Ang Kinabukasan ng Relihiyon sa Liwanag ng Kahapon Nito
Bahagi 7—c 1500 B.C.E. patuloy—Hinduismo—Ang Ngalan Mo’y Pagpaparaya
“Dapat sundin ng bawat tao ang kaniyang sariling relihiyon.”—Ramakrishna, ika-19 na siglong repormador na Hindu
ANG pagpaparaya ay karaniwang ipinalalagay na isang kagalingan. Sa paano man, inilalarawan nitong mainam ang lubhang malaking relihiyon ng daigdig na kilala bilang Hinduismo. Noong 1985 iniulat na 13.5 porsiyento ng populasyong ng daigdig, halos 650,000,000 mga tao, ang nag-aangking mga Hindu.
Ang Hinduismo ay tinawag na “isang masalimuot na pambansang relihiyon, ng maraming iba’t ibang hibla” at basta “isang panlahat na kataga para sa lahat ng mga relihiyon sa India.” Ang The New Encyclopædia Britannica ay kaunti lamang ang sinasabi upang linawin ang mga bagay nang sabihin nito na “ang bawat pagsisikap sa isang espisipikong katuturan ng Hinduismo ay napatunayang hindi kasiya-siya sa paano man, lalo na sapagkat idiniriin ng pinakamagaling na Indyan na mga iskolar ng Hinduismo, pati na ng mga Hindu mismo, ang iba’t ibang bahagi ng kabuuan.”
Ang Hinduismo ay, sa alinmang kaso, isang matandang relihiyon. Ito’y nagmula sa libis ng Ilog Indus, ngayo’y bahagi ng Pakistan. Isang Indo-Europeong bayan na kilala bilang mga Aryan ang lumipat sa dakong ito noong mga 1500 B.C.E. Yamang itinuturing nila ang ilang akda na sagradong kaalaman (veda), ang kanilang relihiyon ay nakilala bilang Vedismo. Ito’y naglalaman ng ilang elementong hinango sa relihiyon ng mga ninuno ng mga Iranian ngayon. Kahit na ang posibilidad ng impluwensiya ng Babilonya ay umiiral, gaya ng sabi ng Encyclopædia of Religion and Ethics, binabanggit ang tungkol sa “iba’t ibang linya ng pagkakatulad sa pagitan ng kulturang Babilonya sa sinaunang Hindu.” Ang relihiyon ng orihinal na mga maninirahan ay natayo sa banyagang mga elementong ito, dinaragdagan o binabawasan ang mga paniwala at mga gawain sa paglakad ng panahon habang isinasagawa ng ibang mga relihiyon ang kanilang impluwensiya. Sa gayon, ang Hinduismo ay bunga ng isang patuloy na pagtitipon ng maraming elementong galing sa maraming pinagmulan.
Mga Turo at Gawain
Ang mga Aryan ay nakatulong sa paglalagay ng saligan para sa sistemang caste (namamanang ranggo sa lipunan) ng mga Hindu. Ang apat na orihinal na caste ay dumami upang isama sa dakong huli ang ilang libong mga pagkakabahagi. Ang apat na caste na ito ay ipinalalagay na mula sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng puruṣa, isang salitang Sanskrit na nangangahulugang “persona” o “isang tao” bilang pagtukoy sa orihinal na ama ng tao.
Ang mga Brahman, ipinalalagay ng isinilang sa kaniyang bibig, ay ang mga lider ng relihiyon; ang mga Kshatriyas, isinilang sa kaniyang mga bisig, ang mga lider ng militar at pulitika; ang mga Vaisyas, isinilang sa kaniyang mga hita, ang mga magsasaka, artisano, at mga negosyante; at ang mga Sudra, isinilang sa kaniyang paa, mga alipin. Ang “untouchables” ay mababang-uri ng mga tao na ang tungkulin o paraan ng pamumuhay ay kinasasangkutan ng relihiyosong maruming mga gawain. Bagaman ipinagbawal na ng batas sa India at Pakistan ang pinakamahirap na anyo ng sistemang caste ng Hindu mga 40 taon na ang nakalipas, umiiral pa rin ang mga elemento nito.
Sa loob ng ilang panahon, ang mga haing hayop ay isang mahalagang bahagi ng pagsamba, na humihiling ng pagkasaserdote upang isagawa ang kinakailangang mga seremonya. Ang mga Brahman ay naging lubhang makapangyarihan anupa’t isang sangay ng relihiyon ang nakilala bilang Brahmanismo. “Ang mga saserdote ay kinatatakutan at iginagalang na higit kaysa mga diyos,” sabi ni T. W. Organ, “sapagkat maaaring puksain ng mga saserdote ang mga kaaway sa pamamagitan lamang ng pagpapalit ng ritwal.” Habang ang mga sakripisyong ritwal ay naging higit at higit na masalimuot, nagkaroon ng hilig na nagdiriin sa asetisismo, o pagpepenitensiya.
