Ang Ideya ay Pumasok sa mga Relihiyon sa Silangan
“Lagi kong iniisip na ang imortalidad ng kaluluwa ay isang ganap na katotohanang tinatanggap ng lahat. Kaya talagang ikinamangha kong mabatid na ang ilang marurunong kapuwa sa Silangan at sa Kanluran ay taimtim na nangatuwiran laban sa paniniwalang ito. Ako ngayo’y nag-iisip kung paanong ang ideya ng imortalidad ay pumasok sa kaisipan ng Hindu.”—ISANG ESTUDYANTE SA UNIBERSIDAD NA PINALAKI BILANG ISANG HINDU.
1. Bakit tayo interesado sa kaalaman hinggil sa pagkabuo at paglaganap ng doktrina ng imortalidad ng tao sa iba’t ibang relihiyon?
PAANO pumasok sa Hinduismo at sa iba pang mga relihiyon sa Silangan ang ideya na ang tao ay may isang kaluluwang imortal? Ang katanungan ay kapana-panabik maging para roon sa mga nasa Kanluran na marahil ay walang alam sa mga relihiyong ito, yamang ang paniniwala ay nakaaapekto sa pangmalas ng lahat hinggil sa kinabukasan. Dahilan sa ang turo hinggil sa imortalidad ng tao ay isang karaniwang tema sa karamihan ng relihiyon sa ngayon, ang pagkakaalam kung paano nabuo ang ideya ay tunay na makapagdudulot ng mas mabuting pagkakaunawaan at komunikasyon.
2. Bakit ang India ay kapansin-pansing pinagmulan ng relihiyosong impluwensiya sa Asia?
2 Si Ninian Smart, isang propesor sa pag-aaral ng relihiyon sa Unibersidad ng Lancaster sa Britanya, ay nagsabi: “Ang pinakamahalagang sentro ng relihiyosong impluwensiya sa Asia ay ang India. Hindi lamang ito dahilan sa ang ilang pananampalataya ay nagmula sa India mismo—Hinduismo, Budismo, Jainismo, Sikhismo, atb.—kundi dahilan sa ang isa sa mga ito, ang Budismo, ay talagang nagkaroon ng matinding impluwensiya sa kultura ng buong Silangang Asia.” Ang maraming kulturang naimpluwensiyahan sa ganitong paraan ay “patuloy pa ring kumikilala sa India bilang kanilang espirituwal na lupang tinubuan,” wika ng iskolar na Hindu na si Nikhilananda. Kung gayon, paanong ang turong ito ng imortalidad ay nakapasok sa India at sa iba pang bahagi ng Asia?
Ang Turo ng Hinduismo Hinggil sa Reinkarnasyon
3. Ayon sa isang mananalaysay, sino ang maaaring nagdala sa India ng ideya ng transmigrasyon ng mga kaluluwa?
3 Noong ikaanim na siglo B.C.E., habang si Pythagoras at ang kaniyang mga tagasunod sa Gresya ay nagtataguyod ng teoriya ng transmigrasyon ng mga kaluluwa, ang mga pantas na Hindu na naninirahan sa tabi ng mga ilog Indus at Ganges sa India ay nagkakaroon ng gayunding pagkaunawa. Ang magkasabay na paglitaw ng paniniwalang ito “sa daigdig ng Griego at ng India ay hindi basta nagkataon lamang,” wika ng mananalaysay na si Arnold Toynbee. “Ang iisang posibleng pinagmulan [ng impluwensiya] nito,” sabi ni Toynbee, “ay ang lagalag na lipunan ng mga Eurasiano, na noong ika-8 at ika-7 siglo B.C., ay lumusong sa India, Timog-Kanlurang Asia, tigang na lupain sa hilagang baybayin ng Itim na Dagat, at sa mga peninsula ng Balkan at Anatolia.” Maliwanag na dinala sa India ng nandayuhang mga tribong Eurasiano ang ideya ng transmigrasyon.
