Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 6/8 p. 9-10
  • May Pag-asa ba sa Isang Daigdig na Walang Sandata?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • May Pag-asa ba sa Isang Daigdig na Walang Sandata?
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Inilantad ang Isang Lihim na Ugat
  • Pag-aalis sa Pasanin ng mga Armas
  • Mga Tagapamahala sa Dako ng mga Espiritu
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Ang Digmaan na Tatapos sa mga Digmaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Kapangyarihan Ba ng Tao ang Susugpo Nito?
    Gumising!—1989
  • Ang Wakas ng mga Sandatang Nuklear—Paano?
    Gumising!—1988
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 6/8 p. 9-10

May Pag-asa ba sa Isang Daigdig na Walang Sandata?

KAY laking ginhawa kapag ang dumadagang pasanin ng negosyo ng armas ay naalis na at ang pandaigdig na mga salansan ng sandata ay naparam na! May pag-asa ba ukol dito? Ipinakikita ng kasaysayan na hindi ito kusang gagawin ng mga bansa. Isa pa, ang mga armas ay sintomas lamang. Ang suliranin ay dapat sugpuin sa pinaka-ugat upang ito ay ganap na malunasan. Matutunton ba ang ugat, at kung oo, sino ang susugpo nito?

Ang negosyo ng armas ay binubuhay ng isa sa pinakamatinding sumpa sa tao, digmaan. Ngunit ang digmaan ay hindi iniluwal ng negosyo ng armas. Sa halip, ang negosyo ng armas ang nagluwal ng digmaan. Kung gayon, digmaan kaya ang ugat ng kasamaan? Hindi, ang digmaan ay isa lamang sa mga sanga na nagpapayabong sa negosyo ng armas. Ano ang bumubuhay sa sangang ito?

Sino ang may karapatan na magpahayag ng digmaan? Ang kapangyarihang ito ay iniaatang ng lahat ng konstitusyon sa kani-kanilang mga pamahalaan, na siyang karaniwang nagbubunsod ng digmaan upang paunlarin o ipagsanggalang ang pambansang kapakanan. Ang pamahalaan ay tinatangkilik ng mga tao. Kaya ang suliranin ay kaugnay ng buong pamamalakad ng tao, na inimpluwensiyahan ng nasyonalismo, paligsahan sa ekonomiya, teritoryal na imperyalismo, at pagtatangi ng lahi. Kaya ang ugat ba ay nasa pamamalakad na ito? Hindi. Ipakikita ng masusing pagsusuri na ang balakyot na sistemang ito ay binubuhay ng isang lihim na ugat, isa na niwawalang-bahala ng marami.

Inilantad ang Isang Lihim na Ugat

Ang ugat na ito ay inilantad sa Bibliya. Isinisiwalat ng matandang aklat na ito na, udyok ng mapag-imbot na ambisyon, isang makapangyarihang espiritung nilikha ang naghimagsik sa Diyos. (Job 1:6-12; 2:1-7) Tinatawag siyang Satanas (nangangahulugang, Kaaway) at Diyablo (nangangahulugang, Tagapagparatang, Maninirang-puri). Siya ang naghasik ng kasalanan at kamatayan sa sambahayan ng tao. (Genesis 3:1-7) Kaya, tinatawag siya na “ang balakyot.” Inudyukan niya ang unang pagpatay sa kasaysayan ng tao, ang pagpatay ni Cain kay Abel.​—1 Juan 3:12; Genesis 4:8.

Inilalantad din ng Bibliya si Satanas bilang “diyos ng pamamalakad na ito ng mga bagay,” ang dakilang “dragon” na ‘nagkakaloob ng kapangyarihan, luklukan, at dakilang kapamahalaan’ sa makapulitikang sistema ng pamamahala sa daigdig. Buong-kagitingang sinabi ni Jesu-Kristo na “ang Diyablo . . . ay isang mamamatay-tao nang siya’y magsimula” at inilarawan ito bilang “pinuno ng sanlibutan.”​—2 Corinto 4:4; Apocalipsis 12:9; 13:1, 2; Juan 8:44; 14:30.

Gayumpaman, hindi magtatagal ang nakamamatay na ugat na ito. Ang yugtong ito ng kasaysayan ay ipinakikilala ng Bibliya bilang mga huling araw ng pamamalakad ni Satanas, kaya “kaunting panahon na lamang mayroon siya” bago siya tuluyang wakasan at pati na ang mga pakana niya. Ang ginhawa mula sa satanikong impluwensiyang ito ay makasagisag na inilarawan ng apostol ni Jesus na si Juan: “Nakita ko ang isang anghel na nananaog mula sa langit na may susi ng kalaliman at isang malaking tanikala sa kaniyang kamay. At sinunggaban niya ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diyablo at Satanas, at ginapos sa loob ng isang libong taon. Siya’y ibinulid sa kalaliman at ito’y sinarhan at tinatakan sa ibabaw niya, upang siya ay huwag nang mandaya pa sa mga bansa hanggang sa maganap ang isang libong taon. Pagkatapos nito ay kailangang pakawalan siya nang sandaling panahon.”​—Apocalipsis 12:12; 20:1-3.

Pag-aalis sa Pasanin ng mga Armas

Kapag naputol ang ugat, titigil na ang lahat ng masasamang impluwensiya nito. Upang maisauli ang isang libong taon ng kapayapaan sa lupa, ang dumadagang pasanin ng mga armas ay aalisin ni Jehova, ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat: “Parito kayo, mga bayan, masdan ninyo ang mga gawa ni Jehova, kung anong kamangha-manghang mga bagay ang kaniyang ginagawa sa lupa. Pinahihinto niya ang mga digmaan hanggang sa wakas ng lupa. Binabali niya ang busog at pinagpuputul-putol ang sibat; ang mga karo ay sinusunog niya sa apoy.”​—Awit 46:8, 9.

Milyun-milyong tao ang naghahanda na ngayon upang mamuhay sa ilalim ng mapapayapang kalagayang ito. Tinutupad na ng mga Saksi ni Jehova ang hulang ito: “Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa sila ng pakikidigma.” (Isaias 2:4) Kaya, hindi sila kasali sa alinmang anyo ng pagbebenta ng armas. Gaya ni Jesus at ng mga alagad niya, nananatili silang neutral sa pulitika at hindi nakikibahagi sa alinmang makalupang digmaan o alitan, anuman ang mangyari.​—Juan 17:16.

Ayon sa natutupad na hula sa Bibliya, hindi magtatagal at wala nang papandaying armas ukol sa digmaan, at lahat ng yaman ng lupa ay gagamitin pawang sa ikabubuti ng mga mamamayan nito. Ginagarantiyahan ito ng Prinsipe ng Kapayapaan, si Jesu-Kristo, ang Hari ng buong lupa: “Kaniyang ililigtas ang mapagkailangan kapag dumaraing, at ang dukha at sinumang walang katulong. Siya’y maaawa sa dukha at maralita, at ililigtas niya ang kanilang kaluluwa. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa sa kapighatian at karahasan, at magiging mahalaga ang kanilang dugo sa kaniyang paningin.” Kaya, magalak! Darating na ang isang daigdig na walang sandata!​—Awit 72:12-14.

[Mga larawan sa pahina 10]

Malapit nang mawala ang digmaan. Sa halip, ang lupa ay magiging isang mapayapang paraiso.

[Credit Lines]

U.S. Marine Corps photo

Tahiti Tourist Promotion Board

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share