Kung Bakit Tumatanggap ng Pagpapala ng Diyos ang Tunay na Pagsamba
“Purihin ninyo si Jah! Ang kaligtasan at ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan ay nauukol sa ating Diyos, sapagkat ang kaniyang mga paghatol ay totoo at matuwid.”—APOCALIPSIS 19:1, 2.
1. Papaano sasapit sa kaniyang wakas ang Babilonyang Dakila?
ANG “Babilonyang Dakila” ay bumagsak na sa paningin ng Diyos at ngayo’y nakaharap sa pagkalipol. Ipinakikita ng hula sa Bibliya na ang pandaigdig na relihiyosong patutot na ito ay malapit nang puksain ng kaniyang pulitikal na mga kalaguyo; bigla at mabilis ang kaniyang wakas. Ang pagsisiwalat ni Jesus kay Juan ay naglalaman ng ganitong makahulang mga salita: “Binuhat ng isang malakas na anghel ang isang bato na tulad ng isang malaking gilingang-bato at inihagis ito sa dagat, na sinasabi: ‘Gayon sa isang matulin na paghagis ibubulid ang Babilonya na dakilang lunsod, at hindi na siya masusumpungan pang muli.’ ”—Apocalipsis 18:2, 21.
2. Papaano tutugon ang mga lingkod ni Jehova sa pagkapuksa ng Babilonya?
2 Ang pagkapuksa ng Babilonyang Dakila ay tatangisan ng ilang elemento ng sanlibutan ni Satanas ngunit tiyak na hindi ng mga lingkod ng Diyos, sa langit man o sa lupa. Ang kanilang magiging maligayang hiyaw sa Diyos ay: “Purihin ninyo si Jah! Ang kaligtasan at ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan ay nauukol sa ating Diyos, sapagkat ang kaniyang mga paghatol ay totoo at matuwid. Sapagkat naglapat siya ng kahatulan sa dakilang patutot na nagpasamâ sa lupa dahil sa kaniyang pakikiapid, at ipinaghiganti niya ang dugo ng kaniyang mga alipin sa kaniyang kamay.”—Apocalipsis 18:9, 10; 19:1, 2.
Anong mga Bunga ang Dapat na Ipamalas ng Tunay na Relihiyon?
3. Anu-anong tanong ang nangangailangan ng sagot?
3 Yamang papawiin sa lupa ang huwad na relihiyon, anong uri ng pagsamba ang mananatili? Papaano natin matitiyak ngayon kung aling grupong relihiyoso ang makaliligtas sa pagkapuksa ng pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon ni Satanas? Ano ang matuwid na bunga na kailangang ipamalas ng grupong ito? May di-kukulangin sa sampung palatandaan upang makilala ang tunay na pagsamba kay Jehova.—Malakias 3:18; Mateo 13:43.
4. Ano ang unang kahilingan sa tunay na pagsamba, at papaano nagpakita ng halimbawa si Jesus hinggil dito?
4 Una at higit sa lahat, ang tunay na mga Kristiyano ay dapat na magtaguyod ng soberanya na alang-alang doo’y inihain ni Jesus ang kaniyang buhay—ang soberanya ng kaniyang Ama. Hindi isinuko ni Jesus ang kaniyang buhay para sa anumang kapakanang pulitikal, pantribo, panlahi, o panlipunan. Inuna niya ang Kaharian ng kaniyang Ama sa halip na ang lahat ng pulitikal at rebolusyonaryong adhikain ng mga Judio. Sinagot niya ang alok ni Satanas na makasanlibutang kapangyarihan sa pamamagitan ng mga salitang: “Lumayas ka, Satanas! Sapagkat nasusulat, ‘Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod.’ ” Batid niya mula sa Hebreong Kasulatan na si Jehova ang tunay na Soberano sa buong lupa. Aling grupong relihiyoso ang maliwanag na sumusuporta sa pamamahala ni Jehova sa halip na sa pulitikal na mga sistema ng sanlibutang ito?—Mateo 4:10; Awit 83:18.
5. (a) Papaano dapat malasin ng mga tunay na mananamba ang pangalan ng Diyos? (b) Ano ang nagpapakita na pinararangalan ng mga Saksi ni Jehova ang pangalang iyan?
