Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 5/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • BANTA NG LANSAKANG TAGGUTOM
  • “HINDI MAAARING MAKIPAGKOMPETENSIYA”
  • BAGONG MGA TUKLAS SA EHERSISYO
  • PAGKALAKI-LAKING MGA LUNGSOD
  • MAGKASALUNGAT
  • ILADONG MAHAHALAGANG BINHI
  • NAKIKIPAGPALIGSAHAN SA LUGAR SA HIMPAPAWID
  • MAPA NG LANGIT
  • PANDISPLEY LAMANG SA MADLA
  • “Ang Lungsod ay Punô ng Pang-aapi”
    Gumising!—1994
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1991
  • Kailangan Mo ba Talagang Mag-ehersisyo?
    Gumising!—2005
  • Mga Huling Araw—Taggutom, Salot, Polusyon—At ang Pangangaral ng Kaharian
    Gumising!—1988
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 5/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

BANTA NG LANSAKANG TAGGUTOM

“Sa Ethiopia mahigit sa 4.5 milyong mga tao, mahigit na apat na beses ng bilang na pinalis ng malaking taggutom ng 1984-85, ang maaaring mamatay sa gutom sa taóng ito kung ang tulong na pagkain ay hindi ilalaan​—at kaagad,” sabi ng magasing Time. “Sa Sudan, kung saan kasindami ng sangkapat ng isang milyong mga tao ang namatay dahil sa gutom noong 1987-88, ang pinakakakila-kilabot na tantiya ay nagpapahiwatig na 3 milyon ang maaari ring mamatay sa kalagitnaan ng dekadang ito.” Ngayon ang banta ng lansakang pagkamatay dahil sa gutom ay hindi lamang masisisi sa tagtuyot, hindi pag-aani ng mga pananim, o iba pang “mga kilos ng kalikasan.” Ang panustos na tulong na mga pagkain ay ipinangako ng mas mayayamang bansa, at ang mga network sa pamamahagi ay tumutulong upang pakilusin ito. Subalit ang mga patakaran sa pulitika at mga digmaan sa apektadong mga bansa ay humahadlang, habang ang mga lider “ay mas masigasig sa pagtatagumpay sa kanilang mga digmaan kaysa pagpapakain sa mga tao na ipinalalagay na ipinakikipagbaka nila,” sabi ng Time. Ang gutom at ang sakit ay maaaring gamitin bilang sandata upang sugpuin ang paghihimagsik.

“HINDI MAAARING MAKIPAGKOMPETENSIYA”

“Sa dalas na ipinalalagay ng marami na nakatatakot, ang mga pastor ng Southern Baptist sa buong [Estados Unidos] ay pinaaalis sa kanilang mga pulpito,” sabi ng The New York Times. Mahigit na 2,100 mga ministro ng Southern Baptist ang pinaalis nitong nakalipas na 18-buwan. Bakit ang 31-porsiyentong pagsulong kung ihahambing sa gayunding yugto noong 1985? “Ang mga ebanghelista sa telebisyon ay naging modelong pastor,” sabi ng klerigong si Bruce Grubbs, na siya mismong nagsasanay sa mga ministro ng Southern Baptist. “Ang lokal na pastor ay inihahambing sa mga predikador sa telebisyon at, mangyari pa, hindi siya kasingguwapo niyaong nasa telebisyon; walang uubra, kahit na ang gusali, ni ang koro. Hindi ka maaaring makipagkompetensiya sa Hollywood.” Ang Southern Baptist ang pinakamalaking denominasyong Protestante sa Estados Unidos, na may 14.8 milyong mga miyembro at 37,800 mga simbahan.

BAGONG MGA TUKLAS SA EHERSISYO

Ipinakikita ng isang bagong walong-taóng pag-aaral na maaaring mabawasan nang lubha kahit na ng regular, katamtamang ehersisyo ang tsansa ng isang tao na mamatay dahil sa sakit sa puso, kanser, at iba pang sanhi. Mahigit na 13,000 lalaki at babae ang sinubok sa pinakamalawak na pag-aaral na kailanma’y nagawa na sumusukat sa kalakasan ng katawan, upang matiyak kung paano nauugnay ang kalakasan ng katawan sa bilang ng mga kamatayan. At sa halip na basta tanggapin ang salita niyaong mga nag-aral kung tungkol sa kanilang pisikal na gawain, ang antas ng kalakasan niyaong sumailalim ng pagsubok ay patuloy na sinukat. Ang mga resulta ay nagpapakitang ang pinakamalaking pakinabang ay dumating sa basta pag-alis sa kategorya na laging nakaupo, sa halip na magsagawa ng mahirap na ehersisyo. “Hindi mo kailangang maging isang mananakbo sa maraton,” sabi ni Dr. Carl Caspersen ng U.S. Centers for Disease Control sa Atlanta, Georgia. “Sa katunayan, marami kang makukuhang pakinabang sa pagiging aktibo nang bahagya. Halimbawa, mula sa laging nakaupo tungo sa paglakad nang mabilis sa loob ng kalahating oras ilang araw sa isang linggo ay magpapababa na lubha sa iyong panganib.”

