Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Ano ang Magagawa Ko sa mga Maton sa Paaralan?
DATI si Ryan ay nag-aaral sa isang maliit na paaralan sa lalawigan na kung saan walang nababalitang karahasan. Subalit nang siya’y lumipat sa isang malaki-laki at mas matinding high school—di-nagtagal siya ang naging target ng mga maton sa paaralan. Ganito ang sabi ni Ryan: ‘Ang 15-minutong biyahe sa bus ay naging mistulang kalbaryo na waring mga oras ang itinagal habang ang mga tagapagpahirap ko ay gumagawa ng pag-alimura at pananakit sa akin. Kanilang pinilipit ang isang klip ng papel upang maging isang swastika, pinagbaga iyon sa isang lighter ng sigarilyo, at saka dahan-dahang lumapit sa akin at hinerohan nito ang aking kamay. Ako’y walang nagawa kundi umiyak.’
Si Elizabeth ay nakatapos ng pag-aaral mga ilang taon na ngayon. Subalit napapaluha pa rin siya kapag kaniyang nagugunita ang mga araw ng kaniyang pag-aaral. “Ako’y tinging naiiba sa mga ibang bata,” ang sabi niya, “dahil sa ang aking nanay ay may naiibang lahi. Kaya’t mula sa ikalawang grado hanggang sa high school, ako’y laging tinutukso at itinatakwil. Wari ngang may isang samahan ng ‘Ako’y Napopoot kay Elizabeth,’ at maging noong mga huling taon, iniwasan ko ang pagpunta sa mga silid-palikuran ng paaralan upang makaiwas sa mga banta ng mga ibang batang babae na ang ulo ng kanilang mga kaaway ay inilalampaso sa kasilyas. Sa pakiwari ko’y isa akong pangunahing kandidato roon.”
Ang malaking takot sa paaralan ang araw-araw na karanasan ng isang nahihintakutang malaking porsiyento ng mga batang nag-aaral na palaging tumatanggap ng bibigan o nasusulat na mga banta, sila’y tinatakot sa mga silid na pinagtataguan ng kanilang mga gamit, regular na pinagbabantaan upang makunan ng kanilang baong pera—pinupuwersa pa nga upang makipagtalik—ng mga maton sa paaralan.a At kung isa ka sa mga biktima, ito’y isa ngang malaking problema sa iyong buhay na anupa’t hindi mo maipako ang iyong kaisipan sa anupaman! Mabuti naman, mayroon pa ring magagawa! Subalit kailangan mo munang maunawaan ang problema.
Ano’t Nagiging Maton ang Isa?
Ang mga mananaliksik ay karaniwang nagkakaisa na walang sinumang isinisilang na isang maton. “Ang isang maton sa paaralan ay isang biktima sa tahanan,” ang sabi ng sikologong si Nathaniel Floyd. Sa gayon baka ipinapasa ng maton ang masamang trato na dinaranas niya sa tahanan sa iba.—Ihambing ang Eclesiastes 7:7.
Binabanggit naman ng ibang mga eksperto ang “panonood ng labis na karahasan sa telebisyon” at “pagkasaid sa pag-ibig at pangangalaga at totoong malaking kalayaan sa pagkabata” bilang iba pang mga sanhi. Kahit na ang normal na tahimik na mga kabataan ay kung minsan nahihilang maging maton dahilan sa pagnanasang maging bahagi ng isang grupo o mapaalis sa kanila ang pansin.
Larawan ng Isang Biktima
Ano man ang itinuturing na naiiba, tulad baga ng isang kakatuwang katangian o kapintasan ng katawan, o kahit na lamang ang pagiging bago sa isang paraalan, ay maaaring maging sanhi ng pananalakay ng isang maton. Gayunman, isang bagay ang karaniwang makikita sa maraming biktima ng mga maton. Si Elizabeth, na sinipi sa pasimula, ay ganito ang sabi: “Napakadali kong paiyakin, kaya’t agad nasasabi ng iba na ako’y nasaktan o natatakot.”
