Mga Panganib sa Kalusugan Kahit sa Lugar na “Bawal Manigarilyo”
ANG The Journal of the American Medical Association (JAMA), Pebrero 10, 1989, ay nag-uulat: “Nirepaso ng National Academy of Sciences ang impormasyon tungkol sa di-kinukusang paninigarilyo . . . , espisipikong tinutukoy ang kapaligiran sa mga biyahe ng eruplano.” Ang rekomendasyon: “Ipagbawal ang paninigarilyo sa lahat ng komersiyal na pagbibiyahe ng eruplano sa loob ng bansa sa apat na pangunahing dahilan: upang bawasan ang pagkayamot, bawasan ang mga panganib sa kalusugan, bawasan ang mga panganib sa sunog, at ilagay ang kalidad ng cabin sa eruplano na kasuwato ng mga pamantayan para sa iba pang saradong kapaligiran.”
Ang masusing pag-aaral ng akademiya ay nagsisiwalat: “Ang pagkahantad sa nikotina na sinukat sa panahon ng mga biyahe na ginagamit ang personal na exposure monitors ay nasumpungang pabagu-bago, na ang ilang lugar na bawal ang paninigarilyo ay nagkaroon ng mga antas na katulad niyaong sa mga dako na puwedeng manigarilyo. Ang mga attendant na inatasang magtrabaho sa mga dakong bawal manigarilyo ay hindi naingatan sa pagkalantad sa sigarilyo.”
Ipinakita ng pag-aaral na “ang mga antas ng nikotina sa hangin ay lubhang pabagu-bago, na ang ilang dakong bawal manigarilyo ay may mga antas na mas mataas kaysa roon sa mga dakong puwedeng manigarilyo” at nagpapaalaala sa mga mambabasa na “ang malubhang mga epekto sa kalusugan ng mga hindi maninigarilyo na di-kinukusa, o hindi sinasadyang nakalalanghap ng sigarilyo ay kanser sa bagà at sakit sa palahingahan.”
Iniulat din ng labas na ito ng JAMA ang tungkol sa isang pag-aaral na nagpapatunay sa nakasusugapang lakas ng nikotina, na ang sabi: “Ipinalalagay ng mga taong nagpapagamot dahil sa pagdepende sa droga na wari bang ang pagnanasa sa sigarilyo at ang hirap ng paghinto sa paninigarilyo ay malakas o mas malakas kaysa kanilang pangunahing problema sa mga sustansiya [alkohol, cocaine, heroin].”
Ipinagbawal ng Canada ang paninigarilyo sa mga dalawang oras o wala pa na biyahe ng eruplano noong 1987. Higit pa ang ginawa ng dalawang malalaking kompaniya ng eruplano sa Canada, ipinagbawal nila ang paninigarilyo sa lahat ng kanilang mga biyahe sa Hilagang Amerika. Sa Estados Unidos, ipinagbawal ng pederal na batas ang paninigarilyo sa malapitang mga biyahe ng eruplano, at “isang kompaniya ng eruplano sa EU ang kusang nagbawal ng paninigarilyo sa mga biyahe nito anumang layo sa loob ng Estados Unidos, maliban sa mga biyahe nito patungo at mula sa Hawaii.” Habang parami nang paraming kompaniya ng eruplano ang nagtataguyod ng kahawig na mga patakaran na bawal manigarilyo ang mga ito ay tutulong upang bawasan ang mga panganib sa paglipad.