Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 9/15 p. 2-7
  • Nakalulugod Kaya sa Diyos ang Lahat ng Relihiyon?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nakalulugod Kaya sa Diyos ang Lahat ng Relihiyon?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nakikilala sa Kanilang mga Bunga
  • Kailangang Mag-ingat
  • Suriin ang mga Bunga
  • Panahon Upang Tiyakang Kumilos
  • Ang Pagsambang Sinasang-ayunan ng Diyos
    Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
  • Malapit Na ang Wakas ng Huwad na Relihiyon!
    Malapit Na ang Wakas ng Huwad na Relihiyon!
  • Natagpuan Mo Na ba ang Tamang Relihiyon?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Talagang Mahalaga Kung Ano ang Relihiyon Ninyo
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 9/15 p. 2-7

Nakalulugod Kaya sa Diyos ang Lahat ng Relihiyon?

Inaakala mo bang nakalulugod sa Diyos ang lahat ng relihiyon? Malamang na anumang anyo ng pagsamba na alam mo ay humihimok ng mabuting paggawi, kahit paano sa isang antas. Ngunit sapat ba iyan upang makalugod sa Diyos?

SINASABI ng ilan, ‘Maging taimtim ka lang sa iyong pagsamba, at malulugod na ang Diyos. May mabuti sa lahat ng relihiyon.’ Halimbawa, tinatanggap ng Pananampalatayang Bahai ang pangmalas na ito hanggang sa punto na inilakip sa mga paniniwala nito ang siyam na pangunahing mga relihiyon sa daigdig. Naniniwala ang relihiyosong grupong ito na lahat ng ito ay may banal na pinagmulan at mga pitak ng isang katotohanan. Paano nagkaganito?

Isa pa, may karapatan kang magtanong kung paanong ang isang relihiyon ay nakalulugod sa Diyos gayong inuutusan nito ang mga miyembro nito na maglagay ng nerve gas sa mga lugar na pampubliko, na posibleng kumitil ng maraming tao. Iyan ang paratang sa isang relihiyosong grupo sa Hapón. O nalulugod kaya ang Diyos sa isang relihiyon na nag-uudyok sa mga miyembro nito na magpatiwakal? Mga ilang taon na ang nakaraan, nangyari iyan sa mga tagasunod ng relihiyosong lider na si Jim Jones.

Kung babalik tayo sa mas naunang panahon, maitatanong natin, Makalulugod kaya sa Diyos ang mga relihiyon gayong itinataguyod nila ang paglalabanan, gaya sa kaso ng Tatlumpung Taóng Digmaan, na ipinaglaban noong 1618 hanggang 1648? Ayon sa The Universal History of the World, ang relihiyosong alitang iyan sa pagitan ng mga Katoliko at mga Protestante ay “isa sa pinakakakila-kilabot na mga digmaan sa kasaysayan ng Europa.”

Nagbunga din ng nakagigimbal na pagdanak ng dugo ang mga relihiyosong Krusada mula ika-11 hanggang ika-13 siglo. Halimbawa, sa unang Krusada, buong-lupit na pinagpapatay ng tinaguriang Kristiyanong mga krusado ang mga Muslim at Judiong naninirahan sa Jerusalem.

Tingnan din ang nangyari noong Inkisisyon, na nagsimula noong ika-13 siglo at tumagal nang mga 600 taon. Libu-libo ang pinahirapan at sinunog hanggang sa mamatay sa utos ng mga lider ng relihiyon. Sa kaniyang aklat na Vicars of Christ​—The Dark Side of the Papacy, sinabi ni Peter De Rosa: “Sa ngalan ng papa, [ang mga inkisidor] ang may pananagutan sa napakalupit at patuloy na pag-atake sa kagandahang-asal ng tao sa kasaysayan ng lahi [ng tao].” Hinggil sa Dominicong inkisidor na si Torquemada ng Espanya, sinabi ni De Rosa: “Hinirang noong 1483, namahala siya nang buong-kalupitan sa loob ng labinlimang taon. Ang kaniyang mga biktima ay umabot sa mahigit na 114,000 na ang 10,220 sa kanila ay sinunog.”

Mangyari pa, hindi lamang ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ang tanging may pagkakasala sa dugo. Sa kaniyang akdang Pensées, ganito ang sabi ng pilosopong Pranses na si Blaise Pascal: “Ang mga tao ay hindi lubusan o may galak na gumagawa ng masama nang gaya kung ginagawa nila ito sa relihiyosong paniniwala.”

