Ang Kinabukasan ng Relihiyon sa Liwanag ng Kahapon Nito
Bahagi 14—622 C.E. patuloy—Pagpapasakop sa Kalooban ng Diyos
“Sa mga sugong ito dinakila Natin ang ilan na nakahihigit sa iba.”—Al-Baqarah (sūra 2), talatang 253, mula sa Qur’āna
KINIKILALA ng mga taong naniniwala sa isang makapangyarihan, maibiging Diyos ang karunungan ng pagpapasakop sa kaniyang kalooban. Pinahahalagahan nila ang patnubay na inilalaan niya sa kanila sa pamamagitan ng mga sugò na pinagkalooban niya ng banal na kaalaman. Ang ilan sa mga sugong ito ay kinikilala hindi lamang ng isang pangunahing relihiyon sa daigdig. Halimbawa, mahigit na 800 milyong tagasunod ng Islam ang kumikilala sa Judio-Kristiyanong mga tao na gaya nina Adan, Noe, Abraham, Moises, David, at Jesus bilang pangunahing mga propeta ng Diyos. Subalit ang ikapito, sa paniwala nila, ay dinakila sa lahat ng iba pang sugò—ang propetang si Muḥammad.
Ang pangalang Islam ay makahulugan, yamang ito’y nagpapahiwatig ng pagpapasakop o pagsuko—sa diwang ito, ang pagpapasakop sa batas at kalooban ni Allah. Ang isang taong nagpapasakop o sumusuko ay tinatawag na isang “Muslim,” ang aktibong pandiwari ng salitang islam. Ang mga Muslim ay nagpapasakop kay Allah. Itinuturing na isang personal na pangalan, ang Allah ay pinaikling Al-Ilah, salitang Arabe na nangangahulugang “Ang Diyos.” Ang pangalan ay lumilitaw sa Qur’ān ng mga 2,700 beses.
Ang Pangunahing Propeta ng Islam
Si Muḥammad bin Abdullah (ang anak ni Abdullah), ang nagtatag ng Islam, ay isinilang sa Mecca, Saudi Arabia, noong mga taóng 570 C.E. Hindi nakasiya sa kaniya ang lokal na politeistikong paniniwala at mga ritwal. Maliwanag na hindi rin niya naibigan ang Judaismo o Kristiyanismo. Ganito pa ang sabi ni H. M. Baagil, isang autor na Muslim: “Sapagkat ang Kristiyanismo ay lumihis sa orihinal na mga turo ni Jesus, kaya naman ipinadala ni Allah bilang bahagi ng Kaniyang orihinal na plano ang Kaniyang huling Propeta, si Muḥammad, bilang isang tagapagpanibagong-buhay upang isauli ang lahat ng mga pagbabagong ito.”
Binigyan ni Muḥammad ang mga ritwal at mga seremonya ng Arabeng diwa. Ang Jerusalem at ang templo nito ay hinalinhan ng Mecca at ng sagradong dambana nito, ang Kaaba. Ang Sabado ng mga Judio at Linggo ng mga Kristiyano ay pinalitan ng Biyernes bilang isang araw ng pananalangin. At sa halip na si Moises o si Jesus, si Muḥammad ngayon ay itinuring ng mga Muslim bilang ang pangunahing propeta ng Diyos.
Nang mga edad 40, ipinahayag ni Muḥammad na siya ay tinawag bilang sugò ng Diyos. Sa simula ibinahagi niya ang kaniyang mga paniniwala sa kaniyang mga kamag-anak at mga kaibigan, unti-unting nagkakaroon ng isang pangkat ng mga tagasunod. Ang aktuwal na pasimula ng panahong Islamiko ay noong 622 C.E., nang siya ay mandayuhan mula sa Mecca tungo sa Medina, isang pangyayari na tinatawag na hijrah, Arabe para sa “pandarayuhan.” Kaya, ang mga petsang Muslim ay tinatawag na A. H. (Anno Hegirae, taon ng pagtakas).
Sinikap ni Muḥammad na papagkasunduin ang mga Judio sa Medina sa kaniyang bagong relihiyon at sa kaniyang bahagi bilang isang propeta. Subalit nabigo ang panghihikayat. Sinalansang nila siya at nakipagsabwatan sa kaniyang mga kaaway sa Mecca at sa Medina. Nang maglaon ang pangunahing mga grupo ng mga Judio ay pinalayas, at isang angkan, ang Qurayzah, ay nilipol sa pamamagitan ng pagpatay sa mga lalaki at ang mga babae at mga bata ay inalipin.