5 Ang ikalawang kahilingan ay na dapat dakilain at pakabanalin ng tunay na pagsamba ang pangalan ng Diyos. Isiniwalat ng Makapangyarihan-sa-lahat ang kaniyang pangalang Jehova (isinaling Yahweh sa ilang bersiyon ng Bibliya) sa kaniyang bayang Israel, at ginamit ito nang libu-libong ulit sa Hebreong Kasulatan. Kahit bago pa nito, ang pangalan ay batid na nina Adan, Eva, at ng iba pa, bagaman hindi nila laging iginagalang iyon. (Genesis 4:1; 9:26; 22:14; Exodo 6:2) Bagaman karaniwan nang inaalis ng mga tagapagsalin ng Sangkakristiyanuhan at ng mga Judio ang banal na pangalan buhat sa kanilang mga Bibliya, pinag-ukulan ng mga Saksi ni Jehova ang pangalang iyan ng nararapat na dako at paggalang sa Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan. Pinararangalan nila ang pangalang iyan, gaya ng ginawa ng mga unang Kristiyano. Nagpatotoo si Santiago: “Inilahad ni Symeon nang lubusan kung paanong ang Diyos sa unang pagkakataon ay nagbaling ng kaniyang pansin sa mga bansa upang kumuha mula sa kanila ng isang bayan ukol sa kaniyang pangalan. At dito ay sumasang-ayon ang mga salita ng mga Propeta, . . . ‘upang marubdob na hanapin niyaong mga nalabi sa mga tao si Jehova, kasama ng mga tao ng lahat ng mga bansa, mga taong tinatawag sa aking pangalan, sabi ni Jehova, na siyang gumagawa ng mga bagay na ito.’ ”—Gawa 15:14-17; Amos 9:11, 12.
6. (a) Ano ang ikatlong kahilingan sa tunay na pagsamba? (b) Papaano binigyang-diin nina Jesus at Daniel ang pamamahala ng Kaharian? (Lucas 17:20, 21)
6 Ang ikatlong kahilingan sa tunay na pagsamba ay na dapat nitong dakilain ang Kaharian ng Diyos bilang ang tanging lehitimo at maisasakatuparang solusyon sa mga suliranin ng sangkatauhan tungkol sa pamamahala. Maliwanag na tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na ipanalangin ang pagdating ng Kahariang iyan, upang ang pamamahala ng Diyos ang siyang sumupil sa lupa. Si Daniel ay kinasihang humula hinggil sa mga huling araw: “Ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. . . . Dudurugin at wawakasan nito ang lahat ng [makasanlibutan, pulitikal na] mga kahariang ito, at ito mismo ang tatayo hanggang sa mga panahong walang-takda.” Sino ang sa pamamagitan ng kanilang landasin ng pagkilos sa ika-20 siglong ito ay nagpakita na sila’y nag-uukol ng di-nababahaging suporta sa Kahariang iyan—ang mga relihiyon ba ng Babilonyang Dakila o ang mga Saksi ni Jehova?—Daniel 2:44; Mateo 6:10; 24:14.
7. Papaano minamalas ng mga tunay na mananamba ang Bibliya?
7 Ang ikaapat na kahilingan para sa pagsang-ayon ng Diyos ay na ang tunay na mga lingkod ng Diyos ay dapat na magtanggol sa Bibliya bilang ang kinasihang Salita ng Diyos. Samakatuwid ay hindi sila magiging biktima ng mga pumupuna sa Kasulatan, na nagtatangkang ituring ang Bibliya bilang isa lamang pampanitikang akda ng tao taglay ang lahat ng pagkakamali na kaakibat nito. Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na ang Bibliya ay kinasihang Salita ng Diyos, gaya ng isinulat ni Pablo kay Timoteo: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may-kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.”a Samakatuwid, ginagawa ng mga Saksi ni Jehova na ang Bibliya ang kanilang patnubay, ang kanilang manwal para sa pang-araw-araw na pamumuhay, at ang kanilang bukal ng pag-asa sa hinaharap.—2 Timoteo 3:16, 17.
Ang Relihiyon ng Pag-ibig, Hindi ng Poot
8. Ano ang ikalimang kahilingan sa tunay na pagsamba?
8 Papaano ipinakita ni Jesus ang kaibahan ng kaniyang mga tunay na tagasunod? Ang kaniyang sagot ang maghahatid sa atin sa mahalaga at ikalimang pagkakakilanlang tanda ng tunay na pagsamba. Sinabi ni Jesus: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong kautusan, na ibigin ninyo ang isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo, ay ibigin din ninyo ang isa’t isa. Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:34, 35) Papaano ipinamalas ni Jesus ang kaniyang pag-ibig? Sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaniyang buhay bilang haing pantubos. (Mateo 20:28; Juan 3:16) Bakit ang tunay na pag-ibig ay isang mahalagang katangian para sa mga tunay na Kristiyano? Ipinaliwanag ni Juan: “Mga iniibig, patuloy na mag-ibigan tayo sa isa’t isa, sapagkat ang pag-ibig ay mula sa Diyos . . . Siya na hindi umiibig ay hindi nakakilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.”—1 Juan 4:7, 8.
