Ang Kinabukasan ng Relihiyon sa Liwanag ng Kahapon Nito
Bahagi 10—537B.C.E. patuloy—Hinihintay Pa Rin ang Mesiyas
“Ang pagiging determinado-sa-sarili ay isa lamang sawikain kung walang pag-asang tinatanaw.”—John F. Kennedy, ika-35 presidente ng Estados Unidos
TAPOS na ang pitumpung taon ng pagkabihag sa Babilonya! Ang mananakop ng Babilonya na si Ciro, hari ng Persia, ay pinauuwi ang mga Judio. Subalit minsang sila’y nasa Lupang Pangako na (537 B.C.E.), ang kanilang pag-asa tungkol sa pagtatamasa ng pagiging determinado-sa-sarili bilang isang malayang bansa ay hindi natupad. Wala silang hari, at di-nagtagal ang pulitikal na autoridad ng kanilang mga gobernador ay nahigitan ng relihiyosong autoridad ng mataas na saserdote, na itinuring na pangulo ng bansa.
Pagsisikap na Matamo ang Mesianikong Pag-asa
Sang-ayon sa The Concise Jewish Encyclopedia, noong panahong ito lumitaw ang ideya tungkol sa isang Mesiyas, “ang huwarang monarka sa hinaharap [na] hindi lamang magiging isang ‘pinahirang’ pinuno kundi isang pinuno na lilipol sa mga kaaway ng Israel at magtatatag ng isang sakdal na panahon ng kapayapaan at kasakdalan.”
Noong ikaapat na siglo B.C.E., sa pamamagitan ng pananakop, tinipon ni Alejandrong Dakila ang mga Judio sa kaniyang sakop. Subalit maliwanag na hindi siya ang Mesiyas na hinihintay nila, bagaman ang kaniyang imperyo ay nagkaroon ng napakalaking impluwensiya sa kanilang lupain, sa kanilang kultura, at sa kanilang relihiyon.
Pagkamatay ni Alejandro, ang Palestina ay nanatili sa mga kamay ng mga Griego, una ay sa ilalim ng mga Ptolemy ng Ehipto at nang dakong huli ay sa ilalim ng mga Seleucid ng Siria, kapuwa mga dinastiya na itinatag ng mga kahalili ni Alejandro. Habang lumalaki ang impluwensiya ng Griego, sinimulang malasin ng prominente at aristokratang mga Judio ang mga tradisyon at mga kaugaliang Judio na makaluma. Nangunguna rito ang pamilyang Tobiad, na ibinunsod si Menelaus, maliwanag na kamag-anak nila, sa pagkamataas na saserdote noong panahon ng paghahari ng haring Seleucid na si Antiochos IV Epiphanes (175-164 B.C.E.). Ginawa nila ito, kahit na si Menelaus ay hindi tradisyonal na mula sa makasaserdoteng sambahayan ni Zadok, ang mataas na saserdote sa templo ni Solomon. Ang impluwensiya ng Griego ay naging napakalakas anupa’t ang Judiong relihiyosong mga pagdiriwang ay ipinagbawal at ang templo ay ginawang isang dambanang Griego!
Noong 167 B.C.E., ang saserdoteng Judio na si Mattathias at ang kaniyang limang anak na lalaki, karaniwang tinatawag na mga Macabeo, o mga Hasmoneo, ay naghimagsik. Ang Himagsikang Macabeo, dating relihiyosong himagsikan, ay naging isang pulitikal na labanan para sa pagiging determinado-sa-sarili ng mga Judio. Noong 164 B.C.E., ang templo ay muling nakuha at muling inialay, isang pangyayari na taunang ipinagdiriwang ngayon ng mga Judio sa buong daigdig sa panahon ng walong-araw na kapistahan ng liwanag na kilala bilang Hanukkah. Subalit wala pa ring Mesiyas.
Pabayang mga Pastol at Relihiyosong Pagkakabaha-bahagi
Noong panahong ito, “hindi lamang ang espirituwal at sosyal na pangunguna sa bayan ang nasa kamay ng mga saserdote,” sabi ng Judiong Pictorial Biblical Encyclopedia, “kundi sila rin ang bumubuo ng pinakamalakas at pinakamayamang uri ng mga tao sa Jerusalem, sa pulitikal at ekonomikal na paraan.” Gayunman, ang mga saserdote ay naging napakaaristokrata at pabaya sa pagtupad ng kanilang tungkulin bilang mga pastol, anupa’t sila’y hinalinhan ng mga hindi saserdote sa pagbibigay-kahulugan sa Batas at sa pagsasagawa ng hatol. Ang mga lalaking ito, kilala bilang mga eskriba, ay bihasa sa paghanap ng mga butas sa mga taong ang layon ay biguin ang Batas.
