Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 5/8 p. 5-9
  • Bakit ang Krisis ng Pagtaas-ng-Bilihin?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bakit ang Krisis ng Pagtaas-ng-Bilihin?
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Mahinang Sistema ng Internasyonal na Ekonomiya
  • Walang-ingat na Paggasta ng Gobyerno
  • Pagdami ng Populasyon
  • Likas na mga Kahinaan sa Sistema
  • Bahagi 1a—Kontrolado ng mga Problema sa Pera
    Gumising!—1992
  • Anong Pag-asa Para Makabawi sa Ekonomiya?
    Gumising!—1989
  • Tumataas na Halaga ng Bilihin—Ang Epekto sa Tao
    Gumising!—1989
Gumising!—1989
g89 5/8 p. 5-9

Bakit ang Krisis ng Pagtaas-ng-Bilihin?

MULA sa Belgrade hanggang sa Buenos Aires, mula sa Lagos hanggang sa Lima, mula sa Manila hanggang sa Mexico City, at mula sa Washington, D.C., hanggang sa Wellington, ang mga gobyerno ay nagpupunyagi laban sa implasyon.

Kung minsan ang mga gobyerno mismo ay nasa malubhang pinansiyal na suliranin. Isang report ay nagsasabi na “ang Estados Unidos ay nakagawa ng higit na pagkakautang sa nakalipas na limang taon sa buong naunang kasaysayan [nito].” Kamakailan isang pamahalaang Aprikano ang kinailangang maglabas ng malaon-nang-hinihintay na dagdag na sahod. Natuklasan nito, sa kahihiyan nito, na ang Tesorerya ay walang sapat na salapi upang ibayad sa bagong panukalang-batas tungkol sa sahod. Sa gayunding paraan, sa isang malaking bansa sa Latin Amerika, gayon na lamang kataas ang implasyon anupa’t ikinatatakot ng gobyerno na sa pagtatapos ng 1988 hindi nito mabayaran ang mga sahod ng mahigit isang milyong mga lingkod ng bayan.

Mga limang-taóng plano, pagbaba sa halaga ng salapi, hindi pagtataas o pagbababa ng sahod, mga pagkontrol ng presyo, at iba pang lunas sa ekonomiya ang ipinahahayag. Subalit ang mga suliranin ay masalimuot at ang mga lunas ay mailap. Upang ilarawan ang mga suliranin, itinala rito ng Gumising! ang ilan lamang sa pangunahing mga sanhi ng pagtaas ng bilihin.

Ang Mahinang Sistema ng Internasyonal na Ekonomiya

Pangglobong pagtutulungan. Gaya ng paliwanag ng isang internasyonal na mamumuhunan: “Ang daigdig ay isa. Ang ating ekonomiya ay pangglobo. . . . Ang ideya na ang lunas sa isang pangglobong ekonomiya ay maaaring maging isahang-panig ay kalokohan.” Halimbawa, ang paghina ng ekonomiya sa mga bansa sa Kanluran ay agad na nadarama ng mas mahihirap na bansa, na nakasusumpong na hindi na kailangan ang kanilang mga produkto. Sa gayunding paraan, ang pagtaas ng halaga ng interes sa Estados Unidos ay nangangahulugan na ang mga bansa sa Latin Amerika at Aprika ay magkakaroon ng higit na problema sa pagbabayad ng interes sa kani-kanilang pagkakautang. Sa pangkalahatan, mientras mas mahirap ang bansa, mas kaunti ang impluwensiya nito sa panlahat na kalagayan ng ekonomiya, subalit mas madali itong tablan ng di-kaaya-ayang hangin ng ekonomiya.

Ang mga pagbabagu-bago sa halaga ng stock-market ay nagtatampok sa mabuway na kalikasan ng ekonomiya ng daigdig, gayundin sa pagtutulungan nito. Ang mga mamumuhunan ay lubhang nininerbiyos sa hinaharap ng ekonomiya, ang malungkot na bilang na iyon ng kalakal ng E.U. noong Agosto 1987 at malamang na ang isang di-maingat na pangungusap ng isang opisyal ng tesorerya ay sinasabing sapat na upang pagmulan ng isang pambuong-daigdig na pagbagsak ng pamilihan noong Oktubre 1987.