9. Sino ang mga nagpamalas ng tunay na pag-ibig, at papaano?
9 Sino sa ating panahon ang nagpapamalas ng ganitong uri ng pag-ibig, maging sa harap ng pagkakapootan ng mga lahi, bansa, at mga lipi? Sino ang nakapasa sa pinakamahigpit na pagsubok, maging hanggang sa kamatayan, upang ang kanilang pag-ibig ang siyang manaig? Masasabi ba natin na iyon ay ang mga pari at madreng Katoliko na umaaming may bahagi sa pananagutan sa paglipol ng lahi na naganap sa Rwanda noong 1994? Iyon ba ang mga Ortodokso ng Serbia o ang mga Katoliko ng Croatia na nakibahagi sa “paglilinis ng lahi” at iba pang di-maka-Kristiyanong mga gawa sa gera sibil sa Balkans? O iyon ba ang klerong Katoliko o Protestante na nagpaalab sa mga apoy ng pagtatangi at pagkakapootan sa Hilagang Ireland sa nakalipas na ilang dekada? Tiyak na hindi mapagbibintangan ang mga Saksi ni Jehova ng pakikibahagi sa alinman sa gayong mga alitan. Nagdusa sila sa mga bilangguan at mga kampong piitan, maging hanggang sa kamatayan, sa halip na itakwil ang kanilang Kristiyanong pag-ibig.—Juan 15:17.
10. Bakit nananatiling neutral ang mga tunay na Kristiyano?
10 Ang ikaanim na kahilingan sa pagsambang kaayaaya sa Diyos ay yaong neutralidad hinggil sa pulitikal na mga gawain ng sanlibutang ito. Bakit dapat na manatiling neutral sa pulitika ang mga Kristiyano? Nagbibigay sa atin sina Pablo, Santiago, at Juan ng matibay na dahilan para sa paninindigang ito. Isinulat ni apostol Pablo na si Satanas ang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay,” na bumubulag sa isip ng mga di-nananampalataya sa bawat posibleng paraan, kasali na ang bumabahaging pulitika. Sinabi ng alagad na si Santiago na “ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos,” at sinabi ni apostol Juan na “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” Samakatuwid, hindi ipakikipagkompromiso ng isang tunay na Kristiyano ang kaniyang debosyon sa Diyos sa pamamagitan ng pagkasangkot sa pulitika at kapangyarihan ng tiwaling sanlibutan ni Satanas.—2 Corinto 4:4; Santiago 4:4; 1 Juan 5:19.
11. (a) Papaano minamalas ng mga Kristiyano ang digmaan? (b) Ano ang maka-Kasulatang saligan para sa paninindigang ito? (2 Corinto 10:3-5)
11 Dahil sa dalawang naunang kahilingan, nagiging maliwanag ang ikapitong kahilingan, alalaong baga, na ang tunay na mga mananambang Kristiyano ay hindi dapat makibahagi sa mga digmaan. Yamang ang tunay na relihiyon ay isang pandaigdig na kapatiran na nakasalig sa pag-ibig, kung gayon ay walang makapagbabaha-bahagi o makapagwawasak sa “buong samahan [na iyan] ng . . . mga kapatid sa sanlibutan.” Si Jesus ay nagturo ng pag-ibig, hindi ng poot; ng kapayapaan, hindi ng digmaan. (1 Pedro 5:9; Mateo 26:51, 52) Ang “isa na balakyot,” si Satanas, na siya ring nag-udyok kay Cain na patayin si Abel ay patuloy na naghahasik ng poot sa gitna ng sangkatauhan at pumupukaw ng mga alitan at pagbububo ng dugo salig sa pulitikal, relihiyoso, at panlahing pagkakabaha-bahagi. Ang mga tunay na Kristiyano ay ‘hindi na nag-aaral ng digmaan,’ anuman ang maging kapalit niyaon. Sa makasagisag na paraan, kanila nang ‘pinukpok ang kanilang mga tabak upang maging sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit.’ Nagpapamalas sila ng mapayapang bunga ng espiritu ng Diyos.—1 Juan 3:10-12; Isaias 2:2-4; Galacia 5:22, 23.
Pinagpapala ng Diyos ang Dalisay na Paggawi at mga Turo
12. (a) Ano ang ikawalong kahilingan, subalit anu-anong relihiyosong pagkakabaha-bahagi ang mababanggit ninyo? (b) Papaano itinampok ni Pablo ang ikawalong kahilingang ito?
