Mula sa Aming mga Mambabasa
Bahaghari Ang inyong artikulong “Gumawa ng Sarili Mong Bahaghari” (Enero 8, 1989) ay nakagulat sa akin sapagkat iningatan ninyo ang inyong sarili na huwag magkamali sa pagsasabing, “Hindi isinasama ng ilang dalubhasa ang indigo.” Ito sana’y dapat kabasahan na hindi isinasama ng “lahat ng pisisista.” Nang matuklasan ni Isaac Newton na ang puting liwanag ay maaaring hati-hatiin sa pamamagitan ng prism, binanggit niya ang anim na kulay. Ang simbahan ay tumutol, yamang ang anim ay isang masamang bilang, at ipinasabi sa kaniya na ang pinakamagandang tanda na ibinigay ng Diyos sa tao ay pito ang kulay, yamang ang pito ay isang sagradong bilang.
J.F., Scotland
Ang makasaysayang banggit ni J. F. ay kawili-wili. Maaari pa naming idagdag na ang “The New Encyclopædia Britannica” (1987), na ang mga sumulat ay malamang na kinabibilangan ng mga pisisista, ay bumabanggit na ang karaniwang bahaghari ay may mga arko “ng lila, indigo, asul, berde, dilaw, kulay dalandan, at pula.”—ED.
Araling-Bahay ng mga Magulang Kababasa ko lamang ng “Mga Magulang—Kayo man ay May Araling-Bahay!” (Setyembre 8, 1988) Kailangan ko ang artikulong iyon. Ako’y 27 anyos at may isang anak na lalaki na 4 na taon. Kung minsan ang mga magulang ay masyadong abala sa kanilang trabaho anupa’t wala silang sapat na panahong makipaglaro sa kanilang mga anak o basta gumugol ng panahon na kasama nila. Subalit salamat sa inyong artikulo, mula ngayon ako’y disididong maglaan ng panahon para sa aking anak na lalaki. Kahit na simulan ko sa pamamagitan ng paglalaan ng sampung minuto sa bawat panahon, batid ko na ito’y magiging sulit—ang aking anak ay mas mahalaga kaysa lahat ng iba pa.
A. F., Italya
Bilang isang guro, pinahahalagahan ko ang mahuhusay na artikulo. Kailangan ng mga guro ang tulong ng mga magulang sa pagdisiplina at kailangan nilang malaman na ang mga ito ay sumusuporta. Ang karamihan ng mga magulang ay abalang-abala upang magkaroon ng panahon na makipag-usap sa mga guro. Inaasahan nila na gagawin ng mga guro ang pagiging magulang para sa kanila at malimit na sinisisi nila ang mga guro kapag may nangyaring mali. Ang inyong mga artikulo ay nagbigay ng maraming mabubuting mungkahi kung paano makatutulong ang mga magulang sa pamamagitan ng pakikisangkot at higit sa lahat sa pamamagitan ng pagpapaalam sa bata na interesado ka sa kanilang gawain sa paaralan. Maraming salamat muli sa pagdadala ng problema at ng lunas nito sa pansin ng mga magulang. Kailangan ng mga guro ang kanilang pagtangkilik!
R. N., Estados Unidos
Ako ang presidente ng Samahan ng mga Magulang-Guro sa La Cumbre Junior High School. Kayo ay naglathala ng isang serye ng mga artikulo may kinalaman sa mga paaralan, mga magulang, atb., at nais kong ibigay ito sa aming mga magulang. Marami ang kailangang makabasa ng materyal na gaya nito.
G. B., Estados Unidos
Mga Larawan Ang litrato na nasa panloob na pabalat ng Hulyo 8, 1988, na Gumising! ay lubhang mapanlikha at kaakit-akit. Bilang isang artista, na minamasdan ang mga format, kulay, at disenyo, nasusumpungan ko na ito ay totoong kahanga-hanga! Ang graphic work ay makabago. Ang mga larawan ay lalo pang nakadaragdag sa lubhang nakapagtuturong mga artikulo at talagang pinatitindi ang gana. Gaya ng sa kaso ng anumang katakam-takam na pagkain, una munang “tumitikim” ang mga mata.
E. S., Estados Unidos
Binasa ko ang pamagat sa pabalat (Agosto 22, 1988), nakita ko ang nagugulumihanang bata na nakatingin sa nuklear na pagkawasak, at saka ko binuksan ang pahina! Hindi na kailangan pa ang mga salita. Anong bisa nga ng dalawang larawang ito. Narito ang isang magasin na sa pamamagitan lamang ng dalawang larawan ay makapagbibigay ng pag-asa, tunay na pag-asa, sa maraming kabataan.
V. K., Estados Unidos
Isang naatrasong pasasalamat para sa artikulong “Ang Simbahang Katoliko ng India” sa Gumising! ng Setyembre 22, 1987. Noong panahong iyon ako’y masyadong debotado sa simbahan, subalit nang dumalaw ang mga Saksi, nagsimula akong magkaroon ng mga pag-aalinlangan. Ang mga larawang iyon sa mga artikulo ay talagang nagbukas sa aking mga mata. Ngayon ako’y sang-ayon sa mga Saksi ni Jehova. Maraming salamat.
A.L., Pederal na Republika ng Alemanya