Ang malubhang suliranin sa pagkakautang ng Estados Unidos, pati na ang kawalang-kakayahan o hindi pagkukusa ng pangunahing mga kapangyarihan sa ekonomiya na pagtugmain ang patakaran sa ekonomiya, malamang na hindi maibalik agad ang pagtitiwala. Binabanggit ang kalagayang ito, ang ekonomistang si Stephen Marris ay nagbabala: “Napakasalimuot nito. Walang kagyat na lunas.”

Pagbabagu-bago ng presyo. Nitong nakaraang mga taon nagkaroon ng biglang pagbabagu-bago sa presyo ng langis, metal, at ng iba pang pangunahing kalakal. Ang biglang pagtaas sa halaga ng langis noong 1970’s ang naging dahilan ng malaganap na implasyon at siyang nagsimula ng pandaigdig na paghina ng ekonomiya. Lalo nang naapektuhan ang mga bansa sa Third World (mahihirap na bansa) na hindi gumagawa ng langis.

Noong 1980’s biglang bumaba ang presyo ng karamihan ng mga kalakal. Lubhang nakasagabal ito sa ekonomiya ng mas mahihirap na bansa na ang mga kalakal na iniluluwas ay pangunahin nang binubuo ng gayong mga produkto. Ang mga bansang gaya ng Mexico at Nigeria, na labis na umaasa sa pagluluwas ng langis, ay nakaranas din ng matinding pagbaba sa mga pamantayan ng pamumuhay dahil sa bumabang presyo ng langis. Ang gayong pagbabagu-bago ng presyo ay maaaring magpalubog sa pinakamagaling na pagpaplano sa ekonomiya.

Walang-ingat na Paggasta ng Gobyerno

Gastos sa militar. Ang kabuuang pangglobong gastos sa militar noong 1987 ay tinatayang halos isang trilyong dolyar. Katumbas ito ng halos $1.8 milyon sa isang minuto! Hindi lamang ang mayayamang bansa ang naglulustay ng pera sa mga armamento; ang ilan sa pinakamahirap na mga bansa sa daigdig ay nagplano ng isang 10 porsiyentong taunang pagsulong sa paggasta sa depensa.

Ang ekonomistang si John K. Galbraith, na ipinaliliwanag ang epekto sa lipunan at sa ekonomiya ng paggasta sa militar sa mahihirap na bansa, ay nagsabi: “Yaong mga nagbabayad para sa mga armamentong ito ay ang pinakamahirap sa mga mahihirap. Ang mga ito’y binibili sa kapinsalaan ng puhunang di-militar na itinalaga upang pagbutihin ang pamumuhay, at sa kapinsalaan ng tinapay mismo.”

“Puting-elepanteng” mga proyekto. Sinasabing isang hari ng Siam ang nagbibigay ng puting elepante sa mga kortesano na hindi niya naiibigan. Yamang ang hayop ay itinuturing na sagrado, hindi ito maaaring papagtrabahuin. Kaya ang pag-aalaga ay maaaring magdulot ng pagkalugi sa kapus-palad na tumanggap ng regalo. Nitong nakalipas na mga taon ang mga bansa sa Kanluran ay di sinasadyang gumaganap sa papel ng hari ng Siam. Ang kanilang mga programa ng pagtulong ang namuhunan sa pagkalaki-laking teknolohikal na mga proyekto anupa’t hindi kayang ayusin ng mga bansang tumanggap ng tulong.

