Anong Pag-asa Para Makabawi sa Ekonomiya?
Noong panahon ng paghahari ni Louis XVI ng Pransiya, ang kaniyang reyna, si Marie Antoinette, ay iniulat na minsa’y nagtanong sa ministro sa pananalapi ng hari: “Ano ang gagawin mo tungkol sa depisit, Ginoong Ministro?” Ang tugon niya: “Wala po, Madame. Napakagrabe po nito.”
Bagaman nagbago na ang panahon, para bang ang pilosopyang ito ay nauuso. Ipinananaghoy ng mga estadista at ng mga ekonomista ang pagkalaki-laking internasyonal na pagkakautang, ang matinding di pagkakatimbang sa ekonomiya sa pagitan ng mayaman at mahirap na mga bansa, at ang kahabag-habag na karalitaan sa napakaraming bansa. Subalit kaunti lamang kung mayroon man ang ginagawa—napakagrabe ng mga problema. Makatuwiran ba ito kung tungkol sa ekonomiya?
Ang salitang “economics” ay galing sa salitang Griego na oikonomos, na ang ibig sabihin ay isang katiwala o tagapangasiwa sa bahay. Ang ekonomiya ng daigdig ay pangunahin nang ang pag-aaral kung paano pangangasiwaan ang “bahay” ng daigdig. Paano ito pinangangasiwaan?
Upang ilarawan, gunigunihin natin ang lupa bilang isang pook, at ang indibiduwal na mga bansa bilang mga magkakapitbahay. Isa sa pinakamayamang kapitbahay ay isang gastador at nagkakautang ng pera sa halos lahat, subalit siya ang kanilang pinakamagaling na kliyente, ang kaniyang mga pinagkakautangan ay bantulot na singilin siya. Ang ilang mas mahihirap na pamilya ay lubhang baon sa utang anupa’t sila’y nangungutang ng pera upang ibayad lamang sa mataas na interes ng kanilang mga utang. Samantala, ang ama ng pinakadukhang pamilya sa lugar na iyon ay naghanda para sa kaniyang sarili at sa kaniyang mga kaibigan ng isang labis-labis na hapunan, bagaman ang ilan sa kaniyang mga anak ay nagugutom.
Ang mas mayamang mga pamilya ay kumakain nang husto at nagtatapon ng maraming pagkain sa basurahan. Mas marami silang ginagastos sa kanilang mga alagang hayop kaysa kayang gastusin ng mas mahihirap na pamilya sa kanilang mga anak. Sa pana-panahon ay mayroon silang mga pulung-pulong upang pag-usapan ang tungkol sa lahat ng problema sa dakong iyon, subalit para bang wala namang ginagawa. Ang tensiyon ay tumitindi sa pagitan ng mayayamang pamilya at ng mahihirap na pamilya. Maliwanag, pangunahin nang may mali sa paraan ng pangangasiwa sa pook na ito.
Isa na Mangangasiwa sa Ekonomiya ng Daigdig
Ang mahusay na pangangasiwa ay hindi maaaring ihiwalay sa moralidad. Gaya ng nakita natin, ang kasakiman at kaimbutan sa pambansa, korporasyon, at indibiduwal na antas ay malaki ang nagagawa sa pagtaas ng bilihin, lalo na sa mas mahihirap na bansa. Ang kawalang-katarungan sa ekonomiya ay talagang isa lamang pagpapabanaag ng isang di-makatarungang sistema ng mga bagay.
Sabihin pa, walang madaling lunas. Ang mga problema ay pagkalaki-laki upang lutasin ng isang bansa, at walang internasyonal na lupon na umiiral na may kinakailangang lakas upang pakitunguhan ang mga ito. Karagdagan pa, ang mga lider ng daigdig ay binabatikos dahil sa kakulangan ng pulitikal na pagkukusa na lutasin ang mga ito.
Gayumpaman, inilalarawan ng kasaysayan ang isang pinuno na lubhang nababahala sa suliranin ng mga api sa kabuhayan. Siya’y gumawa ng espisipikong mga batas upang pangalagaan sila at paglaanan sila.
Ang pinunong ito ang nagpalaya sa mga Israelita mula sa Ehipto mga 3,500 taon na ang nakalipas at makahimalang nagpakain sa kanila ng manna sa loob ng 40-taon na paglalakbay nila sa ilang. Tiniyak ng di-nakikitang haring ito na ang lahat ay nasasapatan.—Exodo 16:18; ihambing ang 2 Corinto 8:15.
Nang maglaon, nang ang mga Israelita ay dumating sa Lupang Pangako, pinangalagaan ng bigay-Diyos na mga batas ang mga nangangailangan. Mga pautang na walang-interes ay ibinibigay roon sa mga naghihirap. Ang mahihirap ay maaaring mamulot ng naiwang ani sa bukid, sa taniman ng mga punungkahoy na namumunga, at sa mga ubasan. At ang mga may-ari ay kailangang mag-iwan para sa mga mamumulot. Isa pa, ipinag-utos ng Diyos sa mas mayayamang Israelita na ‘maging bukas-palad sa dukha sa lupain.’—Deuteronomio 15:7-11.
