Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 1/15 p. 26-29
  • Tinapos ng Liwanag ang Isang Panahon ng Kadiliman

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tinapos ng Liwanag ang Isang Panahon ng Kadiliman
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Buhay ng mga Judio Noong mga Panahong Persiano
  • Ang Panahong Griego
  • Mga Relihiyosong Pagbabago
  • Niyakap ng Judaismo ang Iba’t Ibang Kaisipan
  • Judaismo—Paghahanap sa Diyos sa Tulong ng Kasulatan at Tradisyon
    Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
  • Bahagi 10—537B.C.E. patuloy—Hinihintay Pa Rin ang Mesiyas
    Gumising!—1989
  • Ang Sinaunang mga Kristiyano at ang Kulturang Griego
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Isang Salin ng Bibliya na Bumago sa Daigdig
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 1/15 p. 26-29

Tinapos ng Liwanag ang Isang Panahon ng Kadiliman

ANG daigdig ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga apostol ay lubhang naiiba doon sa mga panahon ng Hebreong Kasulatan. Ang mga mambabasa ng Bibliya na hindi nakababatid nito ay maaaring mag-isip na hindi nagbago ang panlipunan at relihiyosong kalagayan mula kay propeta Malakias hanggang sa manunulat ng Ebanghelyo na si Mateo, anupat nauunawaan lamang nang kaunti kung ano ang naganap sa loob ng 400 taóng nasa pagitan nila.

Nagtatapos ang Malakias, ang huling aklat ng Hebreong Kasulatan sa karamihang Bibliya sa ngayon, sa muling pagbabalik ng mga nalabi ng Israel sa kanilang tinubuang-lupain pagkatapos na sila’y palayain mula sa pagkabihag sa Babilonya. (Jeremias 23:3) Ang tapat na mga Judio ay pinasiglang maghintay sa araw ng paghuhukom ng Diyos upang alisin ang balakyot na sanlibutan at pasimulan ang Mesianikong Panahon. (Malakias 4:1, 2) Samantala, ang Persia ay namahala. Ang mga hukbong Persiano na nanirahan sa Juda ay nagpanatili ng kapayapaan at nagtaguyod ng mga kautusan ng hari sa pamamagitan ng puwersang militar.​—Ihambing ang Ezra 4:23.

Gayunman, ang mga lupain noong panahon ng Bibliya ay hindi nanatiling panatag sa buong yugto ng sumunod na apat na siglo. Ang espirituwal na kadiliman at kalituhan ay nagsimulang maranasan. Ang Malapit na Silangan ay niyanig ng karahasan, terorismo, paniniil, radikal na mga relihiyosong kaisipan, haka-hakang pilosopiya, at kalituhan sa kultura.

Naisulat ang Mateo, ang unang aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, sa isang naiibang panahon. Ipinatutupad ng mga hukbong Romano ang Pax Romana, o Kapayapaang Romano. Ang tapat na mga tao ay sabik na naghihintay sa pagparito ng Mesiyas upang pawiin ang pagdurusa, kalupitan, at karalitaan, at upang magbigay liwanag sa buhay, kasaganaan, at kapanatagan. (Ihambing ang Lucas 1:67-79; 24:21; 2 Timoteo 1:10.) Suriin natin nang malapitan ang dinamikong mga puwersa na humubog sa lipunang Judio noong mga siglo bago isilang si Jesu-Kristo.

Ang Buhay ng mga Judio Noong mga Panahong Persiano

Pagkatapos ng proklamasyon ni Ciro na nagpalaya sa mga Judio mula sa pagkabihag sa Babilonya, noong 537 B.C.E. isang pangkat ng mga Judio at di-Judiong mga kasamahan ang umalis mula sa Babilonya. Ang nalabing ito na madaling tumugon sa espirituwal ay nagbalik sa isang teritoryo na may wasak na mga lunsod at tiwangwang na lupain. Kinamkam ng mga Edomita, taga-Fenicia, Samaritano, mga tribo sa Arabia, at ng iba pa ang dating malawak na teritoryo ng Israel. Ang natira sa Juda at sa Benjamin ay naging ang lalawigan ng Juda na nasa teritoryong Persiano na tinatawag na Abar Nahara (sa Kabila pa Roon ng Ilog) na pinamumunuan ng isang gobernador.​—Ezra 1:1-4; 2:64, 65.