4. Bakit ang paniniwala sa transmigrasyon ng mga kaluluwa ay nakaakit sa mga pantas na Hindu?
4 Ang Hinduismo ay nagsimula sa India nang higit na maaga, sa pagdating ng mga Aryano noong bandang 1500 B.C.E. Sa mismong pasimula, taglay na ng Hinduismo ang paniniwala na ang kaluluwa ay kakaiba sa katawan at na ang kaluluwa ay hindi namamatay. Kaya ang mga Hindu ay nagsagawa ng pagsamba sa ninuno at naglagay ng pagkain upang kainin ng mga kaluluwa ng kanilang mga patay. Paglipas ng ilang siglo nang ang ideya ng transmigrasyon ng mga kaluluwa ay umabot sa India, malamang na ito’y nakaakit sa mga pantas na Hindu na noo’y nakikipagpunyagi laban sa malaganap na suliranin ng kasamaan at pagdurusa ng mga tao. Sa pamamagitan ng paglalahok nito sa tinatawag na batas ng Karma, ang batas ng sanhi at epekto, nabuo ng mga pantas na Hindu ang teoriya ng reinkarnasyon kung saan ang mga kabutihan at mga kasamaan sa buhay ng isa ay ginagantimpalaan o pinarurusahan sa kasunod na buhay.
5. Ayon sa Hinduismo, ano ang sukdulang tunguhin ng kaluluwa?
5 Subalit mayroon pang isang paniniwala na nakaimpluwensiya sa turo ng Hinduismo tungkol sa kaluluwa. “Waring totoo na noong panahong nabubuo ang teoriya ng transmigrasyon at karma, o nang mas maaga pa,” wika ng Encyclopædia of Religion and Ethics, “may isa pang paniniwala . . . na unti-unting nabubuo sa isang maliit na grupo ng mga taong may pinag-aralan sa H[ilagang] India—ang makapilosopong paniniwala ng Brahman-Ātman [ang kataastaasan at walang-hanggang Brahman, ang sukdulang katotohanan].” Ang ideyang ito ay isinama sa teoriya ng reinkarnasyon upang bigyang kahulugan ang sukdulang tunguhin ng mga Hindu—paglaya mula sa siklo ng transmigrasyon upang maging kaisa ng sukdulang katotohanan. Ito, sa paniniwala ng mga Hindu, ay natatamo sa pamamagitan ng pagsisikap na magkaroon ng asal na tinatanggap ng lipunan at ng pantanging kaalaman ng Hindu.
6, 7. Ano ang paniniwala ng makabagong-panahong Hinduismo hinggil sa Kabilang-buhay?
6 Kaya hinubog ng mga pantas na Hindu ang ideya ng transmigrasyon ng mga kaluluwa tungo sa doktrina ng reinkarnasyon sa pamamagitan ng paglalahok nito sa batas ng Karma at sa paniniwala ng Brahman. Si Octavio Paz, isang makatang nanalo ng Nobel Prize at dating Mexicanong embahador sa India, ay sumulat: “Sa paglaganap ng Hinduismo, lumaganap din ang isang ideya . . . na umiikot sa Brahmanismo, Budismo, at iba pang relihiyon sa Asia: ang metempsychosis, ang transmigrasyon ng mga kaluluwa sa kabila ng sunud-sunod na pag-iral.”
7 Ang doktrina ng reinkarnasyon ang siyang pangunahing sandigan ng makabagong-panahong Hinduismo. Ang pilosopong Hindu na si Nikhilananda ay nagsasabi: “Na ang pagtatamo ng imortalidad ay hindi para lamang sa iilang pinili, kundi karapatan ng lahat mula sa pagsilang, ang siyang matibay na pananalig ng bawat mabuting Hindu.”
Ang Siklo ng Muling Pagsilang sa Budismo
8-10. (a) Paano binibigyang kahulugan ng Budismo ang pag-iral? (b) Paano ipinaliwanag ng isang iskolar na Budista ang muling pagsilang?