Sa wakas, ang Mecca ay mapayapang nasakop noong 8 A.H. (630 C.E.), gaya ng karamihan ng Peninsula ng Arabia. Mga ilang dekada pagkamatay ni Muḥammad, isang pagtatalo tungkol sa hahalili ang humantong sa isang digmaang sibil na, bilang reaksiyon, itinaguyod ng pamayanan ang halos mapagbigay na saloobin sa mga pangkat at ideya na hindi Islam.
Higit Pa Kaysa Isang Relihiyon
Ang Islam ay isang ganap na paraan ng pamumuhay, pumapalibot sa Estado, sa mga batas nito, sa sosyal na mga institusyon nito, at sa kultura nito, at samakatuwid ay hindi lamang isang relihiyon. Ipinaliliwanag nito kung bakit ang aklat na Early Islam ay nagsasabi na sa mahigit na 600 taon, ang “Islam ang pinakamapanghamong relihiyon sa daigdig, ang pinakamalakas na pulitikal na puwersa at ang pinakamahalagang kultura nito.”
Tunay, sa loob lamang ng isang dantaon pagkamatay ni Muḥammad, isang imperyong Arabe, na mas malaki sa Imperyong Romano sa tugatog nito, ay umaabot mula sa India patungo sa Hilagang Aprika hanggang sa Espanya, na naghahatid ng mga imbensiyon na nagpayaman sa Kanluraning kabihasnan. Gumawa ito ng natatanging kontribusyon sa larangan ng batas, matematika, astronomiya, kasaysayan, literatura, heograpiya, pilosopiya, arkitektura, medisina, musika, at siyensiyang panlipunan.
Parang Bulalakaw na Agad Naubos
“Ang mga pananakop ng Arabe ay tuwirang bunga ng pangangaral ni Muḥammad,” sabi ng The Collins Atlas of World History. Mangyari pa, ang ibang salik ay nakatulong din sa paglaganap ng Islam. Halimbawa, ang relihiyosong labanan sa pagitan ng mga Kristiyano sa Byzantium at ang mga Zoroastriano ng Persia ay bumulag sa kanilang dalawa sa paglusob ng Arabe.
Ang pagsisikap na pagkaisahin ang magkalayong imperyo sa pamamagitan ng relihiyon ay hindi bago. Subalit “kumbinsido ang mga Moslem na taglay nila sa Koran ang pangwakas at hindi matututulang pahayag ng katotohanan,” sabi ng autor na si Desmond Stewart. Sila’y naging kampante, “naniniwalang ang lahat ng nararapat malaman ay alam na, at na ang mga ideya na hindi Moslem ay walang halaga.” Ang mga pagbabago ay “mahigpit na tinanggihan.”
Dahil dito, noong ika-11 siglo, ang imperyo ay humina na. Itinulad ito ni Stewart sa “isang bulalakaw na gumuguhit sa langit sa gabi [na] . . . ang lakas ay agad na naubos sa ganang sarili.” Kaya, ang relihiyong ito, na lumikha ng isang diwa ng kapatiran at nag-aalok ng lubhang madaling paraan ng personal na paglapit sa Diyos, ay aktuwal na nakatulong sa pagbaba ng mismong imperyo na dati nitong tinutulungang itayo. Kasimbilis ng pagtaas nito, gayundin kabilis ang pagkamatay nito. Ang imperyo ay namatay, subalit ang relihiyon nito ay nagpapatuloy.b
Kabilang sa tunay na pagpapasakop ang pagsunod sa Diyos, sa kaniyang mga batas, at sa kaniyang mga kinatawan. Si Muḥammad ay nagtagumpay na pagkaisahin ang mga tribong Arabe sa Arabia, itinatatag ang isang pamayanang Islam (Ummah) na nakasentro sa kaniya at sa Qur’ān. Isa itong relihiyosong estado kung saan ang pagpapasakop ay nakatulong sa paggawa sa kanila na magkakapatid sa ilalim ng isang lider. Ipinahintulot ng Islam ang paggamit ng tabak sa pakikipagbaka sa mga kaaway ng mga tribong Arabe. Ang tabak na ito ay nakatulong upang palawakin ang kanilang imperyo at ang kanilang relihiyon. Nang mamatay si Muḥammad, bumangon ang mararahas na suliranin. Sa simula ito ay pulitikal na suliranin, na bumangon sa pagpili ng isang Khalifah, isang lider. Inudyukan nito ang marami na gamitin ang kanilang tabak upang labanan ang kanilang mga kapatid. Ang pagsasama ng relihiyon at ng gobyerno ay humati sa pamayanan. Hindi mapag-isa ng “pagpapasakop” ang mga tao sa ilalim ng isang lider.
Sinasabi ng tradisyon na nakini-kinita mismo ni Muḥammad ang 72 pangkat ng mga erehes na magmumula sa Islam. Subalit ngayon binabanggit ng ilang autoridad ang ilang daang pangkat.