Ang Samsara ay isang mahalagang paniwala. Ito ay iminungkahi, sa pinakahuli, ng mga Upanishad, ang grupo ng kasulatang Hindu na may petsa na malamang ay mula pa noong unang hati ng unang milenyo B.C.E. Itinuturo nito na sa pagkamatay at sa panggitnang pagtira sa langit o sa impierno, ang mga tao ay isinisilang-muli bilang mga tao o mga hayop sa isang antas na mas mataas o mas mababa kaysa dati nilang tinatamasa, ito ay ayon sa batas ng Karma. Ang tunguhin ng buhay ay makamit ang moksha, paglaya mula sa walang lubay na siklo ng pagsilang at muling-pagsilang, tinatanggap sa ultimong pinagmumulan ng kaayusan na tinatawag na Brahma.
Ang Vedismo ay kumikilala sa maraming diyos. Subalit ayon sa aklat na Concepts of Indian Philosophy, nasumpungan ng mga tagasunod nito na ito ay hindi kasiya-siya, kaya “sila ay dahan-dahang lumayo tungo sa isang monoteistikong ideya ng pinunong-diyos. . . . Ang isang paraan ay pagsama-samahin ang lahat ng dating mga diyos . . . [upang] gumawa ng isang pag-iisipang diyos.” Ang Brahma samakatuwid ay naging isang di-personal na diyos na walang mga katangian kundi isang persona ng iba’t ibang mga diyos.
Ang hangaring makamit ang moksha ay batay sa kung ano ang tinatawag ng mananalaysay na si Will Durant na “biglang pagbabago laban sa buhay . . . , na tumatakbong madilim sa lahat ng isipang Hindu.” Ang malungkot at walang pag-asang saloobing ito ay mainam na inilalarawan sa Maitri Upanishad, na nagtatanong: “Sa katawang ito, alin ang pinahihirapan ng pagnanasa, galit, kaimbutan, kakatuwang guniguni, takot, kawalan ng pag-asa, inggit, paghiwalay sa kanais-nais, pakikisama sa hindi kanais-nais, gutom, uhaw, katandaan, kamatayan, sakit, kalungkutan, at mga kagaya nito, ano ang kabutihan sa pagtatamasa ng mga hangarin?”
Ang paraan upang maiwasan ang malungkot na kalagayang ito ay ibinigay sa Puranas, isang serye ng mga teksto na malamang ay isinulat noong unang mga dantaon ng Karaniwang Panahon. Nangangahulugan na “sinaunang mga kuwento,” ang mga ito ay malawakang makukuha at nakilala bilang ang mga kasulatan ng karaniwang tao. Ang Garuda Purana ay nagsasabi: “Ang tunay na kaligayahan ay nasa pagpatay sa lahat ng damdamin. . . . Kung saan may pagmamahal naroon ang paghihirap. . . . Itakwil mo ang pagmamahal at ikaw ay liligaya.” Sa kasamaang palad, ang solusyong ito ay waring kasimpanglaw ng kalagayan ng kalungkutan na idinisenyong pumawi nito.
Bago nito, ang Bhagavad Gita, ibig sabihin “ang Awit ng Panginoon” at kung minsan ay tinatawag na “ang pinakamahalagang aklat na kailanma’y isinulat sa India,” ay nagmumungkahi ng tatlong paraan upang magkamit ng kalayaan. “Ang daan ng mga tungkulin” ay nagdiriin sa pagsasagawa ng ritwal sa mga obligasyong panlipunan, “ang daan ng kaalaman” ay naglalakip ng pagsasagawa ng meditasyon at Yoga, at “ang daan ng debosyon” na nagsasangkot ng debosyon sa isang personal na diyos. Ang Bhagavad Gita ay itinulad sa “Bagong Tipan” ng Sangkakristiyanuhan. Saulado ng karamihang mga Indyan ang ilan sa mga talata nito, at dinarasal ng marami sa kanila ang sauladong mga bahagi araw-araw.
Sa katunayan ang Bhagavad Gita ay isa lamang maliit na bahagi ng isang epikong Hindu na tinatawag na Mahabharata, na naglalaman ng isang daang libong mga talata, ginagawa itong ang pinakamahabang tula sa daigdig. Sa pagsasama ng Bhagavad Gita sa Mahabharata (marahil noong ikatlong siglo B.C.E.), ang Hinduismo sa wakas ay naging isang kakaibang relihiyon mula sa Vedismo at Brahmanismo.
Patuloy na Pagbabago
Mula sa simula nito, ang Hinduismo ay tinandaan ng patuloy na pagbabago. Kabilang sa kilalang mga repormador ng ikaanim na siglo B.C.E. ay sina Siddhārtha Gautama at Vardhamāna Mahāvīra, ang mga tagapagtatag ng Budismo at Jainismo ayon sa pagkakasunod.
