Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 5/8 p. 20-21
  • Naisip Mo Na Ba?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Naisip Mo Na Ba?
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Naisip Mo Na Ba? Ang mga Sagot ng Bibliya
  • Ang Pagsambang Sinasang-ayunan ng Diyos
    Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
  • Natagpuan Mo Na ba ang Tamang Relihiyon?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Kung Bakit Tumatanggap ng Pagpapala ng Diyos ang Tunay na Pagsamba
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Nakalulugod Kaya sa Diyos ang Lahat ng Relihiyon?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 5/8 p. 20-21

Naisip Mo Na Ba?

SA DAAN-DAANG relihiyon, sekta, at mga kulto sa daigdig ngayon, paano mo makikilala ang relihiyong sinasang-ayunan ng Diyos? Para bang ito’y tulad ng paghahanap ng isang karayom sa isang mandala. Subalit kailangan mo bang isa-isahin ang dayami sa mandala? Hindi. Maaari mong gamitin ang proseso ng eliminasyon. Ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay kumikilos bilang isang batubalani na tutulong sa iyo upang makilala ang “isang pananampalataya” na iyon.​—Efeso 4:5.

Sa isang naunang labas ng magasing ito, sa ilalim ng “Naisip Mo Na Ba?” (Enero 8, 1994, pahina 13), tinalakay namin ang katanungan tungkol sa imortal na kaluluwa. Sa paggamit ng pangangatuwiran salig sa Bibliya, napatunayan natin na ang tao ay hindi nagtataglay ng isang imortal na kaluluwa na pinagpapala o naghihirap pagkamatay. (Eclesiastes 9:5, 10; Ezekiel 18:4) Sa pamamagitan ng payak na katotohanang iyon, maaalis natin ang anumang relihiyon na nagtuturo na ang tao ay nagtataglay ng isang imortal na kaluluwa. Iyan ay magtitira ng kakaunting relihiyon sa ating paghahanap sa isang relihiyon na sinasang-ayunan ng Diyos. Kaya ikapit natin ang ilan pang katanungan na makatutulong sa atin na bawasan pa ang listahan, sa pamamagitan ng basta pagsusuri at pangangatuwiran sa mga teksto sa Kasulatan na binabanggit sa ibaba.

1. Itataas, luluwalhatiin, at lubhang pararangalan ba ng tunay na pagsamba ang relihiyosong mga lider na tao, binibigyan pa nga sila ng hindi maka-kasulatang mga titulo?​—Awit 96:5-7; Mateo 23:6-12; 1 Corinto 3:5-9.

2. Ang tunay na relihiyon ba ay dapat na maging isang negosyo na interesado-sa-pakinabang, upang ang mga lider nito ay maaaring mamuhay sa luho?​—Mateo 6:19-21; Santiago 2:1-4; 5:1-3.

3. Ang tunay na relihiyon ba ay dapat na ipangalan sa isang turo (gaya ng Baptist, Pentecostal), sa heograpikong pinagmulan nito (gaya ng Romano, Timog, Church of England), sa di-sakdal na mga tagapagtatag nito (Luther, Calvin, Wesley) o sa anyo ng pangangasiwa na ipinatutupad nito (gaya ng Presbyterian, Episcopal, Congregational)?​—Isaias 43:10, 12; Gawa 11:26.

4. Sisikapin bang itago o palitan ng tunay na relihiyon ang isiniwalat na pangalan ng Diyos?​—Isaias 12:4, 5; Mateo 6:9; Juan 17:26.

5. (a) Paano dapat malasin ng tunay na relihiyon ang Bibliya? (Awit 119:105; Lucas 24:44, 45; Roma 15:4; 2 Timoteo 3:14-16) (b) Paano nito dapat malasin ang tinatawag na pagsisiwalat pagkatapos ng Bibliya?​—Galacia 1:8, 9.

6. Sa ano at kanino itinutuon ng tunay na mga mananamba ang pansin para sa kaligtasan?​—Awit 27:1; Mateo 6:33; Roma 16:25-27; 1 Corinto 15:27, 28; Apocalipsis 11:15.

7. Anong uri ng asal ang dapat na ibunga ng tunay na relihiyon bilang resulta ng mga turo nito?​—Mateo 22:37-40; Efeso 4:23-29; ihambing ang Galacia 5:19-21 sa Gal 5:22, 23.

8. Ang pambuong daigdig na kapatiran ba ng tunay na mga mananamba ng Diyos ay masasangkot sa nababahaging pulitika at nasyonalismo?​—Daniel 2:44; 7:14; Juan 18:36; Roma 16:17; 1 Corinto 1:10.

9. Pahihintulutan ba ng pagsambang sinasang-ayunan ng Diyos ang pakikibahagi sa mga digmaan at pagpapatayan ng lahi o tribo?​—Exodo 20:13; Isaias 2:2-4; Juan 13:34, 35.

10. Sino sa ngayon sa buong daigdig ang nagpapakita ng tunay na pag-ibig Kristiyano? Hindi nababahagi ng pulitika, lahi, o nasyonalismo? Hindi niluluwalhati ang mga lider na tao? Hindi pinagsasamantalahan ang mga tao dahil sa kayamanan at katayuan? Hindi nakikibahagi sa mga digmaan? Nagtataglay ng pangalang salig sa Bibliya? Itinataguyod ang pamamahala ng Kaharian ng Diyos bilang ang permanenteng lunas sa mga problema ng sangkatauhan?​—Isaias 43:10, 12.