Ang dalawang pangunahing pagkakahati ay ang Shia at Sunni. Ang bawat isa, gayunman, ay may marami pang pagkakahati. Sa bawat 100 Muslim, halos 83 ay Sunni at mga 15 ang Shiite. Ang iba ay kabilang sa iba’t ibang sekta na gaya ng Druze, Itim na Muslim, at mga Abangan ng Indonesia, na pinagsasama ang Budismo, Hinduismo, at lokal na mga relihiyon.
Ang isang tampok na bahagi ng minoridad ng Shiite ay ang paniniwala na ang relihiyon at ang Qur’ān ay may esoteriko, o natatagong, mga kahulugan. Subalit ang suliranin tungkol sa paghalili ang dahilan ng aktuwal na pagbangon ng pagkakabaha-bahaging Shiite. Ang mga Shiite (isang salitang nangangahulugan ng “kapanig,” na tumutukoy sa “mga kapanig ni ‛Alī”) ay nanghahawakan sa isang doktrina na tinatawag na lehitimismo, sinasabing ang karapatang magpuno ay limitado lamang kay ‛Alī, pinsan at manugang na lalaki ni Muḥammad, at sa mga inapo ni ‛Alī.
Si ‛Alī at ang kaniyang mga inapo ay mga imam, mga pinuno na may ganap na espirituwal na autoridad. May pagtatalo sa kung gaano karami ang mga imam, at ang pinakamalaking grupong Shiite, tinatawag na Twelver Shia, ay naniniwala na mayroong 12. Noong 878 C.E. ang ika-12 iman ay naging “natatago,” ang ibig sabihin, siya ay naglaho pagkatapos mangako na siya’y magbabalik sa katapusan ng mundo upang itatag ang isang Islamikong pamahalaan ng katarungan.
Taunang inaalaala ng mga Shiite Muslim ang pagkamartir ni Husayn, ang apo ni Muḥammad. Ganito ang komento ng autor na si Rahman: “Palibhasa’y pinakain mula sa pagkabata ng gayong makasagisag na mga pagganap ng pangyayaring ito, ang isang Shī‘ī Muslim ay malamang na magkaroon ng matinding pagkadama ng trahedya at kawalang katarungan bunga ng isang huwarang pagkamartir.”
Mga Katibayan ng Pagkakabaha-bahagi?
“Ang pagpapakilala ng pilosopyang Griego at lohika noong ikasiyam na siglo,” sabi ng The Columbia History of the World, ay “nagbigay-daan sa pagbangon ng isang naiibang pilosopyang Islam (falsafa) na may malaking epekto sa makatuwiran at teolohikal na pangmalas ng Islam. . . . Sa paglipas ng panahon ang Islam mismo, bilang isang relihiyon at paraan ng pamumuhay, ay nagkaroon ng napakalaking pagbabago na nakaapekto sa pagkakaisa nito.”
Halimbawa, ang Sufismo, ang Kanluraning kataga para sa mistisismong Islam, ay lumitaw noong ikawalo at ikasiyam na siglo at mabilis na naging isang relihiyosong kilusan. Noong ika-12 siglo, ang mga kaayusang Sufi, o mga kapatiran, ay laganap. Halos pangibabawan ng monasteryong Sufi ang mosque sa kahalagahan. Kabilang sa mga gawaing masusumpungan sa Sufismo ang autohipnotismo na udyok ng mga paraan ng pagtutuon ng isip o silakbong pagsasayaw, ang pag-oorasyon, paniniwala sa mga himala, at ang pagsamba sa mga santo.
Ang mga Sufi ay nakipagkompromiso sa lokal na mga kaugalian at mga paniwala. Pinanatili ng mga Turko ang kanilang mga gawaing shamanistiko, ng mga Aprikano ang kanilang mga lalaking manggagamot, ng mga Indian ang kanilang Hindu at bago pa ang Hindu na mga santo at mga diyos, at ng mga taga-Indonesia—gaya ng pagkakasabi rito ng The New Encyclopædia Britannica—ang kanilang “pangmalas bago ang daigdig Islamiko sa ilalim ng nangibabaw na mga gawaing Islāmiko.”
Isang kilalang sekta na galing dito kamakailan ay ang relihiyong Baha’i na mula sa Shiite Islam noong kalagitnaan ng ika-19 na siglong Iran. Ang isa pa ay ang sektang Sunni na tinatawag na Ahmadīyah, na naitatag noong dakong huli ng ika-19 na siglong India, nang si Mirza Ghulam Ahmad, isang nag-aangkin-sa-sariling propeta, ay nagsasabing isang kapahayagan ni Muḥammad, ang nagbalik na si Jesus, at isang inkarnasyon ng Hindung si Krishna. Itinuro niya na si Jesus, pagkatapos takasan ang kamatayan sa Golgotha, ay natungo sa India, kung saan siya ay nanatiling aktibo hanggang sa kaniyang kamatayan sa gulang na 120.
