: ‘Magkaroon kayo ng maningas na pag-ibig sa isa’t isa.’”—1 Pedro 4:8.
“Bilang isang maliit na kontribusyon sa ipinadadalang tulong, pakisuyong tanggapin ninyo ang tsekeng ito ng $1,000. Sana’y higit pa ang aking maipadala, at nais kong ibahagi kung ano ang ipinagkaloob sa akin ni Jehova.”
“Pakisuyong tanggapin ninyo ang money order na ito na halagang $20. Kailangan ko ang lahat ng aking sahod at hindi ko kayang tumulong hanggang nang matalos ko na ang ilan sa ating mga kapatid ay nawalan ng lahat ng bagay.”
“Nakapaloob ang isang tseke na nagkakahalaga ng $25. Nais naming iabuloy ito sa pondo para sa sakuna. Ang kaloob ay maliit, subalit ang buong puso at pag-ibig namin ay ipinaaabot namin sa ating mahal na mga kapatid na babae at lalaki sa dakong ito.”
Naguguniguni mo ba ang pagpapautang kay Jehova, ang May-ari ng buong sansinukob? Gayumpaman, iyan ang ginagawa ng mga nag-abuloy na iyon, sapagkat ang Kawikaan 19:17 ay nagsasabi: “Siyang nagpapakita ng awa sa dukha ay nagpapautang kay Jehova, at ang kaniyang mabuting gawa ay babayaran Niya sa kaniya.”