Itinala ng magasing Parents ang sumusunod na mga katangian na karaniwan sa mga biktima ng mga maton: “pagkabalisa, pagkamahiyain, pagkamaingat, pagkamaramdamin, mababa ang pagpapahalaga-sa-sarili,” at ang “hilig na umiyak o tumakas kapag sinalakay”! (Amin ang italiko.) Hindi, hindi ang mga biktima ang dapat sisihin sa kanilang pagdurusa. Gayunman, ang pagkaalam na ang mga maton ay naaakit sa mga taong walang kaya ay tutulong sa iyo na pakiharapan sila.
Matigas, Hindi Mapusok
Una, huwag matuksong gumanti sa isang maton. Hindi lamang mali ang ‘pagganti ng masama sa masama’ kundi mapapasangkot ka sa gulo na hindi naman dapat, at baka iyon ay magpalubha lamang sa problema. (Roma 12:17) Subalit samantalang di-matalino ang pagiging mapusok, baka ang pagiging matigas ay makatulong. “Sa basta pagsasabi sa maton na siya’y tumigil,” ang mungkahi ng magasing Parents, “na ipinaliliwanag na hindi mo ibig ang ginagawa ng maton, at pagkatapos ay lumakad na palayo, nababawasan ang tsansa na ang biktima’y muling harapin ng maton sa hinaharap.” O gaya ng pagkasabi ng isang sikologo, ‘magmatigas ka sa iyong paninindigan at umalis nang may dangal.’
Ang isa pang paraan (sa isang angkop na panahon at lugar) ay ang sikaping mahinahong makipagkatuwiranan sa maton. ‘Makipagkatuwiranan—sa kaniya?’ marahil ay itatanong mo. Oo, posible na nagkaroon ng kaunting di-pagkakaunawaan sa bahagi niya, na wala kang kamalayan na nakagawa ka ng isang bagay upang siya’y mapikon sa iyo. Sa paano man, ang mahinahong paglapit sa maton at buong giting na pagsasalita ay maghahatid sa kaniya ng mensahe na ayaw mong maging isang walang-kayang biktima niya. Ganito ang paliwanag ni Dr. Kenneth Dodge: “Ang mga maton ay humahanap ng marahang pagtanggap, ng pag-iyak. Ang bata na ayaw tumugon ayon sa ibig ng maton ay malamang na hindi na uling lapitan.” Mainam ang sinasabi ng kawikaan: “Ang pagkatakot sa tao ay nagdadala ng silo.”—Kawikaan 29:25.
Sabihin sa Iyong mga Magulang!
Ano kung ang pamumuwerhisyo ng maton ay hindi tumitigil? Ang mga edukador at mga mananaliksik ay pawang nagkakaisa na ang kailangan ay sabihin mo sa iyong mga magulang ang tungkol sa problema. Totoo, baka isipin mo na hindi maiintindihan iyon ng iyong mga magulang. At baka ikaw ay pinagbabantaan ng lalong masamang trato kung isusumbong mo ang maton. Subalit ang iyong mga magulang ay may karapatan na makaalam ng nangyayari sa iyo sa paaralan, di ba?
Hindi naman ito nangangahulugan na tuwirang makikipag-usap sa maton ang iyong mga magulang. Subalit ikaw ay mabibigyan nila ng pampatibay-loob at sa gayo’y mapalalakas ang iyong nanghihinang pagtitiwala-sa-sarili at pananalig na mamuhay ayon sa maka-Diyos na mga simulain. Mabibigyan ka rin nila ng praktikal na payo. Halimbawa, baka ipayo nila na kausapin mo ang opisyal ng paaralan tungkol sa ginagawang iyon ng maton. Ganito ang mungkahi ng guro ng paaralan na si Gerald Hoff: “Subuking lumapit muna sa guidance counselor, lalo na kung itinataguyod ka ng iyong mga magulang, subalit hangga’t maaari, huwag mong ipaalam sa ibang mga estudyante na gayon ang ginagawa mo. Ang tagapayo ay sinanay kung paano makikipag-usap nang maayos sa maton, subalit sakaling lumala ang problemang iyon, tungkulin niya na ipagbigay-alam iyon sa punong guro.”