Sa ilalim ng pamamahala ng Persia, nagsimulang maranasan ng Juda ang “isang yugto ng paglawak at paglago ng populasyon,” sabi ng The Cambridge History of Judaism. Idinagdag pa nito tungkol sa Jerusalem: “Ang mga magsasaka at ang mga manlalakbay ay nagdala ng mga kaloob, yumaman ang Templo at ang lunsod, at ang kanilang kayamanan ay nakaakit ng mga dayuhang mangangalakal at mga bihasang manggagawa.” Bagaman lubhang mapagparaya ang mga Persiano sa lokal na pamamahala at relihiyon, sobra naman ang pagpapabuwis at tanging mahahalagang metal ang maaaring ipambayad.​—Ihambing ang Nehemias 5:1-5, 15; 9:36, 37; 13:15, 16, 20.

Ang mga huling taon ng Persianong Imperyo ay totoong maligalig na panahon, punô ng paghihimagsik ng mga gobernador. Maraming Judio ang nasangkot sa isang pag-aalsa sa kahabaan ng Baybaying-Dagat ng Mediteraneo at ipinatapon nang napakalayo sa gawing hilaga, patungong Hyrcania sa Dagat Caspian. Gayunpaman, ang kalakhang bahagi ng Juda ay waring hindi naapektuhan ng pagpaparusa ng Persia.

Ang Panahong Griego

Biglang lumitaw si Alejandrong Dakila na parang leopardo sa Gitnang Silangan noong 332 B.C.E., subalit ang pagkahilig sa mga Griegong kalakal ay matagal nang nauna sa kaniya. (Daniel 7:6) Sa pagkatanto na ang Griegong kultura ay may pulitikal na kahalagahan, kusa niyang sinimulang gawing Helleniko ang kaniyang lumalawak na imperyo. Naging pandaigdig na wika ang Griego. Ang maikling pamamahala ni Alejandro ay nagtaguyod ng pagkahilig sa mapanlinlang na pangangatuwiran, interes sa palakasan, at pagpapahalaga sa magagandang bagay at sining. Unti-unti, maging ang kaugaliang Judio ay nagbigay-daan na rin sa Hellenismo.

Pagkaraan ng kamatayan ni Alejandro noong 323 B.C.E., ang kaniyang mga kahalili sa Siria at Ehipto ang unang nagsiganap sa mga papel na tinukoy ni propeta Daniel na “ang hari ng hilaga” at “ang hari ng timog.” (Daniel 11:1-19) Sa panahon ng paghahari ng Ehipsiyong “hari ng timog,” si Ptolemy II Philadelphus (285-246 B.C.E.), sinimulang isalin ang Hebreong Kasulatan sa Koine, ang pangkaraniwang Griego. Ang saling ito ang siyang tinawag na Septuagint. Maraming bersikulo sa akdang ito ang sinipi sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang Griegong wika ay napatunayang napakahusay sa pagtatawid ng iba’t ibang kahulugan na nagbibigay-liwanag sa isang sanlibutang litó at nadidiliman sa espirituwal.

Pagkatapos na maging hari ng Siria at tagapamahala ng Palestina si Antiochus IV Epiphanes (175-​164 B.C.E.), ang Judaismo ay halos pinawi ng pag-uusig na itinaguyod ng pamahalaan. Pinilit ang mga Judio, sa ilalim ng banta ng kamatayan, na itakwil ang Diyos na Jehova at maghain lamang sa mga bathalang Griego. Noong Disyembre 168 B.C.E., isang paganong dambana ang itinayo sa ibabaw ng dakilang dambana ni Jehova sa templo sa Jerusalem, at ang mga handog ay inihain doon sa Olimpiyanong si Zeus. Ang natitigilan ngunit may tibay-loob na mga lalaking taga-bukid ay nagsama-sama sa ilalim ng pangunguna ni Judas Maccabaeus at puspusang nakipagbaka hanggang sa kanilang masakop ang Jerusalem. Muling inialay sa Diyos ang templo, at tatlong taon matapos itong lapastanganin, ang mga hain sa araw-araw ay sinimulang muli.

