Pagpatay sa Ngalan ng Diyos
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA PRANSIYA
“Sa Ngalan ng Diyos, Kami’y Pumapatay at Patuloy na Papatay”
SA ILALIM ng sinipi sa itaas na ulong-balita, ang International Herald Tribune ay nagsabi: “Ang siglong ito, na gustong isaalang-alang ng paminsan-minsang mga optimista bilang naliwanagan, ay nabahiran na gaya ng anumang nauna rito sa pamamagitan ng nakapanghihilakbot na hilig ng tao na magpatayan sa isa’t isa sa ngalan ng Diyos.”
Binanggit ng manunulat ang mga halimbawa ng relihiyosong mga masaker sa naunang mga siglo. Pagkatapos, binabanggit ang mga masaker na nangyari sa ika-20 siglo, siya’y naghinuha: “Ang nakikita natin ay isang nakatatakot na pagpapatuloy ng malupit na di-pagpaparaya ng nakalipas na panahon. Ang pagsamba ay nananatiling isang pagdadahilan para sa pulitikal na karahasan at pananakop ng teritoryo.”
Nagsisikap ang ilan na bigyang-matuwid ang relihiyosong mga digmaan ngayon sa pamamagitan ng pagsasabing sinang-ayunan ng Diyos ang pagpatay ng sinaunang mga Israelita sa mga Canaanita. Subalit, hindi iyan nagbibigay-katuwiran para sa nag-aangking mga Kristiyano na makipagdigma ngayon. Bakit? Sapagkat ang mga Israelita ay tuwirang pinag-utusan ng Diyos na kumilos bilang mga tagagawad ng kaniyang matuwid na mga kahatulan laban sa bayang sumasamba sa demonyo, na kasama sa gayong pagsamba ang malaswang seksuwal na imoralidad at paghahain ng bata.—Deuteronomio 7:1-5; 2 Cronica 28:3.
Isang katibayan na hindi karaniwang mga labanan ang mga digmaan ng sinaunang Israel ay ang makahimalang katangian ng mga tagumpay na ibinigay ng Diyos sa bansa. Halimbawa, ang sinaunang mga Israelita ay minsang inutusang gumamit ng mga tambuli, banga, at mga sulo—tiyak na hindi iyan mga kagamitan ng karaniwang pakikipagdigma! Noong minsan naman ang mga mang-aawit ay inilagay sa harapan ng isang hukbong Israelita na nakaharap sa napakalaking hukbo ng lumulusob na mga hukbo mula sa ilang bansa.—Hukom 7:17-22; 2 Cronica 20:10-26.
Bukod pa riyan, paminsan-minsan, kapag ang mga Israelita ay nakikipagdigma sa mga digmaang hindi ipinag-utos ng Diyos, sila’y hindi niya pinagpapala at sila’y natatalo. (Deuteronomio 28:15, 25; Hukom 2:11-14; 1 Samuel 4:1-3, 10, 11) Samakatuwid, ang mga digmaan ng Israel ay hindi maaaring banggitin upang bigyang-matuwid ang mga digmaang ipinakipagbaka sa Sangkakristiyanuhan.
Sa ngalan ng relihiyon, ang mga Hindu ay nakipagbaka laban sa mga Muslim at Sikh; ang mga Shiite Muslim ay nakipagbaka sa mga Sunni Muslim; at sa Sri Lanka, ang mga Budista at mga Hindu ay nagpatayan sa isa’t isa.
Tipikal ng pagpatay sa ngalan ng Diyos ang mga digmaang naganap sa Pransiya noong ika-16 na siglo. Ang kuwento tungkol sa mga digmaang ito ay bumubuo ng ilan sa pinakamadugong yugto sa kasaysayan ng mga relihiyong Romano Katoliko at Protestante sa Europa. Suriin natin ang mga digmaang ito, at tingnan natin kung ano ang matututuhan natin mula sa mga ito.
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Kuha ng U.S. Army