Mula sa Aming mga Mambabasa
Pag-aalimura Sana ho’y pahalagahan ng lahat ng kabataang gaya ko ang mga pakinabang ng pagsasagawa ng mga mungkahi na ginawa sa inyong artikulo tungkol sa pag-aalimura. (Hunyo 8, 1989) Sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya na nakatala roon, ako ngayon ay may mabuting kaugnayan sa aking di-sumasampalatayang mga magulang.
S. C., Italya
Kuto Pinili ko ang “Kuto” bilang paksa para sa isang report sa paaralan at binatay ko po ito sa inyong artikulo. (Agosto 22, 1989) Pagkaraan ng ilang araw, isa sa mga mag-aaral sa aming paaralan ang natuklasang may kuto. Karamihan sa aking mga kaklase ay talagang naniniwala na ang mga kuto ay masusumpungan lamang sa mga taong marurumi. (Gayundin ang akala ko hanggang mabasa ko ang artikulong ito.) Kaya binasa ng guro ang aking report at naiwaksi ang kanilang maling pagkaunawa.
Y. N., Hapón
Astrolohiya Kailanman ay hindi ako naging masyadong interesado sa astrolohiya kung kaya wala akong ganang basahin ang labas ng Gumising! tungkol sa paksang iyon. (Nobyembre 22, 1989) Subalit nang simulan kong basahin ito, nakita ko kung gaano kalakas ang pang-akit ng satanikong paraan ng pag-iisip na ito sa malaking bahagi ng sangkatauhan. Tuwang-tuwa ako sa malinaw na pangangatuwiran at nakadama ako ng tunay na pagpapahalaga sa matalinong unawa na ibinigay nito sa akin.
J. A., New Zealand
Langis Ang artikulong “Ang Inyong Lingkod na Langis—Marahil!” (Nobyembre 22, 1989) ay lubhang kawili-wili at nakapagtuturo. Naibigan ko lalo na ang pagkakasulat nito mula sa punto-de-vista ng isang patak na langis. Ito ay madaling maunawaan at hindi paliguy-ligoy!
J. W., Estados Unidos
Pagtatalo sa Dugo Nabasa ko ang artikulong “Sinikap ng mga Doktor na Kunin ang Aming Anak na Babae” at ako’y napaiyak sa kaligayahan para sa mga Deskins at sa kanilang anak na babae [na nakaiwas na sapilitan salinan ng dugo]. (Oktubre 22, 1989) Ang aking anak na babae, si Dana, ay dumanas ng matinding pagkapaso at kailangang maospital. Bumangon ang isyu tungkol sa dugo. Sa kabila ng aking pagsisikap na tumangging pasalin ng dugo, si Dana ay sapilitang sinalinan ng dugo. Kaya nauunawaan ko kung ano ang nadarama ng mga Deskins noong panahon ng kanilang pagsubok. Sila ay karapat-dapat papurihan sa kanilang pananampalataya sa Diyos na Jehova.
D. C., Estados Unidos
Natuklasan Niya ang “Gumising!” Naghihintay ako para sa aking turno sa isang barberiya nang maghanap ako ng isang magasin upang magpalipas ng oras. Bago ko natalos ito, gumugol na ako ng ilang minuto sa pagbabasa ng isang magasin na tinatawag na Gumising! Talagang nagtaka ako na masumpungan ang aking sarili na lubhang nasasangkot sa mahiwagang kagandahan ng mensaheng nilalaman sa iba’t ibang artikulo nito.
H. P. C., Brazil
Pantanging Pangangailangan Maraming salamat po sa artikulo tungkol sa mga may kapansanan. (Agosto 22, 1989) Mayroon kaming anak na babae na nasa silyang de gulong, at ito ay kumukuha ng maraming panahon upang maghanda para sa mga pulong Kristiyano at upang pumasok at lumabas sa aming kotse sa panahon ng aming bahay-bahay na ministeryo. Nakararating kami sa mga pulong nang nasa panahon at nasisiyahan kaming labis sa espirituwal na pagkain, subalit walang sinuman ang talagang nakababatid kung anong laking pagsisikap ang kinakailangang upang makadalo. Si Jehova ang nagbibigay sa amin ng lakas; kung hindi, hindi namin magagawa ito.
S. A., Estados Unidos