Sa paglipas ng natitirang bahagi ng panahong Griego, yaong mga nasa pamayanang Griego ay puspusang nagsikap na palawakin ang kanilang teritoryo sa dati nitong mga hangganan. Ang kanilang natuklasang kagitingan sa militar ay ginamit sa di-maka-Diyos na paraan upang pilitin ang kanilang paganong mga kalapit-bansa na magpakumberte sa ilalim ng banta ng kamatayan. Gayunpaman, ang pulitikal na teoriya ng mga Griego ang siya pa ring namayani sa mga lunsod at mga bayan.

Sa panahong ito, ang mga nagpapaligsahan upang mahirang bilang mataas na saserdote ay karaniwan nang tiwali. Nadungisan ng mga pakana, pamamaslang, at pulitikal na mga alitan ang kanilang pangangasiwa. Habang ang damdamin sa gitna ng mga Judio ay nagiging higit na di-maka-Diyos, lalo namang nagiging popular ang Griegong palakasan. Lubha ngang nakapagtataka na makita ang mga kabataang saserdote na nagpapabaya sa kanilang mga pananagutan upang makilahok lamang sa mga palaro! Ang mga manlalarong Judio ay pumayag pa man din na dumanas ng makirot na operasyon upang maging “di-tuli” nang sa gayon ay maiwasan ang pagkapahiya kapag sila ay nakipagpaligsahan nang nakahubad kasama ng mga Gentil.​—Ihambing ang 1 Corinto 7:18.

Mga Relihiyosong Pagbabago

Maaga noong mga taon pagkatapos ng pagkapatapon, tinutulan ng tapat na mga Judio ang paghahalo ng paganong mga kaisipan at pilosopiya sa tunay na relihiyon na isiniwalat sa Hebreong Kasulatan. Ang aklat ng Esther, isinulat pagkatapos nang mahigit na 60 taóng malapitang pakikisalamuha sa Persia, ay hindi naglalaman ng kahit isang bakas ng Zoroastrianismo. Isa pa, sa mga aklat ng Bibliya na Ezra, Nehemias, o Malakias, na pawang isinulat noong maagang bahagi ng panahong Persiano (537-443 B.C.E.), hindi nakasusumpong ng impluwensiya ng Persianong relihiyong ito.

Gayunman, naniniwala ang mga iskolar na noong huling bahagi ng panahong Persiano, maraming Judio ang nagsimulang tumanggap sa ilang paniniwala ng mga mananamba ni Ahura Mazda, ang pangunahing diyos ng mga Persiano. Ito ay makikita sa popular na mga pamahiin at sa mga paniniwala ng mga Essene. Ang pangkaraniwang Hebreong mga salita para sa mga diyakal, ibang mga hayop sa disyerto, at mga ibong panggabi ay iniugnay ng mga kaisipang Judio sa masasamang espiritu at sa mga halimaw sa gabi ng mga kuwentong-bayan ng Babilonya at Persia.

Nagsimulang malasin ng mga Judio ang mga paganong idea sa naiibang paraan. Ang mga kuru-kuro tungkol sa langit, impiyerno, sa kaluluwa, sa Salita (Logos), at karunungan ay pawang nagkaroon ng bagong mga kahulugan. At kung, gaya ng turo noon, ang Diyos ay totoong napakalayo anupat hindi na siya nakikipagtalastasan sa mga tao, nangangailangan siya ng mga tagapamagitan. Tinawag ng mga Griego ang mga tagapamagitan at bantay na mga espiritung ito na mga daimon. Yamang tinanggap ang idea na ang mga daimon (mga demonyo) ay maaaring maging mabubuti o masasama, ang mga Judio ay madaling naging biktima ng pagsupil ng mga demonyo.

