Mula sa Aming mga Mambabasa
Paghihiwalay Ako’y may problema tungkol sa isang may depektong pagliligawan nang mabasa ko ang inyong artikulo. (“Dapat ba Kaming Maghiwalay?” Hulyo 22, 1988) Ito’y isang payo na ibinigay sa tamang panahon. Para bang nabunutan ako ng tinik. Ngayo’y alam ko na kung ano ang hahanapin at kung ano ang gagawin sa panahon ng pagliligawan. Wala pa akong nalalamang organisasyon na nag-iisip tungkol sa mga kabataan na gaya ng ginagawa ninyo. Ipagpatuloy ninyo ang inyong ginagawa.
E. E., Ghana
Maria Kamakailan ang Gumising! ay may artikulo tungkol kay Maria (Nobyembre 8, 1988) at minamaliit ang halaga na ibinibigay namin sa kaniya. Binabati namin si Maria na gaya ng pagbati ni Gabriel. Tinatawag namin siyang ‘pinagpala’ at ‘Ina’ na gaya ng nasa Kasulatan. Kami’y maligaya at nais naming manatiling gayon.
M.P.M., Brazil
Gaya ng nauunawaan namin, ang paksa tungkol kay Maria ay malapit na malapit sa puso ng mga Katoliko, at kami’y sumasang-ayon na si Maria ay lubhang pinagpala ng Diyos. Gayunman, ipinakita ng aming mga artikulo na hindi sinusuportahan ng Bibliya ang marami sa mga tradisyon may kaugnayan sa kaniya, gaya ng Imaculada Concepcion, ang Assumption o Pag-akyat sa Langit, o ang kaniyang bahagi bilang tagapamagitan. (Levitico 12:6-8; Lucas 2:22-24; 1 Corinto 15:50; 1 Timoteo 2:5) Samakatuwid, ang isyu na nakakaharap ng mga Kristiyano ay hindi kung baga sila ay sumasamba sa paraan na ninanais nila kundi kung baga sila ay ‘sumasamba sa katotohanan.’ (Juan 4:23)—ED.
Hindi Pagkakamali ng Papa Nasindak ako sa inyong labas noong Pebrero 8, 1989. (“Ang Papa ba ay Hindi Maaaring Magkamali?”) Taimtim akong naniniwala na dapat pahalagahan ng lahat ng maibigin sa Diyos kung ano ang kanilang pinaniniwalaan at gumawang magkakasama sa pagkakaisa. Ngunit ito ay isang pag-atake, walang katotohanan, hindi mahusay ang pagkakagawa, at hindi gaanong sinaliksik. Ano ang gusto ninyong palabasin?
E.S., Estados Unidos
Sa kalakhang bahagi, iniuulat lamang namin kung ano ang sinasabi mismo ng mga Katoliko tungkol sa kanilang sarili may kaugnayan sa doktrina ng hindi pagkakamali ng papa. Tunay, ang mga artikulo ay binatay sa halos ay Katolikong mga pinagmulan, marami sa mga ito ay nagtataglay ng imprimatur ng Simbahang Katoliko. Sinisikap din naming tulungan ang aming mga mambabasa na suriin ang doktrinang ito sa liwanag ng mga Kasulatan. Ang gayong makatuwirang pagsusuri ng relihiyosong mga paniwala, bagaman marahil masakit, ay lubhang mahalaga sa kaninumang taimtim na naghahanap ng katotohanan.—ED.
Ang Bagyong si Gilbert Nagkaroon ako ng ibang impresyon sa inyong artikulo (Marso 22, 1989) na ang mga tulong na panustos ay ipinadadala lamang sa mga Saksi sa dakong iyon ng Mexico. Kumusta naman ang mga taong hindi mga Saksi? Mayroon ding pahiwatig ng ‘pagpapasikat’ nang sabihin ng inyong artikulo na ‘ang mga kapitbahay ay hangang-hanga’ sa inyong mga pagsisikap na tumulong.
C. T., Estados Unidos
Kailanman ay hindi namin winawalang-bahala ang kalagayan ng iba kapag nangyari ang mga sakuna. Ipinakita ng naunang mga artikulo kung paanong ang mga Saksi ni Jehova ay handang tumulong sa kanilang kapuwa sa gayong mga panahon. Halimbawa, tingnan ang artikulong pinamagatang “The Levee Has Broken!” (Oktubre 8, 1986) Kaya sinisikap naming “gumawa ng mabuti sa lahat, subalit lalo na sa mga kapananampalataya natin.” (Galacia 6:10) Bagaman ang aming motibo ay hindi upang pahangain ang iba, karaniwan nang ang gayong mabubuting gawa ay nag-uudyok sa mga nagmamasid na bumigkas ng mga salita ng papuri. (1 Pedro 2:12)—ED.
May Kapansanan Labis kong pinasasalamatan ang inyong artikulong “May Kapansanan Ngunit Matagumpay.” (Oktubre 22, 1988) Dahil sa ako’y may cerebral palsy, kung minsan iginigiit ng mga tao na tratuhin ako na para bang ako’y walang magawang anumang bagay. Sabi nila: ‘Hindi mo magagawa ito. Teka, hayaan mong tulungan kita!’ gaya ng ipinakita ng inyong artikulo. Gayunman, nasumpungan ko na kapag sinubukan ko, magagawa ko!
C.S., Estados Unidos