Pinangasiwaan ng Diyos ang sambahayan ng Israel sa gayong paraan anupa’t ang lahat ng bayan ay maaaring umunlad, sa kondisyon na sila’y susunod sa kaniyang mga tagubilin. Ang kaniyang mga kinatawan, gaya ni Haring Solomon, ay hiniling na tularan ang halimbawa ng Diyos. Tungkol kay Solomon, ang salmista ay sumulat: “Ipagtatanggol niya ang pinakadukha, ililigtas niya ang mga anak ng mapagkailangan . . . Palalayain niya ang dukha na dumaraing sa kaniya, at yaong mga nangangailangan ng tulong, siya’y maaawa sa dukha at mahina, . . . magiging mahalaga ang kanilang buhay sa kaniyang paningin.”—Awit 72:4, 12-14, The Jerusalem Bible.
Gayumpaman, nang maglaon inihula ng Diyos sa kaniyang Salita na may babangong isang matinding pagtaas ng bilihin. Inilalarawan ang malupit na katotohanan ng ekonomiya na sa wakas ay sasalot sa sangkatauhan, inihula ng Bibliya: “Ang buong araw na sahod para sa isang pan na tinapay.” (Apocalipsis 6:6, Weymouth, Ikalimang Edisyon) Ngayon, ganitung-ganito ang kalagayan ng maraming dukha sa daigdig. Ang buong araw na sahod ay hindi pa nga makabayad sa halaga ng isang pagkain.
Malapit Na ang Isang Tunay na Pagkabawi sa Ekonomiya
Ang tanging lunas sa malungkot na kalagayan ng mga bagay-bagay ay itinampok ng nagwagi ng gantimpalang Nobel na si Willy Brandt. Sabi niya: “Dapat magkaroon ng lumalagong kabatiran na ang mga bansang mahihirap at mayaman . . . ay pinagbuklod ng kanilang iisang interes na makaligtas, at na ang lunas ay matatamo lamang sa pamamagitan ng pagsunod sa isang pangmatagalan at pambuong-daigdig na paraan ng paglutas dito.”
Iyan mismo ang nasa isip ng Diyos, isang pangmatagalan at pambuong-daigdig na paraan ng paglutas. Di-gaya ng mga pinunong tao, ang Diyos ay may kalooban at paraan upang ipatupad ang isang pandaigdig na pagkabawi sa ekonomiya.
Sa hula ring iyon tungkol sa kahirapan sa ekonomiya, binanggit niya ang pinuno na kaniyang hinirang, isang pinuno na may kakayahang lunasan ang kalagayan. Siya ay inilalarawan na nakaupo sa kabayong “maputi” at gayundin bilang isa na ‘yumayaong nagtatagumpay.’ Ito’y walang iba kundi si Jesu-Kristo, na malapit nang ‘magtagumpay’ upang palawakin ang pamamahala ng Kaharian ng Diyos bilang ang tanging pamahalaan sa sangkatauhan. Ang Kahariang ito, sa mga kamay ni Jesu-Kristo, ang paraan ng Diyos ng paglutas, kabilang sa iba pang mga bagay, sa tumataas na bilihin.—Apocalipsis 6:2; ihambing ang Daniel 2:44.
Sa ilalim ng pamamahala ng Kahariang ito, na tinutukoy sa hula ni Isaias bilang “bagong langit,” ang Diyos ay nangangako: “Sila’y hindi gagawa sa walang kabuluhan o manganganak man para sa kasakunaan.” “Ang aking mga lingkod ay magsisikain . . . ; ang aking mga lingkod ay magsisiinom . . . ; ang aking mga lingkod ay mangagagalak.”—Isaias 65:13, 14, 17, 23, The New English Bible.
Maaaring isapuso ng angaw-angaw sa ngayon na nagtatrabaho sa walang kabuluhan ang mga salitang ito. Sa bagong sanlibutan ng Diyos, ang kanilang mga anak ay hindi pagkakaitan ng pangunahing mga pangangailangan dahil sa kasakunaan ng kahirapan ng kabuhayan. Ang pagkabahala tungkol sa halaga ng bilihin ay hahalinhan ng kaluguran dahil sa kagalakan ng buhay.
Kung inaakala mo na ang gayong mga pangako ay isa lamang Utopianong pangarap, bakit hindi makipag-usap sa mga Saksi ni Jehova sa susunod na dumalaw sila sa inyo. Magagalak silang ipakita sa iyo mula sa Kasulatan kung bakit makapagtitiwala tayo sa lunas ng Diyos sa tumataas na bilihin.
[Larawan sa pahina 10]
Sa bagong sanlibutan ng Diyos, wala nang magugutom o mahirap