Ano ang Sasabihin Ninyo sa Isang Muslim?
1 Naranasan na ba ninyong magpatotoo sa isang Muslim? Kung oo, malamang na nalaman ninyong ang mga Muslim ay may masidhing paniniwala sa Diyos. Gayunman, kakaunti ang kanilang nalalaman tungkol sa darating na Paraiso sa lupa gaya ng inihula ng mga propeta ni Jehova, at nais nating ibahagi sa kanila ang pag-asang iyan. (1 Tim. 2:3, 4) Ang sumusunod na impormasyon ay makatutulong sa inyo na makapagbigay ng mabuting patotoo.
2 Naniniwala ang mga Muslim kay Allah, o sa Diyos, at sila’y naniniwala na si Muhammad ay propeta ng Diyos. Ang Koran ang kanilang banal na aklat, at ang kanilang relihiyon ay tinatawag na Islam, na nangangahulugang “pagpapasakop.” Sinasabi ng Koran na ang pagsisinungaling at ang pagsamba sa mga idolo ay mali, na ang Diyos ay iisa, at na siya ay hindi bahagi ng isang Trinidad. Gayundin, itinuturo nito ang imortalidad ng kaluluwa, impiyerno, at isang makalangit na paraiso. Tinatanggap ng mga Muslim ang Bibliya bilang Salita ng Diyos ngunit naniniwalang ito ay binago, samantalang ang Koran, na nasa orihinal na wika pa rin, ay napanatiling dalisay.
3 Maging Palakaibigan, Mataktika, at Maunawain: Kapag nakikipag-usap sa isang Muslim, maging palakaibigan at mataktika. (Kaw. 25:15) Tandaan na ang mga paniniwalang Muslim ay nakaugat nang malalim at karamihan sa mga ito ay natutuhan sa pamamagitan ng pagsasaulo. Samakatuwid, ang pangangatuwiran sa relihiyosong mga turo at ang pagtiyak sa ganang sarili kung ano ang kalooban ng Diyos ay hindi naging bahagi ng kanilang espirituwal na pagsulong. (Roma 12:2) Upang matulungan ang mga Muslim, mahalaga ang pagtitiis at pang-unawa.—1 Cor. 9:19-23.
4 Iwasan ang mga pananalita na maaaring sa isipan ng isang Muslim ay maiugnay kayo sa Sangkakristiyanuhan. Gawing malinaw na hindi kayo bahagi ng alinman sa relihiyong Katoliko o Protestante, na kayo ay naiiba. Tukuyin ang Bibliya bilang ang Aklat ng Diyos. Yamang ayaw ng mga Muslim ang terminong “Anak ng Diyos,” kadalasan nang mas mabuting huwag itong gamitin o huwag pag-usapan ang paksang ito hangga’t hindi pa sila sumulong sa espirituwal. Gayunman, maaari ninyong ipakipag-usap ang tungkol kay Jesus, na tinutukoy siya bilang isang propeta o mensahero. Iwasan ang pakikipagtalo. Kung napansin ninyong nagagalit na sila, magalang na magpaalam agad.
5 Mas mabuting makipag-usap sa isang tao lamang at hindi sa isang grupo. Kadalasan, makabubuting ang mga babae ay magpatotoo sa mga babae, at ang mga lalaki, sa mga lalaki. Maliwanag, may mga eksepsiyon dito, ngunit dapat gamitin ang mabuting pagpapasiya. Gayundin, maraming Muslim ang sensitibo tungkol sa itinuturing nilang di-mahinhing pananamit at pag-aayos ng mga babae. Ang mga kapatid na babae ay kailangang maging palaisip hinggil dito.—1 Cor. 10:31-33.
6 Mga Bagay na Ipakikipag-usap: Magsalita nang tuwiran tungkol sa kadakilaan ng Diyos at sa kaniyang pag-ibig. Huwag mag-atubiling banggitin na kayo ay tunay na mananampalataya, na ang Diyos ay iisa (hindi isang Trinidad), at na ang pagsamba sa idolo ay mali. Ipakipag-usap ang tungkol sa kabalakyutan sa daigdig ngayon—mga digmaan, gera sibil, pagkapoot sa lahi, at ang pagpapaimbabaw na makikita sa gitna ng maraming relihiyosong tao.
7 Ang brosyur na The Guidance of God—Our Way to Paradise ay magbibigay sa inyo ng higit na malalim na unawa sa mga paksang maaaring gamitin upang mapasimulan ang pakikipag-usap sa mga Muslim. Ito ay dinisenyo upang makaakit sa mga Muslim na naninirahan sa isang kapaligiran na doo’y nadarama nila na maaari silang mag-aral ng Bibliya nang may kalayaan. Mayroon tayong limitadong suplay sa tanggapang pansangay at di-magtatagal ay inaasahan ang mas marami pang suplay.
8 Bilang pambungad, maaari mong sabihin:
◼ “Gumagawa ako ng pantanging pagsisikap na makausap ang mga Muslim. Matagal ko nang nababasa ang tungkol sa inyong relihiyon at naniniwalang ako’y tama sa pagsasabi na ang mga Muslim ay naniniwala sa isang tunay na Diyos at sa lahat ng propeta. [Hayaang sumagot.] Nais kong ipakipag-usap sa inyo ang tungkol sa isang sinaunang hula na patiunang nagsasabi tungkol sa pagbabago ng lupa tungo sa isang paraiso. Maaari ko bang basahin sa inyo kung ano ang isinulat ng propeta? [Basahin ang Isaias 11:6-9.] Ipinaalaala ng hulang ito sa akin ang isang pagsipi mula sa Koran na masusumpungan sa brosyur na ito.” Buksan ang pahina 9 ng brosyur na Guidance of God, at basahin ang pagsipi na nasa malalaking titik, na tumutukoy sa pagmamana ng ‘mga matuwid’ sa lupa. Kung nagpakita ng interes, ipagpatuloy ang pag-uusap sa pamamagitan ng pagtalakay sa parapo 7 hanggang 9 sa kabilang pahina. Iwan ang brosyur, at isaayos ang isang pagdalaw muli.
9 Kapag inaanyayahan ang isa na isaalang-alang ang brosyur na Guidance of God, mas mabuting tawagin ito na talakayan, hindi isang pag-aaral sa Bibliya. Kapag natapos na ninyo ang brosyur, dapat na handa na ang estudyante na pag-aralan ang brosyur na Hinihiling o ang aklat na Kaalaman. Ang iba pang publikasyon na pantanging dinisenyo para sa mga Muslim ay ang tract na How to Find the Road to Paradise at ang buklet na The Time for True Submission to God.
10 Taglay ang kaalamang ito hinggil sa mga paniniwala at mga bagay na hindi nagugustuhan ng Islam, maaari tayong gumamit ng unawa sa pagpili natin ng literatura na iaalok natin sa mga Muslim at sa paraan ng pagpapatotoo natin sa kanila. Harinawang patuloy na pagpalain ni Jehova ang ating mga pagsisikap na tulungan ang lahat ng uri ng tao na tumawag sa kaniyang pangalan at maligtas.—Gawa 2:21.