Itinuring ni Mahāvīra ang kaniyang sarili na ika-24 sa isang linya ng mga Jina (mga mananakop) kung saan nasasalig ang buhay ng Jainismo. Ang relihiyong ito ay naiiba sa Hinduismo sa bagay na tinatanggihan nito ay ang isang maylikha, itinuturo na ang daigdig ay umiiral sa tuwina. Idiniriin nito ang doktrina ng ahimsa. Ang walang-karahasang landasin na sinunod ng ika-20 siglong lider na Indyan na si Mohandas Gandhi noong panahong nakikipagpunyagi siya para sa pagsasarili ng India ay isang aktuwal na pagkakapit, sa pulitikal na paraan, ng doktrina ng relihiyong ito.
Sang-ayon sa Jainismo, ang tamang paniniwala, tamang kaalaman, at tamang paggawi, pati na ang pagsasagawa ng Yoga, ay umaakay tungo sa paglaya. Kasabay nito, sinasabi nito na ang lahat ng bagay ay pangunahin nang batay sa pangmalas, sa gayo’y inaalis ang walang takdang mga pamantayan ng tama at mali. Ipinakikita nito ang mapagparayang saloobin ng Hinduismo, kung saan nagmula ang Jainismo.
Pagkaraan ng mga 2,000 taon, noong ika-15 siglo, bumangon ang isa pang repormador. Nagngangalang Nānak, sinikap niyang isakodigo ang isang relihiyon na tatanggapin kapuwa ng mga Hindu at mga Muslim. Ang resulta ay ang Sikhismo, ang “Sikh” na hango sa salitang Sanskrit na nangangahulugang “alagad.” Si Nānak ang una sa sampung guru, na ang ikasampu ang siyang nagtatag noong 1699 ng isang kapatiran na tinatawag na Khalsa (mga dalisay). Upang alisin ang mga pagtatangi sa lipunan at upang idiin ang kanilang pagiging mga sundalo ng kanilang pananampalataya, ang mga miyembro ay binigyan ng panlahat na apelyidong Singh (leon). Sila’y hinihiling na sundin ang limang K: hindi gugupitin ang kanilang buhok at balbas (kesh); iipitan ang kanilang natatakpan-turbang buhok ng suklay (kangha); magsusuot ng korto (kachs), marahil sa ilalim ng mahabang pantalon; magdadala ng isang sable (kirpan); at magsusuot ng isang pulseras na bakal (kara). Ang linya ng mga guru ay nagtapos sa sampu. Ang sagradong aklat ng Sikhismo, ang Guru Granth Sahib, ang humalili rito. Isinulat noong 1604, ito ay nirebisá pagkaraan ng isang siglo.a
Noong dakong huli ng ika-19 na siglo, sinikap ng saserdoteng taga-Calcutta na si Ramakrishna na isama ang Hinduismo sa ipinalalagay niyang pinakamagaling na relihiyosong kaisipan ng Kanluran. Ikinatuwiran niya na kung paanong ang tubig ay may iba’t ibang pangalan sa iba’t ibang wika, gayundin naman na ang “Sat-chit-ananda, ang walang-hanggang-matalinong-lubos na kaligayahan, ay tinatawag ng iba na Diyos, ng iba na Allah, ng iba na Jehova, ng iba na Hari, at ng iba pa na Brahman.” Kung paanong “ang isa ay maaaring umakyat sa itaas ng bahay sa pamamagitan ng hagdan o ng kawayan o ng hagdanan o ng lubid, gayundin karami ang mga daan at paraan ng paglapit sa Diyos . . . Ang iba’t ibang kredo ay wala kundi iba’t ibang daan upang marating ang Makapangyarihan-sa-lahat.”
Ang gayong mapagparayang saloobin ay nagbibigay ng malaking palugit sa pagsambang Hindu. Pinapayagan nito ang ilang sekta na pangunahing iukol ang kanilang pagsamba kay Brahma (Brahmanismo), ang iba ay kay Vishnu (Vaishnavismo), at ang iba pa ay kay Siva (Saivismo). Pinapayagan din nito ang katutubong Hinduismo, Shaktismo, at Tantrismo na mangaral ng Hinduismo sa kani-kaniyang kaugalian. Halimbawa, kasali sa Tantrismo ang pantribo at katutubong mga gawain at idiniriin nito ang pagsamba sa diyosa, na maagang lumilitaw sa kasaysayan ng Hinduismo. Tinatawag ng mga Indyan ang kanilang bansa bilang “Inang India,” at ito ay kinakatawan ng isang diyosang nagngangalang Bhārat Mā.
Pagpaparaya—Mabuti o Masama?