Naisip Mo Na Ba? Ang mga Sagot ng Bibliya

Ang sumusunod ay ilan sa mga teksto na binanggit sa mga tanong sa pahina 20:

1. “Gusto nila ng pinakatanyag na dako sa mga hapunan at ang mga upuan sa unahan sa mga sinagoga, at ang mga pagbati sa mga pamilihang-dako at ang tawagin ng mga tao na Rabbi. Ngunit kayo, huwag kayong patawag na Rabbi, sapagkat iisa ang inyong guro, samantalang lahat kayo ay magkakapatid. Isa pa, huwag ninyong tawagin ang sinuman na inyong ama sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Isa na makalangit. Ni huwag kayong patawag na ‘mga lider,’ sapagkat ang inyong Lider ay iisa, ang Kristo. Ngunit ang pinakadakila sa inyo ay magiging inyong ministro. Sinumang nagtataas sa kaniyang sarili ay ibababa, at sinumang nagbababa sa kaniyang sarili ay itataas.”​—Mateo 23:6-12.

2. “Tigilan na ninyo ang pag-iimbak para sa inyong mga sarili ng mga kayamanan sa lupa, kung saan ang tanga at kalawang ay nang-uubos, at kung saan ang mga magnanakaw ay nanloloob at nagnanakaw. Sa halip, mag-imbak kayo para sa inyong mga sarili ng mga kayamanan sa langit, kung saan kahit ang tanga o ang kalawang man ay hindi nang-uubos, at kung saan ang mga magnanakaw ay hindi nanloloob at nagnanakaw. Sapagkat kung nasaan ang iyong kayamanan, doroon din ang iyong puso.” (Mateo 6:19-21) “Pumarito ngayon, kayong mga taong mayayaman, tumangis kayo, na nagpapalahaw sa inyong mga kahapisan na dumarating sa inyo. Ang inyong kayamanan ay nabulok, at ang inyong mga panlabas na kasuutan ay pinagkakain ng tanga. Ang inyong ginto at pilak ay kinalawang, at ang kanilang kalawang ay magiging isang patotoo laban sa inyo at kakainin ang inyong malalamang bahagi.”​—Santiago 5:1-3.

3. “ ‘Kayo’y aking mga saksi,’ sabi ni Jehova, ‘samakatuwid nga’y ang aking lingkod na aking pinili, upang inyong maalaman at magsisampalataya kayo sa akin, at inyong maunawaan na ako nga ang iyon ding Isang iyon.’ ” (Isaias 43:10) “Sa Antioquia unang tinawag na mga Kristiyano ang mga alagad sa pamamagitan ng mula-sa-Diyos na patnubay.”​—Gawa 11:26.

4. “Magpasalamat kayo kay Jehova, kayong mga tao! Kayo’y magsitawag sa kaniyang pangalan. Itanyag ninyo sa mga bayan ang kaniyang mga gawa. Sabihin ninyo na ang kaniyang pangalan ay dakila. . . . Ito’y ipinaaalam sa buong lupa.” (Isaias 12:4, 5) “Ama namin na nasa mga langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.”​—Mateo 6:9.

5. (a) “Mula sa pagkasanggol ay alam mo na ang banal na mga kasulatan, na makapagpaparunong sa iyo ukol sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya may kaugnayan kay Kristo Jesus. Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran.” (2 Timoteo 3:15, 16) (b) “Gayunman, kung kami man o isang anghel mula sa langit ay magpahayag sa inyo ng anumang bagay bilang mabuting balita na higit pa sa ipinahayag namin sa inyo bilang mabuting balita, sumpain siya.”​—Galacia 1:8.

6. “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” (Mateo 6:33) “Ang kaharian ng sanlibutan ay naging ang kaharian ng ating Panginoon at ng kaniyang Kristo, at siya ay mamamahala bilang hari magpakailan kailanman.”​—Apocalipsis 11:15.

7. “‘Ibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo.’ Ito ang pinakadakila at unang kautusan. . . . ‘Ibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’ Sa dalawang kautusang ito ay nakasalalay ang buong Batas, at ang mga Propeta.” (Mateo 22:37-40) “Ang bunga ng espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang-pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil-sa-sarili. Laban sa gayong mga bagay ay walang batas.”​—Galacia 5:22, 23.

8. “Si Jesus ay sumagot: ‘Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito. Kung ang aking kaharian ay bahagi ng sanlibutang ito, ang aking mga tagapaglingkod ay lumaban sana upang ako ay hindi madala sa mga Judio. Ngunit, ang totoo, ang kaharian ko ay hindi nagmumula rito.’”​—Juan 18:36.

9. “Huwag kang papatay.” (Exodo 20:13) “Binibigyan ko kayo ng isang bagong kautusan, na ibigin ninyo ang isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo, ay ibigin din ninyo ang isa’t isa. Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.”​—Juan 13:34, 35.

10. “‘Kayo’y aking mga saksi,’ sabi ni Jehova, ‘samakatuwid nga’y ang aking lingkod na aking pinili, upang inyong maalaman at magsisampalataya kayo sa akin, at inyong maunawaan na ako nga ang iyon ding Isang iyon. . . . Kaya’t kayo ang aking mga saksi,’ sabi ni Jehova, ‘at ako ang Diyos.’”​—Isaias 43:10, 12.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share