8 Ang Budismo ay itinatag sa India humigit-kumulang noong 500 B.C.E. Ayon sa Budistang tradisyon, isang prinsipeng Indian na nagngangalang Siddhārtha Gautama, na nakilala bilang Buddha pagkatapos tumanggap ng kaliwanagan, ang nagtatag ng Budismo. Yamang ito ay nagmula sa Hinduismo, ang mga turo nito sa ilang paraan ay nakakatulad ng Hinduismo. Ayon sa Budismo, ang pag-iral ay isang patuloy na siklo ng muling pagsilang at kamatayan, at kagaya sa Hinduismo, ang kalagayan ng bawat indibiduwal sa kaniyang kasalukuyang buhay ay nagiging gayon dahilan sa mga ginawa niya sa nakaraan niyang buhay.
9 Subalit hindi ipinaliliwanag ng Budismo ang pag-iral ng isang indibiduwal na kaluluwang hindi namamatay. “Naunawaan [ni Buddha] na ang kaluluwa ng tao ay isa lamang putul-putol na kalagayang sikolohikal, na pinanatiling buo sa pamamagitan ng pagnanasa,” wika ni Arnold Toynbee. Gayunman, si Buddha ay naniniwala na may isang bagay—isang kalagayang sikolohikal o puwersa—na ipinapasa mula sa isang buhay tungo sa iba. Si Dr. Walpola Rahula, isang Budistang iskolar, ay nagpaliwanag:
10 “Ang isang umiiral na bagay ay walang iba kundi ang kombinasyon ng pisikal at mental na mga puwersa o lakas. Ang tinatawag nating kamatayan ay ang ganap na di-pagkilos ng pisikal na katawan. Ang lahat ba ng puwersa at lakas na ito ay tumitigil nang sabay-sabay dahilan sa di-pagkilos ng katawan? Ang Budismo ay nagsasabing ‘Hindi.’ Ang kalooban, pagpapasiya, pagnanasa, pagnanais na umiral, patuloy na mabuhay, patuloy na makaranas ng muling pagsilang, ay isang napakalaking puwersa na nagpapakilos sa buong buhay, buong pag-iral, anupat nagpapakilos maging sa buong mundo. Ito ang pinakamatinding puwersa, ang pinakamatinding lakas sa mundo. Ayon sa Budismo, ang puwersang ito ay hindi tumitigil sa di-pagkilos ng katawan, na siyang kamatayan; kundi patuloy na inihahayag ang sarili sa ibang anyo, na lumilikha ng muling pag-iral na tinatawag na muling pagsilang.”
11. Ano ang pangmalas ng Budista sa Kabilang-buhay?
11 Ang pangmalas ng Budista sa Kabilang-buhay ay ito: Ang pag-iral ay walang hanggan malibang matamo ng indibiduwal ang Nirvana bilang pangwakas na tunguhin, ang paglaya mula sa siklo ng muli’t muling pagsilang. Ang Nirvana ay isang kalagayan na hindi ang alinman sa walang hanggang kaligayahan o kaya’y pagsapit sa sukdulang katotohanan. Ito’y basta isang kalagayan ng di-pag-iral—ang “dakong doo’y walang kamatayan” sa kabila pa ng pag-iral ng indibiduwal. Ibinibigay ng Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary ang kahulugan ng “Nirvana” bilang “isang dako o kalagayan na wala nang álalahanín, kirot, o mga karanasan sa dating pag-iral.” Sa halip na hanapin ang imortalidad, pinasisigla ang mga Budista na lampasan ito sa pamamagitan ng pagtatamo ng Nirvana.
12-14. Paano ipinahihiwatig ng iba’t ibang anyo ng Budismo ang ideya ng imortalidad?