Ang magastos, di-praktikal na “mga puting elepante” na ito ay nakakalat sa ekonomikong tanawin ng mas mahihirap na bansa: maluhong mga paliparan kung saan bihirang umalis ang mga eruplano, isang state-of-the-art na panaderya na hindi makagawa ng tinapay dahil sa kakulangan ng arina, isang pagkalaki-laking pagawaan ng semento na palaging nasisira dahil sa kakulangan ng mantensiyon.

Kung minsan pinabibigatan ng mga gobyerno sa mahihirap na bansa ang kanilang mga sarili ng pagkalaki-laking utang dahil sa labis-labis na paggasta sa magastos na mga proyekto na gaya ng hydroelectric na mga plano, mga planta ng lakas nuklear, o bagong mga kabiserang lungsod pa nga.

Pagdami ng Populasyon

Sa maraming bansa sa daigdig, ang mabilis na pagdami ng populasyon ay nakaragdag sa mas mababang pamantayan ng pamumuhay. Ang pabahay, mga trabaho, paaralan, at pati na ang paggawa ng pagkain ay hindi makaagapay sa dumaraming pangangailangan. Ang Mexico, halimbawa, dahil sa mabilis na dumaraming populasyon nito, ay kinakailangang lumikha ng isang milyong trabaho sa isang taon upang huwag maragdagan ang mga walang trabaho. Sa maraming bansa sa Aprika ang mabilis na dumaraming populasyon​—na pinalalâ pa ng pandarayuhan sa mga lungsod​—ay humantong sa pagtriple ng pag-aangkat ng pagkain at nakaragdag sa pagbaba ng pamantayan ng pamumuhay sa nakalipas na dekada. Ang ilang nawawalan-ng-pag-asang mga ama, palibhasa’y walang makitang trabaho at hindi mapaglaanan ang kanilang malaking pamilya, ay basta iniwan ang mga ito o nagpakamatay pa nga.

Likas na mga Kahinaan sa Sistema

Di-mahulaang lakas ng pamilihan. Ang paghula sa ekonomiya ay isang kilalang-kilalang di-eksaktong siyensiya. Ang problema ay na kahit na sa adelantadong mga ekonomiya mahirap malaman nang eksakto ng mga eksperto kung ano ang nangyayari, samantalang ang ekonomiya sa mahihirap na bansa​—kung saan walang makukuhang espisipikong impormasyon​—ito ay halos imposible. At kahit na kung maaaring sumang-ayon ang mga ekonomista tungkol sa eksaktong kalikasan ng problema, walang alinlangan na magbibigay sila ng iba’t ibang lunas, sang-ayon sa kani-kanilang sariling pulitikal o sosyal na palagay. Nakadaragdag pa sa problema, ang mga pulitiko, na siyang gumagawa ng pangwakas na disisyon, ay waring sinusunod lamang ang payo sa ekonomiya na nasusumpungan nilang kaaya-aya.

Tungkol sa Estados Unidos, ganito ang sabi ng dating kalihim ng komersiyo na si Peter Peterson: “Sa simula, ang ating mga problema ay hindi tungkol sa ekonomiya. Bagkus, tayo ay nahahadlangan ng kakulangan natin ng pulitikal na pinagkaisahan. Hindi pa nga tayo nagkakasundo sa kalikasan ng ating mga suliranin sa ekonomiya.”

Walang-kabatirang kasakiman. Ang bawat bansa ay waring nagsisikap na matamo ang sarili nitong mga kapakanan ng soberano anuman ang epekto nito sa iba. Ang tulong sa ekonomiya, halimbawa, maaaring sa anyo ng masalimuot na mga kagamitang militar, ay ipinadadala sa isang bansa na hindi nga kayang pakanin ang lahat ng mamamayan nito. Maliwanag, ang motibo ng nagkaloob ay pangkabuhayan o pulitikal sa halip na makatao. Ang mga hadlang sa taripa na inilalagay ng mayayamang industriyal na mga bansa upang pangalagaan ang kanilang sariling mga pabrikante ay nakahahadlang sa mga pagsisikap ng mas mahihirap na bansa na ipagbili kahit na ang pangunahing mga kalakal.