Ang isang positibong pagbabago ay nagsangkot sa lokal na pagsamba. Biglang lumitaw ang mga sinagoga bilang mga dako na kung saan nagtitipon ang magkakalapit na mga kongregasyong Judio para sa relihiyosong pag-aaral at mga serbisyo. Hindi tiyak kung kailan, saan, at papaano nagsimula ang mga sinagoga ng mga Judio. Yamang nasapatan ng mga ito ang mga pangangailangan ng mga Judio sa malalayong lupain ukol sa pagsamba samantalang hindi sila makaparoon sa templo, karaniwan nang paniwala na naitatag ang mga sinagoga noong mga panahon ng pagkapatapon o pagkatapos ng pagkapatapon. Kapansin-pansin naman, ang mga ito’y naging maiinam na dakong-talakayan para kay Jesus at sa kaniyang mga alagad upang ‘maipahayag nang malawakan ang mga kamahalan ng Diyos, ang isa na tumatawag sa mga tao mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.’​—1 Pedro 2:9.

Niyakap ng Judaismo ang Iba’t Ibang Kaisipan

Noong ikalawang siglo B.C.E., nagsilitaw ang iba’t ibang kaisipan. Ang mga ito ay hindi hiwalay na mga relihiyosong organisasyon. Sa halip, ang mga ito ay maliliit na samahan ng Judiong klero, pilosopo, at pulitikal na mga aktibista na nagsikap na impluwensiyahan ang mga tao at supilin ang bansa, na pawang sakop ng Judaismo.

Ang mahilig sa pulitika na mga Saduceo ay halos mayayamang aristokrata, kilala sa kanilang tusong diplomasya sapol noong Hasmonaeanong paghihimagsik noong kalagitnaan ng ikalawang siglo B.C.E. Karamihan sa kanila ay mga saserdote, bagaman ang ilan ay mangangalakal at nagmamay-ari ng lupa. Nang panahong isilang si Jesus, karamihan sa mga Saduceo ay pabor sa pamamahala ng Roma sa Palestina dahil inaakala nila na ito ay mas matatag at mas malamang na makapagpapanatili ng kasalukuyang kalagayan. (Ihambing ang Juan 11:47, 48.) Isang maliit na bilang (mga Herodiyano) ang naniniwala na ang pamamahala ng pamilya ni Herodes ang higit na kaayon ng opinyon ng bayan. Sa papaano man, ayaw ng mga Saduceo na ang bansa ay mapasakamay ng mga panatikong Judio o magkaroon ng panunupil sa templo ang sinuman liban sa mga saserdote. Ang mga paniwala ng mga Saduceo ay konserbatibo, na nakasalig lamang sa kanilang sariling pagpapakahulugan sa mga sulat ni Moises, at nagpapaaninaw ng kanilang pagsalungat sa makapangyarihang sekta ng mga Fariseo. (Gawa 23:6-8) Tinanggihan ng mga Saduceo ang mga hula ng Hebreong Kasulatan bilang mga haka-haka. Itinuro nila na ang mga makasaysayan, matulain, at masalawikaing mga aklat ay hindi kinasihan at hindi kailangan.