12 Habang ito’y lumalaganap sa iba’t ibang dako sa Asia, binago ng Budismo ang mga turo nito upang ilakip ang lokal na mga paniniwala. Halimbawa, ang Budismong Mahayana, ang anyo na popular sa Tsina at Hapon, ay may paniniwala sa makalangit na mga bodhisattva, o panghinaharap na mga Buddha. Ipinagpapaliban ng mga bodhisattva ang kanilang pagpasok sa Nirvana para maranasan nila ang di-mabilang na buhay upang mapaglingkuran ang iba at matulungan silang tamuhin iyon. Kaya maaaring piliin ng isa na magpatuloy sa siklo ng muling pagsilang kahit na matapos tamuhin ang Nirvana.
13 Ang isa pang pagbabago na lalong nagkaroon ng impluwensiya sa Tsina at Hapon ay ang doktrina ng Dalisay na Lupain sa Kanluran, na nilikha ni Buddha Amitabha, o Amida. Yaong mga tumatawag sa pangalan ni Buddha taglay ang pananampalataya ay isinisilang muli sa Dalisay na Lupain, o paraiso, kung saan ang mga kalagayan ay higit na mabuti sa pagtatamo ng pangwakas na kaliwanagan. Ano ang idinulot ng turong ito? Si Propesor Smart, na kababanggit pa lamang, ay nagpaliwanag: “Gaya ng maaasahan, ang karilagan ng paraiso, na maliwanag na inilalarawan sa ilang kasulatang Mahayana, ang pumalit sa nirvana sa kilalang imahinasyon bilang sukdulang tunguhin.”
14 Isinali naman ng Budismo ng Tibet ang ibang lokal na paniniwala. Halimbawa, inilalarawan ng aklat ng mga patay sa Tibet ang kapalaran ng isang indibiduwal sa isang kalagayan bago muling isilang. Ang patay ay sinasabing nakabilad sa matinding liwanag ng sukdulang katotohanan, at yaong hindi makatagal sa liwanag ay hindi magtatamo ng kalayaan ngunit muling isinisilang. Maliwanag, ang Budismo sa iba’t ibang anyo nito ay nagpapahiwatig ng ideya ng imortalidad.
Ang Pagsamba sa Ninuno sa Shinto ng Hapon
15-17. (a) Paano nagsimula sa Shinto ang pagsamba sa mga espiritu ng ninuno? (b) Paanong ang paniniwala sa imortalidad ng kaluluwa ay naging pangunahin sa Shinto?
15 Ang relihiyon ay umiral na sa Hapon bago pa dumating ang Budismo noong ikaanim na siglo C.E. Iyon ay isang relihiyong walang pangalan, at ang mga paniniwala nito’y may kaugnayan sa moral at kaugalian ng mga tao. Gayunman, sa pagpasok ng Budismo, nagkaroon ng pangangailangang maipakita ang pagkakaiba ng relihiyon ng mga Hapones mula doon sa nanggaling sa ibang bansa. Kung kaya lumitaw ang katawagang “Shinto,” na nangangahulugang “ang daan ng mga diyos.”
16 Anong paniniwala ang taglay ng orihinal na Shinto hinggil sa Kabilang-buhay? Nang simulan ang pagtatanim ng palay sa tubigan, “kinailangan ng ganitong agrikultura ang pagtatayo ng organisado at matatag na mga pamayanan,” ang paliwanag ng Kodansha Encyclopedia of Japan, “at ang mga ritwal sa agrikultura—na sa dakong huli ay gumanap ng mahalagang papel sa Shintō—ay nabuo.” Ang pagkatakot sa yumaong mga kaluluwa ay umakay sa sinaunang mga taong ito na magsagawa ng mga ritwal upang payapain sila. Ito’y humantong sa pagsamba sa espiritu ng mga ninuno.