PAGKALAKI-LAKING MGA LUNGSOD

“Sa buong daigdig, ilang milyong tao sa isang taon ang lumilipat sa mga sentro ng lungsod sa Timog Amerika, Aprika, at Asia,” sabi ng pahayagang Aleman na Der Spiegel. “Ang mga tao sa Mahihirap na Bansa ay nandarayuhan sa kanilang napapangarap na lupang pangako.” Gayunman, iilan lamang ang nakakasumpong ng isa. Palibhasa’y walang trabaho, ang marami ay napipilitang mamuhay sa mga slum at nagiging mga pulubi at mga maglalako upang mabuhay. Kalahati ng mga maninirahan sa Nairobi at Manila ay sinasabing nakatira sa mga slum. Sa Calcutta ito ay 70 porsiyento. Kadalasan, hindi kaya kahit na ng mga maytrabaho ang pabahay dahil sa napakataas na implasyon. Maraming burukrata at mga sundalo, halimbawa, ang nakatira sa mga barung-barong sa Djakarta, Indonesia. Tinatayang sa taóng 2000, 17 sa 20 pinakamalaking lungsod sa daigdig ay matatagpuan sa nagpapaunlad na mga dako sa daigdig, na ang São Paulo at Mexico City ang nangunguna sa listahan na may populasyon ng halos 25 milyon ang bawat isa. At kaakibat ng malalaking lungsod ay ang malalaking problema sa anyo ng krimen, kabulukan, polusyon ng tubig at hangin, at kakulangan ng sanitasyon.

MAGKASALUNGAT

“Tatlong taon na ang nakalipas, nang dalawin ni Papa John Paul II ang Colombia, naantig ang kaniyang damdamin sa mainit at relihiyosong kataimtiman na sumalubong sa kaniya sa Medellín, at nangakong kung sakaling kailangang ilipat-muli ang Vaticano, ililipat niya ito sa lungsod na iyon,” sabi ng Times ng London. Subalit ang Medillín ay lugar din ng ilegal na kalakalan ng droga na sinasabing siyang kumukontrol sa 80 porsiyento ng ilegal na pagbebenta ng cocaine sa daigdig. At dito ang maraming kabataang Katoliko, na regular sa kanilang pagdalo sa Misa at sa relihiyosong pagsamba, ay kumikita bilang upahang mamamatay-tao, pinangyayari ang Medillín na magkaroon ng pinakamataas na bilang ng pagpatay sa kapuwa: 4,000 sa isang taon sa populasyon ng 2.5 milyon. “Pagkatapos isagawa ang pinakikinabangang kontrata, ang mga mamamatay-tao ay kadalasang nagbabayad para sa isang pantanging Misa upang magpasalamat kasabay ng Misa sa libing ng biktima na nagaganap sa ibang dako.” Hindi nila nakikita ang pagsasalungatan sa pagitan ng kanilang mga paniwala at ng kanilang gawain, sabi ng Times.

ILADONG MAHAHALAGANG BINHI

“Isang balak na itinggal ang mga binhi ng pinakamahalagang mga pananim ng daigdig para sa susunod na salinlahi sa laging nagyeyelong Arctic Circle ay isinasagawa na ngayon,” sabi ng magasing New Scientist. Ang plano ay ilagay ang “mga binhi ng pangunahing kailangang pagkain at mga uri na mahalaga sa ekonomiya” ng bawat bansa sa ilalim ng hindi ginagamit na mga hukay sa minahan sa isla ng Spitsbergen, Norway, bilang seguridad laban sa likas na mga sakuna. Tinitiyak ng permanenteng niyebe roon ang temperatura na −3.5° C. Sa ilalim ng plano, isang internasyonal na kasunduan ang magkakaloob sa bawat bansa ng karapatang pumunta sa isla ngunit doon lamang sa kaniyang sariling imbakang yunit. Ang mababang temperatura ay magpapangyari sa mga buto ng mansanas na manatiling nabubuhay sa loob ng 100 taon, ang sebada ng 300 taon, at ang mga buto ng cowpea ng mga 800 taon.

