Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 8/22 p. 25-27
  • Kung Ano ang Dapat Mong Malaman Tungkol sa Kuto

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Ano ang Dapat Mong Malaman Tungkol sa Kuto
  • Gumising!—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Tatlong Klase
  • Gaano Kalaganap ang Problema ng Kuto?
  • Paano Ito Naililipat?
  • Pangangalaga sa Inyong Pamilya
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1990
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1990
  • Sakit na Dala ng Insekto—Isang Lumalalang Problema
    Gumising!—2003
  • Isang Malapitang Pagsisiyasat sa Iyong Buhok
    Gumising!—2001
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 8/22 p. 25-27

Kung Ano ang Dapat Mong Malaman Tungkol sa Kuto

PAGKABIGLA, pagkahiya, at pagkadama ng pagkakasala ang karaniwang reaksiyon ng mga magulang na ang mga anak ay may kuto. “Nakakahiya,” sabi ng isang ina, “dahil nadarama mong inaakala ng mga tao na hindi ka malinis.”

Ngunit may dahilan bang mapahiya kung ang iyong mga kasambahay ay may kuto?

Tatlong Klase

Ang mga kuto ay maliliit, walang pakpak na mga insekto na karaniwang isa hanggang dalawang milimetro ang haba, halos kasinlaki ng butó ng lingá. Ito ay abuhin o kulay kape. Ang dungis sa pangalan na nauugnay sa pagkakaroon nito ay mula sa maling ideya na ang mga tao lamang na hindi nagsasagawa ng personal na kalinisan ang kinukuto. Subalit, sa katunayan, pinipili ng mga kuto ang malinis na kapaligiran, kaya kahit na yaong regular na naliligo ay maaaring magkaroon nito.

Bukod pa sa mga kuto, may dalawa pang klase ng kuto na karaniwan sa tao: ang tuma at kuto sa buhok sa maselang bahagi ng katawan. Ang kuto sa buhok sa maselang bahagi ng katawan, na naililipat sa pamamagitan ng seksuwal na pagtatalik, ay makikita sa magaspang na mga buhok sa dakong ibaba, sa ilalim ng kilikili, sa mga balbas at bigote, at kung minsan sa mga pilik-mata. Ito ay mas maikli at ang hugis ay parang maliit na alimango, kaya ito’y binansagang, garapata.

Ang tuma, di-gaya ng kuto, at hindi tumitira sa mga tao. Tumitira ito sa mga damit at gumagapang sa katawan upang kumain. Ang tuma ay laganap sa mga taong lantad sa siksikan at maruming mga kalagayan. Noon ito ay tagapagdala ng maraming karamdaman, kasali na ang tipus, trangkaso, at binat, subalit ang mga salot na ito ay bihirang ikalat ng mga kuto ngayon.

Gaano Kalaganap ang Problema ng Kuto?

Ang babasahing pangmedisina na Archives of Dermatology ay nagsabi: “Ang pediculosis capitis [pagkakakuto] ay naging malaganap na problema sa Estados Unidos, umaabot sa epidemikong kasukat sa ilang dako.” Tinataya ng mga autoridad sa kalusugan na anim hanggang sampung milyong mga indibiduwal sa Estados Unidos ay apektado taun-taon.

Batay sa mga pag-aaral na isinagawa ng U.S. Centers for Disease Control, maraming estudyanteng sinubok ang may kuto. Sa katunayan, si Propesor David Taplin, ng University of Miami School of Medicine ay nagsasabi: “Sa ibang dako ang nagkakakuto ay kasindami ng 40 porsiyento.”

Gayunman, ang pagkabahala tungkol sa maraming nagkakakuto ay hindi limitado sa Estados Unidos. Ang magasin sa siyensiya na Discover ay nag-uulat: “Mula sa Canada at Chile, mula sa Inglatera, Pransiya, Italya, Silangang Alemanya, ang Sobyet Unyon, pati na sa Australia, ay dumating ang mga ulat tungkol sa pagkakakuto ng 50 porsiyento o mahigit pa ng mga bata sa ilang paaralan.”

Paano Ito Naililipat?

