Pagkasangkot ng Relihiyon sa Digmaan
“Kung makasagupa ko ang isang lalaki at kailangang barilin siya, ano ang gagawin ko?” tanong ng sundalong Amerikano sa kapelyán ng army.
“Barilin mo agad,” sagot ng klerigo, “ . . . subalit tandaan mo na ang buhay ay mahalaga.”
ANG pakikidigma at matapat na pagsunod sa relihiyosong mga paniniwala ay hindi laging magkasuwato. Gayunman, kapag ang mga bansa ay nakipagdigma, kadalasan nang ang relihiyon ay napapasangkot, gaya ng ipinakikita ng halimbawang nabanggit sa itaas. Ganito ang pagkakasabi ng The Seattle Times: “Ang relihiyon ngayon ay higit na pampasigla kaysa pampakalma sa karamihan ng mga labanan na lumiligalig sa daigdig.”
Kaya sa nakalipas na mga taon nakita natin ang mga Katoliko laban sa mga Protestante sa Hilagang Ireland. Ang “mga Kristiyano” laban sa mga Muslim sa Lebanon. Ang mga Muslim laban sa mga Judio sa Gitnang Silangan. Ang mga Hindu laban sa mga Muslim sa India. Ang mga Buddhist laban sa mga Hindu sa Sri Lanka. Ang Shi‘ite Muslim laban sa Sunni Muslim sa Iran-Iraq. At ang talaan ay nagpapatuloy pa.
Hindi naman ibig sabihin na ang lahat ng gayong labanan ay dahilan sa mga pagkakaiba sa relihiyon. Sa ilang mga kaso, ito ay maaaring tungkol sa pagtatalo sa hangganan o isang kampaniya para sa mga karapatang sibil. Gayumpaman, kadalasan nang ang relihiyon ang pangunahing salik, wika nga’y gatong sa apoy. Halimbawa, sa labanan tungkol sa hangganan sa Iran-Iraq, hinimok ng mga lider ng Shi‘ite Muslim na taga-Iran ang kanilang kabataang mga sundalo ng mga pananalitang, “Allah akbar!” (“Ang Diyos ay dakila!”) Ang mga binata ay nakikipagdigma laban sa mga Sunni Muslim ng Iraq na naniniwalang ang mamatay sa digmaan ay gumagarantiya sa kanila ng pagpasok nila sa langit.
Kaya kapag ang relihiyon ay napasangkot sa digmaan, ang implikasyon ay, ‘Ang Diyos ay nasa aming panig.’ Sa gayon ang karahasan, pagwasak, at pagpatay ay nagpapatuloy—ang lahat ay pawang sa ngalan ng Diyos. Higit pa riyan, kapag ang relihiyon ang pangunahing salik, ang digmaan ay kadalasan nang mas madugo at mas mahirap ihinto. Gaya ng pagkakasabi rito ni Ernest Lefever, pangulo ng Ethics and Public Policy Center sa Washington, D.C.: “Kung inaakala mong ang Diyos ay nasa inyong panig, maaari mong bigyan-matuwid ang anumang kalupitan.”—U.S.News & World Report.
Kaya ang tanong ay bumabangon: Pagdating sa digmaan, may pinapanigan nga ba ang Diyos? Ang tanong na ito ay sumasaging lagi sa alaala ng isang lalaki na gumawa ng mga 60 misyon ng pagbomba sa Alemanya at Italya noong Digmaang Pandaigdig II. Sinurot siya ng kaniyang budhi sa pakikibahagi sa pagpatay ng libu-libong mga lalaki, mga babae, at mga bata. Inaanyayahan ka namin na basahin, sa kasunod na artikulo, kung paano niya hinanap at nasumpungan ang kasiya-siyang sagot sa tanong na, “Sa kaninong panig ang Diyos?”
[Pinagmulan ng Larawan sa pahina 3]
U.S. Army photo