Nasa Pampatulog na mga Cassette ba ang Sagot?
Nahihirapan ba kayong matulog? Masyado ba kayong mataba? Sinusubukan ba ninyong daigin ang masasamang ugali? Kung gayon, ang tulong ay nariyan lamang sa inyong cassette recorder, ayon sa mga gumagawa ng mga pampatulog na cassette.
Ang isang panig ng cassette ay naglalaman ng bersiyon na pang-araw at sa kabila naman ang bersiyong panggabi. Ang pang-araw na bersiyon ay naglalaman ng tugtuging kinatha ukol sa inyong partikular na problema at dapat madalas patugtugin, sabi ng mga gumagawa, kahit na kayo ay hindi matamang nakikinig. Layunin nito na ihanda ang isip sa mensahe ng panggabing bersiyon.
Ayon sa mungkahi, ang panggabing bersiyon ay dapat lamang patugtugin kapag ang isa ay makapagpapahingalay, lalo na bago matulog kung gabi. Pagkaraan ng maikling panahon, patutulugin kayo ng tinig ng isang hipnotista. Ayon sa anunsiyo, ang inyong diwa ay hindi kailanman natutulog, kaya maaari nitong tanggapin ang kaniyang mga mensahe kahit kayo’y natutulog.
Gayumpaman, iniuulat ni Alan Baddeley, direktor ng Applied Psychology Unit ng British Medical Research Council sa Cambridge, Inglatera, na ang diwa ay limitado sa magagawa nito. Sinasabi niya na pinawalang-saysay ng mga pagsubok ang bisa ng di-umano’y mga pampatulog na ito. Ang pasiya niya: “Maliwanag nga na kung gusto ninyong matuto, mahalaga na kayo ay magkaroon ng malay sa panahong yaon.”
Ang isa pang mahalagang bagay na dapat isaalang-alang ay ang kaugnayan ng mga cassette sa hipnotismo. Mapanganib ang pagsusuko ng sariling isip at kalooban sa ibang tao, na sa kasong ito ay ang hipnotista. Ang pagdaig sa mga kahinaan ay hindi makukuha sa pagpapailalim ng isipan sa impluwensiya ng tugtugin o mga tinig ng di-nakikitang mga tao. Ang sagot ay nasa pagkakamit ng tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos at pagpapaakay sa kaniyang banal na espiritu. (Roma 12:2; Efeso 4:22-24) Higit sa lahat, ito ang magkakaloob ng pag-asa ng walang-hanggang buhay sa ligtas-sa-suliranin na bagong sistema ng Diyos na napakalapit na.—Apocalipsis 21:3-5.