Yamang ang mga kuto ay hindi makalipad o makalukso, ito ay pangunahin nang naililipat sa pamamagitan ng tuwirang pagtabi sa isang taong kutuhin, karaniwang sa pamamagitan ng ulo-sa-ulong pagtatabi. Isinisiwalat ng pananaliksik na isinagawa sa mga silid-aralan sa Pennsylvania na 73 porsiyento ng lahat ng pagkakakuto ay nangyari sa ganitong paraan. Inaakala ng iba na ang bilang ay mas mataas. Si Dennis White, direktor ng Arthropod-Borne Disease Program, Kagawaran ng Kalusugan ng Estado ng New York, ay nagsasabi: “Ang tuwirang pagtabi ang dahilan ng halos 90 porsiyento ng lahat ng pagkakaroon ng kuto.”

Ang ilan pang paraan na ikaw ay maaaring mahawa ng kuto mula sa isang kutuhin ay sa pamamagitan ng paggamit sa gamit ng kutuhin na gaya ng suklay, pang-ipit sa buhok, bandana, sombrero, headband, tuwalya, stereo headphones, swimming cap, o iba pang personal na bagay. Ito’y dahilan sa ang mga kuto ay maaaring mabuhay ng hanggang 20 oras (ang iba ay 48) na malayo sa tinitirhan nito.

Ang isa pang dahilan kung bakit malaganap ngayon ang mga kuto ay sapagkat hindi nilulutas ng maraming magulang ang problema. Si Deborah Altschuler, ehekutibong direktor ng National Pediculosis Association, ay nagsasabi na “ang mga tao ay kadalasang napakaabala upang magbigay ng panahon at gumawa ng pagsisikap na tingnan ang mga lisa [itlog ng kuto] sa buhok ng kanilang mga anak.” Ang malungkot na katotohanan ay na noong 1980’s ang pagkakakuto ay resulta ng kawalang-alam at apatiya.

Pangangalaga sa Inyong Pamilya

Ang pangunahing sintomas ng pagkakakuto ay ang pangangati. Ang kagat ng kuto ay makayayamot sa anit, nagpapangyari ng pangangati at pamumula paminsan-minsan. Maging mapaghinala kung makita mo ang iyong anak na madalas magkamot ng kaniyang ulo. Ang maingat na pagsisiyasat ay nangangailangan ng maliwanag na ilaw at isang lente. Yamang ang kuto ay kumikilos at madaling nakaiiwas mahuli, hanapin ang mga lisa, na nakakabit sa buhok na malapit sa anit. Ang kulay ng lisa ay manilaw-nilaw hanggang kulay kape. Kinilala ng mga dermatologo ang hindi kukulanging 12 kalagayan na karaniwang napagkakamalang pinamumugaran ng lisa. Kaya, gumamit ng lente para sa lubus-lubusang pagsisiyasat ng ulo. Bigyan ng pansin ang paligid ng tainga at ang batok.

Kung masumpungan ang mga kuto o lisa, ang paggamot nito sa pamamagitan ng pantanging shampoo, krema, o losyon (pediculicide o pamatay ng kuto) ay papatay sa mga kuto. Upang hadlangan ang pagkalat nito, ang lahat ng kutuhin ay dapat tumanggap ng paggamot nang sabay-sabay. Kaya suriin ang buong pamilya bago gamutin.

Ang mga pamatay ng kuto ay hindi laging pinapatay ang mga lisa na nakakabit sa buhok. Anumang lisa na manatili ay mapipisa sa loob ng pito hanggang sampung araw, kaya ang pangalawang paggamot na ginagamit ang gamot sa kuto ay baka kailanganin upang patayin ang anumang natitirang kuto. Gayunman, isang babala: Lahat ng gamot sa kuto ay naglalaman ng kaunting pamatay-insekto na kung gagamitin nang di-wasto, ay maaaring magkaroon ng grabeng masamang mga epekto. Kaya nga, maingat na sundin ang mga tagubilin ng tagagawa.

