Kahanga-hangang Paa
“ANG tukô ay tumatangan ng kaniyang mga kamay at siya’y nasa palasyo ng hari.” Gayon ang pagkakasabi ng Bibliya sa Kawikaan 30:28. Ang mga paa nito ay parang kamay, subalit nagagawa nito ang pambihirang mga gawa na hindi nagagawa ng kamay. Isa pa itong halimbawa ng libu-libong taon na pangunguna ng mga nilikha ni Jehova sa mga imbensiyon ng tao—sa kasong ito ang Velcro fabric fasteners na malawakang ginagamit ngayon.
Ang mga dumadalaw sa dako ng Mediteraneo ay namamanghang makita ang isang munting karaniwang tukô, ang Tarentola mauritanica, kumakarimot ng takbo sa dingding at sa kisame, at kumakarimot pa nga ng takbo sa bintanang salamin. Dati-rati’y inaakala na ginagawa ito ni G. Tukô sa pamamagitan ng mga panggihop na nasa paa nito o marahil ng pandikit pa nga. Subalit hindi gayon!
Ang aklat na The Grand Design ay nagsasabi sa pahina 184: “Ang bawat daliri sa paa ng tukô ay may sapin na nagtataglay ng tulad-tagaytay na mga kaliskis. Sa ilalim ng isang mikroskopyo makikita na ang bawat kaliskis ay naglalaman ng daan-daang mumunting gabalahibong mga usli na tinatawag na setae. Para bang hindi pa sapat ito, ipinakikita pa ng mikroskopyo na sa dulo ng bawat setae ay ‘mga eskoba’ ng hanggang 2000 pagkaliit-liit na mga hibla, na may hugis-platitong mga dulo. Ito ay nagbibigay ng pambihirang kabuuan ng halos 100 milyong mga punto ng pagkakadikit.”
Angaw-angaw na pagkaliliit ng mga kawit ang dumirikit sa pinakamaliit na mga iregularidad ng ibabaw ng isang bagay—kahit na yaong makikita sa salamin. Ang mekanismo ng pag-aalis at muling pagkabit ng mga kawit ay hindi kapani-paniwala. Ibinabaluktot ng tukô ang dulo ng mga daliri nito sa paa nang pataas, na nag-aalis sa mga kawit mula sa mga di pantay na ibabaw ng isang bagay. Samantalang nakabaluktot pa nang pataas ang mga daliri sa paa, iniaabante nito ang paa nito sa susunod na hakbang at pagkatapos ay idiniriin nito ang mga daliri ng paa nito pababa. Ang mga kawit minsan pa ay kumakapit sa mga di pantay na bagay—kung paanong halinhinang inilalawit at iniuurong ng pusa ang kuko nito habang umaakyat sa isang punungkahoy.
Sa gayon, ang munting tukô ay nakagagawa ng kagila-gilalas na gawa sa pamamagitan ng kahanga-hangang paa nito.
[Larawan sa pahina 31]
Ang “velcrong” talampakan ng tukô
[Credit Line]
Breck P. Kent