Kung minsan ang mga magulang ay nagpapasiyang makipag-usap sa mga opisyal ng paaralan alang-alang sa iyo. Makatuwiran naman, marahil ikaw ay atubili na sila’y makialam sa ganitong paraan. Ganito ang gunita ni Ryan, na nabanggit kanina: “Pinakiusapan ko ang aking inay at itay na huwag silang makialam sapagkat ang ipinangangamba ko ay ang pagkilos ng gang laban sa akin, at umaasa rin naman ako na sa araw-araw ay bubuti ang mga bagay-bagay.” Subalit pagkatapos na mangyari ang panghehero, ang kaniyang ama ay nagpumilit na lumapit sa mga autoridad sa paaralan. Ang resulta? Gumawa ng matatalinong hakbang alang-alang sa kaniya. “Ako’y hindi idinawit ng higit kaysa kinakailangan,” ang naaalaala pa ni Ryan, “gumawa ng istriktong mga kaayusan ng upuan, at ang nagkakasalang mga estudyante ay minatyagan.”
Kung sakaling hindi pa rin dumating ang lunas, ang iyong mga magulang ang makapagpapasiya kung kailangang gumawa ng lalong mahigpit na mga hakbang laban sa maysala.
Mga Paraan ng Pag-iwas
Gayunman, ang pinakamagaling ay iwasan na ikaw ay gambalain. Sa paano? Unang-una, kahit na lamang ang pagiging palabati sa iba sa paglalabas-masok sa klase ay makatutulong upang malimutan ng maton ang hilig niya na lapitan ang sinumang waring mapag-isa. Ang pakikipagkaibigan sa mga guro at sa mga tsuper ng bus, kahit na ang pagngiti-ngiti lamang at masayang pagbati sa kanila, ay malamang na magtulak sa kanila na higit kang pansinin, at ito’y isang proteksiyon na. Subukin mo ring iwasan ang mga oras o ang mga lugar na kung saan malamang mangyari ang gulo.—Kawikaan 22:3.
Sikapin mong maging lalong relaks at may magandang tindig. Ito ay isa ring paraan upang huwag kang gaanong mapansin ng mga maton. Sinasabi ng Bibliya: “Hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng karuwagan, kundi ng kapangyarihan at ng pag-ibig at ng katinuan ng isip.” (2 Timoteo 1:7) Mapatitibay mo ang ganiyang espiritu ng pagtitiwala sa pamamagitan ng pagbubulaybulay sa katotohanang ito: “Kung ang sinuman ay umiibig sa Diyos, ang isang ito ay nakikilala niya.” (1 Corinto 8:3) Sa pagkaalam na batid ng Diyos ang iyong suliranin at talagang may pagmamalasakit sa iyo ay isang malaking tulong upang maharap mo ito.
Nagugunita pa ni Ryan: “Ang dami ng aking nagawang pananalangin habang nangyayari ang lahat ng ito, kaya naman damang-dama ko na ako’y lalong malapit kay Jehova. Lalong lumakas ang pagpipigil ko sa sarili. Higit sa anupaman, natamo ko ang higit na pananampalataya kay Jehova sa kaniyang pagsasabi na ‘hindi niya papayagang ikaw ay tuksuhin nang higit kaysa mababata mo.’” (1 Corinto 10:13) Ikaw man ay matutulungan din ng Diyos na humarap sa iyong mga problema—maging iyon man ay kasinghirap na gaya ng pagharap sa isang duwag na maton.
[Talababa]
a Sa isang pag-aaral, 25 porsiyento ng mga nasa junior high school sa E.U. ang nakatala bilang “mga maton at may marahas na ugali” na kanilang pangunahing ikinababalisa. Sa Gran Britaniya at Kanlurang Alemanya, ang mga edukador ay nagpahayag rin ng pagkabahala na sumulong ang gawain ng mga maton kung tungkol sa dami at katindihan.
[Larawan sa pahina 15]
Ang mga maton ay natutuwang mandahas sa mas maliliit, mas mahihinang mga kalaban
[Larawan sa pahina 16]
Kung ang kalagayang iyon ay hindi mo na kaya, ipagtapat mo iyon sa iyong mga magulang