Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g98 10/8 p. 26-27
  • Dalawang Mukha ng Isang Sakuna

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Dalawang Mukha ng Isang Sakuna
  • Gumising!—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Tumugon ang Bayan ni Jehova
  • Ilang Positibong Resulta
  • Mga Bagay na Hindi Kayang Sirain ng Bagyong si Andrew
    Gumising!—1993
  • Mga Gawa ng Kabaitan ang Nakabawas sa Hagupit ng Bagyong si Gilbert
    Gumising!—1989
  • Kristiyanong Pag-ibig sa Gitna ng mga Sakuna sa Mexico
    Gumising!—1996
  • Malaki ang Nagawa ng Pakikinig sa Babala
    Gumising!—2006
Iba Pa
Gumising!—1998
g98 10/8 p. 26-27

Dalawang Mukha ng Isang Sakuna

Ng Kabalitaan ng Gumising! sa Mexico

SINA Godofredo at Gisela, isang mag-asawang Saksi ni Jehova, at ang kanilang maliliit na anak ay nasa loob ng kanilang tahanan na yari sa aspaltadong tabla nang hampasin ng Bagyong Pauline ang baybayin ng Oaxaca, Mexico. Isa-isang natuklap ang mga tabla. Nang maglaon, bahagya na lamang sa kayarian ng bahay ang natira, kaya’t naiwan ang mag-anak na walang tirahan.

Habang tangan ni Gisela ang walong-buwan na sanggol at nakakapit sa kaniya at kay Godofredo ang tatlong iba pang anak, sila’y nakipaglaban sa malalakas na hangin sa loob ng mahigit na dalawang oras. May mga pagkakataong sila’y nabubuwal at napapagulong sa sahig dahil sa lakas ng bagyo. Sa wakas, nakaligtas silang lahat.

Sa Acapulco, nang makita ni Nelly, isa sa mga Saksi ni Jehova, na pumapasok ang tubig sa kanilang bahay, ginising niya ang kaniyang pamilya. Mabilis na tumaas ang tubig, at nadala si Nelly ng agos ng tubig, pero nahila siya ng kaniyang anak na babae. Kumapit sila sa rehas ng bintana at wala silang magawa habang pinanonood nilang tumataas ang tubig hanggang sa kanilang leeg. Pagkatapos, narinig nila ang tinig ng isang lalaki na tumatawag sa kanila. Kapitbahay pala nila iyon; kaniyang tinulungan sila na makalabas at dinala sila nito sa kaniyang tahanan. Mula roon, nasindak sila nang makita nilang banggain ng kotse ang bahay na pinanggalingan nila at bumagsak ilang minuto lang ang nakararaan.

Noong Miyerkules ng hapon, Oktubre 8, 1997, sinalanta ng Bagyong Pauline ang baybayin ng estado ng Oaxaca, taglay ang hangin na may bilis na 200 kilometro bawat oras. Pagkatapos, noong madaling araw ng Huwebes, Oktubre 9, ang estado ng Guerrero, lalo na ang lunsod ng Acapulco, ay sinalanta ng bagyo na nagpaalimpuyo sa mga alon sa taas na 10 metro at lumikha ng mga baha na umanod sa mga bahay, sasakyan, hayop, at mga tao. Nang umalis na ang bagyo, ang dating mga kalsada ay naging mga kanal na mahigit sa 10 metro ang lalim. Ayon sa pahayagang The News, tinatantiya ng Red Cross sa Mexico na hindi bababa sa 400 ang namatay at 20,000 hanggang 25,000 ang nawalan ng tirahan sa dalawang estado. Gayunman, sa gitna ng ganitong sakuna, may mga nakaaantig-damdaming kapahayagan ng Kristiyanong pag-ibig.

Tumugon ang Bayan ni Jehova

Nang kumalat ang balita tungkol sa Bagyong Pauline, ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico ay nagpasimulang makatanggap ng mga tawag mula sa mga Saksi sa buong bansa na nagnanais makaalam kung ano ang maaari nilang gawin upang makatulong. May tulong na nanggaling din mula sa ibang bansa. Isang komite sa pagtulong ang binuo, at tone-toneladang pagkain, pananamit, at iba pang kagamitan ang ipinamahagi.

Gayundin, bumili ng mga materyales para sa pagtatayo, at ang pagkukumpuni ay agad na pinasimulan sa 360 bahay at ilang Kingdom Hall na nasira o nawasak. Libu-libong Kristiyanong lalaki at babae ang naging abala sa pag-aabuloy, pag-uuri, pag-iimpake, pagdadala, at paghahatid ng mga kagamitang pantulong o sa pagkukumpuni ng mga sira.

Ang ilang may tindahan ay humanga sa pagkilos ng mga Saksi anupat may kabaitan silang nag-abuloy ng pagkain, materyales sa pagtatayo, at iba pang bagay. Ang iba ay nagbenta ng mga bagay sa mas mababang halaga. Ang mga nasalantang Saksi ay naantig sa pag-ibig na ipinakita sa kanila, lalo na kapag kanilang binabasa ang nakapagpapatibay na mga liham na kalakip ng mga paglalaan.

Nakalulungkot, si José Faustino​—isang 18-taong-gulang na Saksi​—at tatlong iba pa na nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ay namatay sa bagyo. Pinahalagahan ng kanilang mga kamag-anak, lalo na ng mga magulang ni José, ang mga panalangin alang-alang sa kanila at ang pampatibay-loob na inilaan sa kanila ng kongregasyon.

Ilang Positibong Resulta

Pagkatapos ng Bagyong Pauline, marami ang humiling ng isang pag-aaral sa Bibliya, kasama na ang hindi sumasampalatayang mga kamag-anak ng mga Saksi, at maraming kapitbahay ang mas handang makinig sa mensahe ng pag-asa na dala ng mga Saksi. Gayundin, ang mga Saksi ay nakibahagi sa malawakang pamamahagi ng mga pagkain. Sa isang kaso, nang tanungin ng isang Saksi ang isang lalaki kung bakit niya pinili ang mga Saksi ni Jehova na mamahagi ng pagkaing iniabuloy ng kaniyang kompanya, ang lalaki ay tumugon: “Sapagkat alam kong kayo’y organisado at tapat. Bukod dito, alam ninyo kung sino ang may pinakamalaking pangangailangan para sa tulong na ito, dahil alam ninyo ang mga tao sa inyong teritoryo.”

Habang papalapit na ang kawakasan at parami nang parami ang sakuna sa buong daigdig, laging nakapagpapatibay na makitang isinasagawa ang mga simulain sa Bibliya, kahit pa sa gitna ng sakuna.

[Larawan sa pahina 26]

Mga kabataang tumutulong sa muling-pagtatayo

[Larawan sa pahina 27]

Mga Saksi na nagtatayo ng bagong Kingdom Hall sa Oaxaca pagkatapos ng Bagyong Pauline

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share