Kasabay nito, ang relihiyong Judio ay nahati sa nagpapaligsahang bahagi. Ang mga Fariseo ay nagturo na binigyan ng Diyos ang Israel ng dalawang ulit na batas, bahaging nasusulat at sali’t saling sabi o tradisyon. Salig sa tradisyong ito kinikilala nila ang pagiging lehitimo ng linya ng pagkamataas na saserdote kahit na pagkatapos maputol ang tradisyonal na linya ng pagkasaserdote. Ang mga Saduceo naman, sa kabilang panig, ay itinatatuwa ang pag-iral ng tradisyon, sinasabi na tanging isang tuwirang inapo ni Zadok ang makapaglilingkod bilang mataas na saserdote.
Ang pangalang “Fariseo” ay galing sa salitang nangangahulugang “ibinukod” o “mabunyi.” Sinasabi ng ilan na ito ay ginamit ng kanilang mga kalaban upang bansagan sila bilang mga erehes. Sinasabi naman ng iba na ito’y tumutukoy sa “mabunying” posisyon na kanilang binabalikat, ibinubukod ang kanilang mga sarili mula sa mga ‛am ha·’aʹrets (mga tao ng lupain), na itinuturing nilang marumi. Ang mga Fariseo ay lubhang matuwid-sa-sarili sa kanilang pagsunod kapuwa sa nasusulat na kautusan at sa tradisyon. Ang gayunding kahigpit na saloobin ng mga Saduceo sa nasusulat na batas ay malamang na “bumangon hindi mula sa anumang pantanging damdaming relihiyoso,” sulat ng Judiong autor na si Gaalyahu Cornfeld, “kundi bilang isang pulitikal na sandata sa kanilang paglaban sa kapangyarihan ng mga Fariseo may kinalaman sa mga batas.”
Ang Essenes, isa pang relihiyosong grupo, ay waring lumitaw noong panahon ding iyon. Humiwalay sila sa opisyal na pagkasaserdote, hindi sila nakibahagi sa relihiyosong mga serbisyo at mga hain sa templo, kundi bagkus sila’y mahigpit na sumunod sa Batas. Katulad ng mga Fariseo, na kahawig nila sa maraming paraan, sila’y naging biktima ng Hellenistikong impluwensiya, tinatanggap ang paniniwala sa isang walang-kamatayang kaluluwa.
Ang pangkat ay malamang na wala pang mga 4,000 miyembro, pawang mga lalaking adulto, na ang karamihan ay celibato. Sila’y namumuhay sa pamayanang mga tahanan sa nabubukod na mga pamayanan sa buong Palestina. Binabanggit ng Encyclopædia Judaica ang tungkol sa kanilang pinaniniwalaang pasipismo, sinasabing ito “ay malamang na katulad ng modernong mga Saksi ni Jehova.” Subalit maliwanag na ang Essenes ay hindi talaga nagsasagawa ng mahigpit na neutralidad na sinusunod ngayon ng mga Saksi ni Jehova. Ang Judiong Pictorial Biblical Encyclopedia ay nagsasabi na ang Essenes “ay magiting na nakipagbaka sa paghihimagsik laban sa Roma, ang ilang lider ay galing pa nga sa kanilang mga kasamahan.” Binanggit ng Judiong mananalaysay na si Josephus ang isang gayong lider—isang “John the Essene” na naglingkod bilang isang Judiong heneral sa himagsikan noong 66 C.E.
Ang Dead Sea Scrolls, nasumpungan noong 1947, ay nagbibigay ng impormasyon tungkol sa sekta ng relihiyon na Qumran, na ipinalalagay ng ilang iskolar na katulad ng Essenes. Subalit kung tungkol sa mungkahi na si Juan Bautista at si Jesus ay kabilang sa grupong ito, o sa paano man ay naimpluwensiyahan nito, ang The New Encyclopædia Britannica ay nagsasabi: “Ang mahalagang mga argumento . . . ay laban sa pag-aangking ito.” May “pundamental na mga pagkakaiba sa pagitan ng sektang Qumrān at ni Juan Bautista . . . [gayundin] ng mga pagkakaiba sa pagitan ng mga palagay ng sekta at ng lawak ng ministeryo ni Jesus, ang kaniyang mensahe ng kaligtasan, ang kaniyang pagkaunawa sa kalooban ng Diyos . . . at, lalo na, ang radikal na katangian ng kaniyang utos tungkol sa pag-ibig at ang kaniyang pakikisama sa mga makasalanan at sa mga itinakwil ng lipunan.”