17 Ayon sa paniniwalang Shinto, taglay pa rin ng isang “yumaong” kaluluwa ang personalidad nito subalit nadumhan na dahilan sa kamatayan. Kapag ang mga naulila ay nagsasagawa ng mga ritwal sa libing, ang kaluluwa ay dinadalisay hanggang sa maalis ang lahat ng malisya, at ito’y nagkakaroon ng isang mapayapa at mabait na personalidad. Pagsapit ng panahon, ang espiritu ng ninuno ay aangat sa kalagayan bilang isang ninunong diyos, o tagapagbantay. Sa pag-iral nito kasabay ng Budismo, isinama ng Shinto ang ilang turong Budista, lakip na ang doktrina ng paraiso. Kaya, nakikita natin na ang paniniwala sa imortalidad ay pangunahin sa Shinto.
Imortalidad sa Taoismo, Pagsamba sa Ninuno sa Confucianismo
18. Ano ang paniniwala ng Taoista hinggil sa imortalidad?
18 Ang Taoismo ay itinatag ni Lao-tzu, na sinasabing nabuhay sa Tsina noong ikaanim na siglo B.C.E. Ang tunguhin sa buhay, ayon sa Taoismo, ay upang gawing kasuwato ng Tao ang gawain ng tao—ang paraan ng kalikasan. Ang kaisipang Taoista hinggil sa imortalidad ay maaaring buurin sa ganitong paraan: Ang Tao ang siyang nangingibabaw na simulain sa sansinukob. Ang Tao ay walang pasimula at walang katapusan. Sa pamumuhay kaayon ng Tao, ang indibiduwal ay nakikibahagi rito at nagiging walang hanggan.
19-21. Ang mga haka-haka ng Taoista ay umakay sa anong mga pagsisikap?
19 Sa kanilang pagsisikap na maging kaisa ng kalikasan, ang mga Taoista nang maglaon ay naging interesado lalo na sa patuloy na pag-iral at pagiging matibay nito. Ayon sa kanilang haka-haka marahil sa pamumuhay na kasuwato ng Tao, o paraan ng kalikasan, maaaring matuklasan ng isa ang mga lihim ng kalikasan anupat hindi na siya tatablan pa ng pisikal na kasiraan, sakit, at maging ng kamatayan.
20 Ang mga Taoista ay nagpasimulang mag-eksperimento sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay, mga ehersisyo sa paghinga, at diyeta, na diumano’y aantala sa pagkabulok ng katawan at kamatayan. Di-natagalan at ang mga alamat ay kumalat hinggil sa mga imortal na nakalilipad sa mga alapaap at lumilitaw at naglalaho kung gustuhin nila at namumuhay sa banal na mga bundok o malalayong isla sa loob ng di-mabilang na mga taon, anupat nabubuhay sa pamamagitan ng hamog o mahiwagang mga prutas. Ang kasaysayan ng mga Tsino ay nag-uulat na noong 219 B.C.E., nagpadala si emperador Ch’in Shih Huang Ti ng isang plota ng mga sasakyang-dagat na may lulang 3,000 batang lalaki at babae upang hanapin ang maalamat na isla ng P’eng-lai, ang tahanan ng mga imortal, upang makapag-uwi ng halaman ng imortalidad. Hindi na kailangan pang sabihin, hindi na sila nakabalik taglay ang elixir.
21 Ang paghahanap ng buhay na walang hanggan ay umakay sa mga Taoista na mag-eksperimento sa pagtitimpla ng pildoras ng imortalidad sa pamamagitan ng alkemya. Sa pangmalas ng Taoista, nagkakaroon ng buhay kapag nagkasama ang magkasalungat na puwersa ng yin at yang (babae at lalaki). Kaya, sa paghahalo ng tingga (madilim, o yin) at asoge (maliwanag, o yang), tinutularan ng mga alkimiko ang proseso ng kalikasan, at sila’y naniniwalang ang resulta ay magiging pildoras ng imortalidad.