NAKIKIPAGPALIGSAHAN SA LUGAR SA HIMPAPAWID

“Parami nang paraming komersiyal na mga jetliner ang sumasalpok sa mga ibon, at sinasabi ng mga manedyer ng industriya ng airline na ang resultang pinsala sa makina ang siyang dahilan ng lumalaking problema ng mga pag-antala sa paglipad,” sabi ng The Wall Street Journal. “Halos 6% ng mga bungguan sa mga ibon sa buong daigdig ang naging dahilan ng gayong mga emergency na gaya ng di natuloy na paglipad at malabong bisibilidad o pananaw.” Minsan, isang gansa ang sumalpok sa bintanang kinaroroonan ng kapitan ng eruplano at nabulag ang isang mata ng kapitan. Naniniwala ang mga eksperto na ang mga pagbangga sa ibon ay kabilang sa “lubhang hindi minamahalaga at iniuulat na suliraning pangkaligtasan na nakakaharap ng mga airline.” Upang malutas ang suliranin, ang mga paliparan ay karaniwang nagpapaputok ng hindi nakapipinsalang mga aparatong paputok malapit sa kanilang mga patakbuhan ng eruplano o nagpapatugtog ng mga huni ng ibong nahahapis. Subalit hinigitan pa iyan ng Lester B. Pearson na International Airport ng Toronto, ulat ng National Geographic, sa paggamit ng mga ibong falcon upang itaboy ang mga ibon. Ang mga ibong falcon ay “bihirang pumatay subalit nakatatakot at itinataboy ang mga ibon ng mga ilang oras,” sabi nito.

MAPA NG LANGIT

Sang-ayon kay Sarah Law, na sumusulat sa New Scientist, isang mapa ng langit na nagtatala ng 18,819,291 maliliwanag na dako ng liwanag ayon sa posisyon at laki ay nagawa ng mga siyentipiko sa Space Telescope Science Institute sa Baltimore, Maryland, E.U.A. Sa mga ito, sabi ng ulat, “halos 15 milyon ay mga bituin at ang karamihan sa natitira pa ay mga galaksi.” Ito ay 60 ulit na mas malaki kaysa anumang naunang katalogo. Inaasahan na ang gayon kawastong reperensiya ay tutulong upang bawasan ang panahon ng pagmamasid sa mga teleskopyo sa paggawa ritong mas madali para sa mga astronomo na obserbahan ang malabong mga bagay, gaya ng mga brown dwarf. Sa paano man, ang mga bagay na hanggang ika-15 magnitude (4,000 ulit na mas malabo kaysa nakikita ng mata) ay naituro, at ang mga bagay na 250 ulit na mas malabo pa (ika-21 magnitude) ay naitabi sa optical disc. Ang gawain ngayon ay nagpapatuloy upang ilakip sa katalogo sa dakong huli ang mga pagkilos ng bituin.

PANDISPLEY LAMANG SA MADLA

“[Ang estado ng] Bihar [India] ay isang libingan ng mga batong walang pamana,” sabi ng magasing India Today. “Nakukubli ng mga basura at damo, ng nanginginaing mga baka at mga baboy na kumakain ng basura, ang mga batong bantayog na ito ay nagkalat sa Bihar.” Ano ba ang mga ito? Mga pundasyong bato para sa mga proyekto ng pagtatayo na hindi kailanman natuloy. Ang isa ay inilagay noong 1972 ni Gng. Indira Gandhi bilang pundasyon para sa isang tulay sa Chittouni. Ang trabaho ay hindi pa nasisimulan, at ang mga naglalakbay ay napipilitang lumiko mga 100 kilometro sa Nepal. Ang isa pa ay ang punulukang bato para sa mga pabahay sa Patna para sa mga manggagawa sa munisipyo roon. Ngayon, pagkalipas ng 11 taon, ginagamit ito ng mga maybahay na sampayan ng damit. Kung minsan may ilang hilera ng mga bato, yamang ang pagtangkilik ay ibinigay sa iba’t ibang organisasyon subalit “walang nakalaan o ipinahintulot na pondo.” Sa iba namang mga kaso, ang mga pundasyong bato ay inilatag at muling inilatag ng magkasunod na mga ministro ng estado. “Talagang walang ampat ang katakawan ng mga pulitiko ng estado na maisulat ang kanilang mga pangalan sa bato,” sabi ng India Today.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share