Sa katunayan, ang bawat relihiyosong pangkat na Judio ay laban kay Juan Bautista at sa isa na ipinahahayag niya bilang ang Mesiyas. Sa halip na paniwalaan ang mensahe ni Juan, marami sa mga saserdote, sabi ni Josephus, ay bumaling sa mga Zealot, isang pangkat ng mga rebolusyonaryong Judio na mahilig sa pagiging determinado-sa-sarili. Sa loob ng mga dekada ang mga pangkat na gaya nito, na laban sa pamamahalang Romano na humalili sa Gresya noong 63 B.C.E., ay nagsagawa ng teroristang gawain. Sa wakas noong 66 C.E., sila ay naghimagsik. Ito ay humantong sa pagkawasak ng Judiong templo at ng kanilang pagkasaserdote. Ang pag-asa tungkol sa Mesiyas ay dumilim.
Isang Judaismong Walang Templo, Walang Pagkasaserdote
Mga dantaon bago, at noong panahon, o marahil pagkatapos ng pagkabihag sa Babilonya, nagkaroon ng malaking pagdiriin sa pagkakamit ng kaalaman tungkol sa Batas. Mga sentro para sa pagtuturo, kilala bilang mga sinagoga, ay itinayo, at mula noon ang templo ay dinadalaw lamang kung pantanging mga okasyon at para sa layuning maghandog ng mga hain. Kaya noong unang siglo C.E., normal lamang na sumamba sa mga sinagoga. Pagkatapos, nang mawasak ang templo noong 70 C.E., ang mga ito ay waring minalas na pinalitan na.
Ang pagdiriin ngayon ay nailipat mula sa hindi umiiral na pagkasaserdote tungo sa mga guro na kilala bilang mga rabbi. Ang mga Saduceo ay hindi na umiral bilang isang mabisang lupon, ang Essenes ay basta naglaho, kaya ang mga Fariseo ay lumitaw na di mapag-aalinlanganang mga lider. Si Ellis Rivkin ng Hebrew Union College ay nagpapaliwanag sa impluwensiyang taglay nila. “Ang tradisyon ng mga Fariseo ang pinagmulan ng Mishnah, ng mga Talmud Palestino at Babiloniko, ng geonic, Edad Medya, at modernong responsa, at ng sarisaring kodigo ng kautusang Judio.” Ganito pa ang sabi ng The New Encyclopædia Britannica: “Kahit na sa ngayon ang iba’t ibang grupong Judio, ito man ay Orthodoxo, Konserbatibo, o Reform, ay pawang nag-aangking tuwirang espirituwal na nagmula sa mga Fariseo at sa mga pantas na rabbi.”
Mesianikong mga Pag-asa sa Labas ng Palestina
Kahit na bago ang 70 C.E., angaw-angaw na mga Judio ang nakatira sa labas ng Palestina, pangunahin na sa Siria, Asia Minor, Babilonya, at Ehipto. Gayunman, pagkatapos ng 70 C.E. ang sinumang nakaligtas na Judio ay ganap na binunot, at pinangalat upang manirahan sa diaspora (labas ng Palestina), salitang Griego para sa “nangalat.” Kahit na roon, pinanatili ng marami ang kanilang pag-asa tungkol sa pagiging determinado-sa-sarili sa ilalim ng isang dumarating na Mesiyas. Ang Judiong lider na si Bar Kokhba ay napatunayang isang huwad na mesiyas, di-matagumpay na nanguna sa isang himagsikan laban sa Roma noong 132 C.E. Sang-ayon sa The Jewish Encyclopedia, 28 gayong huwad na mga mesiyas ang lumitaw mula noon at noong 1744 C.E.