Nakikilala sa Kanilang mga Bunga

Buhat sa pangmalas ng Diyos, ang pagsang-ayon sa isang relihiyon ay hindi batay sa isa lamang salik. Upang maging kaayaaya sa kaniya ang isang relihiyon, ang mga turo at gawain nito ay dapat na kasuwato ng kaniyang nasusulat na Salita ng katotohanan, ang Bibliya. (Awit 119:160; Juan 17:17) Ang bunga ng pagsambang sinasang-ayunan ng Diyos ay dapat na kasuwato ng mga pamantayan ng Diyos na Jehova.

Sa kaniyang Sermon sa Bundok, ipinakita ni Jesu-Kristo na magkakaroon ng mga propeta na may kabulaanang mag-aangking kumakatawan sa Diyos. Sinabi ni Jesus: “Maging mapagbantay kayo sa mga bulaang propeta na lumalapit sa inyo na nakadamit-tupa, ngunit sa loob sila ay mga dayukdok na lobo. Sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo sila. Hindi pumipitas ang mga tao ng ubas mula sa mga tinik o ng igos mula sa mga dawag, hindi ba? Gayundin bawat mabuting punungkahoy ay nagluluwal ng mainam na bunga, ngunit bawat bulok na punungkahoy ay nagluluwal ng walang-kabuluhang bunga; ang mabuting punungkahoy ay hindi makapamumunga ng walang-kabuluhang bunga, ni ang bulok na punungkahoy ay makapagluluwal ng mainam na bunga. Bawat punungkahoy na hindi nagluluwal ng mainam na bunga ay pinuputol at inihahagis sa apoy. Tunay, kung gayon, sa kanilang mga bunga ay makikilala ninyo ang mga taong iyon.” (Mateo 7:15-20) Ipinakikita ng mga salitang ito na kailangan tayong maging mapagbantay sa espirituwal. Baka isipin natin na ang isang relihiyosong lider o grupo ay kalugud-lugod sa Diyos at kay Kristo, ngunit baka nagkakamali tayo.

Kailangang Mag-ingat

Bagaman inaangkin ng isang relihiyon na ito’y sinasang-ayunan ng Diyos at ang mga ministro nito ay bumabasa ng mga teksto mula sa Bibliya, hindi ito nangangahulugan na iyon ay isang anyo ng pagsamba na nakalulugod sa Diyos. Baka gumagawa pa nga ng kamangha-manghang mga bagay ang mga lider nito na waring kumikilos ang Diyos sa pamamagitan nila. Gayunpaman, maaari pa ring maging huwad ang relihiyon, anupat hindi nagpapamalas ng mga bungang kaayaaya sa Diyos. Nakagawa ng kamangha-manghang mga bagay ang mga Ehipsiyong saserdote na nagsasagawa ng salamangka noong panahon ni Moises, ngunit talaga namang hindi sila sinang-ayunan ng Diyos.​—Exodo 7:8-22.

Sa ngayon gaya noong nakaraan, itinataguyod ng maraming relihiyon ang mga ideya at pilosopiya ng tao sa halip na manghawakan sa ipinahahayag ng Diyos bilang siyang katotohanan. Lalong angkop, kung gayon, ang babala ng Bibliya: “Maging mapagbantay: baka may sinumang tumangay sa inyo bilang kaniyang nasila sa pamamagitan ng pilosopiya at walang-lamang panlilinlang alinsunod sa tradisyon ng mga tao, alinsunod sa panimulang mga bagay ng sanlibutan at hindi alinsunod kay Kristo.”​—Colosas 2:8.

Pagkatapos banggitin ang tungkol sa mabubuti at masasamang bunga, sinabi ni Jesus: “Hindi ang bawat isa na nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng mga langit, kundi ang isa na gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa mga langit. Marami ang magsasabi sa akin sa araw na iyon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba nanghula kami sa pangalan mo, at nagpalayas ng mga demonyo sa pangalan mo, at nagsagawa ng maraming makapangyarihang gawa sa pangalan mo?’ At kung magkagayon ay ipahahayag ko sa kanila: Hindi ko kayo kailanman nakilala! Lumayo kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng katampalasanan.”​—Mateo 7:21-23.

Suriin ang mga Bunga

Maliwanag, kung gayon, na kailangang tingnan ang mga bunga ng isang relihiyon bago ipasiya na iyon ay kaayaaya sa Diyos. Halimbawa, ang relihiyon ba ay nasasangkot sa pulitika? Pagkatapos ay bigyang-pansin ang mga salitang ito na nakaulat sa Santiago 4:4: “Sinumang naghahangad na maging kaibigan ng sanlibutan ay ibinibilang ang kaniyang sarili na kaaway ng Diyos.” Bukod dito, sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang tunay na mga tagasunod: “Sila ay hindi bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) Ang relihiyon na mabuti sa paningin ng Diyos ay hindi nasasangkot sa pulitika ng sanlibutang ito, na “nasa kapangyarihan ng isa na balakyot,” ang di-nakikitang espiritung nilalang na si Satanas na Diyablo. (1 Juan 5:19) Sa halip, ang relihiyon na sinasang-ayunan ng Diyos ay matapat na nagtataguyod ng kaniyang Kaharian sa ilalim ni Jesu-Kristo at naghahayag ng mabuting balita hinggil sa makalangit na pamahalaang iyan.​—Marcos 13:10.