22. Ano ang ibinunga ng impluwensiya ng Budista sa relihiyosong buhay ng Tsino?
22 Noong ikapitong siglo C.E., nakapasok ang Budismo sa relihiyosong buhay ng Tsino. Ang resulta ay ang pagsasama ng mga elemento ng Budismo, espiritismo, at pagsamba sa ninuno. “Kapuwa ang mga Budismo at Taoismo,” wika ni Propesor Smart, “ay nagbigay ng anyo at kahulugan sa mga paniniwala hinggil sa isang buhay pagkatapos ng kamatayan na medyo malabo sa pagsamba sa ninuno ng sinaunang mga Tsino.”
23. Ano ang naging paninindigan ni Confucio hinggil sa pagsamba sa mga ninuno?
23 Si Confucio, ang isa pang kilalang pantas ng Tsina noong ikaanim na siglo B.C.E., na ang pilosopiya ay siyang naging saligan ng Confucianismo, ay hindi lubos na nagkomento hinggil sa Kabilang-buhay. Sa halip, idiniin niya ang kahalagahan ng kabutihan sa moral at kanais-nais na paggawi sa lipunan. Subalit sang-ayon siya sa pagsamba sa ninuno at nagpahalaga nang husto sa mga ritwal at mga seremonya hinggil sa mga espiritu ng yumaong mga ninuno.
Iba Pang mga Relihiyon sa Silangan
24. Ano ang itinuturo ng Jainismo hinggil sa kaluluwa?
24 Ang Jainismo ay itinatag sa India noong ikaanim na siglo B.C.E. Ang tagapagtatag nito, si Mahāvīra, ay nagturo na ang lahat ng nabubuhay na bagay ay nagtataglay ng walang hanggang mga kaluluwa at na ang kaligtasan ng kaluluwa mula sa pagkagapos ng Karma ay mangyayari lamang sa pamamagitan ng labis na pagkakait at pagdidisiplina sa sarili at ang pagiging hindi marahas sa lahat ng nilalang. Ang mga Jain ay nanghahawakan sa mga paniniwalang ito hanggang ngayon.
25, 26. Anong mga paniniwalang Hindu ang masusumpungan din sa Sikhismo?
25 Ang India ay pinagmulan din ng Sikhismo, isang relihiyong isinasagawa ng 19 na milyon katao. Ang relihiyong ito ay nagpasimula noong ika-16 na siglo nang ipasiya ni Guru Nānak na pagsamahin kung ano ang pinakamagaling sa Hinduismo at sa Islam upang bumuo ng isang nagkakaisang relihiyon. Kinuha ng Sikhismo ang mga paniniwalang Hindu hinggil sa imortalidad ng kaluluwa, reinkarnasyon, at Karma.
26 Maliwanag, ang paniniwala na ang buhay ay nagpapatuloy pagkamatay ng katawan ay isang mahalagang bahagi ng karamihan ng relihiyon ng Silangan. Kung gayon, ano naman ang tungkol sa Sangkakristiyanuhan, Judaismo, at Islam?
[Mapa sa pahina 10]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon.)
GITNANG ASIA
KASHMIR
TIBET
TSINA
KOREA
HAPON
Banaras
INDIA
Buddh Gaya
MYANMAR
THAILAND
CAMBODIA
SRI LANKA
JAVA
IKA-3 NA SIGLO B.C.E.
IKA-1 NA SIGLO B.C.E.
IKA-1 NA SIGLO C.E.
IKA-4 NA SIGLO C.E.
IKA-6 NA SIGLO C.E.
IKA-7 NA SIGLO C.E.
Naimpluwensiyahan ng Budismo ang buong Silangang Asia
[Larawan sa pahina 9]
Ang reinkarnasyon ay pangunahing sandigan ng Hinduismo
[Larawan sa pahina 11]
Sa pamumuhay na kasuwato ng kalikasan, sinisikap ng Taoista na umiral magpakailanman
[Larawan sa pahina 12]
Si Confucio ay sang-ayon sa pagsamba sa ninuno