Kaya naman, marahil ay mauunawaan, ang Mesianikong pag-asa ay naging magulo. Ang Encyclopædia Judaica ay nagsasabi: “Ang ideolohiyang Judio noong Edad Medya ay hindi tumanggap mula sa sinaunang panahon ng isang magkakaugnay, nagkakaisang ideya tungkol sa Mesiyas, . . . ang literaturang talmudiko at ang sarisaring Midrashin ay naglakip ng maraming magkakasalungat na mga palagay.” Kasing-aga ng ika-12 siglo, ang pilosopong Judio na si Moses Maimonides ay nangatuwiran na ang paghahari ng Mesiyas ay marahil sagisag lamang ng isang mas mataas na anyo ng lipunan. Noong ika-19 na siglo, “hinalinhan ng [mga Judiong Reform] ang paniniwala sa isang mesianikong panahon para sa paniniwala sa isang personal na Mesiyas. . . . Ang mesianikong pag-asa ay inalis mula sa tradisyunal na mga kaugnayan nito sa pagbabalik ng mga bihag sa Zion.”
Sandaling panahon pagkaraan nito, lalo pang ginulo ng kilusang Haskalah (Kaliwanagan) sa Europa ang isyu. Itinaguyod nito ang isang Judaismo na kusang sumasang-ayon sa Kanluraning paraan ng pamumuhay. Nakatulong ito upang hatiin ang mga Judio sa mga Judiong minamalas ang pagiging determinado-sa-sarili sa isang itinatag-muling lupang tinubuan ng mga Judio sa ilalim ng Mesiyas na siyang pangunahin, at yaong mga Judiong nakadarama ng ang pagsasama-sama sa buhay sa bansang sinilangan ay mas mahalaga.
Ang mga pangyayaring ito, pati na ang pagbangon ng laban-Semitismo, ay nagbukas ng daan sa pagsilang ng modernong Zionismo, na itinatag ni Theodor Herzl noong katapusan ng ika-19 na siglo. Ngayon, sa Mayo 1989, 41 taon sa buwan pagkatapos na itatag ang Estado ng Israel, ang mga Judio ay nagtatamasa ng pagiging determinado-sa-sarili bilang isang pamayanang Judio sa isang Judiong lupang-tinubuan na kaniyang naisip. Natupad ba ang kanilang Mesianikong pag-asa?
Kung gayon, bakit ang ilang Judio, sang-ayon sa The Times ng London, ay nakikita “sa Zionismo ang kalapastanganan na naging isang katunayan sa paglalang ng Israel”? Bakit inamin ng yumaong mananalaysay na si Theodore H. White, isang Judio mismo: “Mayroon halos kasindami ng iba’t ibang sekta ng mga Judio, na nag-aaway-away, . . . na gaya ng pag-aaway-away sa gitna ng mga Protestante”? Bakit sumulat ang magasing Time, na itinatawag-pansin ang 1987 sa nagbabangayang mga grupo ng relihiyon sa loob ng 120-miyembrong pulitikal na lupon ng Israel, ang Knesset: “Ang ilang matibay na lunas ay dapat masumpungan kung ang Israel . . . ay hindi magiging isang sambahayan na lubhang nababahagi sa ganang sarili”?
Ang modernong pagiging determinado-sa-sarili ng mga Judio ay nagbibigay ng kaunting pag-asa sa hinaharap. Sa pamamagitan ng pagtitiwala sa mga pulitika ng tao upang matupad ang kanilang Mesianikong pag-asa, winalang-bahala ng Judaismo ang mga salita ng sarili nitong sagradong mga kasulatan: “Mas mabuting manganlong sa PANGINOON kaysa magtiwala sa tao. . . . Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga prinsipe, ni sa anak man ng tao, na walang pagsaklolo.”—Awit 118:8; 146:3, The Holy Scriptures, inilathala ng Jewish Publication Society of America.
Kabaligtaran ng suliranin na taglay ngayon ng maraming Judio sa pagkilala sa kanilang Mesianikong pag-asa, marami sa kanilang mga ninuno noong unang siglo C.E. ay walang anumang problema. (Tingnan ang Juan 1:41.) Sila’y naging tagasunod ng Isa na tinanggap nila bilang Mesiyas, naging masigasig na mga tagapagtaguyod ng isang relihiyon na angkop na matatawag nating “Ang Daan ng Pananampalataya, Pag-asa, at Pag-ibig.” Ipaliliwanag ito ng aming susunod na labas.
[Larawan sa pahina 21]
Ang Western Wall, karaniwang tinatawag na Wailing Wall, ang siya na lamang natitira sa mga Judio mula sa kanilang banal na templo, na nawasak noong 70 C.E.