Ang mga Fariseo ay nagsimula noong panahong Griego bilang isang matinding reaksiyon sa Hellenismo na salungat sa mga Judio. Gayunman, nang panahon ni Jesus, sila ay mahigpit, nakatali sa tradisyon, istrikto sa pagpapasunod ng batas, mapagmataas, mapagmatuwid-sa-sariling mga mangungumberte at guro na nagsikap na supilin ang bansa sa pamamagitan ng pagtuturo sa sinagoga. Karamihan sa kanila ay galing sa uring nakaririwasa nang kaunti at nanghahamak ng pangkaraniwang mga tao. Minalas ni Jesus ang karamihan sa mga Fariseo bilang makasarili, walang-awang mangingibig sa salapi na punô ng pagpapaimbabaw. (Mateo, kabanata 23) Tinanggap nila ang buong Hebreong Kasulatan ayon sa kanilang sariling pagpapaliwanag subalit minalas sa kaparehong paraan o nang higit pa nga ang kanilang binigkas na mga tradisyon. Sinabi nila na ang kanilang mga tradisyon ay “isang bakod sa palibot ng Batas.” Gayunman, malayo sa pagiging isang bakod, pinawalang-bisa ng kanilang mga tradisyon ang Salita ng Diyos at nilito ang publiko.​—Mateo 23:2-4; Marcos 7:1, 9-13.

Ang mga Essene ay mga mistiko na waring naninirahan sa ilang nakahiwalay na mga pamayanan. Itinuring nila ang kanilang mga sarili bilang ang tunay na nalabi ng Israel, anupat may kabanalang naghihintay na tanggapin ang ipinangakong Mesiyas. Itinaguyod ng mga Essene ang isang buhay na nakatalaga sa pagbubulay-bulay at sa pagpapakasakit, at marami sa kanilang paniniwala ay masasalamin sa mga kuru-kurong Persiano at Griego.

Maraming uri ng inuudyukan-ng-relihiyon, panatiko at makabayang mga Zealot ang may kapootang nagturing na kaaway ang sinuman na sumasalungat sa kalayaan ng Judiong bayan. Inihalintulad sila sa mga Hasmonaeano at pangunahin nang nakaakit sa mga kabataang lalaki na mapanghawak sa mabubuting simulain at mapagsapalaran. Minalas bilang mga mamamatay na tulisan o bilang mandirigma ng oposisyon, gumamit sila ng mga pamamaraang gerilya na nagpangyaring maging mapanganib ang mga lansangang-bayan at mga liwasang-dako at nakaragdag sa kaigtingan ng panahon.

Sa Ehipto, nanagana ang pilosopiyang Griego sa mga Judio sa Alexandria. Mula roon ay kumalat ito sa Palestina at sa nakapangalat na mga Judio ng Diaspora. Binigyang-kahulugan ng mga mapagkuru-kurong mga Judio na sumulat ng Apokripa at Pseudepigrapha na ang mga sulat ni Moises ay mahirap unawain, walang-saysay, at mga gawa-gawa lamang.

Nang sumapit na ang panahong Romano, lubusan nang nabago ng Hellenisasyon ang panlipunan, pulitikal, at pilosopikal na kalagayan ng Palestina. Ang salig-sa-Bibliyang relihiyon ng mga Judio ay napalitan ng Judaismo, isang pinaghalong kaisipang Babiloniko, Persiano, at Griego na may kalakip na kaunting maka-Kasulatang katotohanan. Gayunman, lahat-lahat, ang mga Saduceo, Fariseo, at mga Essene ay binubuo nang wala pang 7 porsiyento ng bansa. Ang mga napalibutan ng ganitong naglalabanang mga puwersa ay ang napakaraming Judio, na “nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.”​—Mateo 9:36.

Sa madilim na daigdig na iyon lumitaw si Jesu-Kristo. Nakaaaliw nga ang kaniyang tumitiyak na paanyaya: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pananariwain ko kayo.” (Mateo 11:28) Kapana-panabik ngang marinig siyang sabihing: “Ako ang liwanag ng sanlibutan”! (Juan 8:12) At talaga namang nakasisiya ang kaniyang nakapagpapagalak-pusong pangako: “Siya na sumusunod sa akin ay hindi sa anumang paraan maglalakad sa kadiliman, kundi magtataglay ng liwanag ng buhay.”​—Juan 8:12.

[Larawan sa pahina 26]

Ipinakita ni Jesus na nasa espirituwal na kadiliman ang mga Judiong pinuno ng relihiyon

[Larawan sa pahina 28]

Barya na nagtataglay ng larawan ni Antiochus IV (Epiphanes)

[Credit Line]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share