12 Ang Kristiyanong pagkakaisa ang siyang ikawalong kahilingan sa tunay na pagsamba. Subalit hindi nakatulong ang baha-bahaging mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan sa layuning ito. Maraming tinaguriang pangunahing denominasyon ang nagkabaha-bahagi tungo sa iba’t ibang sekta, at kalituhan ang naging resulta. Kuning halimbawa sa Estados Unidos ang relihiyong Baptist, na nahahati sa pagitan ng Northern Baptists (American Baptist Churches in the U.S.A.) at Southern Baptists (Southern Baptist Convention), gayundin ang maraming iba pang grupong Baptist na ibinunga ng mga di-pagkakasundo. (World Christian Encyclopedia, pahina 714) Maraming pagkakabaha-bahagi ang sumulpot dahil sa pagkakaiba sa doktrina o pamamahala ng simbahan (halimbawa, Presbiterian, Episcopalian, Congregational). Ang mga pagkakabaha-bahagi ng Sangkakristiyanuhan ay nakakatulad niyaong sa mga relihiyon sa labas ng Sangkakristiyanuhan—maging iyon man ay Budismo, Islam, o Hinduismo. Ano ang ipinayo ni apostol Pablo sa mga unang Kristiyano? “Ngayon ay masidhi kong pinapayuhan kayo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo na kayong lahat ay dapat magsalita nang magkakasuwato, at na hindi dapat na magkaroon ng mga pagkakabaha-bahagi sa gitna ninyo, kundi na kayo ay lubos na magkaisa sa iisang pag-iisip at sa iisang takbo ng kaisipan.”—1 Corinto 1:10; 2 Corinto 13:11.
13, 14. (a) Ano ang kahulugan ng ‘pagiging banal’? (b) Papaano pinananatiling malinis ang tunay na pagsamba?
13 Ano ang ikasiyam na kahilingan para sa relihiyon na sinasang-ayunan ng Diyos? Isang simulain sa Bibliya ang ipinahayag sa Levitico 11:45: “Dapat na patunayan ninyo ang inyong mga sarili na banal, sapagkat ako ay banal.” Inulit ni apostol Pedro ang kahilingang ito nang isulat niya: “Alinsunod sa Isa na Banal na tumawag sa inyo, kayo rin mismo ay magpakabanal sa lahat ng inyong paggawi.”—1 Pedro 1:15.
14 Ano ang ipinahihiwatig ng pangangailangang ito na maging banal? Na ang mga sumasamba kay Jehova ay nararapat na maging malinis sa espirituwal at sa moral. (2 Pedro 3:14) Walang dako para sa mga di-nagsisisi at kusang gumagawa ng pagkakasala, na sa pamamagitan ng kanilang paggawi ay humahamak sa haing pantubos ni Kristo. (Hebreo 6:4-6) Hinihiling ni Jehova na ang Kristiyanong kongregasyon ay panatilihing malinis at banal. Papaano ginagawa ito? Sa isang bahagi ay sa pamamagitan ng hudisyal na paraan ng pagtitiwalag ng mga magpaparumi sa kongregasyon.—1 Corinto 5:9-13.
15, 16. Anu-anong pagbabago ang ginawa ng maraming Kristiyano sa kanilang buhay?
15 Bago mabatid ang Kristiyanong katotohanan, marami ang namuhay nang mahalay, mapagpalayaw, at makasarili. Subalit binago sila ng salita tungkol sa Kristo, at natamo nila ang kapatawaran ukol sa kanilang mga kasalanan. Mariin ang pagkapahayag dito ni Pablo nang isulat niya: “Ano! Hindi ba ninyo alam na ang mga taong di-matuwid ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos? Huwag kayong palíligaw. Hindi ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa idolo, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking iniingatan ukol sa di-likas na mga layunin, ni ang mga lalaking sumisiping sa mga lalaki, ni ang mga magnanakaw, ni ang mga taong sakim, ni ang mga lasenggo, ni ang mga manlalait, ni ang mga mangingikil ang magmamana ng kaharian ng Diyos. At gayunma’y ganiyan ang ilan sa inyo dati. Ngunit nahugasan na kayong malinis.”—1 Corinto 6:9-11.
16 Maliwanag na sinasang-ayunan ni Jehova yaong mga nagsisisi sa kanilang di-maka-Kasulatang paggawi, nagbago, at naging mga tunay na tagasunod ni Kristo at ng kaniyang mga turo. Tunay na iniibig nila ang kanilang kapuwa na gaya sa kanilang sarili at ipinamamalas ito sa maraming paraan, gaya ng pagtitiyaga sa isang ministeryo na nag-aalok ng mensahe ng buhay sa lahat ng makikinig.—2 Timoteo 4:5.