Binabatikos ng mahihirap na bansa ang internasyonal na mga institusyon sa pagbabangko na ang iniintindi lamang ay ang maagap na kabayaran ng interes. Ang ilang mga proyekto ay kailangang iwan dahil sa kakulangan ng pinansiyal na suporta, dahil lamang ang mga ito ay hindi gumagawa ng mabilis na kabayaran sa nagpapautang. Ang mataas na interes na ngayo’y kailangang bayaran ng nangungutang na mga bansa ay pangunahin nang dahil sa bulagsak na paggasta ng ibang mga bansa na mas mayaman kaysa kanila. Binanggit ni Presidente Alfonsín ng Argentina na sa loob ng limang taon ang Latin Amerika ay nagpadala sa Estados Unidos at Europa ng salaping katumbas ng dalawang Marshall Plans.a Gayunman, ang rehiyon ay lalo pang nabaon sa utang.

Kabulukan at kasakiman. Ang mga pangulo sa ilang bansa sa Aprika at Asia ay pinaratangan ng paglustay ng bilyun-bilyong dolyar. Ang mga hepe ng pulis at kilalang mga opisyal sa negosyo sa Latin Amerika ay nasangkot din sa multimilyong-dolyar na mga pagdaraya. Ang pagkalaki-laking halagang ito ng salapi ay karaniwan nang kinukuha sa mga programa na nilalayon upang pagbutihin ang kalagayan ng karaniwang mga tao. Ang kabulukan sa lahat ng antas ay lubhang sinisira ang ekonomiya ng di-mabilang na mga bansa, dinaragdagan ang pinansiyal na pabigat ng naghihirap na karamihan na kailangang tulungan ng salapi.

Ang mapang-uyam na kasakiman sa komersiyo ay nakadaragdag din sa pagtaas ng bilihin. Ang agresibong mga pamamaraan ng pangangalakal ng multinasyonal na mga kompaniya ng tabako, halimbawa, ay nagtagumpay sa paghikayat sa angaw-angaw na mahihirap na tao na gugulin ang kaunting perang mayroon sila sa sigarilyo. Sa ilang nagpapaunlad na mga bansa, ang nakapipinsala-kalusugan, maraming-tar na mga sigarilyo ay malawakang ipinamamahagi, at hindi nalalaman ng karamihan ng mga bumibili ang pinsala sa kalusugan. Ang mahalagang lupaing sinasaka ay ginawang taniman ng tabako dahil sa pang-akit ng mahalagang perang banyaga, na karaniwan nang hindi nangyayari. Samantala dumarami ang sakit na nauugnay-sa-paninigarilyo na kapantay ng tumataas na bilihin.

Ang maikling repaso ng mga dahilan sa likod ng tumataas na bilihin ay sapat na upang ipakita ang nakatatakot na hamon na nakakaharap ng mga pamahalaan na nagsisikap lutasin ang suliranin sa ekonomiya ng kanilang mga mamamayan. Si Presidente Mitterrand ng Pransiya, na nagsasalita sa isang forum tungkol sa ekonomiya, ay nagreklamo tungkol sa isang “daigdig na laging ginagalaw ang alpombra na kinatatayuan mo, hinihila ito at pinagbabantaang madupilas ka.” Batid ng mga estadista at ekonomista sa mahihirap na bansa mula sa mapait na karanasan kung ano ang ibig niyang sabihin.

Ibig bang sabihin niyan na wala nang pag-asang makabawi sa ekonomiya? Hindi ba kaya ng ekonomiya ng daigdig na maglaan ng maayos na pamumuhay para sa lahat ng sangkatauhan? Sasagutin ng susunod na artikulo ang mga tanong na ito.

[Talababa]

a Ang Marshall Plan ay isang programang taguyod-E.U. na idinisenyo upang tulungan na makabawi sa ekonomiya ang giniyagis-digmaang Europa. Mula noong 1948 hanggang noong 1952 ang tulong na nagkakahalaga ng mga 12 bilyong dolyar ang ipinamahagi.