Kaayaaya ba sa Diyos ang isang relihiyon kung itinataguyod nito ang pagsuway ng mga mamamayan sa pamahalaan? Maliwanag ang sagot kung diringgin natin ang payo ni apostol Pablo: “Patuloy na paalalahanan mo sila na magpasakop at maging masunurin sa mga pamahalaan at sa mga awtoridad bilang mga tagapamahala, na maging handa para sa bawat mabuting gawa.” (Tito 3:1) Sabihin pa, ipinakita ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay dapat na ‘magbayad kay Cesar ng mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ng mga bagay na sa Diyos.”​—Marcos 12:17.

Ipagpalagay na hinihimok ng isang relihiyon ang pakikibahagi sa mga digmaan ng mga bansa. Pinapayuhan tayo ng 1 Pedro 3:11 na “gawin ang mabuti” at “hanapin ang kapayapaan at itaguyod ito.” Paano makalulugod sa Diyos ang isang relihiyon kung ang mga miyembro nito ay handang pumatay ng mga kapuwa mananamba sa ibang bansa dahil sa digmaan? Masasalamin sa mga miyembro ng relihiyong sinasang-ayunan ng Diyos ang kaniyang pangunahing katangian​—pag-ibig. At sinabi ni Jesus: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Hindi maaaring itulad ang pag-ibig na iyan sa marahas na pagkakapootan na itinataguyod sa mga digmaan ng mga bansa.

Binabago ng tunay na relihiyon ang mapanghamok na mga tao tungo sa pagiging maibigin sa kapayapaan. Ito ang inihula sa mga salitang ito: “Papandayin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.” (Isaias 2:4) Sa halip na magbuga ng mga salita ng pagkapoot, yaong nagsasagawa ng tunay na pagsamba ay sumusunod sa utos: “Ibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.”​—Mateo 22:39.

Yaong nagsasagawa ng tunay na relihiyon ay nagsusumikap na mamuhay ayon sa matataas na pamantayan ng Diyos na Jehova, anupat tinatanggihan ang mahahalay na istilo ng pamumuhay. Ganito ang sabi ng Salita ng Diyos: “Ano! Hindi ba ninyo alam na ang mga taong di-matuwid ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos? Huwag kayong palíligaw. Hindi ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa idolo, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking iniingatan ukol sa di-likas na mga layunin, ni ang mga lalaking sumisiping sa mga lalaki, ni ang mga magnanakaw, ni ang mga taong sakim, ni ang mga lasenggo, ni ang mga manlalait, ni ang mga mangingikil ang magmamana ng kaharian ng Diyos. At gayunma’y ganiyan ang ilan sa inyo dati. Ngunit nahugasan na kayong malinis, ngunit pinabanal na kayo, ngunit naipahayag na kayong matuwid sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo at sa espiritu ng ating Diyos.”​—1 Corinto 6:9-11.

Panahon Upang Tiyakang Kumilos

Mahalaga na makita ang pagkakaiba ng huwad na pagsamba at ng tunay na relihiyon. Sa aklat ng Bibliya na Apocalipsis, ipinakilala ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon bilang ang “Babilonyang Dakila,” ang simbolikong patutot “na pinakiapiran ng mga hari sa lupa.” Siya ay may pagkakasala sa dugo at may hawak na isang gintong kopa na “punô ng kasuklam-suklam na mga bagay at ng di-malilinis na bagay ng kaniyang pakikiapid.” (Apocalipsis 17:1-6) Walang anumang bagay tungkol sa kaniya ang kaayaaya sa Diyos.

Ito ang panahon upang tiyakang kumilos. Sa mga taong taimtim na nasa loob pa rin ng Babilonyang Dakila, ganito ang panawagan ng ating maibiging Maylalang: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo nais na makibahagi sa kaniya sa mga kasalanan niya, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot.”​—Apocalipsis 18:4.