“Sa tuwina’y kayang tanggapin ng Hinduismo ang bagong mga turo,” sulat ni Geoffrey Parrinder, Britanong teologo at lektyurer sa comparative religion. “Ang singkretismong ito, o pagsasama-sama, ng mga relihiyon,” susog pa niya, “ay marahil siyang panlahat na turong Hindu ngayon.” Maraming tao ang maliwanag na sumasang-ayon sa pilosopyang Hindu na ito ng pagpaparaya, na para bang sinasabi, ‘Paglingkuran mo ang Diyos sa paraan na tama sa iyo.’
Subalit binabanggit ni Parrinder na “sa pagsasama-sama sa lahat ng mga paniwala” nariyan ang “panganib na hindi makilala ang mabuti sa masama.” At hindi nga ba lumiliwanag na ang relihiyon ay maaaring maging masama at maaari rin namang maging mabuti? May anumang kagalingan ba sa pagpapakilala sa mga elemento ng masamang relihiyon sa relihiyon ng isa?
Ngayon, maraming tao ang di nasisiyahan sa kanilang relihiyon. Gaya ng isang Hindu ng namumunong uri ng Kshatriya na nabuhay mga dalawa at kalahating milenyo na ang nakalipas. Hindi nasagot ng Hinduismo ang kaniyang mga katanungan. Siya’y naghahanap ng kaliwanagan. Sasabihin ng aming susunod na labas, “Isang Kaliwanagan na Nangako ng Pagpapalaya,” ang higit pa.
[Talababa]
a Noong 1985, mga 3,300,300 mga Jain ang nasumpungang naninirahan sa 5 iba’t ibang bansa, at halos 16,000,000 mga Sikh ang naninirahan sa 19 na mga bansa.
[Kahon sa pahina 25]
Maaaring Naitanong Mo
Paano ipinaliliwanag ng mga Hindu ang samsara? Ang Bhagavad Gita ay nagsasabi: “Kung paanong ang isang tao, ay naghahagis ng sirang-sira nang kasuutan, at kumukuha ng bagong kasuutan, gayundin naman ang nananahan sa katawan, ay naghahagis ng sirang-sira nang katawan, at pumapasok sa iba na bago.” Ang Garuda Purana ay nagsasabi na “ang mga gawa ng katawang ito sa isang dating pag-iral ang tumitiyak sa kalikasan ng mga organismo nito sa susunod na pag-iral . . . Nakukuha ng tao ang buhay na palad niyang makuha, at hindi ito maaaring baguhin kahit na ng isang diyos.” Bilang halimbawa, sinisipi ng The Markandeya Purana ang isang tao na nagsabi: “Ako’y isinilang na isang Brahmana, isang Kshatriya, isang Vaisya at isang Sudra, at muli bilang isang hayop, isang bulati, isang usa at isang ibon.”
Itinuturing ba ng mga Hindu ang mga baka na sagrado? Kapuwa ang Rig-Veda at ang Avesta ay tumutukoy sa mga baka bilang “mga kinapal na hindi dapat patayin.” Subalit waring ito ay batay sa patakaran ng ahimsa sa halip na sa paniwala ng reinkarnasyon. Gayumpaman, binabanggit ng The Markandeya Purana ang kaselanan ng hindi pagsunod sa batas na ito, sa pagsasabing “ang isa na pumapatay ng isang baka ay nagtutungo sa impierno sa tatlong sunud-sunod na pagsilang.”
Paano minamalas ng mga Hindu ang ilog Ganges? “Ang mga banal, na dinadalisay sa paliligo sa mga tubig ng ilog na ito, at na ang mga isipan ay deboto kay Kesava [Vishnu], ay magkakamit ng pangwakas ng pagpapalaya. Ang sagradong ilog, kapag nabalitaan, hinangad, nakita, nahipo, naligo rito, o inaawit, sa araw-araw ay dumadalisay sa lahat ng kinapal. At yaong mga nakatira kahit na sa layo na isang daang yoyana [1,400 km] na nagsasabi ng ‘Ganga at Ganga’ ay napatatawad sa mga kasalanan na nagawa sa panahon ng tatlong dating pag-iral.”—The Vishnu Purana.
Sino ang mga Hare Krishna? Sila ay mga miyembro ng International Society for Krishna Consciousness, isang anyo ng misyonero ng debosyonal na Hinduismo. Dinala ng nagtatag nito, ang yumaong A. C. Bhaktivedanta Swami Prabhupada, ang kaniyang mensahe sa Estados Unidos noong 1965. Pinananatili nito ang ilang mga elemento ng asetisismong Hindu, nakasentro ang pagsamba sa diyos na si Krishna, at idiniriin ang pagdarasal ng mantrang Hare Krishna. Ipinalalagay ni Bhaktivedanta na ang basta pagbigkas sa pangalan ng Diyos ay sapat na ukol sa kaligtasan.