Sa kaniyang mga komentaryo sa Qur’ān, ang autor na Muslim na si S. Abul A‛la Maududi ay nagsabi: “Sa panahon ng paghahayag ng Al-Baqarah [ang sūrah na sinipi sa simula ng artikulo], lahat ng uri ng mga taong mapagkunwari ay naglitawan.” Kasali na rito ang “munāfiqīn (mapagpaimbabaw) na mga ‘Muslim’ . . . na intelektuwal na kumbinsido sa katotohanan ng Islam subalit walang sapat na moral na lakas ng loob na isuko ang kanilang dating mga tradisyon.”
Kaya mula sa simula, maraming tagasunod ang maliwanag na hindi nagpasakop kay Allah sa paraan na nilayon ni Muḥammad. Subalit ang iba ay napasakop. Upang alisin ang hamon na inihaharap nito, ang Sangkakristiyanuhan man ay “Gumamit ng Tabak,” gaya ng ilalarawan ng aming labas sa Agosto 8.
[Mga talababa]
a “Ang Qur’ān (na ang ibig sabihi’y “pagbigkas”) ang pagbaybay na pinapaburan ng mga manunulat na Muslim at na siya naming gagamitin dito sa halip ng Kanluraning anyo na “Koran.”
b Ang karaniwang palagay na ang Islam ay isang relihiyong Arabe ay mali. Karamihan ng mga Muslim ngayon ay hindi Arabe. Ang Indonesia, ang pinakamataong bansang Muslim, ay may 150 milyong mga tagasunod.
[Kahon sa pahina 22]
Upang Tulungan Kang Lalong Maunawaan ang Islam
Ang Limang Haligi ng Islam ay humihiling na ang mga Muslim sa paano man ay dapat hayagang gumawa ng pagtatapat ng pananampalataya na kilala bilang Shahādah—“Walang ibang diyos maliban sa Diyos; si Muhammad ang propeta ng Diyos”; manalangin ng limang beses isang araw; magbayad ng zakat, isang sapilitang buwis, ngayo’y karaniwang kinukolekta ayon sa kusang-loob na pagbibigay; mag-ayuno mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog ng araw sa panahon ng ikasiyam na buwan, ang Ramadan; at kahit na minsan, kung kaya niya, ay magsagawa ng hajj (peregrinsyon) sa Mecca.
Ang “jihad” (“sagradong digmaan” o “sagradong labanan”) ay itinuturing ng sektang Khariji na ikaanim na haligi subalit hindi ng mga Muslim sa pangkalahatan. Ang layunin nito, sabi ng The New Encyclopædia Britannica, “ay hindi ang pagkomberte sa mga indibiduwal sa Islām kundi bagkus ang pagkakamit ng pulitikal na pamamahala sa sama-samang gawain ng lipunan upang pangasiwaan ito ayon sa mga simulain ng Islām.” Ipinahihintulot ng Qur’ān ang gayong “sagradong digmaan,” na sinasabi: “Huwag kang papatay ng sinumang tao na ipinagbabawal ni Allah na patayin mo, maliban sa isang makatarungang dahilan.”—Sūrah 17:33.
Ang pangunahing pinagmumulan ng doktrina at batas Islamiko ay ang Qur’ān, isinulat sa loob ng mahigit na sangkapat ng isang siglo; ang sunnah (mga tradisyon); ijmā‛ (pinagkaisahan ng pamayanan); at ang qiyās (indibiduwal na kaisipan). Ang Islamikong kodigong kautusan, ang Sharī‘ah, may kaugnayan sa ganap na relihiyoso, pulitikal, sosyal, pampamilya, at personal na buhay ng mga Muslim, ay ginawang sistematiko noong ikawalo at ikasiyam na siglo C.E.
Ang Mecca, Medina, at Jerusalem, sa gayong pagkakasunud-sunod, ang tatlong pinakasagradong lugar ng Islam: ang Mecca dahil sa dambana ng Kaaba nito, na ayon sa sinasabi ng tradisyon ay itinayo ni Abraham; ang Medina, kung saan naroon ang mosque ni Muhammad; at ang Jerusalem sapagkat mula roon, ayon sa tradisyon ay ginawa ni Muhammad ang kaniyang pag-akyat sa langit.
[Mapa/Mga larawan sa pahina 23]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang Imperyong Islamiko noong tugatog nito