Kung walang mabiling gamot sa kuto sa inyong dako, ang kahaliling paraan ng paggamot ay maaaring gamitin. Inirirekomenda ng maraming autoridad ang pag-aalis ng lisa sa pamamagitan ng suyod. Isa pa, ang aklat-aralin sa medisina na Clinical Dermatology: A Color Guide to Diagnosis and Therapy ay nagmumungkahi: “Ang pagkakadikit ng lisa sa buhok ay maaaring alisin sa pamamagitan ng pagpipiga ng suka sa buhok sa loob ng 15 minuto.”

Mas mabisa pa ang pagkalbo sa ulo. Nasumpungan din ng iba na ang paglalagay ng kaunting gas sa anit sa loob ng 15 hanggang 20 minuto ay papatay kapuwa sa kuto at sa lisa. Gayuman, kailangang maging maingat, yamang ang gas ay maaaring pagmulan ng pangangati, at kung ito ay mapunta sa mata, ito’y masakit. Ang gas ay nakalalason din kung lalanghapin, at maaaring magliyab kung malapit sa apoy.

Mahalaga rin sa paggamot ang higaan, pananamit, at iba pang personal na mga bagay. Hugasan at saka patuyuin ito sa mainit na dryer sa loob ng di kukulangin 20 minuto upang mamatay ang mga kuto pati na ang mga lisa. Gamitin ang vacuum sa paglilinis ng mga kutson, ng apholster na mga muwebles, at ng iba pang gamit na hindi nalalabhan upang alisin ang lahat ng buháy na mga lisa o kuto. Ang paggamot ay isang maabalang paraan, ngunit kailangan ito upang mahadlangan ang pamamalagi ng mga kuto sa inyong pamilya.

Bagaman posibleng mahawaan ka ng mga kuto, mahahadlangan mo ang pagkakaroon nito sa pagsunod sa ilang payak na mga tuntunin. Himukin ang inyong mga anak na huwag maghiraman ng suklay, brush, at iba pang personal na mga bagay na madaling maghatid ng mga kuto. Kung maaari, patulugin ang inyong mga anak sa magkakahiwalay na kama. Itirintas o talian ang mahahabang buhok upang mabawasan ang ulo-sa-ulong pagtatabi. At sa katapusan, kung ang iyong anak ay magkakuto, huwag mataranta. Ang pagkakakuto ay bihirang maging isang grabeng sakit. Napakakaraniwan nito at isa sa pinakaiingatang lihim sa bayan.

[Kahon sa pahina 26]

Isang Matandang Problema

Sinalot na ng kuto ang mga tao sa loob ng libu-libong taon. Ang The Medical Post ng Nobyembre 15, 1988, ay nag-uulat: “Ang mga kuto ay nakitang nakakabit sa buhok ng mga Ehipsiyong momiya, ng sinaunang mga Indyan sa Peru at ng mga Indyan bago pa napatala ang kasaysayan sa timog-kanlurang Amerika.

“Noon gaya rin sa ngayon, ang mga kuto ay walang paggalang sa maharlikang angkan, ranggo o relihiyosong kabanalan.

“Ang mga ito ay masusumpungan na marami sa mga suklay at mga sampol ng buhok mula sa palasyo ni Herod, mula sa sinaunang pamayanan sa paligid ng Masada, at sa mga yungib sa Qumran kung saan natuklasan ang mga balumbon ng Dagat na Patay (Dead Sea scrolls), ang pinakamatandang kilalang munuskrito ng Bibliya.”

Ang mga suyod na ginamit libu-libong taon na ay kapansin-pansing kahawig ng mga ginagamit sa ngayon. Ang mga suyod ay karaniwang yari sa kahoy, subalit may nasumpungan ding mga suklay na garing sa sinaunang palasyo sa Megiddo. Nang ang mga suyod sa mga koleksiyon sa museo ay suriing maingat, ang mga ito ay nasumpungang maraming kuto at lisa.

Si Dr. Kosta Mumcuoglu, ng Hebrew University-Hadassah medical school, ay nagsabi: “Batay sa dami ng mga kuto at mga lisa na nasa mga suklay, maliwanag na ang mga ito ay mabisang pang-alis ng kuto.”

[Larawan sa pahina 27]

Kuto (lubhang pinalaki)

[Credit Line]

Larawan sa kagandahang-loob ng Beecham Products U.S.A.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share