[Kahon sa pahina 8]

Ang Problema sa Utang

Pambansang Utang

Sa maraming bansa lubhang nahihigitan ng pagkakagastos ng gobyerno ang kita ng gobyerno. Ang malawakang pangungutang na hinihiling ng patakarang ito ay humantong sa loob ng mga taon sa pagkakaroon ng pagkalaki-laking depisit sa badyet, kung minsan ay tinatawag na pambansang utang. Ang kabayaran ng utang na ito, pati na ang interes, ay pumipilit sa gobyerno na patuloy na mangutang, na nagpapataas sa halaga ng interes at gumagatong sa implasyon. Higit pa riyan, gaya ng sabi ng magasing Time, ayaw bawasan ng mga gobyerno ang paggasta sapagkat “ang mga botante, palibhasa’y tao, ay nagnanais ng mga pakinabang at mas kaunting buwis, at ang mga pulitiko, palibhasa’y mga pulitiko, ay tumutugon sa [mga kagustuhan ng mga botante].” Kaya, ang araw ng pagtutuos ay naaantala, at ang halaga ng bilihin ay tumataas.

Internasyonal na Utang

Sa iba’t ibang kadahilanan, maraming bansa ang nag-aangkat ng mas maraming paninda at serbisyo kaysa iniluluwas nila, na nagbubunga ng depisit sa pagkakatimbang ng kalakalan. Ang kakulangan ay kailangang bayaran sa salaping tinatanggap ng ibang bansa, karaniwan na sa dolyar o iba pang malakas na salapi. Ang perang ito ay dapat na ilabas mula sa mga reserba o utangin sa ibang mga bansa. Kung ang mga reserba ng bansa ay mapanganib na bumaba nang husto at natatanaw na ang pangungutang, baka kailanganin ang mga paghihigpit sa pag-aangkat o kaya ay babaan ang halaga ng pera. Ang kapuwa mga hakbang na ito ay nagpapangyari na lubhang tumaas ang halaga ng mga panindang inaangkat, marami dito ay mahalaga sa industriya at sa mamimili.

Ang mahihirap na bansa lalo na ang may problema sa pagkakatimbang ng kalakalan sapagkat, sa lahat halos ng kaso, ang halaga ng mga paninda na kanilang iniluluwas ay bumagsak nang husto. Halimbawa, noong 1960 ang isang toneladang kape ay makabibili ng 37 toneladang abono, samantalang noong 1982 ito ay makabibili lamang ng 16 na tonelada. Gayunding bilang ang maibibigay para sa cocoa, tsa, bulak, tanso, lata, at iba pang mahalagang mga produkto na pangunahing iniluluwas ng hindi gaanong maunlad na mga bansa. Pangunahin nang dahil sa masamang mga kondisyon ng kalakalan, na wala silang gaanong kontrol, noong 1987 ang nagpapaunlad na mga bansa ay nagkautang ng nakalilitong $1,000 bilyon. Ang gilingang-batong ito sa kanilang mga leeg ay lubhang nakahahadlang na makabawi sa ekonomiya at isinasapanganib pa nga ang katatagan ng ilang mga gobyerno.

Ang The New York Times ay nagkomento kamakailan: “Ang isang isyu na bumubuklod sa Latin Amerika ay utang . . . Ang problemang ito ay pananagutan ng mga pamahalaan dahil sa kanilang gumuguhong popularidad at nakikita bilang mahalagang pulitikal na salik na nakakaapekto sa kanilang malapit na kinabukasan.”

[Mapa sa pahina 7]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Halaga ng Pandaigdig na Implasyon 1980-85

(Batay sa El Mundo en Cifras, inilathala ng The Economist)

■ 0 hanggang 15%

■ 15 hanggang 30%

■ 30 hanggang 100%

■ mahigit na 100%

■ walang makuhang bilang

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share