“Ang Katotohanan ay Magpapalaya sa Inyo”
17. Ano ang ikasampung kahilingan sa tunay na pagsamba? Magbigay ng halimbawa.
17 May ikasampung kahilingan si Jehova para sa mga sumasamba sa kaniya sa espiritu at katotohanan—ang dalisay na turo. (Juan 4:23, 24) Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32) Ang katotohanan ng Bibliya ay nagpapalaya sa atin buhat sa mga doktrinang lumalapastangan sa Diyos, gaya ng imortal na kaluluwa, apoy ng impiyerno, at purgatoryo. (Eclesiastes 9:5, 6, 10; Ezekiel 18:4, 20) Pinalalaya tayo nito buhat sa maka-Babilonyang misteryo ng “Kabanal-banalang Trinidad” ng Sangkakristiyanuhan. (Deuteronomio 4:35; 6:4; 1 Corinto 15:27, 28) Ang pagsunod sa katotohanan sa Bibliya ay nagbubunga ng maibigin, mapagmalasakit, mababait, at maawaing mga tao. Ang tunay na Kristiyanismo ay hindi kailanman nagkandili ng mapaghiganti, di-mapagparayang mga ingkisidor, tulad ni Tomás de Torquemada, o ng mga mapagtanim na tagasulsol ng digmaan, tulad ng mga papa na nagtaguyod ng mga Krusada. Gayunman, ang Babilonyang Dakila ay nagluwal ng ganitong uri ng bunga sa buong kasaysayan, sa papaano man buhat sa panahon ni Nimrod hanggang sa ngayon.—Genesis 10:8, 9.
Isang Pangalan na Natatangi
18. (a) Sino ang nakaaabot sa sampung kahilingan sa tunay na pagsamba at papaano? (b) Ano ang dapat gawin ng bawat isa sa atin upang manahin ang pagpapalang nakalaan sa atin?
18 Sino sa ngayon ang talagang tumutupad sa sampung kahilingang ito sa tunay na pagsamba? Sino ang batid at kinikilala ng iba dahil sa kanilang rekord ng katapatan at pagiging mapayapa? Sa buong globo ay kilala ang mga Saksi ni Jehova sa kanilang pagiging “hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 15:19; 17:14, 16; 18:36) Isang karangalan para sa bayan ni Jehova na taglayin ang kaniyang pangalan at maging kaniyang mga Saksi, gaya ni Jesu-Kristo na isang tapat na saksi ng kaniyang Ama. Taglay natin ang banal na pangalang iyan, anupat palaisip sa ating pananagutan na matupad ang kinakatawanan nito. At, bilang kaniyang mga Saksi, ano ngang luwalhating pag-asa ang nakalaan sa atin! Iyon ay ang maging bahagi ng masunurin, nagkakaisang pamilya ng tao, na sumasamba sa Pansansinukob na Soberano sa isang isinauling paraiso rito sa lupa. Upang makamit ang gayong pagpapala, patuloy nating ipakilala nang malinaw ang ating sarili bilang bahagi ng tunay na pagsamba at may pagmamalaking taglayin ang pangalang mga Saksi ni Jehova “sapagkat ang kaniyang mga paghatol ay totoo at matuwid”!—Apocalipsis 19:2; Isaias 43:10-12; Ezekiel 3:11.
[Talababa]
a Ang mga salin ng Bibliya sa ganang sarili ay hindi kinasihan ng Diyos. Ang mga salin, sa pamamagitan ng kanilang pagkakakilanlang katangian, ay maaaring magpaaninaw ng pagkakaiba-iba ng pagkaunawa sa orihinal na mga wika na ginamit sa pagsulat ng Bibliya.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Papaano minamalas ng mga lingkod ni Jehova ang pagkapuksa ng Babilonyang Dakila?
◻ Ano ang mga pangunahing kahilingan sa tunay na pagsamba?
◻ Papaano kayo napalalaya ng katotohanan?
◻ Anong pantanging karangalan ang taglay natin bilang mga Saksi ni Jehova?
[Mga larawan sa pahina 17]
Ipinangangaral at itinuturo ng mga Saksi ni Jehova ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos
[Larawan sa pahina 18]
Ang mga tunay na Kristiyano ay laging nananatiling neutral sa pulitika at mga digmaan ng sanlibutan
[Credit Line]
Airplane: Sa kagandahang-loob ng Ministry of Defense, London