Kung ibig mong isagawa ang relihiyon na nakalulugod sa Diyos, bakit hindi ka makipagkilalang mabuti sa mga Saksi ni Jehova? Nakatala sa kalakip na tsart ang ilan sa kanilang mga paniniwala, pati na ang maka-Kasulatang dahilan para sa mga ito. Tingnan ang iyong Bibliya upang makita kung ang mga paniniwala ng mga Saksi ay kasuwato ng Salita ng Diyos. Magsiyasat upang malaman kung ang kanilang relihiyon ay nagpapamalas ng uri ng mga bunga na aasahan mo sa tunay na pagsamba. Kung masumpungan mong gayon nga, matutuklasan mo ang relihiyon na nakalulugod sa Diyos.

[Kahon sa pahina 5]

KUNG ANO ANG PANINIWALA NG MGA SAKSI NI JEHOVA

PANINIWALA SALIGAN SA BIBLIYA

Ang pangalan ng Diyos ay Jehova Exodo 6:3;

Awit 83:18

Ang Bibliya ang Salita ng Diyos Juan 17:17;

2 Timoteo 3:16, 17

Si Jesu-Kristo ay Anak ng Diyos Mateo 3:16, 17;

Juan 14:28

Ang sangkatauhan ay hindi bunga Genesis 1:27; 2:7

ng ebolusyon kundi nilikha

Ang kamatayan ng tao ay bunga ng Roma 5:12

kasalanan ng unang tao

Hindi na umiiral ang kaluluwa Eclesiastes 9:5, 10;

sa kamatayan Ezekiel 18:4

Ang impiyerno ang pangkaraniwang Job 14:13;

libingan ng sangkatauhan Apocalipsis 20:13,

King James Version

Pagkabuhay-muli ang pag-asa Juan 5:28, 29;

ng mga patay Ju 11:25; Gawa 24:15

Inihandog ni Kristo ang kaniyang Mateo 20:28;

makalupang buhay bilang pantubos 1 Pedro 2:24;

sa masunuring sangkatauhan 1 Juan 2:1, 2

Ang mga panalangin ay dapat na Mateo 6:9;

iukol lamang kay Jehova sa Juan 14:6, 13, 14

pamamagitan ni Kristo

Dapat sundin ang mga batas ng 1 Corinto 6:9, 10

Bibliya tungkol sa moral

Hindi dapat gumamit ng mga Exodo 20:4-6;

imahen sa pagsamba 1 Corinto 10:14

Dapat iwasan ang espiritismo Deuteronomio 18:10-12;

Galacia 5:19-21

Hindi dapat magpasalin ng dugo Genesis 9:3, 4;

sa katawan ng isa Gawa 15:28, 29

Hiwalay sa sanlibutan ang tunay Juan 15:19; 17:16;

na mga tagasunod ni Jesus Santiago 1:27; 4:4

Mga Kristiyano, naghahayag ng Isaias 43:10-12;

mabuting balita Mateo 24:14;

Mat 28:19, 20

Ang bautismo sa pamamagitan ng Marcos 1:9, 10;

lubusang paglulubog sa tubig ay Juan 3:22;

sumasagisag sa pag-aalay sa Diyos Gawa 19:4, 5

Di-maka-Kasulatan ang relihiyosong Job 32:21, 22;

mga titulo Mateo 23:8-12

Nabubuhay tayo sa Daniel 12:4;

“panahon ng kawakasan” Mateo 24:3-14;

2 Timoteo 3:1-5

Di-nakikita ang pagkanaririto Mateo 24:3;

ni Kristo Juan 14:19;

1 Pedro 3:18

Si Satanas ang di-nakikitang Juan 12:31;

tagapamahala ng sanlibutang ito 1 Juan 5:19

Balakyot na sistema ng mga Daniel 2:44;

bagay, pupuksain ng Di yos Apocalipsis 16:14, 16;

Apo 18:1-8

Ang Kaharian ng Diyos sa ilalim Isaias 9:6, 7;

ni Kristo ay mamamahala Daniel 7:13, 14;

sa lupa ayon sa katuwiran Mateo 6:10

“Munting kawan,” mamamahala sa Lucas 12:32;

langit kasama ni Kristo Apocalipsis 14:1-4;

Apo 20:4

Ang iba pa na sinasang-ayunan ng Lucas 23:43;

Diyos ay magtatamo ng buhay na Juan 3:16;

walang-hanggan sa paraisong lupa Apocalipsis 21:1-4

[Larawan sa pahina 4]

Libu-libo ang pinaslang noong panahon ng Inkisisyon

[Larawan sa pahina 6]

Nagbunga ng kakila-kilabot na pagdanak ng dugo ang mga Krusada

[Larawan sa pahina 7]

Nakikilala ang tunay na relihiyon sa mabubuting bunga nito

[Picture Credit Line sa pahina 2]

Cover: Garo Nalbandian

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share