Ang Paghanap ng Lunas
KUNG ang pag-uusapa’y ang paglunas sa sakit ng Wall Street, hindi tayo magkukulang ng mga ideya. Subalit may kakulangan ng kasunduan. Iginigiit ng mga eksperto na ang utang at mga LBO ay kailangang takdaan, samantalang iginigiit naman ng iba na ang dalawang iyan ay mabuti para sa ekonomiya. Ang dalawang panig ay armado ng katakut-takot na estadistika upang “patunayan” ang kani-kanilang mga punto.
Inaakala ni Helmut Schmidt na ang malalaking bansa na may maunlad na ekonomiya sa daigdig (Estados Unidos, Alemanya, Hapón) ay kailangang magtulungan upang lutasin ang mga suliraning pangkabuhayan ng daigdig. Sinabi niya: “Ang pagkakaraniwan ng lahat ng tatlong pamahalaan ay hindi dahilan sa paggugol ng higit na panahon sa pagrereklamo tungkol sa isa’t isa kaysa pagkilala sa kanilang sariling mga kahinaan. Kahit na ang mga taong karaniwan lamang ang kakayahan ay makababalikat ng pananagutan.”
Subalit tanungin ang iyong sarili: Gaano ba ang makatuwirang maaasahan natin buhat sa mga pamahalaan ng tao na may katamtamang kakayahan? Agad aaminin ni Schmidt, halimbawa, na ang suliranin ng Third World tungkol sa utang ay “di-malutas at halos hindi nga malutas.” Ang mga may katamtamang kakayahan ba ay makalulutas sa di-malutas na problema?
Ang mga salitang ito ng isang taong pantas mga 25 siglo na ang lumipas ang akmang-akma: “Wala sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Anong pagkatotoo nga ng mga salitang iyan sa ngayon! Ang ekonomiya ng daigdig ay totoong masalimuot upang maunawaan kahit na ng mga eksperto, at lalo pa ang malunasan ang suliranin nito.
Ano ba ang magagawa mo sa gitna ng kawalang kapanatagan ng kabuhayan ng daigdig? Ang Bibliya ay mayroon na namang mahalagang payo: Mamuhunan ka nang buong kapantasan! Pansinin ang mga salita ni Jesus sa Mateo 6:19, 20: “Huwag kayong magtipon ng kayamanan sa lupa, na dito’y sumisira ang tanga at kalawang, at dito’y nakapapasok ang mga magnanakaw at nagnanakaw. Kundi, magtipon kayo ng kayamanan sa langit, na kung saan hindi sumisira ang tanga o ang kalawang man, at kung saan hindi nakapapasok ang mga magnanakaw.”
Subalit paano mo magagawa iyan—magtipon ng kayamanan sa langit? Iyong simulan sa pagtanto na ikaw, tulad ng lahat sa atin, ay may espirituwal na pangangailangang dapat punan. (Mateo 5:3) Matutustusan mo ang pangangailangang iyan sa pamamagitan ng pamumuhunan sa isang bagay na lalong mahalaga kaysa salapi—ang iyong panahon—sa pag-aaral ng Bibliya. Magtataka ka sa pagkasimple at pagkamakatuwiran ng mga kasagutang iyan sa iyong pinakanakaliligalig na mga tanong.
Ganiyang-ganiyan ang ginawa ng dating yuppie na binanggit sa naunang artikulo. Siya’y nanumbalik sa pag-aaral ng Bibliya na kaniyang isinaisang-tabi noong mga panahon na siya’y abalang-abala sa Wall Street, at napatunayan niya na ang paggawa ng gayon ay tumulong upang mapahusay niya uli ang kaniyang buhay. Ganiyan na lang ang kaniyang pananabik na malaman ang tungkol sa inihula ng Bibliya na pagbagsak ng lahat ng sakim na mga sistemang pangkabuhayan ng sanlibutang ito. Pagka kumilos na ang Diyos upang lipulin ang sistemang ito ng sanlibutan, ang isang portpolyong stock o aksiyon, ang gabundok mang salapi sa bangko, ay hindi makabibili ng proteksiyon o kaligtasan. Mawawalang kabuluhan ang salapi na anupa’t ihahagis iyon ng mga tao sa mismong lansangan. (Ezekiel 7:19; 1 Juan 2:15-17) Tanging ang espirituwal na puhunan ang magkakaroon ng kabuluhan.
Lalo pang nakaaaliw ang pangako ng Bibliya na pagkatapos ng panahon ng pagpuksa, ang daigdig ay hindi na paghaharian ng kasakiman. Ang katarungan, hindi ang pakinabang, ang maghahari magpakailanman sa panahong iyon. (Isaias 9:6, 7) Oo, balang araw ay sasabihin ng mga tao, ‘Wall Street—ano ba iyon?’